"Nay, alis na po ako," paalam niya sa kanyang ina na nakahiga pa sa kanilang higaang papag na gawang kawayan. Tanging banig lamang at makapal na kumot ang nakasaplot sa papag. Alam niyang hirap ang kanyang ina doon ngunit wala naman siyang magawa para paginhawain kahit pagtulog man lamang nito. Nasira kasi ang kutson nilang luma dahil nabasa ng ulan. Hindi pa niya magawang makabili dahil tama lamang sa pangangailangan nila araw-araw ang kinikita niya. Minsan oa nga ay kulang. "May naluto na po ako, Nay. Natatakpan po sa lamesa," bilin niya rito.Hindi ito sumabay sa kanya sa agahan dahil mas ginusto nitong mahiga kanina.
"Mag-ingat ka," paalala nito at pinilit bumangon para sana ihatid siya sa may pinto. Bigla naman itong inubo kaya muling napasilip si Maid sa kuwartong kinalalagyan ng kanyang ina. Nilukuban siya ng habag nang makita ito sa kalagayan.
Agad siyang tumungo sa kusina para kumuha ng isang basong tubig at agad na inabot ito sa ina na hindi pa rin nilulubayan ng ubo.
"Nay, okay lang kayo?"Hinagod niya ang likod ng kanyang ina na agad naman napatigil sa pag-ubo nang makainom na ng tubig.
Binalingan siya nito ng tingin. "Hala, umalis ka na anak, baka ma-late ka pa." Imbes na sagutin siya ay utos nito.
Tila ayaw iwanan ni Maid ang ina, ngunit kinailangan niyang umalis na dahil may test sila ngayon. Doon niya binabawi ang grades lalo na sa mga absent niya sa mga panahong kinakailangan siya ng ina o kaya ay kailangan niyang maghanap buhay para may makain sila.
Umalis siyang nag-aalala ngunit mas nag-focus muna siya sa exam niya para makagraduate na at para na rin makapagkolehiyo. Iyon ang tanging paraan upang makaahon sila, ang makapagtapos.
Wala siyang inaksayang oras. Ginugol niya ang bakanteng oras sa pagre-review bago ang oras ng kanilang final exam. Huling buwan na rin ng huling taon nila sa highschool.
"Maid, ano na?" ani ng isang babaeng maliit at chubby. Malawak ang ngiti sa mukha habang may hawak na chitchirya.
Inirapan niya si Jenny na bigla na lang sumusulpot sa harapan niya at nanggugulat. Kasalukuyan siyang nakaupo sa may malaking puno ng acacia. Ang malalaking ugat nito ang ginawa niyang upuan. Malayo iyon sa lahat.
"Magtigil ka nga, Jenny..." saway niya sa kaibigan nang abutan siya nito ng kinakain na chitchirya. Balak pa talaga siyang subuan.
"Seryoso naman nito! Huwag masyadong serious, Maid at baka mabuwang ka sa sobrang katalinuhan!" sita naman nito sa kanya at winagayway ang pagkain sa kanyang mukha. "Kain at relax din kapag may time..."
Inirapan niya si Jenny. Ito lamang ang masasabi niyang kaibigan niya sa mga panahong hirap na hirap siya. Ito ang pumupunta sa bahay nila kapag absent siya para ibigay ang notes na kinakailangan niya para sa mga susunod na aralin. Mabait naman ito ngunit may ugaling 'marites' at super taklesa nito na minsan ay kinaiinisan niya.
"Kailangan kong grumadweyt na may honor, Jenny. Kailangan ko iyon para sa scholarship at para na rin makapagkolehiyo ako. Kung hindi, paano ko iaahon si Inay sa hirap? Paano ako aahon sa kung anong putikan nasaan kami ngayon?"
Hindi niya gustong maging emosyonal pero nang dumaan sa kanyang isipan ang itsura ng ina kanina ay talagang dinudurog ang puso niya. Kailangan niyang makagawa ng paraan para kahit papaano ay maiahon niya ang ina sa kahirapan. Maipagamot na rin ito. Mabayaran man lamang niya ang mga sakripisyo nito simula nang mawala ang padre ng kanilang pamilya. Alam niyang suntok sa buwan ang pangarap niya ngunit, kakayanin niya. Kakayanin niya para sa ina.
"Ito naman!" Nakangusong ika ni Jenny. "Sorry na. Gusto lang naman kitang makitang masaya. Sige na, iwanan na muna kita para makapag-review kang maigi," ika nitong may inilapag sa mga librong nasa tabi niya.
Tumahimik na lamang siya at hindi na nagsalita. Nang mawala na ito sa kanyang paningin ay napalingon siya sa mga libro niyang nasa gilid. Nakita niya ang isang bar ng tsokolate. Mapait siyang napangiti. Na-guilty tuloy siya dahil sa inasal niya sa harapan ni Jenny. Babawi na lamang siya dito sa susunod. Sa ngayon, gusto niyang mag-focus muna.
Mas idinukdok ang sarili sa pagre-review. Mahalaga talaga sa kanya na makakuha ng mataas na grado para sa hinahabol na scholarship. Doon lamang siya umaasa para sa kinabukasan nila.
Dumating ang klase nila at tahimik ang lahat nang ipasa na sa kanila ng kanilang guro ang test papers. Kanya-kanya silang focus para sagutan ang mga iyon. Siya? tahimik at ang mga mata ay tutok na tutok at iniintindi nang mabuti ang mga tanong. Final exam at huling subject na nila iyon.
"I'm done!"
Makalipas ng halos tatlumpo't minuto ay deklara ng isa sa kaklase niya. Si Marie na anak ng isa sa mga guro sa paaralang iyon. At ang gurong iyon ay ang mismong adviser nila. At para maiwasan ang usap-usapan ay ibang guro ang nagbigay ng finals nila.
Si Marie ay isa rin sa katunggali niya sa pagiging una sa buong klase nila. Matalino rin talaga ito ngunit hindi maiwasan na magkaroon ng kontrobersiya lalo at anak nga ito ng mismo nilang adviser.
Hindi pinansin ni Maid ang mabilis na pagkatapos ng test ni Marie at nagpatuloy lamang siya sa pagsagot. Nakapasa na ang halos kalahati ng kanyang mga kaklase ay nire-review pa niyang maigi ang kanyang sagot.
"Pass your papers. Malapit na matapos ang palugit ninyo sa pagsagot," ika ng kanilang guro na si Miss Ocampo.
Bago magpasyang i-submit ang kanyang test paper ay huminga muna ng malalim si Maid. Pumikit at dinasalan ang test paper bago tumayo. Sure naman siya sa kanyang mga sagot ngunit mas maigi ng manigurado.
"Salamat, Ma'am," saad niya nang abutin ng kanilang guro ang kanyang papel. Tumalikod na siya upang umalis.
"Magentha," tawag sa kanya ng kanyang guro nang akma na siyang lalayo. Muli siyang napatigil mula sa paglabas. Lumingon siya rito kalaunan at lumapit sa mesa nito. "Kailan ka magbabayad para sa graduation fee ninyo?"
Napalunok siya sa tanong nito. Hindi naman niya nakakalimutan iyon. Wala lang talaga siyang pera dahil inuna niya ang gamot at masustansiyang pagkain para sa ina.
"Mam...magbabayad naman po ako, walang wala lang talaga ako ngayon..."
"Naiintindihan naman kita, Magentha. Pero alam mong hindi ka makaka-graduate kapag hindi iyon bayad, Magentha..." Napatungo siya dahil sa hiya. "Isa pa, maaaring maapektuhan ang grade mo dahil riyan. Lagi kang late sa mga bayaran..."
Naiiyak siyang napataas ng tingin sa kanilang guro.
"Ma'am..."
"Next week sana makabayad ka na, Maid. Ipapasa ko na ang mga graduating at tatapusin ko ang mga grades ninyo sa linggong ito." Mula sa pinto ay boses ng isang babae ang nagsalita. Paglingon nila ni Miss Ocampo ay si Mrs. Santos iyon.
Mabilis na kinalap ni Miss Ocampo ang mga gamit kasama ang test papers nila bago siya iniwang hindi halos makagalaw sa kinatatayuan habang palapit naman sa kanya si Mrs. Santos.
"Hindi sa lahat ng oras ay hihintayin kung kailan ka makakabayad, Maid. Huling taon niyo na ito sa highschool..." ika nito bago siya iwanan rin. Hindi siya halos makakilos dahil sa hiya. Bumalik lamang siya sa reyalidad nang may tumapik sa kanyang balikat.
"Ayos ka lang, Maid?" tanong ni Jenny. Nakatayo ito sa gilid niya at tila naaawang nakatitig sa kanya.
Pinigilan niya ang pamumuo ng kanyang mga luha at hinarap ang kaibigan. Pilit na ngumiti.
"Aalis na ako, Jenny. Kailangan kong kumita," ika niyang mabilis na naglakad at iniwanan ito. Alam niyang naiintindihan siya ni Jenny.
