Episode1

1325 Words
SHINE POV Hais’t, nakakapagod talaga ang araw na ito, ramdam ko ang pagod sa katawan at isip, pero syempre, laban lang, hindi pwedeng panghinaan ng loob. Kaya pa naman, at sa kabila ng lahat, iniisip ko.Nakaya ko pa ring lumuwas mula sa probinsya papunta dito sa Maynila pagkatapos kong matapos ang third year high school. Tama ang narinig ninyo, hindi ko natapos ang pag-aaral ko sa aming probinsya, isang masakit na karanasan na talaga namang iniyakan ko, lalo na’t hindi lang kawalan ng pera ang naging problema namin, kundi pati na rin ang mga paniniwala ng matatanda doon. Alam nyo naman ang kasabihan ng mga matatanda , “Wag ka nang mag-aral, mag-aasawa ka rin naman,” lalo na kung babae ka—napakasaklap isipin na ganun ang pananaw nila sa buhay, parang wala kang karapatang mangarap. Pero dahil sa likas akong nangangarap at may katigasan ng ulo, hindi ako sumuko. Umalis ako sa amin at nakipagsapalaran dito sa Maynila, hindi alam ang magiging kinabukasan. Namasukan ako bilang kasambahay sa isang napakayaman at kilalang pamilya dito. Buti na lang, ipinakilala ako dito ng isa naming kakilala sa probinsya, kaya nakuha ko ang trabaho. Masasabi ko na kahit mahirap ang sitwasyon ko, maswerte pa rin ako dahil mababait at respetadong tao ang mga amo ko. Hindi lang basta kasambahay ang tingin nila sa akin; para talaga akong naging pangalawang anak sa kanila. May nag-iisang anak na lalaki ang mag-asawang Buenavista, at dahil sa kabaitan nila, pinapaaral din nila ako. Hehehe, malapit kaming magkaibigan ng anak nila, si Jiro Buenavista, na talagang napakabait at mabait makisama. Dahil may sarili silang paaralan, dun kami nag-aaral ni Jiro, mas lalo pa akong nagkaroon ng pag-asa na matupad ang pangarap ko. Bukod sa kabaitan ng mag-asawang Buenavista, marami rin silang natutulungan sa paligid, at buti na lang, nagmana sa kanilang kabutihan ang anak nilang si Jiro. Si Jiro ay may maaliwalas at maamong mukha, kaakit-akit ang itsura na agad na nakakahatak ng pansin ng kahit sino. Siya ay matangkad, may proporsyonadong pangangatawan, lalo pang pinapaganda ang tindig ng makinis at may kaputiang balat. Hugis itlog ang mukha, tuwid at prominenteng ilong, at mapupungay na mga mata na punong-puno ng lambing, kumpiyansa, at pagiging magiliw. Katamtaman ang kapal ng mga kilay niya, at balanse ang hugis ng kanyang mga labi, kaya’t tunay siyang eye-catcher—o 'di ba, napapasobra na yata ako sa pagmuni-muni! Sige na, balik trabaho na at kailangan pa naming pumasok bukas. Hindi talaga madali maglinis ng mansion, lalo na't ang laki laki nito—kahit pa anim kaming kasambahay, ako pa ang pinakabata, nakakaramdam pa rin ako ng hiya kung hindi ako gumagalaw ng maayos. Halos libre na ang lahat para sa akin, may sahod pa nga, kaya naman dapat talagang sipagan at galingan ko ang trabaho. Ayoko din naman na may masabi ang mga tao sa paligid—gusto ko mapatunayan na kahit bata ako, kaya ko rin. Ngayon, naglilinis ako sa mga silid nila, kahit sa totoo lang ay malinis na talaga ang mga iyon—gusto ko lang masiguradong maayos ang lahat. Linggo ngayon kaya wala ang mag-anak, sila ay nagse-celebrate ng family day. Kami lang na mga kasambahay ang naiwan. Kahit gusto nila akong isama, mahigpit kong tinanggihan ang alok nila kasi pakiramdam ko, hindi talaga ako miyembro ng pamilya—katulong lang ako. May narinig akong tawag, "Shine, ineng aba nasaan ka bang bata ka?" sigaw ni Manang Ines. "Manang, andito po ako sa library, may iuutos po ba kayo?" tanong ko naman. "Aba, anong oras na ba iha at di ka pa bumababa? Baka nakakalimutan mo, hindi pa tayo nananghalian," sabi ni Manang habang nakapamewang, ako namay kamot-pisngi na lang, lalo at totoo, nakalimutan ko nang kumain ng pananghalian. Nakalimutan ko rin kasi na may mga kasama pala akong dapat sabay-sabay kung kumain—ayaw nila ng paisa-isa; mas gusto nila