HINDI mahulugang-karayom ang bar na kinaroroonan ni Juvilyn ng gabing iyon. Todo bigay din kasi ang mga nasa dance floor at kanya-kanyang indak ang mga ito sa sikat na mga tugtugin. Sigawan at tilian lang din ang maririnig at halatang enjoy na enjoy ang mga tao.
Kasama ni Juvilyn ng mga oras na iyon ang mga staff niya. Nandito sila para i-celebrate ang isang successful event nila na alam niyang pag-uusapan at laman ng mga pahayagan kinabukasan. Isa siyang sikat na wedding coordinator sa kumpanya na itinayo nila ng ka-partner niyang si Aivie, ang Wedding Blossoms Inc. Noong umpisa ay halos walang pumapansin na bigating kliyente sa kanila. Ngunit dahil na rin masyadong brainy at madiskarte ang bestfriend niyang si Aivie ay nakakagawa ito ng paraan para makilala ng husto ang kumpanya nila. At syempre, malaki din ang naiambag niya dahil magaling siyang event coordinator.
Hanggang sa napag-uusapan na ang name ng company nila dahil na din sa maganda nilang mga ideas para mas lalong mapaganda ang isang kasal na pinapangarap ng mga kababaihan. Limang taon na ang Wedding Blossoms Inc at masasabi na niyang matatag narin ito.
At ngayon nga ay isa na namang malaking wedding event ang matagumpay na nairaos nila. Isang malaking project iyon para sa kanila dahil talaga namang bigatin ang kliyente nila. Isang sikat na artistang babae at isang mayamang businessman ang nagpakasal ng araw na iyon. At sigurado siyang iyon ang magiging wedding of the Year dahil sobrang pinagkagastusan ng husto ang kasal at talagang pinag-uusapan bukod sa sikat talaga na artista ang bride. Hindi na naman nila kailangan lapitan ito para sila ang kuning coordinator ng naturang event dahil kaibigan niya ang babae. Kaya hindi nakapagtataka na siya ang kunin nito.
Nang dahil din doon ay malaking pera talaga ang pumasok sa kumpanya. At dahil masaya talaga siya sa nangyari ay nagpaparty siya sa mga staff niya. At para din naman na makapag-relax siya pagkatapos ng napakapagod na trabaho.
Madaling-araw na din silang nakauwi mula sa bar at medyo tinamaan na siya sa nainom niya. Ngunit siniguro muna ni Juvilyn kaya pa niyang magpamaneho pauwi. Nagpawala muna siya ng hilo at agad na nag-drive pauwi sa condo niya. Madaling-araw na naman at wala pa sigurong twenty minutes ay nakauwi na siya. Smooth ang naging byahe niya pauwi.
Nang naka-park na ang kotse ni Juvilyn sa building ng condominium ay isinubsob muna niya ang mukha sa manibela. Mabuti nalang at maingat talaga siya sa pagmamaneho lalo’t medyo nakainom siya. Saka mahal pa niya ang buhay niya at hindi niya hahayaang may masamang mangyari sa kanya. Lalo pa’t natupad na din nila ni Aivie ang matagal na nilang pangarap.
Nakilala ni Juvilyn ito sa isang bahay-kalinga sa Camba bayan ng Sta.Ana, ang Hope For The Little Ones. Ang HFTL ay itinayo ng Mayor nila doon na si Benedicto Romualdez. Mula ng mangyari ang trahedyang iyon sa Tatang Ruping niya ay parang nawalan na siya ng pag-asa na mabuhay pa. Ano pa nga ba ang dahilan niya? Hindi ba’t kaya siya nag-aaral ng maigi ay para mabigyan niya ng magandang buhay balang-araw ang Tatang niya? Ngayong wala na ito ay ano pa bang kahulugan ng pagsisikap niyon?
Ngunit nagbago ang lahat ng isang gabi sa burol ng Tatang Ruping niya ay pumunta si Mayor Benedicto sa kanya. Inalok siya nito ng tulong pinansyal at nangako itong hindi siya nito pababayaan. Iyon daw kasi ang tungkulin na isinumpa nito. Sasagutin daw nito ang pag-aaral niya at kung gusto pa daw niya ay pwede siya nitong pag-aralin ng kolehiyo sa Manila. At dahil daw menor-de-edad pa siya ng mga oras na iyon ay dapat daw siyang tumira sa HFTLO na itinayo nito para sa mga batang ulila.
Noong una ay medyo nagdadalawang-isip pa si Juvilyn sa alok nito. Ngunit naisip niya, wala na ang Tatang niya. Kaya naman niya sigurong mabuhay mag-isa ngunit hindi siya sigurado kung magagawa ba niyang pag-aralin ang sarili. Hindi rin naman kalakihan ang naipon nilang dalawa ng Tatang niya kaya imposible ang naiisip niyang magsarili. Isa pa ay wala pa siya sa legal age kaya paniguradong mahihirapan siyang maghanap ng magandang trabaho.
Kaya naman kahit ayaw ni Juvilyn ay napilitan siyang tumira HFTLO. At doon nga niya nakilala si Aivie Perfinian. Ang kwento nito sa kanya ay namatay daw ang mga magulang nito kaya naman napunta daw ito doon. Noong una ay mailap ang babae sa kanya ngunit kalaunan ay nalaman nilang magkakasundo pala sila sa maraming bagay. Pero kahit na wala ang Tatang niya ay nakakita naman siya ng ibang kapamilya sa katauhan ng mga staff sa HFTLO at ni Aivie.