Huling test na nila iyon. Wala na silang ginagawa at hinahayaan na lamang siya ng susunod nilang mga guro na makaalis para makapagtrabaho. Ang ibang mga guro naman nila ay hindi istrikto at iniintindi na lamang ang pangangailangan niya.
"Aling Jessa, asan na po ang ilalako kong sampaguita," tawag niya sa gumagawa ng kuwintas na sampaguita. Nakikilako na lamang siya dahil hindi na kaya ng kanyang ina ang gumawa.
"Ay, Maid," sabi nitong sumilip mula sa pinto. "Sandali at ilalabas ko," ika nitong muling nawala sa kanyang paningin. Pagbalik nito ay may dala ng tatlong daang bungkos ng sampaguita.
"Doble na iyan sa kinukuha mo," sabi nito. "Sigurado ka bang kaya mong maibenta lahat ng iyan? Alam mo naman ang patakaran natin, Maid."
Tumango siya kay aling Jessa. "Huwag kang mag-alala aling Jessa, wala pong masisira sa sampaguita ninyo. Mabebenta ko po ito," sagot niya rito. Gagawin niya ang lahat mabenta lamang iyon. Sanay siya sa bentahan.
Ngumiti siya sa matanda at nagpaalam na pagkatapos. Marami-rami din iyon at kailangan niyang maibenta lahat.
Muli siya pumuwesto sa harapan ng simbahan. Inaalok ang mga papasok ng sampaguita. May iilan na siyang benta, may mga suki siyang agad na bumili sa kanya. Ngunit tila hindi nababawasan ang tinitinda niyang bulaklak, paano ay may mga katunggali na rin naman siya sa pagbebenta.
"Bili na po kayo ng bulaklak," alok niya sa mga dumadaan. Halos salubungin na niya ang mga ito. Ang iba ay bumibili pero kadalasan ay naiinis dahil nagiging abala siya sa mga ito.
"Bilhin ko lahat ng iyan, Maid."
Mula sa pag-aalok niya sa isang matabang babae ay narinig niyang may tumawag sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata niya nang makita ang kanyang suki na si Miss Rainnah. Hindi niya akalaing naroon ito ngayon gayong biyernes pa lamang. Kada linggo, Martes at huwebes ito naroon sa simbahan. Alam na alam niya at memoryado na ang mga araw at oras na naroon ito.
Ngumiti si Miss Rainnah sa kanya. Natatawa pa dahil sa nalilito niyang itsura. "Kailangan kong magpasalamat sa Diyos ngayon, Maid. Dininig niya ang matagal ko ng panalangin kaya ako narito," sagot nito sa tanong na hindi niya mabigkas. "Darating ang kapatid ko," bulong nito.
Nagulat siya dahil kilala si Miss Rainnah sa buong bayan nila kahit kababalik pa lamang nito doon mula sa US. Hindi niya akalain na may kapatid pala ito.
"Bibilhin ko lahat, magkano ba?"
Napakagat labi siya at napasulyap sa tindang sampaguita na halos hindi pa talaga nababawasan.
"Marami-rami rin po ito, mam Rainnah.." nahihiya niyang saad.
"Bibilhin ko lahat, Maid. Pasasalamat sa Kanya at sa iyo," saad nitong hinawakan siya sa balikat.
Naiiyak niyang binigay kay manong Boknoy ang mga sampaguita nang pumayag siyang ibenta lahat iyon. Ngayon ay maaari pa siyang magtrabaho ng isa pa. Siguro ay makikiusap siya kay Aling Nena na may ari ng karinderya. Maghuhugas siya ng pinggan doon para sa dagdag kita.
"Salamat po, Ma'am Rainnah," muling saad niya rito. Gaya ng dati ay sobra na naman ang bayad na ibinigay sa kanya.
Tumango ito at papasok na sana nang may maalala. "Maid..."
Muling napalingon si Maid sa magandang ginang. "Po?"
"Puwede ka bang tumulong sa linggo sa bahay? Susunduin ka ni manong Boknoy rito. Extra na pagkakakitaan," sabi nitong nakangiti.
Napatitig siya sa magandang mukha ni Miss Rainnah. Hanggang sa mangiti siya at tumango.
"Sige po," anyang dahilan ng labis na kagalakan sa mukha ni Miss Rainnah. Maging siya ay nagalak rin ang kalooban. Naibulong tuloy niya sa Diyos ang pasasalamat dahil nakakilala siya ng isang ginang na katulad ni Miss Rainnah.
"I am looking forward on Sunday, Maid. Thank you."
Ngumiti siya rito bago kumaway. Sa kanyang paglalakad ay pag-asa ang dala.