NAIINIP na si Prince, tamang pahangin lang sana ang pakay niya sa paglabas. Pero nauwi sa pagkain at kaunting paglalasing, kasama si Kim, ang babaeng laging excited.
"Isang bote lang," paalala niya sa kinakapatid, karamay, kasama sa bahay at ano pa nga ba? Hindi siya mabubuhay kapag wala si Kim. Sa ngayon, saan ka naman nakakita ng babaeng hindi ka tataluhin. "Iiwanan talaga kita dito."
"Masama ang loob ko kaya pagbigyan mo 'ko," ngitngit ni Kim. Mukhang masama na naman ang timpla ng toyo nito.
Oo na. Alam niyang nabasted na naman ito kay Ric, ilang beses na ba? Hindi niya mabilang. At bilang mabuting mamamayan, sasamahan niya muna ang babaeng nagluluksa. Napailing na lang siya.
"I-text mo si Arjo, kamo palayasin lahat ng hampaslupa sa Kaharian mo," utos ng babaeng binasted. Ang tinutukoy nitong "kaharian" ay 'yung maliit na hacienda na ipinamana sa kan'ya ng kan'yang abuela na si Donya Ezperanza Saldaña. Siya lang naman ang nag-iisang heredo ng angkan ng Saldaña.
Prince Saldaña, bente otso anyos, tunog mamahalin ang pangalan. Takot naman magmahal dahil sa kulam. Sumpa.
Napailing na naman siya.
"Ikaw na." Nilaro laro niya bote ng alak. "Kaya ka napapaaway e, Senyora."
"Kapakanan mo lang ang iniisip ko, Kamahalan," sarcastic na si Kim, nangingiti na lang siya. "Gusto mong ikaw ang iwanan ko dito?"
Napatuwid siya ng upo. Alerto ang pakiramdam niya, pagkapasok pa lang nila sa The Tower, naka-focus na sa kan'ya ang tingin ng mga babae sa paligid.
Kilabot at hilakbot na naman ang gumapang sa buong katawan niya.
Siya naman ang nginisihan ni Kim. "O, see? Wala akong load kaya i-text mo na. Mabuti pala nandito 'ko, 'no?"
Sabagay, kaysa hindi siya makalabas ng buhay at makapasok ng buhay sa bahay niya maigi na sundin ang utos ni Senyora.
"Magjowa ka na kasi," ungot ni Kim. "Habang buhay mo ba 'kong gagawing bodyguard? panangga? Ano ako anting anting?"
"Kapag sinagot ka na ni Ric," ganti niya. "Dito ka lang muna sa akin hangga't 'di pa natin nakikita ang mangkukulam." Hinawakan niya ang tutunggain sana nitong alak. "Tama na 'yan," saway niya, nakakailang bote na kasi ito. Kilala niya ang kasama, mahina sa alak. Baka mapa-trouble pa sila. Mahirap 'yon.
"Si Ric lang ang makakapigil sa 'kin," nagbabadya na naman itong umatungal. "Gagong lalaki 'yon. Choosy pa siya. Ganda ko kaya!" Pangiwi na, paiyak na naman uli ang babaeng binasted.
"Huwag kang umiyak dito. Baka sabihin nila pinapaiyak kita, akalain pa na nagbi-break tayo."
"Kilabutan ka nga, 'di nakakatawa joke mo."
Iyon ang dahilan niya bakit si Kim lang ang hinahayaan niyang malapit sa kan'ya. Immune na sa kan'ya. Lagi pa siyang binabara.
Ibang klase. Kaya hindi muna maghahanap ng girlfriend. Mas kailangan niya ang isang gaya ni Kim na puwedeng gawing bodyguard. May multiple personality disorder, ang lakas ng mood swings at higit sa lahat, magaling sa kusina.
"Magsuot ka nito," Ibinigay sa kan'ya ang antiparang suot nito. "Pupunta lang ako sa C.R."
"Samahan na lang kita." Tumayo na siya at inalalayan si Kim.
"Susuka ako, sasama ka pa?" Tumayo ito at tinaptap ang balikat niya. "Chill, isuot mo ang antipara. Baka mamukhaan ka pa. 'Di ko kilala ang mga bouncer dito kaya isuot mo 'yan."
"Bilisan mo." Isinuot na niya ang Ray-ban, inayos ang suot na cap. Napabutong hininga. Kaya nga siya umuwi ng probinsya para makahinga. Toxic na ang mundo ng pagmomodelo, heto sila ngayon nagpapahinga - naglalasing at nagtatago naman sa mga may balak sa kan'ya. He's the Runway Prince pero siya na ang The Runaway Prince.
Talamak ang mga natatanggap niyang indecent proposal mula sa mga kilalang personalidad, matapos niyang magpost sa isang sikat na magazine. Okay lang sana kung panay job offers pero hindi eh, mas lamang ang mga karimarimarim na offers sa kan'ya. At binabagabag din siya sa ex niyang ipinakulam pa yata siya.
