Prologue

850 Words
Nang palabas na sina Kris at David, napatingin si Marie sa dalawa. Hindi niya maiwasang pagmasdan ang kababata at ang pinsan niyang magkasamang naglalakad. Sa sandaling iyon, hindi niya malaman kung alin ang nangingibabaw sa puso niya—lungkot, awa, o pagmamahal. Nalulungkot siya dahil alam niyang hindi na matutupad ang pangarap niyang minsang iningatan. Hanggang pagmamasid na lamang ang kaya niyang gawin habang nakikita ang kababata niyang walang kamalay-malay na naniniwalang ang babaeng nasa tabi niya ang batang pinangakuan niya noon. Naawa rin siya kay Kris. Kaya pinili niyang manahimik. Pinili niyang isakripisyo ang sariling damdamin alang-alang sa kaligayahan ng pinsang itinuring niyang tunay na kapatid. Mahal niya si Louie at gusto niyang tuparin ang pangakong binitiwan niya rito noon. Ngunit hindi rin niya kayang makita si Kris na masaktan. Bakit sa napakaraming tao sa mundo, ang taong minahal niya ay siya ring minahal ng pinakamahalaga niyang pinsan? I'm sorry... Louie... malungkot niyang bulong sa sarili. Kaharap niya si Jorge. May sinasabi ang binata, ngunit hindi niya iyon maunawaan dahil kung saan-saan lumilipad ang isip niya. Napansin niyang nakangiti ito habang nagsasalita, kaya ngumiti rin siya bilang pagtakip sa pagiging lutang. "Marie, may gagawin ka ba next Sunday? Gusto sana kitang imbitahan sa birthday ng mama ko." Hindi agad siya nakasagot. Narinig niya ang tanong ngunit ilang segundo pa ang lumipas bago niya ito lubusang naintindihan. Inulit ni Jorge ang tanong. "Titingnan ko muna kung may lakad ako. Pero kung wala, sige. Isasama ko si Kris." Tumango si Jorge at masayang ngumiti. Samantala, pagkalabas ng bahay nina Kris at David, napunta ang tingin ng binata sa hardin. Namukadkad ang iba't ibang bulaklak. Halatang inalagaan ng mabuti ang bawat halaman. Sigurado siyang si Kris ang nag-aalaga ng mga iyon. Mula pa noong bata sila, alam na niyang mahilig ito sa mga bulaklak at masinop sa anumang inaalagaan. Ang swerte ng mga bulaklak na ito... at ang swerte ko dahil ikaw ang naging kababata ko, bulong niya sa isip. Napansin ni Kris ang malalim na pag-iisip ni David. "May iniisip ka ba? Mukhang seryoso yata ang iniisip mo," biro niya. Ngumiti si David. "Alam mo, hindi ka pa rin nagbabago. Ikaw pa rin ang kababata kong nakilala noon." Bahagyang natigilan si Kris. "Bakit mo naman nasabi iyan?" "Dahil sigurado akong ikaw ang nag-aalaga ng mga bulaklak na ito. Tingnan mo naman, ang gaganda at halatang inaalagaan ng mabuti." Napalunok si Kris. "Siyempre. Mula pagkabata, mahilig na talaga ako sa mga bulaklak. Si Marie lang ang tumutulong kapag sobrang abala ako sa trabaho." Isa na naman iyong kasinungalingan. Sa totoo lang, si Marie ang tunay na nag-aalaga ng hardin. Wala siyang hilig sa pagtatanim. Mas interesado pa nga siya sa negosyo niyang coffee shop. Ngunit dahil kay David, napagpasyahan niyang pag-aralan ang bagay na iyon. Kung iyon ang magpapasaya rito, handa siyang subukan. "Ang swerte ko pala," nakangiting sabi ni David. "Kung ganyan mo alagaan ang mga bulaklak... paano pa kaya ako?" Napatawa si Kris. "Mas aalagaan pa kita. Ipaparamdam ko sa'yo kung paano ako magmahal." Hindi na niya pinakinggan ang konsensiyang pilit siyang sinisita. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay masaya siyang kasama si David. "Ikaw talaga," natatawang sabi ni David. "Lalo mo akong napapasaya." Malambing nitong pinisil ang ilong ni Kris. "Aray! Masakit iyon!" reklamo ni Kris na kunwaring napasimangot. Ngunit sa loob-loob niya, halos hindi niya mapigilan ang kilig. Pakiramdam niya, isa iyon sa pinakamasayang sandali ng buhay niya. Tumayo siya. "Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape?" Umiling si David. "Huwag na. Nagkape na ako bago pumunta rito." "Sayang. Masarap pa naman akong magtimpla." Tumayo rin si David at minasdan ang paligid. "Ang ganda rito sa hardin ninyo. Ang gaan sa pakiramdam. Presko ang hangin at nakakarelaks pagmasdan ang mga bulaklak." "Oo. Kaya paborito ko ring tumambay rito." Sabi ni Kris na napatingin din sa paligid. Iniunat ni David ang mga braso na tila inaantok. "Parang gusto ko tuloy matulog dito." Pagkasabi niyon, ipinatong niya ang isang braso sa balikat ni Kris. Napangiti si Kris at hinayaan lamang iyon. Hindi niya maikakaila sa sarili kung gaano kasarap sa pakiramdam ang simpleng pag-akbay ng binata. Sana huwag ng matapos ang araw na ito, dasal niya sa isip. Ngunit biglang sumagi sa alaala niya si Marie. "Sinadya kong dito tayo tumambay para mabigyan ng pagkakataong makapag-usap sina Marie at Jorge." Napatango si David. Pero sa loob-loob niya, ano naman ang pakialam niya kay Marie? Laking pasalamat niya dahil hindi kasing gaspang ang ugali ni Kris sa ugali ni Marie. "Boyfriend ba ni Marie si Jorge?" Tanong na lamang ni David kay Kris para hindi mapansin ng babae na mabigat pa rin ang loob niya kay Marie. "Hindi pa. Nanliligaw pa lang siya. Pero pakiramdam ko, malapit na. Minsan kasi, sinabi sa akin ni Marie na gusto niya si Jorge." Isa na namang kasinungalingan ang lumabas sa bibig ni Kris. Hanggang kailan niya ito maitatago? --- Sa tingin mo, bakit kaya nagsinungaling si Kris? Follow the story to find out what will happen next. Don't forget to add this story to your library and leave your comment. Thank you for reading!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD