"Hi!" bati ni Jasmin sa bago nilang classmate na si Harry Montenegro. Nilakasan niya na ang loob na batiin ito nang makasabay sa paglalakad papasok sa eskwela. Hindi niya rin kasi maipaliwanag ang nararamdaman niya. Parang may humahatak sa kanya palapit dito sa tuwing makikita niya ito.
Nilingon naman siya ni Harry at mukha ring hindi nagulat ngunit hindi ito sumagot sa kanya at bahagya lang tumango.
Suplado talaga!
"Ang aga mo," patuloy niya. Ewan ba niya, gusto niyang marinig ang boses nito. Kahapon kasi ay nabigla siya nang tanungin siya nito kung saan siya bababa. At aaminin niya, ang ganda sa pandinig ng boses nito. Kaya naman parang gusto niyang marinig iyon muli.
"You, too," mahina nitong sagot. Parang pilit na pilit pa itong sumagot. Pero ayos lang iyon. Atleast hindi siya dinedma ng binata. Tsaka nag-ingles ito? Sabagay, halata naman na galing talaga ito sa mayamang pamilya. Kita iyon sa pagkilos nito at maging sa mga gamit at suot nito.
"At talagang napansin mo pa lahat ng iyon?" sita niya sa sarili. Ano bang meron ang Harry na ito at hindi niya mapigil ang curiosity niya para rito?
"Maaga talaga akong pumapasok kasi ayaw na ayaw 'ko iyong naghahabol sa oras," sabi niya rito kahit na hindi naman siya nito tinatanong.
"Gusto mo lang makabawi sa pagkapahiya mo kahapon eh," tuya ng isang bahagi ng kanyang utak.
Well, hindi niya naman iyon maitatanggi. Hindi lang naman dito kundi sa lahat ng kamag-aral niya na nakasaksi ng kahihiyan niyang iyon. Ipinangako niya sa sarili na mas pagbubutihin pa ang pag-aaral para hindi na iyon maulit.
Hindi na sumagot si Harry pero napansin niyang medyo bumagal ang paglalakad nito kumpara kanina na halos tumakbo na siya para lang maabutan ito.
Napangiti siya dahil doon. Noon naman biglang lumingon sa kanya ang lalaki.
"Why?" kunot ang noong tanong nito sa kanya.
"Huh?"
"Bakit ka nakangiti?" tanong ulit ni Harry. Mas lumalim din ang pagkakakunot ng noo nito.
"Ha? Ah... wala! Ikaw naman, masama bang ngumiti?" maang-maangan niyang sagot. Nungkang aaminin niyang dahil dito kaya siya nakangiti.
Salubong na salubong ang kilay nito habang nakatingin sa kanya pero hindi na nagsalita pa at mabilis na siyang tinalikuran. Napansin niyang muli na namang bumilis ang paglalakad nito kaya naman hingal na hingal siya nang makarating sa classroom nila. Sino ba naman kasi ang nagsabing habulin niya si Harry? Wala! Siya lang ang may gusto.
Maagap siyang uminom mula sa kanyang baong tumbler nang makaupo. Habang lumalagok ng tubig ay napalingon siya sa gawi ni Amy at muntik na niyang maibuga ang iniinom nang makita ang tinging ipinupukol nito sa kanya.
Malamang ay nakita nitong magkasabay silang pumasok ni Harry. Siguradong uulanin na naman siya ng maraming tanong ng kaibigan dahil doon.
Napatingin siya sa gawi ng binata. Kahit siya kasi ay hindi rin masagot ang sarili kung bakit siya ganoon makitungo rito gayong hindi naman niya iyon ginagawa sa iba.
Hindi siya mahilig makihalubilo sa maraming tao. Mas gusto niya pa ngang magbasa ng libro kaysa ang makipagkwentuhan o tumambay kasama ng mga kaibigan katulad ng ginagawa ng iba niyang kaedad.
Kaya naman madalas na suplada na ang tingin sa kanya ng marami. Kahit na ganoon ay aware naman siya na marami ang may crush sa kanya sa kanilang paaralan. Ngunit iilan lang ang naglalakas-loob na manligaw sa kanya na lahat naman ay basted.
Bukod sa bata pa siya ay hindi iyon ang kanyang prayoridad sa buhay. Gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral at kung papalarin siya ay makapagkolehiyo sa magandang unibersidad nang sa ganon ay magkaroon siya ng chance na mapakapasok sa isang magandang kompanya.
Hindi sila mayaman kaya naman alam niya sa sarili na matatagalan pa ang pagtupad niya na magkaroon ng sariling negosyo. At ang pagpasok sa isang malaking kompanya ang kanyang magiging stepping stone.
