“ANO KA ba?” natatawang sabi ni Yvonne kay Travis habang inaalis ang kamay nitong nakahawak at humihila sa kanya. Alam na niya kung saan siya nito balak na dalhin. “Kailangan kong mag-review, loko. May exam ako.” “Aral ka nang aral, nakakalimutan mo na ako,” anito habang patuloy siyang hinihila. Binuksan nito ang pinto ng chemistry laboratory na madalas nilang pinupuntahan at pinapasok siya sa loob. Dahil sa dalas nila roon, alam na nila ang mga araw at oras na bakante iyon. Natawa siya. “Sa mahilig akong mag-aral, eh.” Tuluyan na siyang nakabawi sa mga failing subject niya. Pinagbubutihan na kasi niya ang mga exam niya. Palaging matataas ang mga nakukuha niyang scores sa exam. Hindi lang isang professor niya ang nagulat sa performance niya. Alam niya na sa likod ng isip ng mga ito, ma

