CHAPTER FOUR

1790 Words
Tahimik ang lahat sa klase. Iniiwas niya ang tingin sa harap, hindi siya handa ngayon. Inaantok pa siya at higit sa lahat ay hindi nya maintindihan ang formula na ibinigay ng kanilang guro.  Hindi naman siya mahina sa klase ngunit hindi rin naman sya henyo lalo na at Mathematics ang subject. Ngayon siya nagsisisi na tinapos pa ang librong binabasa kagabi. Kaya tuloy heto siya at hindi makapag-concentrate.  Nanigas siya ng biglang tumingin sa kanya si Miss Ignacio, ang kanilang Mathematics teacher. Akma nitong ibubuka ang bibig nang biglang may kumatok sa pinto ng kanilang classroom. Sabay-sabay yata silang lahat huminga ng maluwag. Pakiramdam niya lumabas na mula sa loob ng dibdib niya ang kanyang puso. Malakas ang pakiramdam niya na siya ang nais tawagin ng kanilang guro. Saved by the bell! Lahat sila ay napatingin sa kung sino man ang bisita ni Miss Ignacio. Mabilis itong pinagbuksan ng kanilang guro. Ang kanilang school principal pala iyon at sa likod nito ay isang binatilyo na sa tingin niya ay halos kaedaran lamang nila. Tahimik na nakasunod lamang ang lalaki sa kanilang principal. Seryoso ang mukha ng lalaki. Matangkad ito at maputi. Gwapo pero mukhang suplado. Mahinang nag-uusap ang kanilang guro at principal. Pagkaraan ng ilang sandali ay umalis na si Mr. Walter. Nakita niyang bahagyang tumango ang lalaki sa kanilang guro, siguro ay may sinabi si Miss Ignacio. Pagkatapos ay humarap sa kanila ang guro. "Class, this is Mr. Harry Montenegro. Transferee siya mula sa George Halton School. At magiging kaklase niyo na siya mula ngayon," nakangiting pahayag ng kanilang guro. Alam niyang hindi lang siya ang nagtataka. Bakit? Ang George Halton School ay isa sa mga kilalang eskwelahan, hindi lamang sa kanilang probinsya ngunit sa buong bansa. Exclusive at tanging mayayaman lamang ang nakakapag-aral doon. Sabagay mukhang hindi basta-basta ang kanilang bagong kaklase. Pero bakit naman ito umalis sa eskwelahang iyon? Bigatin ang George Halton at malaki ang tyansa na makakuha ng magandang trabaho ang mga estudyanteng nag-aaral doon.  So? Bakit? Napaiiling siya. Hindi na niya dapat pinoproblema yun. Hindi magandang ugali ang makialam sa buhay ng iba. Ang mas dapat niyang intindihin ay ang solution sa harapan nila. Baka tuluyang siya ang tawagin ng guro. "Miss Nicolas..." Bigla na lamang niyang narinig iyon mula kay Miss Ignacio. Nanlalaki na yata ang mata niya ng tumingin siya sa harap. Nakatingin sa kanila ang guro pati na rin ang bago nilang classmate sa kanya. Lumabas na yata ng tuluyan ang puso niya sa dibdib niya ng magkatinginan sila ng lalaki. Grabe naman kasi ang mga tingin nito! "Miss Nicolas, are you alright?" Nagulat pa siya ng magsalita ang guro. "Ahm... ayos lang p-po ako."  "Okay. Anyway, sinabi ko na kung maaari ay sa katabing upuan mo na tumabi si Mr. Montenegro?" "Ah... o-opo naman po, Ma'am!" Tinignan niya ang bagong kaklase. Nakatingin lang din ito sa kanya.  "Alright, Mr. Montenegro, you can sit now." Iniiwas niya ang tingin dito. Sigurado siyang sa kanya nakatingin ang lalaki. Nginitian niya ito ng umupo na ito sa kanyang tabi kahit na kakaibang kabog ng dibdib ang kanyang nararamadaman. Kaba pa ba rin ba iyon dahil kay Miss Ignacio? Grabe naman! Ganunpaman gusto niyang maging komportable ang bago nilang kaklase kaya ekis na muna ang kung anu-anong naiisip niya. Hindi madali ang makisama sa bagong klase lalo na ilang linggo na rin mula ng magsimula ang klase. Pero iniwas lamang nito ang tingin sa kanya. Suplado! "Okay class, saan na nga ba tayo nahinto?"  Dahil don, sabay-sabay na naman silang nag-iwas ng tingin. Muli na naman siyang hindi mapakali. Pakiramdam niya talaga ay siya ang tatawagin kanina ng guro. “Diyos ko, 'wag naman sanang maalala ni Miss Ignacio na parang ako ang tatawagin niya,” dasal niya sa sarili. Hindi na talaga siya uulit! Hindi na siya magpupuyat para hindi siya inaantok sa klase. "Ah... yes, I remember. Please solve the problem on the board..." Nagpalinga-linga muna ang kanilang guro. Pagkatapos ay... "Jasmin, Miss Nicolas, please solve the problem."  Patay! Hindi yata siya malakas kay Lord. Halos lahat ng pangako ay nasabi na niya. Nanlalamig ang kanyang kamay at pakiramdam niya aatakihin na siya sa nerbyos. "Jasmin. Please solve the problem." Tinawag siyang muli ni Miss Ignacio. Lahat ng kaniyang classmate ay nakatingin na sa kanya. Kinakabahan man ay tumayo siya at lumapit sa blackboard. Hindi niya alam ang sagot, hindi niya naintindihan ang paliwanag ng guro dahil antok na antok talaga siya kanina. Pero paano niya sasabihing hindi niya alam ang sagot? Kilalang terror si Miss Ignacio.  Ilang minuto na siyang nakatayo at tinititigan ang formula ngunit ‘di niya mahagilap kung saan magsisimula. "Miss Nicolas, alam mo ba talaga kung paano i-solve yan? Hindi lalabas ang solution kahit titigan mo hanggang bukas iyan." Alam niyang kahit na walang tumatawa sa mga kaklase niya dahil natatakot din ang mga ito na matawag, pinagtatawanan pa rin siya ng mga ito.  "I'm sorry, Ma'am, hindi ko po alam kung paano i-solve." Gusto niya nang maiyak ngunit nilakasan na niya ang loob. Ayaw naman niyang tumayo lamang doon at hintayin nga na lumabas ang solution. Imposibleng mangyari ‘yun! Nakita niyang tinikom nito ang bibig. Ang ayaw pa naman nito ay iyong mga estudyanteng tamad. Ang sabi pa nga nito ay tamad lamang ang mahihirapan sa math dahil nasa harapan mo na ang formula at ang solution. Kaya naman mas madali ang subject na math para dito. Siguro nasabi nito iyon dahil magaling ito sa subject na iyon. Hindi naman siya masasabing bobo sa math pero 'di naman siya kasing galing nito. Hiyang-hiya na siya sa mga kaklase. Lakas-loob na siyang umamin na hindi niya kayang i-solve ang problem na iyon pero hindi pa rin siya pinapaupo ng guro.  "Ma'am?" Napalingon siya sa nagsalita. Ang kaklaseng si Nilo iyon. Nakataas ang kamay nito habang nakatingin kay Ms. Ignacio. "Baka pwedeng tulungan si Jasmine?"  Nanlaki ang mata niya sa narinig. Bago pa man makasagot si Ms. Ignacio ay malakas na "Uyyyy!" na ang narinig nila mula sa mga kaklase. Pakiramdam niya ay umakyat ang lahat ng dugo niya sa ulo niya.  Ano ba naman ang pakana nitong si Nilo? Oo nga at magkakilala sila ngunit hindi naman sila close. Hindi niya gusto na kung ano ang isipin tungkol sa kanilang dalawa lalo pa at may bago pa silang classmate. At talagang ‘yung bagong classmate pa talaga ang naisip niya? Muling nabaling ang atensyon niya sa guro nang magsalit ito. "Okay. But it doesn't mean na palalagpasin ko ito, Ms. Nicolas." Tumango siya sa guro. Ipinapangako niya pati na rin sa sarili na hindi na siya uulit. Pahiyang-pahiya siya ngayon. "Okay, sit down, Ms. Nicolas." Nakayukong bumalik siya sa upuan.  Pagka-upo niya ay nakita niyang tumayo na mula sa upuan nito ang kaklaseng si Nilo. Naguguluhan man ay napanatag na siya. Nagpapasalamat pa rin siya at may isang Nilo na sumalo sa kanya. Hindi siya pala-kaibigan kaya hindi niya alam kung bakit nito iyon ginawa. Hindi siya mahilig makipagbarkada pero hindi naman siya loner. Mas gusto lang talaga niya ang tahimik na paligid.  Grabeng kahihiyan ‘tong nangyari sa kanya ngayon! Napayuko siya dahil pakiramdam niya ay nanlalaki ang kanyang ulo. Nang may maalala ay bigla siyang napatingin sa kanyang tabi. Ngayong araw pa talaga siya napahiya sa buong klase. Ano kaya ang naiisip sa kanya ng bagong kaklase? Baka isipin nito na tamad siya o kaya naman ay bobita? Sinaway niya ang sarili at iniiwas ang tingin sa katabi. Mukha namang wala itong pakialam dahil nang tignan niya ito ay deretso lang itong nakatingin sa harap. Pero hindi niya pa rin maiwasang isipin kung ano kaya ang iniisip nito pagkatapos nitong masaksihan ang nangyari kanina. Napapikit na lang siya nang siya na mismo ang sumagot sa sarili. Bakit ba ako nag-aalala sa iisipin nitong lalaking ito? Ngayon lang naman niya ito nakita. Kung tutuusin ay hindi nga sila magkakilala nito. Ang dapat niyang atupagin ngayon ay ang leksyon nila sa Matematika. ‘Pag tingin niya sa harapan ay saktong natapos na ni Nilo ang problem na hindi niya nasagot. Bahagya pa siya nitong nginitian nang magsalubong ang kanilang mga mata. Mamaya na lang niya ito pasasalamatan ‘pag tapos ng kanilang klase. Mabuti pa ito naintindihan ang leksyon nila na iyon kahot na noon lang din iyon itinuro sa kanila. Magaling ba ito sa Math? Hindi naman kasi niya napapanin si Nilo noon o kung mahusay ba ito sa subject na iyon. Kaya nga laking gulat niya nang magprisinta ito kanina para tulungan siya. Dahil hindi niya natatandaang nag-usap sila nito kahit isang beses. Nang matapos ang klase ni Ms. Ignacio sa kanila ay tsaka lang siya nakahinga ng maluwag. Malamang ay ganoon din ang iba pa niyang mga kaklase. Hindi niya alam kung ipagpapasalamat din ba niya na may iba pang hindi nakasagot kanina maliban sa kanya pero siguro ay ayos na rin iyon, at least hindi iisipin ng bago nilang classmate na wala siyang alam. Napangiwi siya dahil sa naisip. Dapat ay wala siyang paki. “Jasmin!” narinig niyang tawag sa kanya ni Amy, ito ang nag-iisa niyang kaibigan sa school na iyon. Tumabi ito sa kanya. “May ano sa inyo ni Nilo?” Kumunot ang kanyang noo sa tanong nito. “Ano?” “Kunwari ka pa. Nanliligaw ba sa iyo si Nilo?” nanunukso nitong muling tanong sa kanya. “Ano? Hindi!” nagulat pa siya sa sarili dahil napalakas ang kanyang boses. Nagtinginan tuloy sa gawi niya ang iba nilang classmate kabilang na ang grupo nila Nilo. Ito naman kasing si Amy, ginugulat siya sa mga tanong nito. Napahagikgik pa ito nang makita ang reaksyon niya. “Eh, bakit ka niya tinulungan kanina?” Hindi niya alam kung bakit sa katabing si Harry napokus ang kanyang tingin ngunit labag na labag sa loob niya ang pinagsasabi nitong kaibigan niya. Parang ayaw niya na marinig nito iyon? “Amy, wala. Kung ano man ‘yang iniisip mo, huwag. Hindi nanliligaw si Nilo sa akin.” “May gusto sa iyo si Nilo,” mahina pa nitong sabi sa kanya. “Guni-guni mo lang ‘yon. At isa pa, wala pa akong planong magpaligaw. Bata pa ako at priority ko ang pag-aaral.” “Sus! Ikaw na ang pinagpala ng kagandahan! Kung ako ang liligawan ni Nilo, go ako!” sabi pa ni Amy. “Ikaw talaga! Bumalik ka na sa upuan mo at baka dumating na si sir,” taboy niya rito. Baka kung ano pa ang sabihin nito. “Hmp!” kunwari ay nagtampo pa ito sa kanya bago bumalik sa upuan nito. Nagulat pa siya nang ‘pag baling niya sa katabi ay nakatingin pala ito sa kanya. Ngunit agad ding nag-iwas nang magsalubong ang kanilang tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD