Hemira 3.1

2740 Words
Chapter 3.1 - Ang mga Hoblin *** ~Hemira~ Nagising ang aking diwa nang maramdaman ko na mayroon nang paatake sa akin. Agad na nagmulat ako ng mga mata at nang makita kong papasakmal na ang isang itim na ahas sa akin ay mabilis kong kinuha ang punyal sa aking baywang saka hiniwa ang ulo ng ahas na iyon. Humasik ang dugo niyon sa paligid. Napatayo kaagad ako at napatingin sa nagkalat na napakaraming mga naghihishisang ahas. Mga hypnalis! Napapalibutan na nila kami ni Nyebe. Nang gumapang sa natutulog pa ring si Nyebe ang isa sa mga iyon ay agad kong hiniwa ang ahas sa katawan. "Nyebe!" sigaw ko sa kaniya upang siya'y magising at napabalikwas naman siya. "NEHEEEEEEEEEE!" pag-iingay niya nang makita na ang mga hypnalis na nakapalibot sa amin. Binitawan ko na ang aking punyal at kinuha ang dalawang espada sa aking baywang. Naghanda na ako para sa mga aatake sa aming dalawa. Napakaraming lumapit sa amin kaya naman iwinasiwas ko ang aking espada sa lahat ng mga iyon. Nahati sa gitna ang lahat ng aking tinamaan ngunit narinig ko ang nagwawalang ingay ni Nyebe sa aking tabi kaya ako'y napalingon sa kaniya. Hindi siya makaalis sa kaniyang pwesto dahil sa pagkakatali ko sa kaniya sa punong pinagpahingahan namin. Agad kong hiniwa ang tali iyon kaya naman nakawala na siya. Nanatili siya sa aking tabi at nakita ko sa kaniyang mga mata na handa na rin siyang makipaglaban. Tila may isip siya ng tao. Napakarami na talaga ng nakapalibot sa amin. Ang kaninang napakakulay na kagubatang ito ay napalitan ng pagiging tuyot at ang tanging nagbibigay liwanag lamang ay ang sinag ng buwan. Patuloy rin naman ang pagsaksak at paghati ko sa mga ahas ngunit tila wala silang katapusan sa dami. Itinutok ko ang aking dalawang espada sa kanila upang handa ako sa mga mang-aatake pa sa amin. [Trabem.] Narinig kong tinig ng aking Nana Thelia sa aking isipan. "Trabem!" bigkas ko naman niyon upang subukan. Doon ay nagliwanag ang aking dalawang espada kaya nanlaki ang aking mga mata. Isang napakalakas na pagsabog ang nilikha niyon na nagpasalpok pa sa akin sa punong nasa aking likuran. Pati si Nyebe ay tumama din dito. Nagkaroon ng apoy ang pagsabog na iyon na kumalat sa mga punong tuyot saka lumagablab nang napakalakas. Dahil doon ay nagsi-alisan ang lahat ng mga hypnalis na nakapalibot sa amin. Miski si Nyebe ay nagwawala na rin sa aking tabi dahil sa takot sa apoy. Tumayo na ako kahit ramdam ko ang sakit ng aking likod. Napangiti ako nang malawak dahil nakisama ang mahika ko ngayon sa akin sa gabay ng aking namayapang Nana. Kahit na nais kong magdiwang ng lubos ay mas inuna ko na si Nyebe. Kinalma ko siya saglit sa paghaplos sa kaniyang mukha at inilagay ko nang muli ang aking dalawang espada sa lagayan niyon sa aking baywang. Sumakay na ako sa kaniya na kahit papaano'y kalmado na upang umalis na sa lugar na ito ngunit naalala ko ang aking lagan kaya tiningnan ko iyon sa punong aking sinandalan kanina kung saan ko iyon inilagay. Nanlaki ang aking mga mata nang makitang wala na iyon doon. Marahas akong tumingin sa paligid nang maramdaman ko ang isang prisensya mula sa isang kakaibang nabubuhay. Nang mapatingin ako sa isang direksyon ay nakita ko ang isang maliit na nabubuhay na