Chapter 15: Maganda
“GANITO na po ba ito dati, Manang?” magalang na tanong ko sa ginang. Ang nagbigay sa akin ng sumbrero. Nasa labas lang kami ng bahay nila at makikita mula rito ang farm ng patatas.
Nagsisiga rin sila para may usok at nang hindi makalapit sa amin nang husto ang mga pesteng lamok na iyon.
Umiling siya. “Hindi po, Señorita. Malayang-malaya po itong lugar natin dito. Ngunit iyong kabilang lupain na malapit lang po rito ay ginawa na pong patapon ng mga basurahan. Maayos pa po noong una at wala pang mga lamok pero sa araw-araw na pagtatapon nila ng basurahan na naging bundok na yata ay nagsimula na itong dumami. Ang mga patatas po ay iilan lamang ang naaani namin dahil hindi namin natitiis ang kagat ng mga lamok,” hinaing niya at napabuntong-hininga pa siya. Isa nga iyon sa suliranin nila rito. Pati ang buhay nila ay maaari pang manganib.
“Hindi naman po kami puwedeng umalis sa lugar na ito dahil nandito ang hanap-buhay namin.” Tumango ako at tumingin sa kasama ko.
“Ano po ang nangyari sa kabilang lupain? Bakit ginawa pong basurahan iyon?” seryosong tanong ko.
Pero hindi ko nakita ang mga basura na iyon nang papunta kami rito. “May lupain nga po kayo na naibenta tatlong linggo na ang nakararaan, Ms. Eljehanni. Hindi na po namin ito natingnan ulit dahil akala namin ay maayos naman na. Binili iyon sa malaking halaga kaya mabilis lang ang negosasyon,” paliwanag niya. Napapisil ako sa tungki ng ilong ko.
Sa nararamdaman kong frustration ay gusto ko na ring sabunutan ang buhok ko. May theory na ako. Binili ang lupang iyon hindi dahil interesado sila, na may gusto silang itanim doon, kundi gagawin lang nila na lugar na pagtatapunan ng mga basura nila. Pinili nila ang malayong probinsya para walang makakita sa pinaggagawa nila dahil puwede silang ma-report. Tang-ina ng buyer na iyon. Makita ko lang ang pagmumukha no’n ay wasak iyon sa akin. Tsk.
“Hindi lang po kami ang naapektuhan. Pati na po ang pananim natin dahil napapabayaan na po namin, Señorita.”
“Huwag po kayong mag-alala. Gagawa po ako nang paraan para maayos ang lahat,” pangako ko sa kanila. May isang salita naman ako at hindi ako ang tipong tao na uupo na lamang na parang walang pakialam sa nangyayari sa paligid ko.
Isa ito sa isang mabigat na suliranin na hindi puwedeng hayaan na lamang dahil maaari silang magkasakit. Maganda pa naman ang reputasyon ng pangalan ng aking ama at ayokong pagpiyestahan siya ng mga media kapag nalaman ang tungkol dito. Hindi ako makakapayag na masisira na lamang nang wala akong nagagawa.
“Maraming salamat po agad, Señorita.” Nagpaalam din kami pagkatapos at bumalik sa villa. Suot-suot ko pa rin ang sumbrero at nagmamadaling bumaba. Pero nahinto ang paglalakad ko nang makita ko si Azul.
Kunot-noong nakatingin ito sa akin at marahan ang bawat hakbang niya patungo sa gawi ko. Napaatras ako nang hawakan niya ang tali ng sumbrero ko at siya mismo ang nagtanggal nito.
Gumala ang paningin niya sa mukha ko. Mas lumalim ang gatla sa noo niya at nakitaan ko nang saglit na pag-alala. Ano na naman ba ang trip nito? At bakit nasa villa siya at wala sa nobya niya?
“Saan mo nakuha ang mga pantal na ’yan, Eljehanni?” malamig na tanong niya. Hindi pa siya nakontento at hinawakan pa niya ang magkabilang pisngi ko. Napapikit pa ako nang dumampi ang mainit at malaki niyang palad. I grinned. He’s worried.
“May nakain kasi ako at may allergy ako!” pagsisinungaling ko.
