By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
LUMUWAS ULI ako ng bayan kinaumagahan, alas tres pa lamang ng madaling araw upang bumili ng supply. Maaga akong gumising dahil iyon ang alam kong oras na hindi mapanganib. Ngunit hindi ako nakapagpaalam kay Meg. Tulog pa kasi siya at ayaw kong maistorbo ang kanyang pagpahinga.
Maayos naman ang aking pamalengke. Nabili ko ang lahat na mga kailangang bilhin, maliban sa isang motorsiklong napansin kong bumubuntot-buntot sa akin noong ako ay pabalik na.
"Bang! Bang!" ang narinig kong putok. Hindi nga ako nagkamali sa aking hinala. Mga myembro sila ng sindikato.
Dali-dali akong lumihis ng daan, pinabilisan pa ang pagpapatakbo, iniligaw sila at binaybay ang isang lihim na daan na itinuro sa akin ni Meg pabalik ng gubat. Mas malayo ito ngunit ligtas.
Akala ko ay tuluyan ko silang nailigaw. Ngunit nang malapit na akong makarating sa kubo, napansin ko ang dalawang myembro ng sindikatong nakabuntot sa akin. Nasa malayo sila subalit kitang-kita ko sila mula sa aking kinalalagyan.
Dali-dali akong nagtago sa mga matataas talahib. Nagtaka sila sa bigla kong pagkawala. Ngunit dahil ang tinumbok nila ay ang kubo pa rin, nadadaanan nila ang aking pinagtataguan. Naalala ko ang itinuro ni Meg sa akin sa pagtawag sa mga ibon. Sumigaw ako upang mabigyan siya ng babala. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!"
"Ano iyon?" ang narinig kong sambit ng isa sa mga humabol sa akin. Nasa malapit lang kasi sila sa aking pinagtataguan.
Ngunit dahil nagsiliparan ang mga ibon, ang kasama na rin niya ang sumagot ng, "Ah... mga ibon lang pala"
Muli akong sumigaw, "Kuckooooowww! Kuckoooooowww! "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!"
Hanggang sa, "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" ang narinig kong sagot.
Alam ko, si Meg iyon. Walang ibang sasagot sa tawag ko kundi si Meg.
Maya-maya lang ay natanaw ko si Meg na lumabas sa kubo, tinitingnan ang mga kahoy kung saan dumapo ang mga ibon. Kinabahan naman ako dahil nakikita siya ng mga miyembro ng sindikato. Gusto kong sumigaw upang malaman niya na may kalaban. Ngunit natakot din ako na baka matunton nila ang pinagtaguan ko at ako ang una nilang barilin.
Napansin kong nagtago ang dalawa nang makita nila si Meg. Nahagip pa ng aking tainga ang kanilang pag-uusap. "Kapag pumasok iyan sa kanyang kubo, saka natin bibiglain sa loob."
At pumasok nga si Meg. Doon ko napagtanto na marahil ay nakuha ni Meg ang aking babala at alam niya na may mga kalaban sa paligid at balak niyang pumasok ang mga kalaban sa kubo.
Ngunit bago pa man sila nakasugod, nakita ako ng isa sa mga sindikato sa aking pinagtataguan. Tinumbok niya ang aking kinaroroonan at saka itinutok ang kanyang baril sa aking ulo. "Tayo!!!" Sigaw niya.
Nag-alangang tumayo ako. Kinabahan.
Hinawawakan niya ang aking leeg, kinaladkad ako. "Tingnan natin kung papalag ang kaibigan mo kapag wasak na ang bungo mo!"
Noong nakarating na kami sa kubo tinadyakan ng isang miyembro ang pinto. "Pare... nandito ang kaibigan mo sa amin. Kung ayaw mong pasasabugin namin ang bungo niya, lumabas ka!"
Ngunit walang Meg silang nakita. Alam ko kung saan siya nagtago, sa butas sa ilalim ng papag. Ang tanging nakita lang namin ay ang isang bahagi ng dingding ng kubo na nakabukas, na tila dinaanan ng tao. Ako man ay nagtaka kung paano nabuksan iyon. Hindi ko akalain. Naisip ko tuloy na baka tumakas nga si Meg at dumaan sa butas na iyon..
Dali-daling tumakbo ang isang miyembro ng sindikato, dumaan din sa nakabukas na dingding. Mabilis ang takbo niya palabas, hinabol si Meg habang ang isng kasama ay nanatili sa loob ng kubo patuloy ang paghawak sa aking leeg at pagtutok ng kanyang baril sa aking ulo.
At maya-maya lang, narinig namin ang malakas na sigaw ng kanyang kasama. "AAARRRGGGGGGGGHHHHHHHHHHH!!!" Kitang-kita ko ang bigla niyang pagkawala na tila bumagsak sa isang malalim na butas sa lupang kanyang tinapakan. At habang nasa ganoon kaming pagkagulat, bigla ko namang narinig ang pagkasa ng gatilyo ng baril ng miyembro ng sindikato, handang iputok ang kanyang baril sa aking ulo.
Sa bilis ng pangyayari, wala na akong nagawa kundi ang pumikit, inihanda ang sarili sa kamatayan.
"Bang!" ang narinig kong putok.
Noong iminulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang miyembro ng sindikato na nakahandusay sa sahig. Nabalot sa dugo ang kanyang ulo. Sa sobrang pagkabigla ko, napatitig na lang ako sa kanya. Nagtago lang pala siya sa aming taguan at sinadya niyang buksan ang dingding ng kubo upang malito ang kalaban.
"Ayaw kong pumatay ng tao. Ngunit mas lalong ayaw kong mapatay ka." Sabay dampot sa bangkay, kinarga sa kanyang mga bisig at tinungo ang kinababagsakan ng kanyang kasama. Sumunod ako sa kanya. Doon ko nakita ang patibong kung saan bumagsak ang naunang miyembro ng sindikato. Nagkalasog-lasog ang kanyang katawan na kagaya sa nangyari sa baboy-ramo na nahuli niya. Halos hindi ko kayang tingnan ang kinasasapitan niya.
Doon na rin inilaglag ni Meg ang nabaril na kasama.
"Mag-ingat ka. Kapag may nakita kang punong may tadtad o tabas sa gilid..." turo niya sa puno, "...iyan ang palatandaan na may bitag." ang sambit niya nang mailaglag na ang bangkay sa buata. Pansin kong matigas ang kanyang boses, tila galit. At bigla siyang tumalikod, nagmamadaling tinumbok ang talon.
"Saan ka pupunta?" ang tanong ko.
Hindi siya sumagot.
"Megggg! Saan ka pupunta?" sigaw ko. At dahil hindi niya ako pinansin, sinundan ko na lang siya.
Umakyat siya sa tuktok ng isang malaking bato sa gilid ng talon, umupo siya patalikod sa akin, hinugot ang plawta sa kanyang bulsa at pinatugtog ang kantang paborito niya, ang "A Time For Us*".
Doon ko naisip na maaaring nasaktan ko siya. "Meggggg! Patawarin mo ako Meggg! Sorry hindi ako nagpaalam na aalis ako! Sorry na. Hindi ko na uulitin Meg. Magpapaalam na ako sa susunod Meggg! Meggg! Sorry Megggg!"
Dahil hindi pa rin niya ako pinansin, naupo na lang ako sa paanan ng bato kung saan siya ay nagpa-plawta.
Pagkatapos nang may halos 30 minutos, bumaba rin siya, diretsong naglakad patungo sa kubo. Hindi pa rin niya ako pinansin. Sinundan ko siya.
"Meg... pasensya ka na." Sambit ko habang naglakad kami.
"Umalis ka pala, hindi ka man lang nagpaalam." ang sambit niya noong nakapasok na kaming dalawa sa kubo. Halatang galit.
"S-sorry Meg... hindi na kita ginising dahil ayaw kong maistorbo ang tulog mo. Kailangan mo ng pahinga. Kailangang manumbalik ang iyong lakas."
"Hindi mo ba alam na napakadelikado ng iyong ginawa? Kung napatay ka nila?!!!" ang sigaw niya.
"K-kaya nga nag sorry na ako, eh. Hindi ko na uulitin."
"Hindi na talaga mauulit pa iyan..."
Iyon lang. Muli, hindi na naman niya ako kinausap. At sa gabing iyon, wala kaming imikan. Magkatabi ngunit nakatagilid patalikod sa isa't-isa. Nasaktan ako nang labis.
Hindi rin ako nakatiis. Tumagilid akong paharap sa kanya. "Meg... sorry na please." Ang bulong ko sabay dantay ng aking paa sa kanyang hita.
Tumihaya siya. Dinig ko ang malalim niyang buntong-hininga. Malalim ang kanyang iniisip. Hindi ko lang alam kung ano ang mga bagay na naglalaro sa kanyang utak. Nanatiling nakadantay ang aking paa sa ibabaw ng kanyang hita. Hinayaan lang niya ito. Ang sunod kong ginawa ay idinantay ko ang aking paa sa mismong umbok ng kanyang p*********i.
Hindi pa rin siya nagreact.
Dahil dito, hinipo ko na ang kanyang pisngi at noong hindi pa rin siya pumalag, inilapat ko ang aking bibig sa mga labi niya. Hinalikan ko siya.
Hinayaan niya ako. Noong una ay hindi siya gumanti ngunit sa patuloy kong pagsipsip at pagkalikot ng aking dila sa kanyang bibig, gumanti na rin siya. Naghalikan kami. Mapusok ang sumunod na mga pangyayari.
Sa gabing iyon, naulit muli ang makamundo naming pagnanasa. Akala ko ay maayos na sa amin ang lahat. Ngunit kinabukasan, pagkatapos naming kumain ng agahan, nagulat ako sa kanyang sinabi. "Gusto kong umalis ka na rito." Ang casual niyang pagkasabi, ni hindi tumingin sa akin.
Nahinto ako sa aking pagsubo. Napatingin ako sa kanya.
Ngunit hindi siya tumingin sa akin.
"Meg... hindi kita puweding iwanan. Hindi ka pa lubos na magaling!" ang pagtutol ko, mataas ang aking boses dahil hindi ko nagustuhan ang kanyang sinabi.
"Magaling na ako. Kaya ko na ang sarili ko."
"Hindi Meg, kailangan mo pa ako."
"Pinal na ang disisyon ko, Tob. Aalis ka."
"Bakit ba Meg? Ano ba ang problema mo? Dahil ba nasundan ako ng mga myembro ng sindikato kahapon... iyan ba ang ikinatakot mo?"
"Ayaw kong madamay ka sa gulo! Ayaw kong madamay ang pamilya mo! Ayaw kong masaktan ka! Ayaw kong masira ang buhay at mga pangarap mo kagaya nang pagkasira ng buhay at mga pangarap ko!" sigaw niya.
"Eh nadamay na nga ako, Meg eh! Magtulungan tayo. Hindi tayo maghihiwalay Meg!"
"Naghihintay ang pamilya mo sa iyo, Tob! Naghihintay ang babaeng mapapangasawa mo!"
"Maintindihan ako noon, Meg!"
Ngunit hindi siya nakinig. "Umuwi ka na! Ituloy mo ang mga plano mo sa buhay! Ituloy mo ang pagpakasal sa kanya!"
"Ayokong iwan ka rito! Ayaw kong umuwi!!!"
"Umuwi ka na sabi!!!" ang mas malakas pa niyang sigaw.
Na sinagot ko ring ng isang malakas na sigaw. "Ayoko!!!"
"Pwes, kung ayaw mo... ako na ang aalis!" Biglang tinapos niya ang kanyang pagkain at tumayo, hinugot ang baril sa lagayan nito sa dingding ng kubo at isiniksik sa kanyang beywang sa ilalim ng kanyang t-shirt.
"Anong gagawin mo?"
Hindi siya sumagot. Tuloy-tuloy lang siyang lumabas ng kubo nang walang pasabi.
"Megggggggg!!!"
Tuloy-tuloy pa rin siya sa kanyang paglakad. Hindi niya ako nilingon. At dahil napagtanto ko na hindi na mababali pa ang kanyang disisyon, hinabol ko siya. At noong naabutan, "Sige... ako na ang aalis. Huwag kang umalis, Meg! Ako na lang..."
Huminto siya. Tiningnan akong hindi nagsasalita.
Akmang babalik na sana siya sa kubo nang hinawakan ko ang kanyang balikat. "...bago ako umalis, gusto kong sagutin mo muna ang tanong ko!"
"Ano???"
"Mahal mo ba ako???"
(Itutuloy)