"Bakit hindi 'ko makuha?" naiinis na tanong niya sa sarili.
Napalingon siya nang marinig ang mahinang tawa ni Harry. Minsan lang itong tumawa at mahinang-mahina pa. Tapos ay sa ganoong pagkakataon pa talaga?
Naroon silang dalawa sa kanilang classroom. Silang dalawa na lang ang naroon dahil kanina pa nag-uwian ang mga kamag-aral nila.
Hindi niya kasi makuha-kuha ang ang solution sa itinuro kanina ng Math teacher nila. Napansin iyon ni Harry kaya naman nagprisinta itong turuan siya pagkatapos ng klase.
"Ulitin mo. Makukuha mo rin 'yan," sabi nito na halatang pinipigil pa rin ang pagtawa.
"Pinagtatawanan mo ba 'ko?"
Umiling si Harry. "Hindi."
"Kunwari ka pa! Kanina 'ko pa napapansin na pinagtatawanan mo ako. Bakit ba kasi ang hirap ng Algebra?" Naiinis na binitiwan niya ang hawak na ballpen.
"Subukan mo ulit," sagot ni Harry sa kanya.
"Bakit ang talino mo? Madali lang para sayo 'yan kasi magaling ka naman sa Math."
"Kaya mo rin iyan."
"Kanina pa tayo rito, hindi 'ko pa rin makuha. Hindi ka ba naiinis sa akin?"
Halos isang oras na silang nagtutruan ni Harry pero kahit isang beses ay hindi niya nakitang nainis ito sa kanya. Hindi niya alam kung mahaba lang ba talaga ang pasensiya nito o ano, eh.
Nakita niyang umiling ito bilang sagot sa kanyang tanong.
"Sus! Nahihiya ka lang yata sa akin. Halika na, umuwi na tayo. Sa bahay 'ko na lang aaralin ito. Nakakahiya naman sa iyo," akma siyang tatayo nang pigilan siya ng lalaki.
"Okay lang. Totoo," ani Harry.
"Ang boring nito. Maiintindihan naman kita," aniya rito. Nahihiya na rin kasi siya dahil inaabala na niya ito sa halip na kanina pa ito nakauwi.
"At nakakahiya na hindi ko matutunan itong nakakainis na math problem na ito sa harap niya!" naisip niya pa.
"Ano na lang ang iisipin ni Harry sa akin?" Minus points na nga siya rito nang mapahiya siya dati.
"Gusto pa kitang makasama," maya-maya ay sabi ni Harry.
Napanganga siya sa sinabi nito. Grabe, biglang bumilis ang t***k ng puso niya roon! Bakit naman nanggugulat ng ganoon si Harry.
"A-ano?"
"I said, gusto pa kitang makasama."
At talagang inulit pa ni Harry! Hala, ang puso niya patalon-talon na yata!
"Ba-bakit?"
"I think you know why," makahulugang sagot ng kaharap.
Hindi niya alam kung ano nang itsura niya ngayon. Ang sigurado lang siya, pulang-pula ang mukha niya. Habang ito ay deretso pang nakatingin sa kanya.
"You're blushing."
"Ha?"
Itong si Harry, bihira na nga magsalita pero wala ring preno ang bibig. Sasabihin kung anong gustong sabihin. Hindi ba ito aware na iba ang dating niyon sa kanya? Lalong-lalo na sa puso niya?
Hindi siya sinagot ni Harry ngunit nakita niyang tumawa ito.
"Pinagtitripan mo yata ako," akusa niya kay Harry.
"What? No!" maagap nitong tanggi.
"Kanina mo pa ako pinagtatawanan!"
"Just because I'm laughing does not mean that I'm thinking bad about you."
She made a face. Ano bang pinagsasabi nito? Heto na naman si Harry pa-Ingles-Ingles nito.
"You are so cute, Jasmin."
"Ha?"
"Jasmin-"
"Jasmin!"
Hindi na naituloy ni Harry ang sasabihin nito nang sabay silang mapalingon sa pintuan nang may boses na tumawag sa kanya.
"Kuya!"
Bakit naroon ang kapatid niya? At sa likod nito ay ang grupo ni Nilo.
Hindi maganda ang pakiramdam niya roon.