Ang sabi sa imbestigasyon ng pulisya ay na hold-up daw ang Tatang Ruping niya ng gabing mangyari ang trahedyang iyon bukod sa nawawala daw ang mahahalagang gamit ng matanda. Five years ago ay nahuli na ang mga suspek sa pagkamatay ng Tatang niya. Feeling niya ay matatahimik na rin ito kung nasaan man ang Tatang Ruping niya dahil nabigyan na ito ng hustisya.
Nang pakiramdam ni Juvilyn na medyo gumaan ang ulo niya ay bumaba na siya ng sasakyan. Madaling-araw na din kasi at kailangan na niyang magpahinga dahil may pasok pa siya sa office kinabukasan. Ngunit hindi pa siya gaanong nakakalayo sa kotse niya ng maramdaman niya na may humila sa braso niya. Bago pa siya makapag-react o makatili ay madiing tinakpan nang kung sino man ang may hawak sa kanya ang bibig niya. At dahil nakainom ay hindi niya magamit ang buong lakas niya para makawala sa mahigpit nitong pagkakahawak hanggang sa maramdaman nalang niyang hinihila na siya nito sa isang sulok.
Malakas na isinadal siya nito sa pader habang takip-takip pa din ang bibig niya. Sa nanlalaking mga mata ay pinagkatitigan niya ang mukha ng lalaking kaharap niya ng mga oras na iyon. Naka-shades ito at may suot na cap at mask kaya imposibleng makilala o makita niya ang mukha nito. Sa tantya niya ay malaking lalaki din ito patunay na nakatingala pa siya para lang makita niya ang mukha nito.
“Alam mo bang kanina pa kita hinihintay?” ani nito sa may paos na tinig.
Dahil takip-takip nito ang bibig ni Juvilyn ay puro ungol lang ang lumalabas. At ng mga oras na iyon ay takot na takot siya. Hindi niya ito kilala at hindi din niya alam kung ano ang motibo nito.
“Juvilyn Dales.”
Lalong nangilabot si Juvilyn ng banggitin nito ang buong pangalan niya. Masyadong delikado na ang panahon ngayon at hindi imposible na kaya siya nito tinambangan ay para pagnakawan at gawan ng masama. Kung sadyang mamalasin ay baka gahasain pa siya nito. Pero hindi siya makakapayag na hindi siya lalaban sa lalaking iton. Hindi papayag si Juvilyn na gawan siya nito ng masama.
Pasimple niyang iginala ang paningin niya sa paligid hoping na may tao siyang makikita sa parking lot ng condominium niya. Ngunit dahil madaling araw na din kasi ay wala ng tao doon at nakabibinging katahimikan ang bumungad sa kanya. Mahigpit naman ang security sa buong building ngunit parang nananadya ang pagkakataon dahil wala siyang nakikitang guard.
“If I were you, woman. Hindi ko natatangkain manghingi ng tulong.” pagkasabi nito ay lalo pa itong dumikit sa kanya.
Nahigit niya ang paghinga niya ng may maramdaman siyang itinutok ito sa tagiliran niya. At kung hindi siya nagkakamali ay baril iyon! Lalo napaungol Si Juvilyn ng malakas kasunod ng pag-iling-iling niya.
“Scared?” ani pa nito na may halong sarkasmo ang tinig. “Ang mabuti pa ay mag-usap tayo ng masinsinsan sa unit mo.”
Pagkasabi niyon ay pinakawalan nito ang bibig niya ngunit nanatili pa ding nakatutok ang baril sa kanya kaya hindi rin siya nagkaroon ng lakas ng loob para sumigaw at humingi ng tulong. Dahil alam niyang kapag ginawa niya iyon ay tutuluyan siya ng lalaking ito.
“Shout and you’ll be dead, woman.” nagbabantang sabi nito.
Wala ng nagawa si Juvilyn ng igiya siya nito sa service elevator ng building. Pakiramdam niya noong nasa loob sila ng elevator ay rinig na rinig niya ang pagtambol ng dibdib niya sa sobrang kaba. Mangiyak-ngiyak na siya ng mga oras na iyon at hindi na niya alam ang gagawin niya. Hinihiling nalang niya na sanay ay may makasabay sila sa elevator. Which is para sa kanya ay napakaliit ng porsyento na mangyari ang posibilidad na iyon dahil malamang na tulog na din ang mga nakatira sa condo.
“Open it.” utos nito ng tumapat na siya sa pintuan ng unit niya.
Ngunit parang walang narinig at hindi pa din siya tumitinag sa utos nito. Nang mainip marahil ito sa kanya ay muli nitong idiniin ang baril na nakatutok sa kanya.
“Sabi nang buksan mo ang pinto.”
Sa nanginginig na kamay ay pinindot niya ang access code ng door niya. Dahil siguro sa sobrang takot ay nagkamali pa siya nang una. Pagkabukas na pagkabukas ng pintuan ng unit niya ay agad siya nitong itinulak ng malakas papasok kaya naman iyon na ang pagkakataon niya na magsalita.
“S-sino kaba? Anong kailangan mo sakin?” ani niya na nanginginig na tinig.
Narinig niya ang nakakalokong pagtawa ng lalaki bago nito sinagot ang tanong niya. “Sino ako? Gusto mo talagang malaman, Juvilyn?”
Habang sinasabi nito ang mga katagang iyon ay dahan-dahang itong lumalapit sa kanya at siya naman ay paatras din ng paatras sa bawat hakbang na ginagawa nito. Maya-maya ay walang anuman na tinanggal nito ang mga accessories na tumatakip sa mukha nito.
“Hello, Juvilyn. Long time no see.” nakangising sabi nito sa kanya.