Ang buong ospital ay tila huminto sa paggalaw nang dumating si Mr. Henry Villacorta.
Malamig ang titig, at kasunod ang dalawang bodyguard na agad nagbukas ng daan papunta sa emergency room.
“Nasaan ang anak ko?” mahina ngunit mabigat ang boses niya yung
Lumapit agad ang doktor, halatang kinakabahan.
“Sir, si Ms. Rish ay nasa critical condition nang dinala rito. Nagkaroon po siya ng matinding tama sa ulo at nabalian ng braso, pero stable na po siya ngayon. Kung hindi lang po siya agad nadala rito, baka…”
“Baka wala na siya,” putol ni Henry, malamig ang boses pero nanginginig ang kamay.
Sandali siyang napatingala, pinipigilan ang luhang gustong kumawala.
“Gusto ko siyang makita. Ngayon.”
Tinuro ng nurse ang cellphone na nakuha sa lugar ng aksidente.
“Sir, ito po ang gamit ni Ms. Rish. Nakita po sa kalsada.”
Kinuha ni Henry ang cellphone.
Sa screen, nakabukas pa rin ang chat pangalan ni Dave.
May ilang mensaheng hindi nabasa, pero sapat na ang nakita niya
“Please, Rish, I’m sorry… I didn’t mean to hurt you. It just happened. Jane is pregnant.”
Natahimik si Henry.
Dahan-dahan niyang inilapag ang cellphone sa gilid ng kama, pero ang mga mata niya’y nagbabaga.
________________________________________
Tahimik ang buong silid.
Sa tabi ng kama, nakaupo si Henry, hawak ang kamay ng anak niyang si Rish, na mahina pa rin at walang malay.
Ang tunog ng monitor ang tanging paalala na humihinga pa ito.
Ang mga mata ni Henry ay namumugto hindi dahil sa pagod, kundi sa bigat ng konsiyensya.
Ngayon lang siya tuluyang nagising sa lahat ng pagkakamaling pilit niyang kinalimutan.
“Anak…” mahina niyang sabi, habang hinahaplos ang kamay ni Rish,
“Kung naririnig mo ako, sana mapatawad mo ’ko.”
Huminga siya nang malalim, nanginginig ang boses.
“Hindi ako naging mabuting asawa. Hindi ako naging mabuting ama.”
Tumingin siya sa kisame, parang may gustong takasan.
“Ang mama mo… kung alam mo lang, Rish. Mahal na mahal ko siya. Pero nasira ko ang lahat.”
Pumatak ang luha sa kanyang pisngi.
“Niloko ko siya. At dahil sa ginawa ko…”
Napaluhod siya sa tabi ng kama, mahigpit na hawak ang kamay ng anak.
“Akala ko kaya kong itago. Akala ko pera, kapangyarihan, at koneksyon ang sagot sa lahat. Pero ngayong nakikita kitang ganito…”
Napahikbi siya.
“Parang binabalik ng tadhana ang lahat ng kasalanan ko. Ginawa ko ring baliw ang nanay mo sa sakit, kagaya ng pagwasak ni Dave sa’yo.”
Tahimik ulit ang silid.
Sa labas, maririnig ang mahina ngunit malinaw na pagpatak ng ulan sa bintana parang luha ng langit na nakikiramay.
Lumapit si Henry at marahang hinaplos ang mukha ni Rish.
“Anak… kung magigising ka, hindi na kita papabayaan. Hindi ko na uulitin ang pagkakamali kong dati. Pangako ’yan, anak. Pangako ni Papa.”
At sa sandaling iyon, parang may milagro.
Bahagyang gumalaw ang daliri ni Rish—mahina, pero malinaw.
Napatigil si Henry, napatingin sa monitor, sabay tumawag ng nurse.
“Dok! Dok, gumagalaw ang kamay ng anak ko!”
Nagmadaling pumasok ang mga nurse at doktor.
Habang sinusuri nila si Rish, tahimik lang si Henry, nanginginig sa pagitan ng takot at pag-asa.
At nang bahagyang dumilat ang mga mata ni Rish,
isang luha ang tuluyang bumagsak sa pisngi ni Henry.
“Anak…” pabulong niyang sabi.
“Salamat. Binigyan mo pa ako ng pagkakataon… para maitama ang lahat.”