ang sama-samang salo-salo sa hapag dahil malungkot daw kung mag-isa. "Hehehe, naku sorry po Manang, totoo pong nakalimutan ko. Kung di nyo ko tinawag, baka tuloy-tuloy lang ako sa trabaho. hinahabol ko kasi ang oras habang wala sila Mam at Sir, pati si Jiro, alam nyo naman halos ayaw akong utusan ng mga yun. Ayoko po kasi ng ganun, lalo at pakiramdam ko, lalong lalaki ang utang na loob ko sa kanila—pinag-aaral na nga nila ko," mahaba kong paliwanag, na sinang-ayunan naman ni Manang. "O, sige, nauunawaan kita, pero halina na at kumain muna tayo. Mas masama kung malipasan ka jan ng gutom," wika ni Manang sakin. "Sumunod ka na, ha?" dagdag pa nito bago ako talikuran. "Oho, susunod na ho," tugon ko at iniwan ko na muna ang aking ginagawa, tumuloy na sa kusina kung saan naroon ang mga kasama ko—sina Ate May, Ann, Joy, si Manang Ines, at ang aming hardinero na si Kuya Daniel. Ang driver ng pamilya, si Mang Anton, na asawa naman ni Manang Ines, ay kasama ng mga amo namin sa lakad nila. "Pasensya na kayo mga Ate, nakalimutan ko talaga yung oras ng pananghalian natin," sabi ko sa kanila. "Hay naku, sobrang sipag, ha! Baka yumaman ka niyan, tapos iwan mo na kami," biro ni Ate May, napangiti lahat kami. "Naku, anong yaman, baka yabang, imposible yun Ate! Kayod kalabaw pa rin ako," sagot ko. "Iha, walang imposible, tandaan mo yan—medyo mahirap nga sa simula pero kung ikaw ay may pangarap at pursigido, maniwala ka, malayo ang mararating mo. Samahan mo din ng pananalig sa Diyos, sabi nga nila, pag may itinanim, may aanihin. Sige na, kumain na tayo," ani ni Manang Ines. "Tama!" sagot ng mga kasama. "Hahaha, halatang gutom na lahat," biro ko. "Aba, Inday, alam mo ba anong oras na? Ala una na, nakakahiya naman kasi sayo eh, parang di ka nagugutom," biro ni Joy. "Ang sarap ng sinigang na hipon, luto mo ba ‘to, Ate Joy?" tanong ko. "Aba, inuuto mo lang yata ako eh," sagot niya. "Hindi ate, nagsasabi talaga ako ng totoo, masarap ka talaga magluto," dagdag ko pa. "Oo na, naniniwala naman ako sayo," pag sang-ayon niya. Natapos namin ang pananghalian, saglit kaming nagpahinga matapos maligpit ang mga nagamit. Habang nagpapahinga kami, bigla akong tinanong ni Ate May, "Shine, maiba ako, kelan ka uuwi sa probinsya nyo? Tatlong taon na ang nakalipas, ni hindi ka man lang nag-day off o umuwi, masama pa rin ba ang loob mo sa pamilya mo?" Naku, patay, bakit niya pa naalala yun, sana walang magtanong. Hindi ko talaga gustong maungkat pa dahil totoo, masama pa rin ang loob ko sa amin—sa halip kasi na tinulungan nila akong makaangat at tuparin ang mga pangarap ko, sila pa ang unang bumitaw at hindi naniwala. Ang nasa isip nila, wala akong mararating, babae lang, pangbahay lang daw. Pero kung makahingi ng padala, halos buwan-buwan, minsan hahanapan ka pa ng padala, tapos isusumbat pa kung paano ka nila pinalaki. Kaya natuto na akong magtiis—tatlong taon na akong di umuuwi, at hindi rin nila alam na nag-aaral ako, hindi ko pinaalam; gusto ko kasi na may narating muna ako bago nila malaman ang lahat. Maagang namatay ang mga magulang ko—namatay sila ng may sama ng loob sa lolo at lola ko. May dalawa akong kapatid na lalaki, sina Josh at John, parehong nasa elementarya pa, at sila ang dahilan kung bakit kailangan kong magpadala palagi. "Huy, ano na, natulala ka diyan, tinatanong lang naman kita kung kelan mo balak umuwi," untag ni Ate May sakin. "Ahm, hehehe, wala pa kong balak Ate, sayang kasi ang pamasahe, baka ipapadala ko na lang imbes na gamitin sa biyahe," sagot ko, para matapos na ang usapan at walang maungkat pa. "Asus, umiiwas ka lang yata, o sige na nga at may gagawin din ako," sagot niya, ako naman, hindi na umimik at nagpatuloy sa gawain—baka dumating na ang mga amo namin at kelangan ko nang bumalik sa library para matapos ang dapat tapusin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD