Chapter 2

1972 Words
NICAH KAYEZIEL Three years later… "Nikay, gumising ka na nga riyan. Tanghali na. Parating na ang fiancé ng Ate Nikki mo nakahilata ka pa riyan. Aba, wala ka ng itutulog mamaya." Niyugyog ni mommy ang balikat ko habang ginigising pero ungol lang ang sinagot ko sa sobrang antok. Mayamaya lang ay mariin kong ipinikit ang mata ko at nagtalukbong ng kumot dahil sa liwanag ng hinawi ni mommy ang kurtina sa bintana ng silid ko. "Ano naman ang kinalaman ko sa pagdating ng fiancé ni ate, 'my? Ako ba ang ikakasal?" namamaos ang boses na katwiran ko. Weekends ngayon kaya bumabawi ako sa puyat ko ng weekdays dahil sa sunod-sunod na research na pinapagawa sa amin ng professors namin. Ang sisipag nila magbigay ng research, hindi nila alam ang hirap naming mga estudyante. O ako lang talaga ang nagpapahirap sa sarili ko? Hindi ako pini-pressure ng magulang ko sa pag-aaral pero ako ang gumagawa ng dahilan para i-pressure ang sarili ko. Napakabait ko talagang anak. "Aba, talagang namilosopo ka pa." Hinampas ako ni mommy ng unan. "Bumangon ka na riyan. Dapat pagdating nila ay nasa ibaba ka na. Sabay-sabay tayong kakain ng tanghalian." Padabog kong tinanggal ang kumot sa katawan ko ng marinig kong lumabas na si mommy. Pero kahit sa labas ay dinig ko pa rin ang sermon nito sa akin. Ilang segundo pa akong tumitig sa kisame bago bumangon sa kama. Dinampot amg salamin ko sa bedside table bago tinungo ang bintana saka huminat sabay hikab. "Magandang umaga, anak!" nakangiting bati sa akin ni daddy habang abala ito sa pagdidilig ng halaman sa tapat ng bakuran namin. "Mas gwapo ka pa sa umaga, Dad!" ganting bati ko rito dahilan para malutong itong tumawa. "Ayusin mo na ang sarili mo dahil mas gwapo pa sa akin ang parating," sabi nito. Napapailing na umalis ako sa bintana. Masyado silang excited sa pagdating ng fiancé ng kapatid ko. Ako lang yata ang hindi. Siguro dahil hindi ko pa rin matanggap na mag-aasawa na si Ate Nikki. Buong buhay ko ay ito ang kasama ko kaya parang ang hirap tanggapin na dalawang buwan na lang ay hindi ko na siya makikita dito sa bahay. Malaki ang pinagkaiba namin ni Ate Nikki. Simple lang akong babae. Nakasuot palagi ng salamin dahil may kalabuan na rin ang mata. Bukod kasi sa magdamag na nakatutok ang mata ko sa laptop dahil sa research, nanunuod din ako ng mga korean dramas lalo na tuwing walang pasok. May brace din ako sa ngipin at hindi man lang magawang mag-ayos sa sarili. Ni magsuklay nga ng buhok ay tamad ako at basta na lang tinatali kahit magulo. Samantalang si Ate Nikki, kahit sino ay mapapalingon kapag dumaan ito. Ito ang babae na ipagmamalaking iharap sa ibang tao. Girlfriend type, ika nga. Ito rin ang babaeng mataas ang pangarap sa sarili kaya gagawin ang lahat para maabot ito. Hindi ako lumalabas ng bahay kahit pinagtutulakan ako ng magulang namin pero si Ate Nikki, kahit saan nakakarating kasama ang mga kaibigan nito. Adventurous ito pero ako, always hiding myself inside our house, especially in my room. Kuntento na ako na si mommy at daddy ang nakikita ko at ang kaibigan ko na ilang bahay lang ang layo dito sa amin. Ang tanging lamang ko lang kay Ate Nikki ay masipag ako mag-aral. Hindi nakapagtapos si Ate Nikki sa pag-aaral. Third year college lang ang inabot dahil mas pinili nitong mag-focus bilang model. Naging freelance model at ngayon ay nagkaroon ng kontrata sa isang kompanya na pag-aari ng fiancé niya. Pinangako ko sa magulang ko na magtatapos ako at tutuparin ko ang pangarap nila para sa akin. Bachelor of Education ang kursong kinuha ni Ate Nikki pero hindi yata ang pagtuturo ang forte ng kapatid ko kaya hindi nito tinapos. Ako naman ay Culinary Arts dahil hilig ko ang pagluluto. Magkagayon man, masaya na rin ako sa narating ng Ate Nikki ko. Natupad na ang pangarap niya maging modelo. Pero kung bibigyan ko ng isang salita na magde-describe kay Ate Nikki, she is very ambitious woman. Kahit malaki ang pagkakaiba naming dalawa, magkasundo naman kami. Kaya nalulungkot ako dahil magkakaroon na ito ng sarili nitong pamilya. "Nikay, nandito na sila. Lumabas ka na riyan!" tawag ni mommy mula sa labas ng pintuan ng silid ko. Umikot ang mata ko at tinungo ang pintuan na hindi man lang sinisipat ang sarili ko sa salamin. Ganito talaga ako, walang pakialam sa sarili. Tinatamad na bumaba ako sa hagdan. Narinig ko na ang ingay nila sa sala. Halata sa boses ng magulang ko ang tuwa dahil sa bisita ni Ate Nikki. Napatingin si mommy sa hagdan. Pinandilatan pa niya ako ng mata at parang may tinuturo dahil tumutulis ang nguso niya pero patay-malisya lang na bumaba ako ng hagdan. "Nandito na ang bunso ko," nakangiting baling sa akin ni daddy. Kasabay ng pagbaling ng tingin sa akin ni Ate Nikki ay ang pagtingin din ng katabi nito sa sofa. Muntik na akong madulas sa baitang ng hagdan kung hindi lang ako nakakapit sa railings. Tama nga si daddy, mas gwapo sa kanya ang dumating. Hindi ko akalain na ganito pala ka-gwapo sa personal ang magiging asawa ng kapatid ko. Kapag kasi pinapakita sa akin ni Ate Nikki ang picture nito ay kaunting sulyap lang. Hindi kasi ako interesado kahit pa sinabi niyang guwapo ito at may lahi. Tumayo si Ate Nikki at lumapit sa akin ng marating ko ang huling baitang ng hagdan. Hinila niya ako palapit sa kasama niya. Ramdam ko ang excitement ng kapatid ko, excited siyang ipakilala sa akin ang fiancé niya na ngayon ay kaharap ko na. "Thadd, meet my younger sister, Nicah Kayeziel, but you can call her Nikay. Sis, ang fiancé ko, si Thaddeus Alexandro Benedicto," pakilala niya sa aming dalawa. Nakangiti kong inilahad ang kamay ko sa harap niya kahit salubong ang kilay nito at titig na titig sa akin. Sa totoo lang, unang kita ko pa lang sa kanya ay parang napaka-seryoso niyang tao. Kaya hindi ko lubos maisip kung paanong siya ang naging fiancé ng Ate ko. Makakaya kaya niyang tagalan ang ugali ni Ate Nikki lalo na kung magkasama na sila sa iisang bubong? "It's nice to finally meet you, Thadd–" "Kuya Thaddeus, anak," pagtatama sa akin ni mommy. "Maraming magandang bagay na naikuwento si Ate Nikki tungkol sa 'yo, Kuya Thaddeus. Welcome to our family," nakangiting sabi ko. "Wala ba siyang balak na abutin ang kamay ko? Nangangalay na kaya ako," reklamo ng bahagi ng utak ko dahil ilang segundo na ang nakalipas ay nanatili pa rin siyang nakatingin sa akin. Baka nagtataka siya kung magkapatid ba talaga kami ni Ate Nikki. "Thank you. Your sister also talked a lot about you," aniya sabay abot ng kamay ko. Wow, ang ganda at ang lalim ng boses niya. Bagay na bagay sa kanya ang baritonong boses niya. Halatang galing talaga siya sa mayamang angkan. Hindi ko naitago ang pagsimangot sa harap niya. Matalim ang tingin na binalingan ko ang kapatid ko nang marinig ko itong humagikgik. Sana lang ay hindi niya nakwento na nahulog ako sa puno ng bayabas para lang makuha ang bunga nito. Pero duda ako dahil tila tuwang-tuwa pa ito sa pagsimangot ko. "Tara, kumain na tayo. Niluto ko ang paborito mo, hijo," singit ni mommy. Sumunod sila kay mommy habang ako ay naiwan sa sala at nakatingin lang sa dalawang pares. Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi na talaga mapipigilan si Ate Nikki, mag-aasawa na talaga ito. "Anak, baka gusto mo magsuklay. Ang gulo ng buhok mo," bulong sa akin ni daddy. "Tandaan mo, ang bisita natin ay mapapangasawa ng kapatid mo, hindi kaibigan o kapitbahay lang natin," natatawang dugtong nito. Sumimangot ako. Bagong ligo kasi ako. Tulad ng sinabi ko, tamad ako pagtuunan ng pansin ang sarili ko kaya kahit pagsusuklay ay tamad ako. "Si Mik-Mik, 'dy?" bagkus ay tanong ko. "Nasa likod ng bahay. Kanina ka pa hinihintay. Sumunod ka ha. Huwag mo paghintayin ang bisita natin," bilin nito bago tinungo ang dining area. Habang patungo sa likod ng bahay ay abala naman ang aking daliri sa pagsuklay ng buhok ko. Tumutulo pa nga ito kaya piniga ko para kahit paano'y mabawasan ang naipong tubig. Napangiti ako at excited na nilapitan si Mik-Mik na halatang hinihintay ang pagdating ko dahil sa pagkawag ng buntot nito. "Good morning, Mik-Mik!" Tumahol ito bilang sagot at sinalubong ako. Si Mik-Mik ay isang Shih Tzu. Regalo sa akin ni daddy no'ng birthday ko ng isang taon. Mabuti na lang ay narito ito. Kahit paano ay mababawasan ang lungkot ko kapag umalis na si Ate Nikki. "Kumain ka na ba? Sorry ha, tinanghali ako ng gising. Alam mo naman ang mommy mo, tinapos pa ang ilang episodes ng k-drama na pinapanood ko," paliwanag ko rito. Yes, Mik-Mik is my daughter at ako ang mommy niya. O, 'di ba, may anak na agad ako kahit 17 years old pa lang ako. Dinilaan niya ako sa ilong kaya napa-hagikgik ako. Napasimangot ako ng marinig ko ang boses ni mommy. Tinatawag na niya ako. Malapit lang ang dining namin sa likod ng bahay. May pintuan din dito papasok sa loob kaya rinig na rinig ko ang boses nito. "Lalabas tayo mamaya. Kakain lang ako, okay?" paalam ko rito. Dinampian ko muna ito ng halik sa ilong bago binaba saka tumayo. "Ops, stay. Sit!" utos ko. Naupo ito ng akmang susunod sa akin. "Good girl." "Nikay, halika na. Kakain na," tawag ni mommy. "Pasensya ka na, hijo sa bunso ko. Pagkagising kasi niya ay pinupuntahan agad ang alaga niyang aso. Sana ay wala kang allergy sa aso." Tumulis ang nguso ko. So kapag may allergy pala ito ay kailangan kong ilayo si Mik-Mik. Hell no! Sabagay, matapos lang ang debut ko ay aalis na ito. Invited din kasi ito sa 18th birthday ko at malapit na iyon. Napahinto ako sa paghakbang papasok. Nakita ko kasing nakaupo ito sa tabi ni Ate Nikki at upuan ko ang inuupuan nito. Wala na akong nagawa kundi tunguhin ang sink para maghugas ng kamay at naupo na lang sa tabi ni mommy. Tahimik akong kumakain habang sila ay abala sa pagkikipag-usap sa fiancé ng kapatid ko. Hindi na nga yata naubusan ng sasabihin si mommy. Si daddy naman ay panay ang segunda. Kaya hindi na rin ako nagtataka kung nagtagal ng 20 years ang pagsasama nilang dalawa. Si daddy kasi ay todo ang suporta kay mommy. At sa edad nila ay super sweet pa rin sila sa isa't isa kahit sa harap namin magkapatid. Ako na lang yata ang nagsasawa sa ka-sweet-an nilang dalawa. Pero ang totoo, ang cool ng parents ko at pagdating sa pagdala ng pamilya, sila ang iniidolo ko. "'Di ba, sis?" Napatingin ako kay Ate Nikki ng marinig ko ang tanong na iyon. Nakangiti pa ito sa akin at parang excited sa magiging sagot ko. Pero ano nga ba ang tanong niya? Tsk, I'm not paying attention. Ako lang talaga ang hindi excited sa pagdating ng bisita ng Ate ko. "H-ha?" Alanganin akong ngumiti at kinuha ang baso na may lamang tubig sa harap ko saka uminom. Paraan ko lang ito para makaiwas sa nagbabantang tingin ni mommy. Alam niyang hindi ako nakikinig. "I said, kapag wala ako, ikaw ang sasama kay Thadd para ipasyal sa lugar natin." Sa puntong iyon ay nasamid ako habang umiinom ng tubig. Umubo ako ng ilang beses kaya hinagod ni mommy ang likod ko. "O-oo naman, Ate Nikki. Ipapasyal ko si Kuya Thaddeus sa lugar natin." Sang-ayon ko na lang kahit hindi ko napaghandaan. Alanganin ang ngiti na binalingan ko ang katabi nito. Tulad kanina ay salubong lang ang kilay nito at blangko ang ekspresyon habang titig na titig sa akin. Napasubo pa yata ako. Bukod sa panonood ko ng k-drama tuwing weekends ay madadagdagan na naman ang to-do list ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD