NIKAY
Binalingan ko si Kuya Kenneth para sana kumpirmahin kung papayag ito. Nakakahiya kasi tumanggi dahil narito na ito pero blangko ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatingin din kay Thaddeus na hanggang ngayon ay hawak pa ang braso ko at mukhang walang balak na bitawan.
Tumikhim si Karina kaya sabay-sabay kaming napatingin sa kanya. "Kuya Thadd, gusto mo ako na lang ang ihatid mo." Abot tainga ang ngiti sa labi ni Kari habang nakatingin kay Thaddeus. Nagpa-cute na naman ito.
Hindi siya pinansin ni Thaddeus, sa halip ay binalingan ako at tiningnan ako na parang humihingi ng permiso na sana pumayag ako na siya ang maghatid sa akin. I was about to speak when Kuya Kenneth spoke.
"Sure. Why not. Pero bukas na lang sana, bro," sabi nito.
"I insist." There is a trace of authority in his voice. Mukhang wala itong balak na sumang-ayon sa gusto mangyari ni Kuya Kenneth.
"For God's sake, Nikay. Baka gusto mo mag-decide kung sino ang maghahatid sa 'yo dahil male-late na tayong dalawa!" hindi nakatiis na sabi ni Karina. Nag-iba na ang timbre ng boses nito. Siguro dahil hindi pinansin ni Thaddeus ang pagpapa-cute niya.
Nilipat ko ang tingin kay Kuya Kenneth saka alanganing ngumiti. Nakakahiya tumanggi pero para hindi na kami matagal ay kailangan ko na magdesisyon.
"P-pasensya na Kuya Kenneth, kay Kuya Thaddeus na lang muna ako magpapahatid. Okay lang ba?" I gave him a pleading look.
Kuya Kenneth let out a heavy sigh before nodding.
"It's okay." Tinapunan niya ng tingin si Kuya Thaddeus. "Just take care of her," bilin nito sa kasama ko.
"Magkita na lang tayo sa school," baling ko kay Karina.
Tinungo na namin ang sasakyan ni Thaddeus. Agad kong kinabit ang seatbelt dahil baka ikabit na naman niya ito sa akin. Sa gilid ng mata ko ay tinapunan niya ako ng tingin. Tsinek siguro niya kung nakakabit na ang seatbelt sa katawan ko. Nang masiguro ay binuhay na niya ang makina ng sasakyan.
"Sundan mo na lang ang sasakyan ni Kuya Kenneth," utos ko.
Habang nasa daan ay kinain ko ang sandwich na gawa ni mommy. Nakaramdam ako ng pagka-uhaw pagkatapos ko maubos ang sandwich pero tiniis ko na lang. Pagdating na lang sa school ako iinom.
"Don't you always eat breakfast at home?" basag ni Thaddeus sa katahimikan.
"Minsan lang," tipid kong tugon habang hinahalungkat ang bag ko. "Madalas kasi sa school na ako nag-aalmusal. Minsan, kape lang talaga," dagdag ko.
"Why? It seems that you are not in a hurry to go to school, so why don't you have breakfast at home?"
Tumigil ako sa paghalungkat sa bag ko bago binaling ang tingin sa gawi niya. "Kailangan mo ba talaga itanong 'yan?"
"Yes."
"And why?"
"Because I'm concerned about your health."
Natigilan ako sa sinabi niya. At heto na naman ako, humahagilap na naman ng isasagot.
"Huwag mo na ako isipin, okay lang ako. Matagal ko na itong ginagawa pero I'm still alive and kicking," katwiran ko at tinuon na ang tingin sa harap ng sasakyan.
I turned to him with raised eyebrows when the car stopped.
"Bakit tayo huminto? Sa tapat ng gate ako bababa, hindi dito," takang tanong ko.
Tanaw ko na mula rito ang university na pinapasukan ko. Sina Karina ay malapit na rin sa school ng makita ko.
"Is that your mindset, Nikay? Hayaan ka lang sa kinagawian mo kasi buhay ka pa naman? How 'bout kapag dumating sa punto na nagkasakit ka? Sino ang higit na mas mag-aalala sa 'yo? Hindi ba ang magulang mo?"
Awang ang labi na tinitigan ko lang siya. Kaya pala siya huminto ay dahil sa naging sagot ko sa kanya tungkol sa hindi ko pag-kain ng almusal. Big deal na naman ba iyon sa kanya?
"Nasanay na kasi–"
"Stop that f*****g nonsense reason, Nikay. Pwede ka rin naman masanay na kumain sa umaga, hindi ba? O gusto mo lang talaga na may nag-aalala sa 'yo?"
Hindi ko nagawang mangatwiran kaagad. Bumuka ang bibig ko ngunit kalaunan ay tinikom kong muli. Kahit hindi niya diretsong sabihin sa akin ay parang pinaparating niya na hindi lang magulang ko ang mag-aalala sa akin kundi maging siya.
"And I'm sure, ilang beses ka na rin siguro pinagsbihan ni Tita Kelly pero dahil matigas ang ulo mo, siya na lang ang kusang nagsawa," dagdag pa nito.
Tumulis ang nguso ko. Here we go again. "Bakit ba kasi big deal sa 'yo ang lahat ng bagay pagdating sa akin? Hindi naman ako ang girlfriend mo," reklamo ko saka tumuwid ng upo. "Kung hindi mo lang fiancée ang ate ko, iisipin ko na may gusto ka sa 'kin."
Natigilan ako ng napagtanto ko ang huling sinabi ko ngunit huli na para bawiin. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko at nasabi ko ang bagay na iyon. Pasimple ko na lang natutop ang bibig ko dahil wala na naman itong preno. Gusto ko sana siya tapunan ng tingin para tingnan kung ano ang naging reaksyon niya pero nag-alangan ako.
Parang biglang gusto ko na lang maglaho na parang bula dahil sa kagagahan ko. Napaka-assuming ko naman para isipin ko na may gusto siya sa akin. Minsan talaga itong bibig ko, pinapahamak ako.
A deafening silence filled the car. I didn't speak anymore because my mouth might shatter me again. Balewala lang naman ang sinabi kong iyon pero parang ang laki ng epekto sa pagitan naming dalawa.
"Do you have a comb?" sa wakas ay basag na niya sa katahimikan.
Kahit nagtataka ay kinuha ko ang suklay sa bag ko at inabot sa kanya na hindi siya tinatapunan ng tingin.
"What's the use of this comb if you don't use it?"
I rolled my eyeballs. "Heto na naman po kami," bulong ko.
"I heard you."
Tinanggal ko na ang seatbelt ko at padabog na hinarap siya. Hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang seryoso niyang mukha. Pangalawang araw pa lang niya rito pero nasanay na yata ako sa pagiging seryoso niya. At hindi magtatagal, baka masanay na rin ako sa pamumuna niya sa akin sa tuwing makikita ako.
"Akin na, magsusuklay na ako," sabi ko na lamang para hindi na kami magtalo na dalawa.
Akma kong kukunin ang suklay na hawak niya pero inilayo lang niya sa akin kaya pinaningkitan ko siya ng mata. Magsusuklay na nga ako, ayaw pa.
"Ibigay mo na sa akin para makapagsuklay na ako." Sinipat ko ang pambisig kong relo. Nakahinga ako ng maluwag dahil maaga pa naman kaya hindi ko kailangan magmadali.
"Let me."
Mula sa relo ko ay nag-angat ako ng mukha para sulyapan siya. Nagtatanong ang tingin na ipinukol ko sa kanya. Pero ng minuwestro niya ang kamay, senyales na tumalikod ako ay saka ko naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
Sa halip na magprotesta ay namalayan ko na lang ang sarili na pumipihit patalikod sa kanya. Baka pagtalunan pa namin kaya sumunod na lang ako.
I bit my lower lip when I felt him touch my hair. Medyo nakikiliti ako at parang nagtayuan ang balahibo ko sa batok paakyat sa ulo ko sa paraan ng paghawak niya sa buhok ko. Pumikit na lang ako dahil pakiramdam ko ay nagugustuhan ko ang pagsuklay niya sa buhok ko.
"Hindi mo naman kailangan gawin 'yan. Kaya ko naman, eh," sabi ko.
"It's fine with me, Nikay. Namiss ko lang siguro suklayan ang mommy ko."
Napangiti ako ng banggitin niya ang kanyang mommy. Halatang mahal na mahal nga niya ang mommy niya dahil siya pa pala ang nagsusuklay sa buhok nito. I wonder kung ginagawa rin ba niya ito sa ate ko.
"Sinusuklayan mo rin ba si Ate Nikki?" hindi ko napigilang itanong.
"Sometimes."