"Ang tigas talaga ng ulo mo! Hindi ba't sinabi 'ko sa iyo na huwag ang kapatid 'ko?!" galit na sigaw ng Kuya Jake niya.
Tumayo si Harry at hinarap si Jake. "Why?"
"Anong "why, why?"?!" tila napikon na balik tanong ng Kuya Jake niya. "Huwag mong gamitin dito 'yang pagka-conyo mo. Hindi uubra 'yan dito!"
Bakit ba galit na galit itong Kuya Jake niya kay Harry? Wala namang ginagawang masama ang kaibigan niya.
Kung ang kuya niya ay tila umuusok na dahil sa galit, si Harry naman ay hindi kakakitaan ng kahit anong emosyon. Sabagay, ganoon naman ito madalas.
"Kuya, ano ba?!"
"Tumigil ka diyan, Jasmin! Huwag kang makialam dito! Umuwi ka na!" baling sa kanya ng kapatid.
"Anong huwag akong makialam? Walang ginagawang masama si Harry. Kaya pwede ba, umalis na lang kayo?!"
"Tumigil ka!" sigaw nito sa kanya.
"Huwag mo siyang sigawan!" napalingon siya kay Harry nang bigla itong sumigaw. Kinabahan siya nang makita ang itsura ng kaibigan. Malayong-malayo iyon sa Harry na kanina lang ay mahinahon.
"Wala kang pakialam kung ano man ang gawin 'ko sa kapatid ko!" ganting sigaw ni Jake kay Harry bago bumaling sa likod nito at tinawag ang isa sa mga kaibigan nito. "Sam, ilayo niyo rito si Jasmin."
"Ano?! Ayoko!" Nagpumiglas siya nang hawakan siya ng tinawag na Sam. "Bitawan mo ako! Isusumbong 'ko kayo!"
"Jasmin, sumunod ka na lang! Sige na, ako nang bahala," sabi ng kuya niya.
"Jake, pare!" Lahat sila ay nabaling ang atensyon kay Nilo nang bigla itong magsalita mula sa likuran. "Hinay-hinay lang tayo."
Hindi nakaligtas sa kanya ang mala-demonyo nitong tingin na ipinukol kay Harry. Bago siya nilingon.
"Ako nang bahala kay Jasmin. Ihahatid 'ko siya sa bahay ninyo."
"At sinong may sabing sasama ako sa iyo?" mataray niyang sabi kay Nilo. Napansin niyang nag-iba ang itsura nito. Marahil ay napahiya sa kanyang sinabi.
"Jasmin!" saway sa kanya ng kapatid. "Mabuti nga na nagmamagandang loob si Nilo na ihatid ka. Kanino mo gustong sumama? Sa Harry na ito?"
"Hindi ikaw ang masusunod kung kanino 'ko gustong sumama. Umalis na kayo bago 'ko kayo isumbong!"
"Sige na, Nilo, ikaw nang bahala sa kapatid 'ko," sa halip ay utos ni Jake kay Nilo.
Matagumpay na ngumiti si Nilo at bumaling sa kanya.
"Don't you dare touch her!" sigaw ni Harry nang makitang palapit na si Nilo sa kanya.
"Huwag kang makialam. Tayo ang magharap!" ani ng Kuya Jake niya at humarang pa sa harap ni Harry.
"Kuya!" pigil niya sa kapatid pero hindi na niya naituloy pa ang sasabihin sa kapatid nang maramdamang hinihila na siya ni Nilo palayo roon. "Ano ba?! Bitawan mo nga ako!"
"Huwag ka nang pumalag, Jasmin. Hayaan mong bigyan ng leksyon ng kuya mo ang mayabang na Harry na iyon."
"Ano?! Anong sinasabi mo?! Harry! Harry! Kuya!"
"Jasmin, halika na," patuloy na hila sa kanya ni Nilo.
"Bitawan mo ako!" pilit siyang kumakawala kay Nilo na halos nakayakap na sa kanya. Nandidiri siya sa mga hawak nito!
"Huwag ka nang magpakipot, Jasmin!"
"Anong sinasabi mo, Nilo?!"
Hindi na nakasagot pa si Nilo dahil sabay silang nagulat nang may humiklas dito mula sa likuran at ang sumunod na nakita niya ay bumagsak na ito sa sahig.
"I told you not to touch her!" hinihingal na saad ni Harry.
"Harry!" gulat na gulat niyang tawag dito.
"Paano?" mahinang tanong ni Nilo habang tumatayo pero halatang hirap na hirap bumangon. "Nasaan si Jake?"
"I'm sorry, Jasmin," narinig niyang sabi ni Harry na hindi niya alam kung para saan.
"Harry? Nasaan si kuya?"
Nang hindi ito sumagot ay bumalik siya sa loob ng classroom nila. Nakita niyang nakahiga sa sahig ang kanyang kapatid. Gising ito ngunit halatang may iniindang sakit.
"Anong nangyari?!" tanong ni Nilo na nakasunod na pala sa kanya.
"Boss... iyong mayaman..." parang nangangatal na sagot ng isa sa mga kasama ng kapatid niya.
"Kuya?" tawag niya rito.
"Ang sakit," iyon lang ang nasabi ni Jake.
"Anong nangyari? Ang dami-dami niyo, nag-iisa lang 'yung Harry na 'yon?!" galit na tanong ni Nilo. Mukhang nakabawi na ito mula sa suntok ni Harry.
"Boss... hindi naman namin... alam na... magaling pa lang mangarate iyong pinapatira mo," sagot ng isa sa grupo na halatang takot pa.
Masama niyang tinignan si Nilo. "Anong sinasabi mo?"
"Huwag kang makinig sa kanya, Jasmin," maagap na singit ni Nilo. "Si Jake talaga ang gustong bumanat sa Harry na 'yon!"
"Kuya?" hindi niya pinansin si Nilo. Nag-aalala na siya sa kapatid dahil hindi ito makagalaw ng maayos. "Ano pang hinihintay niyo? Tumawag na kayo ng tulong."
Naiiyak niyang sabi sa mga ito. Hindi ba at ito ang mga kaibigan ng kuya niya? Bakit wala man lang magawa ang mga ito para tulungan ang kapatid niya.
"Boss, si Sam tsaka si Henry," narinig niyang sabi ng isa pa roon. Noon lang niya napansin ang dalawa pang lalaki na nakahiga rin sa sahig.
Nilapitan nito ang dalawang kasama at napamura. "Ang tatanga! Nag-iisa lang 'yung Harry na 'yon!"
Napamaang siya sa nakitang reaksyon ng kaklase. Sa halip na mag-alala ito ay parang galit pa at sinisisi ang mga nasaktan?
At paanong kinaya ni Harry ang mga ito kahit nag-iisa lang ito. Nilingon niya ang lugar kung saan nila ito naiwan. Wala na ito roon. Iniwan siya ni Harry? Sa ganoong pagkakataon?
Nabaling ang tingin niya sa may pintuan ng makitang nagmamadaling umalis si Nilo kasunod ang iba pa at naiwan siya roon.
"Hoy!" tawag niya sa mga ito.
"Anong nangyari rito?!" Narinig nilang sigaw ng security guard sa kanilang eskwelahan. "Nurse, nandito sila!"
Nagpasukan na ang ilan sa mga guro nila at ang nurse sa school nila. Mabilis ang kilos ng mga ito.
"Ms. Nicolas, anong nangyari rito?" nag-aalalang tanong ng isa sa mga guro nila.
Hindi siya makasagot dahil sa pag-iyak. Nag-aalala siya sa kapatid.
"Ms. Nicolas, sumama ka na sa ambulansiya," ani ng guro.
May ambulansiya na pala sa baba. Isinakay doon ang kapatid niya at maging ang dalawang kasamahan nito.
Hindi niya na nakita si Harry. Nasaan na ba ito? Gusto niyang malaman kung ano bang ginawa nito sa kuya niya at sa mga kasama nito.
Iyak siya nang iyak habang sakay sila ng ambulansiya. Wala nang malay ang kapatid niya. Natatakot siya. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga magulang ang nangyari.
"Kuya..." mahina niyang tawag dito.
"Harry, nasaan ka? Ano bang nangyari? Bakit nagkaganito ang kapatid 'ko?" aniya sa isip.