“ALONA, maraming salamat sa pagtulong mo sa akin kanina. K-kung hindi mo siguro iyon ginawa baka namatay na kami ng baby ko!” biglang umiyak si Jessa pagkatapos nitong sabihin iyon sa kanya.
Niyakap ni Alona si Jessa para aluin ito. “Ginawa ko lang naman ang nararapat. Isa pa, naaawa rin ako sa kalagayan mo, Jessa. May buhay ka sa sinapupunan mo. Gusto kong mabuhay pero hindi ko hahayaan na may isang sanggol na hindi pa nakikita ang ganda ng buhay na mamawawala agad.” Hinimas pa niya ito sa likod.
“Salamat talaga! Natatakot ako, Alona. A-ayokong mamatay ang baby ko!”
Bahagya niyang inilayo ang babae sa kanya at tiningnan ito.
“Isa lang ang pwedeng mabuhay sa atin sa larong ito at para sa akin, ikaw ang nararapat na makakuha ng box.”
“A-anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Jessa.
Magsasalita pa lang sana si Alona nang makita niyang papalapit si Mario sa kanila. Mukhang narinig nito ang pag-uusap nila ni Jessa. Agad na umasim ang mukha niya pagkakita sa lalaki. Hinawakan niya si Jessa sa kamay at inaya itong umalis na.
“Tutulungan ko rin si Jessa, Alona. Parehas tayo ng naiisip na gawin sa larong ito ni Miss Black!” Malakas na sabi ni Mario na ikinatigil niya.
Naniningkit ang mga mata na nilingo niya ito. “Anong ibig mong sabihin?”
Nalilito na pumagitna sa kanila si Jessa. “S-sandali… Naguguluhan ako. Pwede bang ipaliwanag niyo sa akin ang gusto niyong mangyari?” anito.
“Kung hindi ako nagkakamali ay parehas kami ni Alona nang naiisip,” mataman na nakatingin si Mario sa kanya habang nagsasalita ito. “Tutulungan ka namin na manalo, Jessa, dahil sa batang nasa sinapupunan mo. Sa ating lahat, ikaw ang may karapatan na manalo dahil sa buhay na dinadala mo. Hindi ako makakapayag na may inosenteng bata na mamatay, isang bata na hindi pa nakikita ang mundo! Isasakripisyo namin ni Alona ang buhay namin para sa’yo, Jessa. Tama ba, Alona?”
Napakurap si Alona pagkatapos ni Mario na magsalita. Muli siyang humanga sa lalaking dating minamahal. Nakita niya ulit dito ang Mario na minahal niya noon. Ang Mario na mabait at mapagbigay, ang Mario na hindi makasarili…
Humarap siya kay Jessa. Nangingilid ang luha nito.
“Tama si Mario, Jessa… Tutulungan ka naming manalo. Ikaw ang dapat na makakuha ng box!” determinadong sambit ni Alona sa babae.
“Kaya dapat nating gawin ang lahat para tayong tatlo ang matira!”
“Tama si Mario. Team na tayo ngayon dahil iisa lang ang goal natin!” aniya.
Tuluyan nang napahagulhol si Jessa. “Maraming salamat! Hayaan niyo at sisikapin ko na hindi maging pabigat sa inyong dalawa!” Umiiyak na sambit ni Jessa at niyakap silang dalawa ni Mario nito.
ITINAPON ni Gio ang sigarilyo sa paanan at gigil na tinapakan iyon. Nasa tabi niya si Arvin na nakatulala at parang hindi pa rin nakaka-recover sa pinagawa sa kanila ni Miss Black. Nagngangalit ang mga ngipin na nakatingin siya kina Alona, Mario at Jessa na nasa hindi kalayuan. Hindi man niya naririnig ang pinag-uusapan ng tatlo ay sigurado siya na may pinaplano ang mga ito.
“Hoy, Arvin! Tingnan mo ang tatlong `yon! Alam ko may pinaplano sila para manalo,” aniya sa kasamang lalaki.
“Ha?” tila wala sa sarili na react nito.
Napailing na lang si Gio. Mukhang hindi niya maaasahan si Arvin. Mahina ito.
Kailangan niyang kumilos nang siya lang at walang inaasahan na iba!
Hanggang sa may naisip siya at napangisi siya sa kanyang sarili.
Gagawin niya ang lahat para siya ang makakuha ng box!
SIMULA ng araw na iyon ay hindi na naghiwa-hiwalay sina Alona, Jessa at Mario. Sa condo unit ni Alona sila nag-stay. Bawat araw na lumilipas ay hindi pwedeng hindi sila kabahan. Bawat pagtunog nag telepono ay nagbibigay sa kanila ng takot dahil baka si Miss Black na naman iyon at sasabihin na maghanda na sila para sa ikalawa nilang pagsubok.
Tinanggap na ni Alona na ito na ang kapalaran niya—na makalipas ang ilang araw ay mamamatay na siya. Maaaring matalo siya sa natitirang dalawang pagsubo at katulad ni Jenny ay sasabog ang chip na nasa ulo niya o kung suswertihin man siya at makasama siya sa tatlong magkakaroon ng pagkakataon na hanapin ang box, kakalat naman ang lason sa katawan niya at mamamatay. Tanggap na rin niya na nabubuhay na lang siya para kay Jessa at sa dinadala nito.
Isang kamay ang dumantay sa balikat ni Alona habang nakatingin siya sa glass wall at pinagmamasdan ang kadiliman sa labas. Paglingon niya ay nakita niya si Jessa na may hawak na sandok.
“Alona, luto na ang dinner… Kain na tayo,” alok nito.
Malaki ang naitutulong ni Jessa sa kanila. Ito kasi ang gumagawa ng mga gawaing-bahay kasama na ang pagluluto. Kahit minsan ay pinagpapahinga na lang niya ito dahil buntis ito pero mapilit itong gawin ang mga iyon. Ayon dito, kahit man lang daw sa ganoong paraan ay makaganti ito sa kanila ni Mario.
Ngumiti siya dito. “Sige, susunod na ako. Si Mario?” aniya.
“Mamaya pa raw siya kakain, e. Wala pa daw gana…”
Sabagay, sino ba naman ang gaganahan na kumain kung alam mong mamamatay ka na?
“Mauna ka na muna, Jessa. Hindi ka pwedeng malipasan ng gutom dahil sa baby mo sa tiyan…”
Hinimas ni Jessa ang umbok sa tiyan nito. “S-salamat…” Muli na naman itong napaluha. “Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat sa inyo ni Mario, sa sakripisyong ginagawa niyo sa akin!”
Matapos na yakapin ni Alona si Jessa ay nagtungo na ito sa kusina.
Muli siyang bumalik sa pagtingin sa labas. Bigla siyang napaubo kaya agad niyang itinakip ang kanyang kamay sa bibig. May naramdaman siyang tila malagkit na likido sa kanyang kamay. Nahintakutan siya nang malaman niya na dugo iyon!
Kinabahan siya.
Unti-unti nang kumakalat ang lason sa katawan niya. Hindi lang sa katawan niya kundi sa katawan nilang lahat.
“Alona…” Boses iyon ni Mario. Alam niya.
Narinig niya ang mga yabag ng paa na papalapit sa kanya.
“Bakit, Mario?”
“I’m sorry… Sorry sa nagawa namin sa iyo ni Lindsay—“
Itinaas ni Alona ang isa niyang kamay para pahintuin ito sa pagsasalita. “Mario, please lang… `Andito tayo para sa kapakanan ni Jessa kaya sana lang `wag nating isama ang personal issues natin dito.” Humarap siya dito. “Isa pa, ayoko nang pag-usapan `yan. Gugustuhin ko na lang na baunin sa hukay ang ginawa niyo sa akin ni Lindsay!” aniya at tinalikuran na niya ang lalaki.