Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko bago ko tuluyang pumasok sa loob ng homeroom namin. Dito ang first subject namin ngayong araw. Agad na bumungad sa'kin ang mga early bird ng klase, isa na do'n si Jasmin. Ngumiti 'to sa'kin kaya ngumiti rin ako sa kanya. Naupo ako sa kabilang row kung nasaan siya. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko pagkaupo ko, iniisip ko kung lalapitan ko na ba siya agad o hindi muna. Wala naman kasi kong nabanggit kung kalian kami mag-uusap.
Dahan dahan akong tumingin sa pwesto niya. Bahagya pa kong nagulat nang nagkataong nakatingin din pala siya sa'kin. Tinuro niya 'yong bakanteng row sa dulo, napatingin ako doon at tumango rito. Sabay kaming tumayo sa upuan namin at pumunta sa may dulong row. Pinili pa naming maupo sa may banda dulo, malapit sa pader.
Ngayong magkatabi na kami, parang umatras bigla ang dila ko. Ilang beses akong nag-isip ng mga panimulang sasabihin sa kanya, nag-isip ng mga posibleng scenario pero iba pa rin talaga kapag aktwal na.
"Huwag ka namang kabahan," napatingin ako sa kanya at isang malumanay na ngiti ang binigay niya sa'kin.
"Tungkol saan 'yong gusto mong pag-usapan natin?" Alam kong alam niya kung tungkol saan pero para na rin siguro pormal kaming makapagsimula sa pag-uusap kaya siya nagtanong ng gano'n.
"Tungkol do'n sa tanong mo na kalian ko lang nakita, pati na rin sa picture na sinend mo." Tumango tango ito pero hindi nagsalita, para bang inaantay ang mga susunod kong sasabihin. Kaya naman nagpatuloy ako sa pagsasalita, "Oo, siya 'yong boyfriend ko...noon."
Walang naging pagbabago sa ekspresyon nito, katulad pa rin nang kanina, kalmado pa rin ang dating. "Noon?"
Tumango ako rito, "Oo, nag-break kami no'ng enrollment natin."
"Ah, naku, sorry."
Umiling ako sa sinabi nito, "Ano ka ba, bakit ka nagso-sorry? Wala 'yon, matagal na naman 'yon."
"Naka move on ka na?" natigilan ako sa tanong nito.
Napatanong ako sa sarili ko. Naka move on ka na nga ba?
"Hindi mo kailangan saguting 'yong tanong ko. Pasensya ka na, nag-aalala ka yata dahil sa chat ko sa'yo noon. Huwag kang mag-alala wala naman akong sinabihan noon."
"Salamat," para naman akong nabunutan ng tinik sa dibdib sa sinabi niya. "Pero paano mo nga pala nalaman na siya 'yon?" Iyong mga picture naman kasi namin ni Orlando sa account ko hindi naman kita ang mukha niya. Madalas kasi nakasuot siya ng cap o hoodie sa mga picture namin, tapos ang mga pose pa niya 'yong natatakpan ang baba hanggang ilong.
"Noong valentine's day, nakita ko siya sa tapat ng building natin may dalang malaking teddy bear at bouquet. Ang tagal niya kasi noon sa tapat natin kaya medyo natitigan ko mukha niya. Tapos bigla kang dumating kaya naisip ko noon na siguro boyfriend mo."
"Ikaw lang ba nakakitang kaklase natin noon?" tanong ko rito.
"Alam ko may iba ring nakakitang kaklas natin pero dinaanan lang siya. Sila Enah naman kasama ko noon kaso hindi naman nila matandaan na siya 'yon. Hindi ko na rin pinaalala."
Napatango tango ako sa sinabi nito. Buti na lang at hindi natandaan no'ng iba, pero ibang klase rin talaga ang memorya nitong taong 'to. Dean's lister talaga.
"Ibig bang sabihin, no'ng pagkakita mo sa kanya noong unang araw ng klase natin sa kanya, nakilala mo siya agad?"
"Hindi naman. Noong una, pakiramdam ko kilala ko siya pero hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita. Naalala ko lang nang tumayo siya noon sa may tapat mo. Napansin ko kasing namutla ka talaga no'n, tapos ayun parang light bulb na biglang umilaw sa'kin."
"Ah..." iyon na lang nasagot ko sa kanya. May pagka-observant din siya 'no?
Napatingin ako sa kamay niyang humawak sa braso ko. "Huwag kang mag-alala, wala naman akong balak pagsabihan noon. Na-curious lang talaga ko noon kaya tinanong kita. Pasensya ka na kung medyo naging chismosa ko."
Bahagya akong natawa rito, "Ang ganda mo namang chismosa." Pagbibiro ko rito. "Ang totoo niyan, medyo kinabahan talaga ko. Iniisip ko kasi kung ano'ng posibleng mangyari kung may nakakataas na makaalam."
"Tingin ko naman wala na silang dapat pang gawin. Natapos naman na ang relasyon niyo bago pa natin siya naging prof." Tumingin 'to sa'kin, "Alam mo bang magiging prof natin siya? Iyon ba dahilan kaya kayo nag-break?"
"Hindi ko alam na magiging prof natin siya." Hindi ko sinagot ang pangalawang tanong niya kasi hindi ko rin naman alam ang isasagot.
Matapos noon may ilan pa kaming napag-usapan tungkol pa rin sa topic na 'yon. Hindi naman siya nagtanong ng mga detalye sa mismong relasyon namin. Para ngang follow up questions lang no'ng mga napag-usapan naming 'yong mga kasunod na tanong.
Nagpaalam lang kami sa isa't isa nang dumating ang isa sa mga kabarkada niya. Dahil hindi naman talaga kami malapit na dalawa ni Jasmin, siguradong magtataka ito kung bakit kami nag-uusap. Pinalabas namin na nagtatanong lang ako tungkol sa isa naming subject. Mahirap na, baka kasi ma-curious kung bakit, mahalungkat pa ang totoong dahilan ng pag-uusap namin.
Bumalik na ko sa upuan ko, sa totoo lang gumaan ang pakiramdam ko matapos naming mag-usap. Panghahawakan ko ang mga sinabi niya. Maganda ang reputasyon niya sa section namin, tingin ko naman hindi siya sisira sa mga sinabi niya.
Napainat ako nang matapos ang huli naming klase ngayong araw. Ipinaikot ko pa ang ulo ko nang pakiramdam ko ay nangalay ito sa tagal nang pagkakayuko ko kanina. Sa wakas, uwian na. Inilabas ko ang cellphone ko para tignan kung nagtext si kuya Jar o si kuya Trav.
"Nandya'n na ba sundo mo?" tumingin ako kay Jade. Umiling ako rito.
"Wala pa naman. 'Di ba nga isang oras matapos ang klase natin na nila ko sinusundo?" sagot ko rito at muling itinago ang cellphone ko, wala pa naman kasi silang text.
Noong unang linggo nang pagpasok ko nang maayos, talagang mahigpit ang paghatid at sundo nila sa'kin, on time talaga. Nabago lang 'yon nitong pumasok na ang August. On time pa rin syempre ang paghatid kasi bawal akong ma-late, pero isang oras matapos ang uwian tsaka lang nila ko sinusundo. Para naman daw makabawi ako sa paggala kasama ng mga kaibigan ko. Minsan, sinabihan ko na lang sila kung ano'ng oras ako susunduin. Katulad na lang kahapon, sinabihan ko si kuya Jar na late na kong sunduin kasi dumaan pa kami ng mall.
Sa totoo lang, gusto ko na nga sana silang patigilin sa paghatid sundo sa'kin kaso kasi ayaw ni kuya Jar. Kapag siya ang hindi pumayag wala kaming magawa ni kuya Trav, iba ang authority no'n 'e. Naawa rin kasi ko sa kanila, hindi naman kasi fix ang class schedule ko kaya sila ang nag-aadjust para sa'kin. Tingin ko nga naapektuhan ko na rin mga trabaho nila.
Epekto talaga 'to ng pagiging immature mo no'ng nakaraan, Lhia.
Tantanan na nga ang gano'ng pag-iisip. Hindi ko naman tinuloy.
"Pwede ba tayong kumain sa HEPA zone?" napatingin ako kay Anne sa sinab niya.
"Aba, nag-aya ka yata ngayon doon. Akala ko ba ayaw mo na do'n?" bukod kasi sa unhealthy talaga siya—kaya nga HEPA zone—ang dami niya ring memories doon na iniiwasan na niyang balikan pa.
"Nakakamiss kasi ang proben tsaka 'yong kwek kwek," pagsagot naman nito.
"Oo nga, pati fishball at kikiam. Isama ko na rin 'yong turong saging at turong munggo," biglang pagsang-ayon ni Shei. Bakit feeling ko naglalaway siya habang sinasabi 'yon? O baka imagination ko lang?
Marahan naman akong sinundot ni Jade sa may braso, "Hayaan mo na, minsan lang mag-crave 'yan. Tsaka ang tagal na rin talaga no'ng huli nating kain doo. Hindi ko na nga matandaan."
"Oo na po, hindi naman ako kumontra. Sabi ko nga, halika na," pag-aaya ko sa mga ito at tumayo na agad ako.
Habang naglalakad at napaiwas kami sa isang nakabukas na pinto ng isang classroom. Ang pintuan kasi dito palabas ang bukas. Kung bigla ngang bubuksan ng nasa loob at naglalakad ka malapit sa mismong classroom, tatamaan ka talaga.
"Naiirita talaga ko sa pinto rito," hindi ko mapigilang komento habang magkasabay kaming naglalakd ni Anne. Nasa may likuran naman namin sila Jade at Shei.
"Ay! Sir!" napukaw nang pagtawag ni Shei ang atensyon namin ni Anne. Kahit hindi kami ang tinawag nito ay pareho kaming napalingon sa likod namin kung nasaan siya.
Isang gray na tela ang sumalubong sa mga mata ko, kasabay noon ay ang pagtunog ng isang bagay na tumama sa kung saang matigas. Napatingala ako sa taong nakasuot ng gray uniform na nasa harapan ko. Hindi 'to nakatingin sa'kin, sinundan ko ng tingin ang braso nitong nakaunat sa may ibabaw ng kanang balikat ko, para bang may hinahawakan sa may likuran ko. Tinignan ko kung ano ang hinawakan nito sa may likod ko at nakita ko ang puting pintuan na sobrang lapit na sa'kin. Nakalapat ang kamay ni Sir Van dito, para bang pinipigilan ito.
Gumalaw papalayo sa'kin 'yong pintuan, 'yon bang parang pasara na ulit siya. Sa unti unti nitong pagsara, isang tao ang lumitaw mula sa kabilang bahagi nito. Para kong nabato nang matitigan ko ang mukha niya.
Ah. Ang tagal ko ring hindi natitigan ang mukhang ito.
Orlando.
Napatitig ako sa mga nanlalaki nitong singkit na mata na direktang nakatingin sa'kin. "Did I hit you?"
Hindi ko agad naintindihan ang sinabi nito. Ilang beses akong napakurap kurap sa tanong niya. Naintindihan ko lang ang nangyari nang magsalita si Sir Van na nasa likuran ko.
"Almost. You should be careful opening the door." Naramdaman ko ang pagpatanong ng isang kamay niya sa kaliwang balikat ko. Napatingin ako sa kamay niyang ito. Ito rin 'yong ginamit niya kanina no'ng pinigilan niya kong matamaan no'ng pinto.
"I'm sorry." Nabalik ang tingin ko kay Orlando na nakatitig sa'kin.
"I'm fine." Pagsagot ko rito habang nakatitig pa rin sa kanya.
Ilang segundo rin kaming nakatitig sa isa't isa. Hindi ko alam kung bakit pero parang ang warm ng pakiramdam ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko parang may nabuo sa bandang dibdib ko ngayong magkaharap kami, at nakatitig sa mata ng isa't isa. Hindi ko alam kung bakit pero parang nawala ang mga masasakit na alaala. Para bang walang nangyaring masakit sa pagitan namin.
Ngayon biglang pumasok sa isip ko, nasaktan man ako ng taong kaharap ko ngayon, pero napasaya niya rin naman ako. Iyong mga tawanan namin sa mga simpleng bagay, mga asarang nauuwi minsan sa tawanan, minsan naman sa pikunan. Hindi siya naging masamang tao sa'kin, isa siyang mabuting tao. At higit sa lahat, pinaramdam niya sakin ang pagmamahal niya. Kaya nga minahal ko siya.
Hindi ko alam kung dahil lang ba sa pag-ihip ng hangin pero nagsimulang magtubig ang mga mata ko. Ang sarap balikan ng mga memorya ko kasama siya. Bakit piniling isipin lang 'yong malungkot at masakit na pangyayari?
"Lhia," pagtawag niya sa pangalan ko. Ha...nakakamiss pakinggan, ang pagtawag sa'kin ng taong nagmahal sa'kin.
"Thank you," hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa isip ko at nasabi ko 'yon.
Para naman akong natauhan nang marinig ko ang boses ng mga estudyanteng papalabas galing sa pintuang nilabasan ni Orlando. Agad akong napaiwas ng tingin.
Nabaling ang atensyon ko kay Sir Van nang maramdaman ko ang marahan niyang pagpisil sa balikat ko. Nawala sa isip kong nandito pa nga pala siya. Napatingin ako sa mga kaibigan kong nasa likuran namin. Tahimik na nakamasid ang mga ito.
Ngumiti ako sa kanila, "Halika na? Nakaharang tayo sa daan." Pagkasabi ko noon ay kumawala ako sa pagkakahawak sa'kin ni Sir Van. Nilagpasan ko rin si Orland na ramdam kong nakatingin sa'kin.
Habang naglalakad papalayo, hindi ko maipaliwanag 'yong pakiramdam na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam basta parang biglang gumaan na lang ang katawan ko, ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko para bang isa akong bagong tao kahit na wala namang nagbago sa'kin? Weird. Ano ba ang tawag sa pakiramdam na 'to?