Isa pa ay gusto muna niyang bumawi sa mama at papa nila.
Kaya kahit na bata pa siya ay itinatak na niya sa isipan na lumayo sa anumang uri ng tukso na maaaring maging sagabal lang sa pag-abot niya sa mga pangarap.
So, ano ngang meron si Harry? Una, siya pa talaga ang nag-approach dito. Tapos ay curious na curious siya pagdating sa lalaki at hindi niya magawang ilayo ang sarili sa bagong kaklase. Napapansin niya kahit ang pinakamaliit na bagay dito.
Baka naman dahil bago sa paningin niya si Harry? Kumbaga ay naiiba ito sa kanila. Biruin mo, nasa isang magandang school na nga ito ay lumipat pa ito? Hindi ba nito alam na mas malaki ang chance na makapasok ito sa malalaking kompanya 'pag doon ito nagtapos?
Siguro nga. Baka dahil doon lang, pagkumbinsi niya sa sarili.
Inilayo na niya ang tingin kay Harry at kinuha ang libro para sa unang subject nila sa araw na iyon. Mag-aaral na lang siya kaysa ang mag-isip ng kung anu-ano. Sayang ang oras niya. Hindi naman siya bibigyan ng grades ni Harry.
*****
"Amy, ano ba? Sinabi na ngang nagkataon lang 'yun!" reklamo niya sa kaibigan habang hila-hila siya nito papunta sa isang bahagi ng building nila.
Nang breaktime ay agad siya nitong nilapitan at hinila palabas sa kanilang silid-aralan at inusisa tungkol nga sa nakita nito kaninang umaga.
Agad naman siyang binitiwan ni Amy nang masigurong nakalayo na sila sa classroom nila.
"Weh? Narinig 'ko si Charles kanina, inirereport kay Nilo na magkasabay daw kayo mula sa gate ng school," nakahalukipkip na sabi naman ni Amy.
Kumunot ang noo niya. At bakit kailangang makarating pa iyon kay Nilo? At ano naman kung nagkasabay sila?
"Anong sinabi mo?" tanong niya kay Amy.
"Ayun, kalat na sa section natin na magkasabay kayong pumasok kanina. Ang tanong, anong meron?"
"Wala! At tsaka ano bang masama kung nagkasabay kami ni Harry? Hindi naman imposible iyon."
Tumiim ang tingin sa kanya ni Amy. "Hindi ikaw iyong type na sasabay sa isang bagong kakilala. Tsaka close ba kayo ni Harry?"
"Hindi! Sinabi 'ko naman sa iyo, nagkataon lang iyon."
Nagkibit ng balikat si Amy na para bang sinasabing hindi ito kumbinsido.
"Ikaw talaga! Basta maniwala ka, wala lang iyon. Parang hindi mo ako kilala."
"Well, wala naman talagang masama roon. Kaya lang ay tiyak na umuusok na ang tumbong ni Nilo dahil doon."
Nagtaka siya. "Bakit?"
"Seryoso ka? Hindi mo ba ramdam na may tama sa iyo 'yun? Ang manhid mo naman. Ikaw lang yata ang hindi nakakaalam non," sagot ni Amy sa kanya.
Hindi niya talaga alam at wala rin siyang pakialam. Marahil ay dahil sa sinabi ni Amy kaya siya tinulungan ni Nilo sa Math kahapon.
"Alam mo na kung ano ang sagot 'ko diyan, Amy," aniya sa kaibigan.
"Na ano? Sorry na lang si Nilo kasi may Harry ka na?" nanunukso nitong saad sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya. Bigla siyang kinabahan dahil sa sinabi nito. May kalakasan pa naman ang boses ni Amy nang sabihin iyon. Oras pa iyon ng labasan ng mga estudyante dahil breaktime na.
"Uy! Namumula," tukso pa ulit sa kanya nito.
Magsasalita pa sana ito ngunit maagap na niyang tinakpan ang bibig ng kaibigan. "Kung anu-ano 'yang lumalabas sa bibig mo."
Nasa ganoon silang posisyon nang dumaan sa harap nila si Harry. Deretso lang itong naglakad papunta sa gawi ng canteen.
"Napaka-ingay mo, Amy! Baka narinig ka ni Harry," saway niya rito habang ito ay pilit na kumakawala sa kanya.
Bago pa magsalita si Amy ay hinila na niya ito pabalik sa kanilang classroom pagkatapos niya itong pakawalan. Mamamatay siya sa kahihiyan kapag nalaman ni Harry na nachichismis ito dahil sa kanya.
Kung hindi ba naman niya ito nilapitan kanina ay hindi sana ito mangyayari.
Habang naglalakad sila ay hindi pa rin siya tinigilan ni Amy sa katatanong nito na may kasamang panunukso.
"Ano bang masama kung magkagustuhan kayo ni Harry? Bagay kaya kayo!" anito.
"Shhh!" saway niya rito.
"Eh-"
Hindi na naituloy ni Amy ang sasabihin nang biglang lumitaw sa harapan nila si Nilo kasama ang mga alagad nito. Papasok na sana sila sa classroom nang lumabas naman ang mga ito.
"Hi, Jas!" bati ni Nilo sa kanya. Kung maka-"Jas" ito para bang close na close sila?
Tinanguan lang niya ito at akmang lalakad na ngunit maagap itong humarang sa dadaanan nila.
"Kumain ka na ba? Tara, sabay ka na samin" aya ni Nilo sa kanya.
Hindi niya talaga feel ang binata. Mag pagka-presko kasi ito. Palibhasa ay may pera ang pamilya nito. Na-expel lang ito mula sa dati nitong pinapasukang pribadong eskwelahan kaya ito na-transfer sa kanilang eskwelahan.
"Sorry, may kasabay na ako," tanggi niya rito.
Narinig niya ang mahinang tawanan ng mga tropa nito ngunit nang lumingon si Nilo ay biglang tumigil ang mga ito.
"Ganun ba? Sige, okay lang. Sa susunod na lang," iyon lang at umalis na ito kasunod ang mga alipores nito.
"Iba!" narinig niyang sabi ni Amy. "Napahiya ang mokong na iyon!"
"Sira! Huwag kang maingay baka may makarinig sa iyo," muli niyang saway sa kay Amy.
Kahit na hindi siya nakikihalubilo sa iba ay alam niyang marami ang takot kay Nilo at sa grupo nito. Maging ang mga senior sa kanila ay hindi rin ito binabangga. Tulad ng kuya niya na wala siyang kaalam-alam ay kaibigan pala ni Nilo.
"Naku! Mabuti nga at ginawa mo iyon, Jas! Akala kasi ng Nilo na iyon ay lahat ng babae sa school na ito ay magkakagusto sa kanya," ani Amy na tumabi pa sa kanya. "Alam mo ba si Sheila, iyong fourth year, iyong cheerleader kuno? Naku, hindi pumapasok ngayon dahil brineak daw ni Nilo."
"Ang chismosa mo," biro niya kay Amy.
Hindi niya kilala iyong Sheila at lalong wala siyang alam sa mga ganap tungkol dito at kay Nilo.
"Hindi lang si Sheila! Kilala mo ba si Agnes? Iyong pinipilahan sa section three? Ayun, naospital daw dahil muntik nang madedo dahil kay Nilo."
Kumunot ang noo niya. Nakuha ng sinabi ni Amy ang atensyon niya. Bakit naman humantong sa ganoon?
"Saan mo ba nakukuha iyang mga balita mo? Totoo ba 'yan?" tanong niya rito. Papunta na sila sa canteen para kumain.
"Aba'y oo naman! Hello? Balitang-balita iyon sa buong school. Pinatawag kaya sa guidance office si Nilo last week dahil doon. Pero siyempre, todo ang pagdedeny niya."
Hindi siya chismosa ngunit napaisip siya sa mga ikinuwento ni Amy sa kanya. Anong meron si Nilo para magkaganoon ang mga babaeng iyon?
Kahit na hindi siya sigurado kung may katotohanan ang lahat ng nasagap ni Amy, dapat ay mas lalo niyang iwasan ang lalaki.
Bigla niyang naalala ang kapatid. Dapat ay balaan niya rin ito. Kahit na hindi naman sila sigurado ay wala namang masama kung iiwas ang kuya niya kay Nilo.
Nakaupo na sila ni Amy sa isang bench sa park ng school matapos bumili ng kanilang pagkain sa canteen ay napapaisip pa rin siya.
Nag-aalala siya sa kuya Jake niya.
"Huy, Jasmin! Tulala ka naman. Tara na at baka ma-late pa tayo," aya ni Amy sa kanya.
Hindi niya napansin ang oras. Nagmamadali siyang tumayo at naglakad para sumunod kay Amy nang may matapakan siyang kung ano at nawalan siya ng balanse.
"Jasmin!" narinig niyang sigaw ni Amy.
Feel na feel niya nang tatama ang mukha niya sa lupa na may mga bato pa naman. Napapikit nalang siya nang biglang may humiklas sa kanyang kamay at nasubsob siya, hindi sa matigas na lupa pero sa isang matigas na dibdib na mabango!
Mabilis siyang napadilat at tinignan kung sino ang nagligtas sa kanya.
"Harry..."