Hindi maintindihan ni Ana kung bakit may kirot sa puso niya habang inaakay siya ng kanyang nobyo palayo sa lalaking kanina lang naman nagbigay ng saya sa kanya. Para siyang isang batang masaya pa sanang naglalaro sa amusement park pero niyaya na ng kanyang ina na umuwing bigla. Nalilito din siya kung bakit mas naging masaya pa siya sa ikli ng pagsasama nila ni Vince kanina kaysa sa halos apat na taong relasyon nila ni Juluis. Sa totoo lang, gusto na niyang palisin ang kamay ng nobyo niyang nakakapit sa kanyang balikat, gusto na niyang tumakbo pabalik kay Vince.
Ngunit pinigilan niya ang sarili niya. Ngayon, tahimik siyang nagmamasid sa dalawang lalaking nasa harapan niya. Masyadong abala ang mga ito sa pag-ihaw ng kung anu-ano, at masyado rin siyang abala sa pagtulala niya sa kawalan. Hindi na niya napansin na umupo na pala sa tabi niya si Juluis, mabuti na lang at hinawakan nito ang kamay niya kaya napatingin siya dito. Kahit anong titig niya dito, hindi niya mawari kung ano talaga ang totoong nararamdaman nito. Napansin niyang bahagya itong ngumiti pagkatapos tumayo at marahang hinila ang kanyang kamay.
“Let’s go for a walk,” matipid na sabi nito sa kanya. Siguro kung hindi niya nakilala sa Vince kanina lang ay magmimistula siyang tutang masayang kumakawag ang buntot sa tinuran nito. Nagtataka talaga siya sa sarili dahil sa epekto ni Vince sa kanya. Tumingin ito kapagkuwan kay Kenneth. “I’ll do the rest, take your time,” nakangiting sabi nito sa kanila.
“Sure. May gusto din akong sabihin sa'yo," sagot niya rito bago siya tumayo at sumunod dito na nag-uumpisa nang maglakad. Namayani muna ang katahimikan sa kanila habang naglalakad sila palayo sa kanilang pwesto. Pareho lang silang nakatingin sa nagmamagandang kalangitan. Masyado itong makinang kumpara sa itsura nito sa Maynila, hindi siya sanay na makita ito ng ganito dahilan para lalo siyang maging malungkot. Tila ba hindi nababagay na background ito sa kasalukuyan nilang eksena, na para bang ang may karapatan lang tumingin dito ay ang mga taong masaya, at alam niyang hindi siya isa roon.
“Who’s that guy?” basag nito sa katahimikan nila. Bahagya siyang nagulat sa tanong nito, kahit papaano naman pala ay affected ito kapag may kasama siyang ibang lalaki.
“He’s Vince,” medyo sarkastikong sagot niya rito.
“No, I’m not asking for his name.” Tila nakikitaan na niya ng inis ang gwapong mukha nito. Na-miss din niya ang mga expression sa mukha nito, paano kasi, laging nakapoker-face na lang ito lately. Kaya naman gusto niya sanang inisin pa ito lalo.
“Dapat kasi ang tanong mo, bakit ko siya kasama kanina.” Narinig niya ang malalim na buntong-hininga nito. “Iniwan niyo ako ni Kenneth, and sakto may nagyaya sa’kin ng libreng island hopping, so instead na magmukmok ako, sumama na lang ako sa kanya. Masama ba iyon?” pagdadahilan niya rito.
“So sasama ka na lang sa kung sinu-sinong lalaki? And in the first place, it is your fault na iniwan ka namin.” Naramdaman niya na ang pagtaas ng tono ng boses nito na siya namang ikinairita niya.
“Okay, kasalanan ko na, palagi naman 'di ba?” mariing sagot niya rito.
“Yeah, you’re always like that. Isang araw sweet ka sa’kin, then the next day pinagtatabuyan mo na ako. Ano bang akala mo sa’kin Ayana, manhid at hindi nasasaktan sa paulit-ulit na ginagawa mo? What is wrong with you?” Napakunot ang noo niya sa sinabi nito. Tila napasobra yata ang pagpapabebe niya rito, pero paminsan-minsan lang naman iyon at ang exaggerated masyado para sabihin nitong pinagtatabuyan niya ito.
“May mali ba kung magtampo o magpalambing ako sa iyo paminsan-minsan? Mali ba na magdamdam ako sa tuwing nararamdaman kong para kang walang pakialam sa akin? Sa totoo lang, hindi na nga girlfriend ang turing mo sa’kin eh? Hindi ko na ramdam iyon. Akala mo ba ikalelevel-up ng relasyon natin yung pagkain natin sa labas o sa paulit-ulit na panonood ng sine? Juluis, hindi iyon ang kailangan ko sa’yo, kailangan kong maging masaya kapag naiisip kita, kailangan kong maging mas masaya kapag kasama kita. Pero hindi eh? Nalulungkot ako kapag wala ka sa tabi ko, pero mas nalulungkot ako kapag kasama kita kasi parang wala ka pa din sa tabi ko. Sige nga? Sabihin mo nga sa’kin? Mahal mo pa ba ako?” Gusto niyang pigilin ang pagluha sa mga sandaling iyon, hindi na nga siya halos kumukurap. Sakto namang bumuga ng malakas ang hangin sa mukha niya kaya nahulog ang luhang kanina pa namumuo sa kanyang mga mata.
“Alam kong hindi ko din naibibigay sa’yo yung kasiyahan na hinahanap ko din sa’yo. Mas nakikita pa nga kitang masaya kapag kasama mo si Kenneth eh.” Nagulat siya dahil bigla siyang niyakap nito nang mahigpit. Maski naman siya ay masaya kapag kasama niya si Jane, pero para bang may parte talaga sa puso niya na hindi niya makumbinsing masaya siya, na para bang may kulang pa. At iyong kakulangan na iyon, alam niyang si Juluis lang ang kayang magpunan noon. Kailangan din niyang punan ang pagkukulang na iyon sa puso ni Juluis, but he won’t let her. Sino ba ang may mali?
“Sinusubukan kong ayusin tayo, pero alam kong ayaw mo.” Hindi na niya napigilan ang sarili at tuluyan ng umiyak habang yakap-yakap si Juluis. Naramdaman naman niya na lalong humigpit ang yakap nito sa kanya. Kailangan na niyang pakawalan ang sarili hindi lang sa mga yakap nito, kundi sa sariling pagkakayakap niya dito. Alam niyang siya lang naman ang kumakapit sa relasyon nilang dalawa. “Let us stop here.” Naramdaman niya na lalong humigpit ang yakap nito sa kanya.
Hindi siya nagplanong mag-Boracay para makipag-break dito. Pero tila naging eye-opener sa kanya ang mga kaganapan dito, lalo na ang pagtatagpo nila ni Vince. Hindi naman niya sinasabing hahanapin niya si Vince pagkatapos ng break-up nila ni Juluis, pero atleast napagtanto niya na wala na talaga silang pag-asa. Game over.
Kaya naman hindi niya inaasahan ang biglang sinabi nito. “No. I’m not ready to let you go.” Pagkatapos ay pinakawalan siya nito sa pagkakayakap nito, at mabilis na hinagkan nito ang labi niyang mamasa-masa dahil sa mga tumulong luha niya.
Kahit kailan ay hindi talaga siya pinagbibigyan ng tadhana. Saksi ang makinang na kalangitan ng Boracay. Dahil doon, masaganang tumulo na naman ang mga luha niya.