tumatakbo palayo habang sakbit ang aking lagan. Nangunot ang aking noo. "Hiyaahh!" Sinipa ko ang gilid ng tiyan ni Nyebe upang siya'y tumakbo. Hinabol namin ang nabubuhay na iyon ngunit napakabilis niyon na tumakbo. "Nyebe bilisan mo! Ikaw ang pinakamabilis na tumakbo sa lahat ng kabayo sa ating kaharian kaya huwag kang magpapatalo sa bansot na iyon!" "NEHHEEEEEEEE!" Mas binilisan pa niya ang kaniyang takbo. Naging mas masukal at madilim ang dinadaanan namin ngayon. Nahihirapan nang tumakbo si Nyebe dahil sa mga maninipis na sangang nakaharang sa daanan kaya pinaghihiwa ko iyon ng aking espada sa aming pagdaan ngunit buti na lamang, hindi pa rin nawawala sa aming paningin ang maliit na nabubuhay na may sakbit ng aking lagan. Napakahalaga ng mga laman niyon sa aking paglalakbay kaya hindi maaaring mawala iyon sa akin dahil kung hindi ay mahihirapan ako nang lubos sa pagpunta sa karagatan ng Syierian. Ngayon ay nakapasok na kami sa isang bagong kagubatan. Hindi pa rin tumitigil sa pagtakbo ang bansot na magnanakaw ngunit napangisi ako nang kakaunti na lamang ay maaabutan na namin siya ni Nyebe. Nang may kalapitan na kami sa kaniya ay agad akong tumalon pababa mula sa aking kabayo at doon ay nagpagulong-gulong ako saka ko dinaganan ang nahabol ko nang aking lagan kaya naipit ang bansot na nagsasakbit niyon sa ilalim. Tumigil na rin si Nyebe sa pagtakbo. "A-aray! Aray! Aray! U-Umalis ka riyan s-sapagkat hindi ako m-makahinga!" pagrereklamo ng maliit na boses na nanggagaling sa dagan-dagan kong lagan. Nakadapa ako ngayon sa aking gamit at pilit na dinidiin ko ang aking mga braso at siko rito upang hindi makawala ang basot sa ilalim. "Bakit ko naman gagawin iyon? Upang matakasan mo na naman kaming muli at manakaw mo sa akin ang lagan na ito?" Mas lalo ko pang diniinan ang pagkakadagan ko sa kaniya. "H-hindi! H-hindi! Hindi naman ako t-tatakas! M-magpapaliwanag ako sa iyo..." pahina nang pahina na nitong sabi. Naawa naman ako kaya dahan-dahan ko nang inalis ang pagkakadagan ko sa kaniya. Nakaupo na ako ngayon sa damuhan. Dahan-dahan kong tinanggal ang lagan na nakadagan sa kaniya at nakita ko ang isang maliit na nabubuhay na nakapikit lamang at tila wala ng buhay. Puti ang maikli nitong buhok at sa tingin ko ay isa siyang babae. Ang kaniyang ilong din ay sobrang liit na lapad. Nakasuot siya ng isang kasuotan na sa pangkaraniwang tao ngunit napakadumi niyon at may gulanit na sa ibang mga parte. Tinapik ko ang bintog niyang pisngi upang siya ay gisingin ngunit hindi niya minumulat ang kaniyang mga mata. Lumapit sa amin si Nyebe at inamoy-amoy ang maliit na nabubuhay na ito. Tinitigan ko itong mabuti at hindi na ito nahinga. "Patawad munting nabubuhay. Hindi ko sinasadya na ikaw ay kitilan ng buhay. Sana ay mapatawad mo ako dahil sa aking nagawa sa iyo." Pumitas ako ng isang bulaklak na kulay lila malapit sa amin at inilagay ko iyon sa kaniyang dibdib. Tumingin ako sa paligid kung nasaan na kami napunta ni Nyebe. Isang kagubatan na naman ito ngunit ordinaryo lamang dahil hindi katulad ng unang kagubatang napuntahan namin ay wala itong makukulay na dahon ng puno at halaman. Lahat ay kulay berde ang dahon. "Haaaaaahhhhh!" Gulat na napatingin ako sa aking harapan nang tumayo ang munting nabubuhay. Habol na habol niya ang kaniyang hininga habang nakahawak sa dibdib niya. Napatitig ako sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Ang laki ng mga mata niya na mapula-pula at tig-isa lamang na ngipin sa ibaba at itaas ang mayroon siya. Napakapayat din ng kaniyang katawan na halos bumakat na ang kaniyang buto. Sa aking tingin ay hanggang tuhod ko lamang ang taas niya o mas maliit pa. Kumurap-kurap ako. "Hindi ka pa patay?" Mas lalong nanlaki ang bilugan niya nang mga mata. "Mukha ba akong patay sa iyong mga mata?! Ito nga at humihinga pa rin ako! Bakit napakatagal mong umalis?! Kailangan ko tuloy pigilan nang napakatagal na oras ang aking hininga upang hindi mo malaman na buhay pa ako ngunit ngayon ay alam mo na kaya sinira mo ang aking magandang plano!" walang-hingahang sigaw niya sa akin. Muli niyang habol ang kaniyang hininga dahil sa dami ng sinabi niya. Bigla siyang napatingin sa lagan na nakapatong sa aking hita pagkatapos ay tuminging muli sa akin. Walang anu-ano'y hinablot niya iyon ngunit hindi siya nagtagumpay dahil agad kong hinawakan iyon. Pilit niya pa ring inaagaw ito sa akin. "Akin na ito!" Napailing-iling lamang ako. "Lumabas na kayo! Batid kong naririyan kayo at kanina pa nanonood sa amin!" sigaw ko saka tumingin sa paligid. Pagkapasok na pagkapasok pa lamang namin ni Nyebe rito sa kagubatan na ito, ramdam ko na ang napakaraming mga matang nakatingin sa amin. Kanina pa nila pinapanood ang aking bawat galaw. Tumayo na ako at isinakbit ang lagan sa aking likuran. Nakalambitin pa roon ang babaeng munti na nabubuhay na napakaligalig. Unti-unting naglabasan sa likod ng mga puno ang mga maliliit din na nabubuhay na katulad nitong nakalambitin sa aking lagan. Marami sila na sa aking tantiya ay lagpas tatlungpu at pare-parehas silang mumunti. Lahat din sila ay may mapula-pulang mga mata at iilang mga ngipin lamang ang mayroon. May matatanda, mga babae at lalaki rin. May mga nanay pa na kalung-kalong ang mas maliliit pa nilang mga anak. Lumapit ako kay Nyebe upang bantayan siya. Kung may masama mang gawin ang maliliit na nabubuhay na ito ay agad ko siyang mapoprotektahan. Hindi ako maaaring maging kampante dahil kahit maliliit lamang sila ay hindi ko naman batid ang kanilang mga kakayahan. "Magaling ka, babaeng tao. Nalaman mo na pinapanood ka namin." narinig kong wika ng isang boses ng matandang lalaki. Nahawi ang mumunting mga nabubuhay sa gitna at lumabas ang isang matandang katulad nila. Ang mahaba nitong buhok ay kulay puti at kulubot na kulubot na ang balat. Halos pikit na rin ang mga mata at sa labis na katandaan ay ang tungkod na nito ang sumusuporta rito sa pagtayo. Nakatingin lamang ako rito. "Kami ay mga hoblin na nagmula sa kagubatan ng Kobal at ako si Orum, ang pinuno nila. Ikaw binibini, ano ang iyong pangalan?" tanong niya sa akin. "Hemira. Isang mandirigma ng kahariang Gemuria at nagmula ako sa ikatlong angkan ng Tritus, mga puting maheya." pakilala ko naman. Namamanghang napasinghap naman sila pare-pareho nang malamang ako'y mula sa Gemuria. "Mandirigma ka ng kahariang Gemuria?" pagkumpirma sa akin ni ginoong Orum at pagtango ang aking naging tugon. Walang anu-ano’y lumuhod siya sa aking harapan kahit na hirap na hirap. "P-Patawad, mandirigma ng Gemuria! Wala kaming intensyon na masama sa iyo! Sadyang mayroon lamang kaming kailangan sa iyo kaya nagawa ng isa sa aming kasamahan ang kuhanin ang iyong gamit!" Nagsiluhuran naman din ang iba pang mga hoblin sa akin. "Patawad, mandirigma ng Gemuria!" sabay-sabay nilang wika. Kita ko ang panginginig ng braso ni Ginoong Orum dahil halatang hindi niya na kaya pang lumuhod nang ganoon kaya nilapitan ko agad siya. Tinulungan ko siyang tumayo saka pinulot ko ang kaniyang tungkod na nabitawan niya at ibinalik iyon sa kaniya upang masuportahang muli ang kaniyang tindig. Bumitaw na rin sa pagkakalambitin ang babaeng hoblin sa aking lagan at lumuhod din sa akin. "Patawad magandang mandirigma sa aking kasamaang ginawa sa iyo. Kinuha ko lamang naman ang lagan na iyan dahil tunay na kinakailangan na namin ng pagkain at nakita kong mayroon iyang laman niyon kaya naisipan kong nakawin. Patawad talaga…" Yumuko pa siya sa akin habang maluha-luha na ang mga mata sa paghingi ng tawad. Nabakas na ang kalungkutan sa mukha nilang lahat. Mukhang gutom na gutom na nga talaga silang lahat. Ang kanilang mga napakapapayat na pangangatawan ay isa ng patunay roon. Napatingin ako sa sakbit kong lagan. Doon ay nabuo ko ang isang desisyon. Tinanggal ko ang pagkakasakbit ko niyon at inilapag iyon sa lupa. Nakatingin lamang silang lahat sa akin habang nakaluhod pa rin. Binuksan ko ang lagan at hinanap ang mga natitira pang pagkain doon sa loob. May limang tinapay pa at isang basyo ng tubig. Kinuha ko ang limang tinapay at nilapitan ko sila. "Tumayo na kayo at kainin ninyo ang kaunting pagkaing ito." Napatulala sila sa aking lahat at hindi makapaniwala sa aking sinabi. Kumutib ako sa unang tinapay na aking hawak saka ko binigyan sila isa-isa na hindi pa rin makapaniwalang nakatingin sa akin. Masyado silang madami kaya kung hindi ko aayusin ang paghahati sa mga tinapay ay baka hindi makakain ang iba. Napaluha na sila sa lubos na katuwaan at tinanggap nila ang tinapay na iyon kahit kakapiraso lamang. Binigyan ko rin ang matandang pinuno nilang si Orum na halatang hindi rin makapaniwala sa aking ginagawa. Paubos na ang limang tinapay ngunit nagtira ako nang may kalakihan niyon. Lumapit ako sa babaeng hoblin na aking dinaganan kanina at ngumiti sa kaniya. "Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" Nakatitig siya sa akin. "E-eriza, magandang mandirigma ng Gemuria." Nangungutitap sa paghanga ang pula niyang mga mata habang nakatingin sa akin. "Kung gayon Eriza, ito ang sa iyo. Dahil ikaw ang nagdala sa akin dito, ito ang iyong premyo." Nakangiti kong ibinigay sa kaniya ang natirang tinapay na aking hawak. Tiningnan niya iyon saka muling tumingin lamang sa akin na tila hindi pa rin makapaniwala. "Hindi mo ba nais? Akin na lamang ito kung gano—" Bigla niyang inagaw iyon sa akin at naluluhang kumain na. Napangiti ako lalo. Ayos lamang kahit wala akong pagkain sa susunod na dalawang araw. Sanay naman ang aking katawan sa gutom at marami namang gubat na may puno ng prutas kaming madadaanan ni Nyebe. Napatingin ako sa kanilang lahat. Kita kong talagang tinitipid nila ang tinapay na aking binigay sa kanila. Ang may mga anak ay ibinibigay na lamang nila sa kanilang anak ang tinapay na mayroon sila. Tila may kumurot sa aking puso sa lungkot na naramdaman ko para sa kanila kaya hindi ko napigilan ang magtanong kay Ginoong Orum. "Ano po ba ang kinakain ng mga hoblin na katulad ninyo, Ginoong Orum? Hindi ba iyon matatagpuan dito sa gubat na ito? Katulad din ba iyon ng kinakain naming mga tao?" Mas naging malungkot ang kaniyang mukha pati na rin ang sa iba na kanina ay masaya na. "Wala ang aming pagkain dito dahil hindi naman ito ang tirahan namin Hemira." Nangunot ang aking noo. "Hindi ba't sabi n'yo na sa kagubatan ng Kobal kayo nagmula? Hindi ba ito ang kagubatang iyon?" Sabay sabay lamang silang umiling. "Ang kagubatang pinagmulan n'yo kanina ni Eriza ang tunay na aming tirahan, ang kagubatan ng Kobal." Napatanaw siya sa malayo. Napatingin naman ako sa direksyon kung saan kami nagmula kanina. May usok na nanggagaling mula roon dahil sa aking nagamit na mahika kanina na nagresulta ng apoy at pagkasunog ng mga puno roon. "Kung gayon ay bakit kayo naririto at hindi roon? Dahil ba sa mga makakamandag na hypnalis na iyon?" Nagsitanguan naman silang lahat. Biglang pumatak ang malakas na ulan. "Halika muna babaeng mandirigma sa aming tahanan upang hindi ka mabasa ng ulan." Hinawakan ni Eriza ang aking kamay habang nakangiti sa akin. Tinanguan ko siya. Nagsi-alisan na ang maraming hoblin pati na rin si Ginoong Orum. Hinawakan ko ang lubid na nakatali sa leeg ni Nyebe at isinama ko na siya sa amin. Basang-basa na rin siya katulad namin. Naglakad kami nang hindi ganoong kalayo at nang marating namin ang isang napakataas na pader na may mga malalaking halamang nakagapang ay napatingala ako sa taas niyon. May umingit na pinto mula sa aking ibaba kaya naman napatingin ako sa pintong hanggang baywang ko lamang na bukas na. Doon nagsipasukan ang mga hoblin na kasama namin. Itinali ko muna si Nyebe sa isang puno na may silong kung saan hindi siya mababasa ng ulan dahil hindi naman siya makakapasok sa mababang pinto ng mga hoblin. Pumasok na sa loob si Eriza habang hawak pa rin ang aking kamay. Yumuko naman akong mabuti upang makapasok din doon. Hindi ako magkasya kaya naman gumapang na ako papasok. Pagkapasok ko, hindi ko inaasahan ang aking nakita. * * * Hypnalis - itim na ahas na napakamakamandag at kayang magbalat kayo sa umaga ngunit sa gabi naman umaatake. Ang mga binibiktima nila ay ang mga tao o hayop na nasa kailaliman ng tulog. Grupo rin sila kung umatake at kapag natuklaw ka nila ay isang araw lamang ang itatagal ng buhay mo. Upang mailigtas ka sa kamatayan ay kailangan mong mahanap ang mismong nanuklaw sa iyo at magpakagat muli roon dahil kung hindi ay mabubulok ang iyong sugat hanggang kumalat sa buo mong katawan sa paglipas ng isang araw. Mahirap talunin ang kamandag ng mga hypnalis dahil lahat ng mga ito ay pare-parehas ang hitsura, kulay at haba kaya kapag natuklaw ka, napakaliit ng tsansang mahanap mo ang alin sa mga ito ang umatake. Hoblin - maliit na nabubuhay at hanggang tuhod lamang ng mga ordinaryong tao. Kilala sila sa pagiging sikretong mabuti sa mga tao. Maliliksi silang tumakbo ngunit hindi sila marunong makipaglaban dahil sanay silang mabuhay sa isang mapayapang lugar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD