"HINDI kami sasama ng papa mo sa 'yo, Angelique," walang kabuhay-buhay na sabi ni mama habang inaayos nito sa malaking bag ang mga gamit ni papa.
"Ma..." Napatayo ako sa kanyang sinabi. Lumapit ako sa kanya, nag-angat naman siya ng tingin sa akin. "Ma, please..." Pinakiusapan ko siya sa mga tingin ko ngunit masamang tingin lamang ang iginawad niya sa akin, hindi man lang lumambot ang kanyang ekspresyon.
Malalim akong napabuntong hininga at binalingan si papa na natutulog pa rin. Nagpapahinga siya ngayon at maya-maya lang din idi-discharge na rin siya rito sa hospital. Makakauwi na rin kami, ngunit ang balak ko sana ay tuluyan nang sumama sa bahay ni Harold, nang kasama sila para kumpleto kami at mas matutukan ko sila ni papa. Pero ayaw pumayag ni mama sa gusto ko at ang gusto niya ay umuwi sila sa bahay namin.
"Ma, please, intindinhin niyo naman po ako. Ginagawa ko po 'tong lahat para sa inyo ni papa, para sa kinabukasan ninyo—
"Talaga bang nagsarado na 'yang isip mo, Angelique, huh?! May pinag-aralan ka naman, may isip ka, Angelique, pero bakit gumawa ka ng ganitong desisyon sa buhay mo?! Hindi ka ba mabubuhay nang walang karangyaan? Hindi ka naman naghihirap, 'di ba? May naghihintay na trabaho sa 'yo at mas lalong hindi naman kami nagpapa-obliga sa 'yo ng papa mo pero bakit pinili mong sumama sa Harold na 'yan?! Ano, pera na lamang ba ang mahalaga sa 'yo, huh? Angelique, hindi kita pinalaking gan'yan, anak!" kulang na lamang ay sigawan ako ni mama, kung hindi lamang tulog si papa ay baka kanina pa nakataas ang boses niya.
"Ma, hindi niyo po naiintindihan. Lahat po ng ginagawa ko ay para sa inyo ni papa. Nagsakripisyo po ako para sa inyo dahil gusto kong mapabuti kayo—"
"Anong pagsasakripisyo ang sinasabi mo, Angelique? Naging makasarili ka, anak! May nasaktan kang tao! Sinaktan mo si Noah, iniwan mo siya nang gano'n-gano'n na lang para lang matupad 'yang gusto mo, 'yang pangarap na sinasabi mo!"
Napakagat na lamang ako sa labi ko, totoo ang lahat ng sinabi ni mama at nasasaktan ako sa bagay na 'yon.
"Sa lahat ng pagsasakripisyong ginawa mo, 'yan ang napaka-walang kwenta! Ng dahil diyan sa ginawa mo, may taong nasaktan! May taong nahirapan! Mahal na mahal ka ni Noah, anak! Pero anong ginawa mo, iniwan mo lang siya sa ere nang walang paalam!" Ramdam ko ang gigil ni mama, pakiramdam ko nga ay kulang na lang ay sampalin na niya ako buhat ng mga nagawa kong desisyon.
"Sobra akong nadidismaya sa 'yo, anak." Umiling siya at muling itinuon ang atensyon sa pag-aayos ng ginagawa.
Hindi ko na alam pa kung ano ang gagawin ko para magkaayos kami ni mama. Ilang araw na siyang gan'yan sa akin, hindi niya ako gano'n kinikibo, kapag tatanungin ko lamang siya ay doon niya ako kakausapin, doon lamang siya nagsasalita. Hanggang ngayon ay galit pa rin siya sa akin, para ngang ang tampo nito ay lalo pang lumalim at lumaki. Miski nga ay si Harold ay 'di niya gaanong pinapansin. Humihingi na lamang talaga ako ng despensa sa trato ni mama sa kanya, ngunit ang sabi naman niya ay naiintindihan niya at ok lamang daw sa kanya.
At ang isa ko pa ngang problema ngayon ay si papa. Kapag kaya siya naman ang nakaalam nito ay magagalit din kaya siya sa akin? Wala pa rin kasi siyang alam sa mga nangyari, at nagtataka na nga rin siya kung bakit hindi niya nakikita si Noah at ibang lalaki ang aking kasama. Pero siguro ay tulad ni mama, magagalit din siya sa akin, hindi rin siya magiging pabor sa akin at madidisgustuhan din nito ang ginawa ko.
"Hindi ko na po kayo pipilitin, kung 'yan ang gusto niyo ay sige," hindi na ako nakipagtalo pa kay mama, mukhang hindi ko rin naman siya mapipigilan, eh. Papalamigin ko na lamang muna ang sitwasyon namin ngayon hanggang sa maintindihan na nila ako. Sigurado naman akong ngayon lang siya galit, mawawala rin 'yon kalaunan.
SAKAY ng wheelchair ay tulak-tulak ni mama si papa habang si Harold naman ay bitbit ang iba naming mga gamit. Palabas na kami ng hospital, na-discharged na si papa at ihahatid na namin sila pauwi ng bahay.
Nauuna ako sa kanilang maglakad palabas para pagbuksan sila ng pinto ng sasakyan. Ngunit hindi pa man ako nakakalapit sa sasakyan ni Harold sa isang tabi nang makita ko ang lalaking hindi ko inaasahan na makikita ko... si Noah na nasa 'di kalayuan. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Nanlilisik ang mga mata nito. Tila nahigit ko ang hininga ko nang mga sandaling 'yon at hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko.
"Angelique, mag-usap tayo!" matigas na sambit ni Noah nang mabilis na humakbang palapit sa akin. Nagpupuyos siya sa galit at nagtatas baba ang kanyang dibdib. Nang tuluyan na siyang nasa harapan ko ay hinaklit niya ang mga braso ko at masama akong tinignan. "Ngayon din ay paliwanag mo sa akin ang lahat!" pasigaw niyang sinabi.
"N-Noah," I almost whispered. Nanginginig ang labi ko habang binabanggit ang pangalan niya. Takot na takot ako sa itsura niya, ngayon ko lang siya nakitang gano'n kagalit.
"Ano? Bakit hindi kita makapagsalita? Damn it, explain everything, Angelique!" Niyugyog niya ang balikat ko. Sinikap kong ibuka ang bibig ko ngunit hindi ko kaya, masyado akong lunod sa mga titig niyang bumabaon sa dibdib ko.
"Angelique, anong nangyayari ri—" bago pa man matapos ni Harold ang kanyang sasabihin ay marahas na akong binitawan ni Noah na siyang muntik ko pang ikinatumba kung hindi ko lamang nabalanse ang aking katawan, saka nito inambagan ng isang malakas na suntok si Harold.
"Gago kang hayop ka! Damn you! Gago ka! Gago ka!" galit na galit at gigil na gigil na sambit ni Noah habang makailang ulit niyang sinusuntok si Harold sa mukha nito. Hindi naman ako tumunganga lang at lumapit ako sa kanila agad.
"N-Noah, tama na! T-tama na, please!" pakiusap ko rito habang inilalayo siya kay Harold ngunit sadyang malakas siya kung kaya't hindi ako magtagumpay.
"Diyos ko, Noah, hijo, anong ginagawa mo? Tama na!" Mabilis na bumaling ang tingin ko kina mama't papa nang marinig din ang pag-awat nila. Kita ko ang pagnanais ni mama na pigilian si Noah ngunit baka ay masaktan lamang siya bigla kapag makikiawat pa siya kung kaya't nanatili na lamang silang nasa malayo ni papa. Ngunit mas nag-aalala ako para kay papa. Ang kaguluhan sa mukha niya ay bakas na bakas, hindi maintindihan ang nangyayari.
"Security guard, please!" pagtawag ko ng tulong habang pilit pa rin na hinihila si Noah palayo.
"Sinabi ko na sa 'yo noon pa man na layuan mo ang girlfriend ko! Na layuan mo si Angelique, pero gago ka! Gago kang hayop ka—"
"You, f**k you!" mas lalong hindi ko na alam kung paano ko sila paglalayuan sa isa't isa nang gumanti na rin ng suntok si Harold. Nagsuntukan ang dalawa na para bang wala nang katapusan.
Tila ba kahit anong awat at paglayo ko sa kanilang dalawa at ayaw nilang magpa-awat, animong magkakapatayan sila nang dahil lang sa isang bagay. Ang mga tao naman ay nakamasid lang sa gilid, nakisyoso lamang at hindi man lang tumawag ng tulong.
"Ma, ipasok niyo na po si papa sa loob ng sasakyan," utos ko kay mama, wala naman sa sarili siyang tumango.
"Noah, enough, please!" agaw ko sa atensyon ni Noah nang balikan ko sila. Hinihingal ako habang nakatingin sa kanilang dalawa at gano'n din sila, parehong habol ang hininga at puno na ng mantsang dugo ang kanilang mga suot.
"Angelique..." sinubukan niya akong lapitan ngunit mabilis na humarang si Harold sa harapan ko. Ngunit isang ambag muli ng suntok ang iginawad ni Noah sa kanya nang gawin niya 'yon.
"Tama na sabi, Noah, eh!" naiiyak kong pakiusap at buong lakas siyang itinulak palayo saka pumagitna sa kanilang dalawa pagkatapos. Inilagay ko sa likod si Harold upang hindi na niya ito masugod pa.