chapter three

1303 Words
Mag-isang nakaupo si Marie sa balkonahe. Awtomatikong napunta ang kanyang kamay sa kuwintas na hindi niya kailanman inalis sa leeg. Ang kalahating pusong pendant na ibinigay ni Louie, tanda ng kanilang pangako sa isa't isa. Marahan niya iyong pinisil. Parang sa bawat paghawak niya rito ay muli niyang nararamdaman ang init ng maliliit na palad ni Louie noong araw na isinuot nito iyon sa kanyang leeg. "Louie..." Mahina niyang usal. Kasabay ng pagbanggit sa pangalan nito ay tila isa-isang bumalik ang mga alaalang matagal ng nakaukit sa kanyang puso. Ilang taon na rin ang lumipas simula ng magkalayo sila. Mula sa dalawang batang nangangarap sa ilalim ng punong akasya, ngayon ay pareho na silang nasa tamang gulang. Hindi na sila ang dating mga batang walang ibang iniisip kundi ang maglaro, mangarap, at magbilang ng mga alon sa tabing-dagat. Marami ng nagbago. Nagbago ang panahon. Nagbago ang buhay. At nagbago na ang kanilang paligid. Ngunit may isang bagay na nanatiling pareho. Ang pangako nila. Napabuntong-hininga siya. Hindi niya namalayan na mas lalo niyang nahigpitan ang pagkakahawak sa kuwintas. "Naaalala mo pa kaya ako?" tanong niya sa sarili. Matagal na niyang gustong malaman ang sagot. May mga gabing sumasagi sa isip niya ang tanong na iyon. May mga pagkakataong gusto niyang maniwalang naghihintay pa rin si Louie. Ngunit mayroon ding mga sandaling kinakain siya ng pag-aalinlangan. Baka nakalimutan na siya nito. Baka mayroon na itong sariling pamilya. Baka may babaeng mas minahal ito. At baka masaya na ito sa bansang pinili nitong tirhan. "Normal lang naman iyon..." bulong ng isip niya. "Napakaraming taon na ang lumipas." Hindi niya maaaring sisihin si Louie kung sakaling nagbago na ang damdamin nito. Likas sa tao ang magpatuloy sa buhay. At likas na may mga pangakong nalilimutan habang lumilipas ang panahon. Ngunit sa tuwing sinusubukan niyang tanggapin ang posibilidad na iyon, may isang alaala ang agad na sumasalungat sa kanyang isipan. Ang batang si Louie. At ang batang seryosong nakatingin sa kanya habang isinasabit ang kuwintas sa kanyang leeg. "Hahanapin kita." "Kapag lumaki tayo, babalik ako." "Ikaw ang forever ko, pangako 'yan." Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanyang alaala ang paraan ng pagkakasabi nito ng mga salitang iyon. Hindi iyon tunog biro. Hindi iyon sinabi dahil lamang sa laro. Hindi rin iyon bunga ng isang panandaliang emosyon. At kitang-kita niya noon ang sinseridad sa mga mata ng batang lalaki. Para bang kahit bata pa lamang sila ay alam na nito ang kahalagahan ng pangako. "Ewan ko ba, bakit hanggang ngayon, naniniwala pa rin ako sa mga pangako natin noon, Louie?" aniya na parang kaharap lamang niya ito. Minsan ay tinatanong din niya ang sarili kung bakit hindi pa rin niya kayang bitawan ang pag-asang iyon. Marahil ay marami ang magsasabing napakababaw ng dahilan niya. Na bata pa lamang sila nang mangyari ang lahat. Na wala namang kasiguraduhan ang mga pangakong ginawa ng dalawang musmos. At na maaaring nalimutan na iyon ni Louie. Subalit para kay Marie... Hindi nasusukat sa edad ang isang pangakong nagmula sa totoong pagmamahal. Hindi rin nasusukat sa haba ng panahon ang katapatan ng damdaming nagmula sa puso. At hindi niya kailanman itinuring na simpleng alaala lamang ang araw na iyon. Isa iyong pangakong itinago niya sa kaibuturan ng kanyang puso. At isang pangakong naging bahagi ng kanyang paglaki. Tuwing nakakaramdam siya ng pagod, iyon ang nagbibigay sa kanya ng lakas. At tuwing nalulungkot siya, iyon ang nagbibigay sa kanya ng pag-asa. Ilang taon na ang nakalipas nang una niyang subukang hanapin si Louie. Nasa internet café siya noon. Hindi pa siya gaanong bihasa sa social media. Tinulungan pa siya ng may-ari ng shop. "Ate, ano pong pangalan?" "Louie Villareal." Sagot niya. "Tama po ba ang spelling?" Tanong nito na ipinakita pa sa kanya upang maseguro kung tama ang pagka-tyoe ng pangalan. "Oo." Sagot niya. Isa-isang lumabas ang iba't ibang account. May Louie. May Louis. At may Luis. Sa apelyido.... May Villaruel. May Villareal. At may Villarial. Napakunot ang noo ni Marie. Isa-isa niyang tiningnan ang bawat pangalan. Umaasa siyang kahit isang larawan lamang ay makikilala niya agad ang taong hinahanap. Ngunit habang tumatagal ay lalo lamang siyang nalilito. Parang wala. "Sige po, subukan natin ulit." anang may-ari ng internet shop. Muli nilang inilagay ang pangalan. Wala pa rin ang taong hinahanap niya. Hindi niya alam kung wala ba itong social media. Baka ibang pangalan na ang ginagamit nito. O baka hindi na talaga siya mahahanap sa ganoong paraan. "Pasensya na po." Ngumiti siya. "Okay lang." Ngunit sa likod ng kanyang ngiti ay may kaunting panghihinayang. Paglabas niya ng internet café, may kakaibang lungkot na bumalot sa kanyang dibdib. Hindi dahil nabigo siyang makita ang account nito. Kundi dahil lalo niyang naramdaman ang laki ng mundong naghihiwalay sa kanilang dalawa. Napakaraming tao. Napakaraming lugar. At napakalawak ng mundong maaaring kinaroroonan ni Louie. Gayunman, hindi nawala ang pag-asa niya. "Baka hindi lang siya mahilig sa social media." Iyon ang naging pampalubag-loob niya. Hindi lamang iyon ang ginawa niya... Makalipas ang ilang buwan, umuwi rin siya sa kanilang dating probinsya. Sa lugar na kinagisnan niya. Sa lugar kung saan nagsimula ang lahat. Ang kalsadang dati nilang tinatakbuhan. Ang maliit na tindahan ng sorbetes. Ang lumang waiting shed. At ang tabing-dagat na naging saksi sa kanilang mga pangarap noon. Naglakad siya hanggang marating ang malaking punong akasya. Naroon pa rin iyon. Mas malaki na kaysa dati. Mas makapal na ang puno. Mas malalago ang mga dahon. Ngunit hindi nagbago ang pakiramdam na ibinibigay nito. Parang bumalik siya sa panahong wala silang ibang iniisip kundi ang mangarap. Umupo siya sa dating puwesto nila. Habang pinagmamasdan ang dagat ay naalala niyang minsan ay nagtalo pa sila ni Louie kung sino ang mas maraming makukuhang kabibe. Hanggang sa pareho silang napagod sa kakatawa. Naalala rin niyang sabay silang tumatakbo sa buhanginan habang hinahabol ang mga alon. Maging ang simpleng pagkain nila ng sorbetes ay tila napakahalagang alaala para sa kanya. Hindi niya namalayang napapaluha na pala siya. Mabilis niyang pinunasan ang kanyang pisngi. Hindi siya umiiyak dahil sa pagsisisi. Kundi dahil namimiss niya ang panahong napakasimple ng lahat. Pagkaraan ng ilang minuto, tumayo siya at nagtanong sa ilang matatandang nakatira pa rin sa lugar. "May bumalik po bang pamilya Villareal?" Umiling ang isa. "Wala pa kaming nababalitaan." "May naghanap po bang lalaki rito?" "Mukhang wala naman." Tumango si Marie. "Salamat po." Nagpatuloy pa siya sa pagtatanong. Ngunit iisa lamang ang sagot. Walang bumalik. Walang naghanap. At walang balita tungkol sa pamilya Villareal. Habang pauwi siya, napatingin siyang muli sa dagat. "Siguro... hindi pa lang talaga tamang panahon." Iyon ang sinabi niya sa sarili. Mula noon... hindi na siya muling naghanap. Hindi dahil sumuko siya. Kundi dahil naniniwala siyang kung itinadhana silang magkita, mangyayari iyon sa tamang oras at panahon. Hindi kailangang pilitin. Hindi kailangang habulin. Sa bawat paggising niya sa umaga, suot pa rin niya ang kuwintas. Sa bawat paglabas niya ng bahay, kasama pa rin niya ang kalahating puso. Para bang naging bahagi na iyon ngkanyang pagkatao. Kapag may nagtatanong kung bakit hindi niya iyon inaalis, ngumingiti lamang siya. Hindi na siya nagpapaliwanag. May mga pangakong hindi kailangang ipaliwanag. May mga taong hindi kailangang palitan. At may pag-ibig na nananatiling buo kahit pinaglayo ng mga taon. Muling hinawakan ni Marie ang pendant. "Kung nakalimutan mo man ako..." Huminto siya sandali. Napailing siya at napangiti. "Malamang hindi. Hindi iyon ang Louie na kilala ko." Isinandal niya ang likod sa upuan. Pumikit siya habang dinarama ang malamig na simoy ng hangin. "Pangako mo iyon. At kilala kitang tumutupad sa pangako." Hindi niya alam na sa mga sandaling iyon, iisang lungsod na lamang ang pagitan nilang dalawa. Hindi rin niya alam na ilang beses na pala silang nagkasalubong ng hindi nila nakikilala ang isa't isa. Sa isip ni Marie, iisa lamang ang mahalaga. Patuloy siyang maniniwala sa pangarap at pangako nila noon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD