"Ano?!" "Ma'am, nawawala po si Divine. Hinalughog na po namin ang buong bahay pero hindi po namin siya mahanap," taranta at umiiyak na paliwanag ng yaya ni Divine sa kabilang linya. Dumiretso sa sasakyan si Amanda, hindi na niya kailangang tawagin si Lily dahil nakasunod din ito sa kaniya. "Uuwi na po ba tayo, Ma'am?" tanong ng Driver sa kaniya. Tango lang ang kaniyang sagot. Nanginginig ang katawan niya. Hindi makapagsalita at hindi din makaiyak sa labis na pag-aalala sa kaniyang anak. "Ano'ng nangyari?" tanong ni Lily. "N-Nawawala daw si D-Divine..." "Oh my God!" Ang unang pumasok sa isipan ni Lily ay ang nangyari noon kay Rehan. Sunod ay ang nakakaawang sinapit ni Camila. Hindi na lang niya ito sinatinig dahil hindi ito makatutulong sa sitwasyon. "Pakibilisan po, Manong!"