Hinawakan niya ang kamay ko at tiningnan ang pulso ko. Napanguso ako dahil sa pagsuri niya. Hindi rin nakaligtas ang mga kamay ko at may kagat din ito galing sa mga pesteng iyon.
“Bakit ba hindi ka nag-iingat?” tanong niya na may bahid na iritasyon sa boses niya. Pinalobo ko ang bibig ko at nag-drama pa ako.
“H-Hindi ko naman kasi alam na may ano iyon, eh!” sigaw ko at nagsimula nang tumulo ang luha ko. Kunot na kunot ang noo niya at pinunasan niya ang mga luha ko sa aking pisngi. Gusto ko nang ngumisi sa kanya dahil nadala siya sa pag-arte ko. Hala, puwede na akong maging artista.
Suminghot-singhot pa ako. Tuluyan ko nang nakalimutan kung ano ang dahilan nang pagmamadali ko.
Pinindot-pindot niya ang tungki ng ilong ko at hanggang sa pisilin na niya ito. “Tahan na. Tama na ang pag-arte mo. Tsk.” Nilakasan ko pa ang pag-iyak ko at naiiling na siya. Kumibot-kibot ang labi niya at katulad nang inaasahan ko sana ay baka wala lang siyang sasabihin pero parang tatakasan na yata ako nang hininga.
Kumabog nang malakas ang dibdib ko at natulala ako sa ginawa niya. Ang isang Azulenzure na snob, pilosopo at palaging iritado sa pagmumukha—sa ugali ko ay heto siya ngayon. Gumawa siya nang kakaibang tunog—isang tawa na hindi pilit. Na tila natutuwa siya sa isang bagay at nakikita ko ang sincerity nang pagtawa niya.
Umaalog ang balikat niya at ilang beses pa niyang kinagat ang pang-ibabang labi niya. Ang kamay niyang nasa pisngi ko pa at nakahawak din siya sa tiyan niya hanggang sa pinagdikit niya ang aming noo. Umawang lang lalo ang bibig ko.
Oh, God... Oh, God... Ang puso ko... Natutunaw... Aatakihin pa yata ako sa puso nang wala sa oras.
“Baliw ka na ba, Azul?” naiinis kong tanong, sa kabila nang pagkaaliw ko sa kanya. Parang pinagtatawanan niya ako, eh! Ampúta! Nang kurutin ko ang tagiliran niya ay mabilis niyang hinawakan iyon at marahan na tinanggal. “Seriously?!”
Pinunasan pa niya ang luha sa mga mata niya. Bumalik ang palad niya sa mukha ko.
“Bakit nga ba ako nagpapakabaliw na pagbigyan ka sa kaartehan mo?” tanong niya na nakataas ang kilay. I rolled my eyes.
“Ampúta! Alam mo palang kaartehan ko lang iyon pero nag-take advantage ka naman sa akin! Ano ba ang ginagawa mo rito? Akala ko ba ay may date kayo ng girlfriend mo?” Napahilot naman siya sa sentido niya.
“Ang ingay-ingay mo, Eljehanni.” Nag-tiptoe ako para maabot ko ang buhok niya at hinila ko iyon pababa. Hinawakan niya lamang ang braso ko. “Ibigay mo sa akin ang ointment. Gagamutin natin iyan. Saan mo ba nakuha?”
Hinawakan ko ang pisngi kong namamanhid na at nagsimula na namang namuo ang aking mga luha.
“Pinapak ako kanina ng mga lamok! A-Ang dami nila! Nang ibinaba ko ang bintana ng kotse ko ay bigla na lamang silang pumasok sa loob! Nakadidiri!” naiiyak na sumbong ko sa kanya. Tumango-tango siya at gamit ang thumb niya ay tinuyo niya ang mga luha ko.
Inulit niya ang pagpisil sa ilong ko saka niya ako iginiya papasok sa villa namin. Ang isang braso niya ay nasa baywang ko na. Si Nanay Lore ang kumuha ng medicine kit. She volunteered din naman. Sinabi ko ang dahilan nitong mga red dots sa face ko.
Marami naman kaming iba’t ibang gamot ng ointment at nang ginamot nga ako ni Azul ay naramdaman ko na ang pagiging gentleman niya.
“Eljeh?”
“Nakabalik ka na pala, darling.” Siya namang pagdating ng parents ko.
“Ano’ng nangyari sa ’yo, anak? Bakit ang daming pantal sa mukha mo?” nag-aalalang tanong ni Papa. Ngumuso lamang ako.
“Doon daw po sa lupain niyo ay marami raw pong mga lamok.” Si Azul ang nagpaliwanag sa lahat.
Pagkatapos niya akong gamutin ay inaalo na ako ni Mama at ilang beses na hinagod ang likod ko.
“Hindi ko inaasahan na ganoon pala ang mangyayari sa lupain. Kaya naman pala panay reklamo ng mga tauhan natin doon at nanghihingi sila nang oras para bisitahin sila. I was too busy at nakalilimutan ko kahit may bakanteng oras pa ako,” malungkot na sabi ng aking Papa.
“Ginawa ninyo naman po ang lahat, ’Pa. Huwag na po kayong malungkot. Gagawan po natin iyon nang paraan,” sabi ko at ngumiti siya.
“Bukas hindi ka ba abala, Azul?” tanong niya sa lalaking nasa right side ko.
“Hindi naman po, Sir El,” he politely answered.
“Maaari mo bang samahan ang anak ko bukas para bawiin ang lupain? Mukha kasing mahihirapan na si Eljehanni at nakikilala mo na ang ugali niya, Azul.”
“Papa naman...”
“Wala pong problema sa akin. Sasamahan ko po siya.”
“Wala kayong date ng girlfriend mo, Azul?” I asked her at tumikhim siya. Hindi na niya ako sinagot pa. Iikot pa saka ang eyes ko nang makita ko ang pagngiti ni Mama.
“Nanay Lore, bigyan niyo po sila ng meryenda,” ani Mama at sabay pa silang tumayo ni Papa. “Maiwan na muna kayo, darling, Azul. Kailangan pa kasing magpahinga ang Papa ni Eljeh.”
“Sige po.”
“Huwag mong sungitan si Azul, anak.”
“Papa, siya po kaya ang suplado!” I reasoned out. He shrugged.
Naiwan nga kaming dalawa ni Azul at nandoon na naman ang kakaibang pakiramdam. Pero natutuwa pa rin ako dahil kanina ay pinansin na niya ako.
“Bukas, magsuot ka ulit ng damit mo katulad ni Isabella.”
“Ideal girl mo nga siya kaya gusto mong tumulad ako kay Isabella?!” hysterical na sigaw ko. Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya na parang nagpipigil na naman siyang ngumiti.
“Hindi ba ikaw naman ang tumulad sa kanya noong una?” tanong niya.
“Azulenzure!” I hissed him.
“Bukas, dadalhan kita ng paborito mong bulaklak.” My heart beats so fast.
“For what?! Gagawin mo ba akong kabit, Azul?!” nagtatagis ang bagang na tanong ko. Marahan niyang pinitik ang noo ko.
“Eljehanni...”
“Ano?!” pagalit kong tugon.
“Ang ganda mo.” Sa halip na matuwa ako sa sinabi niya ay mas lalo akong nainis. Hinablot ko ang pillow at pinagpapalo iyon sa kanya.
“Sinasabi mo iyan dahil sa pantal sa mukha ko! Ang sama mo!” Ngumisi lang siya. Pinuntirya ko ulit ang buhok niya.
“Ang ganda mo kapag umiiyak ka, Eljehanni. Isip bata.” Pilit naman niyang tinatanggal ang kamay kong nasa buhok niya.
“Ang bad-bad mo talaga! Kapag papansinin mo ako ay ganito pala ang gagawin mo sa akin!” sigaw ko. Hinawakan na niya ang siko ko at inabot sa akin ang basong tubig.
“Huminahon ka nga muna. Huwag mo akong sigawan. Hindi naman ako bingi, Señorita.”
“Inaasar mo na ako, Azul.”
“Ayos lang iyon, maganda ka naman.”