"Ang sweet n'yo siguro kapag magkasama kayo, ano?" Nakaramdam ako ng kilig ng sumagi sa isip ko ang sweetness nilang dalawa kapag magkasama. Isa rin kasi ang eksenang ganito sa mga pinapanood kong korean dramas at talagang nakakakilig panoorin.
He didn't answer. I didn't even ask either. Ninamnam ko na lang ang banayad na paghagod ng suklay sa buhok ko. Ilang sandali lang ay huminto na siya kaya umayos na ako ng upo.
"Thank you," sabi ko sabay kuha ng suklay sa kanya.
Pinaandar na niya ang sasakyan at huminto sa tapat ng gate. Nakatayo na sa labas ng sasakyan si Kuya Kenneth at Karina, hinihintay ang pagdating namin.
Binuksan ko na ang pintuan ng sasakyan at akmang lalabas ngunit hinawakan niya ako sa braso kaya binalingan ko siya.
"Huwag kang aalis ng school hangga't hindi ako ang sumusundo sa 'yo."
"Susunduin mo ako?" manghang tanong ko.
"Yes, and no buts. Period."
Natatawa na sumaludo na lang ako rito bago bumaba. Wala na akong magagawa dahil mukhang siya ang tao na may isang salita at kapag sinabi niya ay dapat na sundin dahil kung hindi, tiyak na sasabog ang bulkan.
Bumaba pa siya sa sasakyan para tingnan ang pagpasok namin ng kaibigan ko. Kumaway ako sa kanilang dalawa ni Kuya Kenneth bago ko hinila si Karina papasok ng campus.
Pagdating sa loob ng classroom ay agad kong nilabas ang mga notes ko. Kinuha naman agad ni Karina ang isang notebook ko at binuklat.
"Iba ka talaga, girl. Kung pwede ko lang talaga gayahin ang sagot mo ay ginawa ko na. Kaso baka bumagsak tayo pareho kapag ginawa ko iyon," sabi nito habang nakatingin sa mga sinulat ko.
"Hindi naman lahat ng nariyan ay sagot ko. May ambag din d'yan si Kuya Thaddeus. Tinulungan niya ako riyan."
"Really? Handwritten n'ya ba itong pinakahuli?" Napansin siguro nito ang pagkakaiba ng sulat ko sa sulat na nasa dulo.
"Yes," sagot ko ng hindi ito sinusulyapan.
"Ang ganda naman ng sulat niya. Hiyang-hiya naman ang sulat ko."
Natatawa na napailing ako habang nakatutok ang atensyon sa isang notes ko. Hindi ko pa nakikita ang penmanship niya dahil nga nakasara na ang notes ko ng pinatong niya sa study table ko kaya wala pa akong ideya kung maganda ba talaga ang sulat nito.
"Pati ba itong, sei… sei bello?" Nahirapan pa bigkasin ni Kari ang salita. Napahinto naman ako sa akma kong pagsulat dahil sa sinabi nito.
"Sei bello? Ano 'yon?" tanong ko ng balingan ko si Kari.
Nagkibit-balikat lang ang kaibigan ko saka binigay sa akin ang notes na hawak nito at pinakita ang nakasulat na tinutukoy nito.
"Ito, o." Tinuro niya ang salita.
"Ano'ng ibig sabihin nito?"
"Problema ba 'yon? Search na 'yan, girl." Excited na kinuha ni Kari ang phone niya. Pero sakto naman na dumating ang professor namin sa first subject kaya binalik na niya sa bag ang phone.
Buong oras ay naging abala kami kaya nawala na sa isip namin ang dapat gagawin bago dumating ang professor namin. Nang matapos ang buong klase ngayong araw ay niyaya ako ni Kari na pumunta sa gymnasium para manood ng practice ng basketball– nang crush nito. As usual, isasama na naman niya ako para may kasama siyang mapahiya sa harap ng crush niya.
"Hindi ka ba hahanapin ni Kuya Kenneth? Dapat ganitong oras ay nasa labas na tayo ng gate," pukaw ko sa kaibigan ko dahil agad na tumutok ang atensyon nito sa mga naglalaro partikular sa crush nito. Kulang na nga lang ay pumuso ang mata nito.
Nakaupo na kami sa mga bench. Marami rin ang nanonood kaya medyo maingay na sa loob ng gymnasium.
"Hindi ako susunduin ni Kuya Ken."
"Ha? Bakit?"
"Wala ka," mabilis na sagot nito.
Nagsalubong ang kilay ko sa naging sagot nito. Tatanungin ko pa sana ito pero may biglang nagsalita sa megaphone sa bungad ng gymnasium.
"Paging for Miss Nicah Kayeziel Anastacio, from the department of culinary. Are you here?"
Nagkatinginan kami ni Karina. Ang maingay na gymnasium ay biglang nilamon ng katahimikan. Lahat ng nasa loob ay nagpalinga-linga at tila hinanap ang tinutukoy ng lalaking nagsalita gamit ang megaphone.
Hinawakan ko si Kari sa kamay at dahan-dahang tumayo. Alanganin akong ngumiti ng bumaling ang lahat ng atensyon sa amin ng kaibigan ko. Nagtatanong naman ang tingin na ipinukol ko sa lalaki na nagsalita.
"Your prince charming is looking for you. He's waiting for you outside the campus!" dagdag pa nito gamit ang megaphone.
Napuno ng hiyawan sa loob ng gymnasium. Mabilis na nag-init ang mukha ko at parang gusto ko na lang magpalamon sa lupa sa sobrang hiya. Hindi na lang hinintay na makalapit ako bago sinabi. Parang wala na tuloy akong mukhang ihaharap bukas. At sino ba kasi ang tinutukoy nito?
"Sino ang naghahanap sa akin?" tanong ko ng makalapit sa lalaking estudyante rin ng university.
Akma nitong gagamitin ulit ang megaphone pero pinigilan ko na ito. Mukhang nawili yata na gamitin ang hawak at natutuwa na magpahiya ng kapwa nito estudyante.
"Hindi ko tinanong, eh. Puntahan mo na lang dahil baka wala ka ng maabutan."
"Ano? Bakit?"
"Pinagpipiyestahan na kasi ng ibang estudyante sa labas. Baka matunaw," natatawang sagot nito bago ako tinalikuran. Hindi ko alam kung nagbibiro lang ba ito pero mukhang seryoso ito sa sinabi na may naghihintay sa akin sa labas.
"Sino naman ang mapalad na prince charming mo, girl? Kailangan mo na yata maghanda ng paliwanag sa ilan na hindi makalapit sa 'yo. May nakita pa naman akong dalawa sa gym," biro ni Kari.
Hindi na ako sumagot. Agad ko na itong hinila patungo sa labas ng gate ng school. I already have an idea of who is waiting for me outside the campus but it is still better to confirm.
Hindi pa man kami nakalalabas ng gate ay may nakita na kaming mga estudyanteng nagkukumpulan at halos karamihan ay kababaihan.
"Students, let's give way to our lost princess!"
Lahat ng estudyante na nakatalikod sa amin ay sabay-sabay na humarap. Napamura ako sa aking isipan. Ang walang hiyang lalaki, hindi na ako tinigilan. Nasa gilid pala ito at mukhang hinintay talaga ang pagdating ko. Sinamaan ko ito ng tingin pero nag-peace sign lang ito sa akin at pilyong ngumiti. Tuwang-tuwa talaga ito sa ginagawa nito.
Patay-malisyang nagkunwari na lang ako na hindi ako ang tinutukoy ng lalaki. May ilan pa kasing nasa likuran na pareho lang namin ng direksyon ang pupuntahan kaya hindi nila malalaman kung ako nga ang tinutukoy ng lalaki.
"Huwag kang magpahalata," dikit ang mga ngipin na bulong ko kay Kari na mukhang excited na makita ang naghihintay sa akin sa labas.
"Ang kukulit n'yo. Padaanin n'yo na ang prinsesa para makita na ng prinsipe niya!"
Anak ka talaga ng sampung animal! Naghuhumiyaw na sa inis ang katawan ko. Huwag talaga magpapakita sa akin ang lalaking ito, makakatikim talaga siya sa akin ng uppercut.
Wala na akong nagawa ng binigyan kami ng daan ng mga estudyante. Hindi ko na lang tiningnan ang mga ito. Isa pa, dalawa kami ni Kari ang dumaan kaya hindi pa nila alam kung sino sa aming dalawa ang tinutukoy na prinsesa ng walang hiyang lalaki.
Nang lumagpas kami sa mga estudyante ay hindi ko na nagawang humakbang nang makita ko kung sino ang lalaking nakasandal ang likod sa sasakyan nito na para bang hindi alintana na maraming mata ang nakatingin dito. Parang sanay na itong pinagtitinginan ng marami lalo na ng mga kababaihan. Bigla akong nakaramdam ng inis sa isiping ayos lang sa kanya na pinagpipiyestahan lalo na ng mga kababaihan.