Kinilabutan na naman siya.
Nagpasya siyang lumayo. Napadpad sa Mindoro. Masuwerteng nakapagpahinga ng ilang linggo. Walang press, walang camera at walang mga babaeng nakaabang sa kan'ya.
And there is Kim, willing to help him at para naman may magawa siya para dito, sinama niya ito sa hacienda niya. Kasama si Bruce, ang alaga niyang pusa.
Peaceful ang ilang linggo niya. Liban na lang kapag lumalabas siya. Laging nakadisguise o 'di kaya ay laging nakafacemask kahit 'di siya Korean superstar. Maigi na 'yung nag-iingat. Ayaw niyang magka-issue.
Hay buhay.
Habang hinihintay si Kim, napako ang tingin niya sa babaeng kapapasok pa lang. Nakasuot ito ng kulay gray na shirt, jeans, magandang kurbada ng katawan at maganda ang lakad. Kahit nakatungo at aligaga sa hawak paper bags. Masasabi niyang..
Napakunot ang noo niya. Pamilyar ang tindig at galaw ng babae. Saan ba niya nakita 'yun? Napailing na lang siya at nilagok ang beer. Imposibleng may kilala siya sa lugar na ito. O baka epekto na ng alak? Pinakatitigan niyang maigi ang babae. Nakaupo ito malapit sa table niya, may kahabaan ang buhok nito. Pilit na hinahawi ng kamay. Mukha pang problemado ang babae. Makailang beses kasi 'tong napapabuntong hininga at inilulugmok ang sarili sa mesa.
Parang si Kim.
Bigo? Bigo ba ang babae? Pare-pareho ba babae ngayon?
Stay where you are, man. Banta ng matino niyang isip.
Napapalatak siya. Bukod sa iniwang trabaho, iniiwasan talaga niya ang babae. Isinumpa yata siya o kung ano. Kapag nadidikit siya sa babae - maliban na lang siyempre kay Kim, na may lahing mangkukulam din yata, ay lagi siyang nadidisgrasya. Kung 'di napapaaway, nahaharass. Ilang beses na ba siyang nalagay sa alanganin sa kamay ng matrona?
Kinilabutan siya. Agad siyang tumayo at kakatukin na si Kim sa restroom.
"Kimi dora," katok. "Tara na."
Saglit siyang natigilan, may ilang babae kasing nakatanga sa kan'ya. Tila ba nagpipigil na kalabitin siya, impit na kinilikilig. Amen, sa gandang lalaki niya!
"Kim," tawag niya uli. Inignora ang mga chicks sa tabi. "Maraming gagamit ng restroom, lumabas ka na d'yan."
"Alis kayo d'yan!" anang boses babae. "Kayo may-ari ng C.R.?"
Napangiwi na lang siya, nagpatuloy sa pagkatok kay Kim.
"Senyora! May lasing bilisan mo kaya." katok. Katok. "Kim!"
Walang response. Kinatok niya nang kinatok. Hanggang sa may kumapit sa braso niya. Napalingon siya.
'Yung babaeng naka-gray kanina. Namumula ang mukha nito, medyo maga ang mata.
"Girlfriend mo nasa loob?" matapang ang tono nito. Nangangain kaya ng buhay 'to?
"Ah, hindi." Katok. Tinawag niya si Kim. "Gagamit ka ba?"
Ngumiti ang babae. Saka hinila ang laylayan ng jacket niya.
"Ganyan kayong mga lalaki," sumigok ito. "Itatanggi ninyo na may girlfriend kayo kapag may kaharap kayong magandang gaya 'ko." Sigok uli. "Parang si Rivas, namputsa talagang lalaki 'yon, may girlfriend pala tapos niligawan ako." Hikbi. Sabay hila uli sa jacket niya.
"Miss.." Pilit niyang iniiwas ang sarili, hawak nito ang jacket niya parang hinihila pa tuloy siya. "'Kala ko, aalukin na niya 'ko magpakasal!"
"E.. Miss, 'yung jacket ko.."
Ngumalngal ang babae. Kaharap niya ito, ito ang sinasabi niya. Kapag mamalasin nga naman siya.
"Inalok niya 'ko.." Nanunubig ang mga mata nito. "Inalok niya 'ko ng kapeng may ginseng.."
At nasuka ang babae. Eew. Sakto sa kan'ya, mainit init pa. Eew.
Bumukas ang pinto ng restroom, iniluwa si Kim, natigagal ito sa kan'ya. At walang habas na hinila niya palabas ng bar.
Nasukahan siya, eew. Nasukahan siya ng isang babae.
Babae na naman.
"Magpapainsenso tayo mamaya," deklara niya. Naamoy ang suka sa damit niya. Eew. "Sinumpa mo ba 'ko, Kim?"
Kanda tawa ang babaeng may sapi. Napapailing.
Hindi muna siya lalabas ng bahay, alam niyang masusundan na naman siya ng malas. Kabisado na niya ang takbo ng kapalaran niya.
Paghahandaan na lang niya.