Ilang beses ko pinasadahan ng tingin ang aking sarili sa salamin. Sa ilang beses na iyon ay ang pagbuga ko naman ng hangin para pakalmahin ang sarili ko. Kanina pa nag-iinit ang mata ko at masakit na ang lalamunan ko na kahit ilang beses akong lumunok ay hindi nawawala ang sakit.
"Kalma, Nikay. Tandaan mo, ikaw ang kakanta kaya dapat maayos ang boses mo." I tried to smile in front of the mirror. Ngunit hindi naitago nito ang mapait na ngiti sa labi ko.
Bigla na lang nag-ulap at nanubig ang gilid ng mata ko. Tumingala ako para hindi tuluyang bumagsak ang nagbabadyang pagdaloy ng luha sa mga mata ko. Nakapag-ayos na ako at hindi pwede masira ang makeup ko.
Kagat ang ibabang labi ay pigil ang aking paghikbi. Kahit pala ano ang gawin ko ay hindi ko kaya pigilan ang emosyon ko. Heto nga at nagsimula ng mag-unahan ang pagdaloy ng luha sa pisngi ko.
Pasimple kong tinuyo ang luha sa aking pisngi ng marinig ko ang boses ni mommy sa hotel room na kinaroroonan namin.
"Anak, halika na. Si Kennenth na ang maghahatid sa 'yo sa simbahan dahil pupuntahan pa namin ng daddy mo ang Ate Nikki mo sa kabilang kwarto. Nasa labas na sila ni Karina naghihintay. Okay ka na ba, anak?" Lumapit si Mommy sa 'kin. Ngunit biglang lumamlam ang mata nito ng makita mula sa repleksyon ng salamin ang pagdaloy ng luha ko. Niyakap niya ako at marahang hinagod ang likod ko na para bang maiibsan nito ang sakit na nararamdaman ko sa mga oras na ito. "Wala na tayong magagawa, anak. Ikakasal na ang Ate Nikki mo. Magkakaroon na siya ng sarili niyang pamilya."
For the first time I didn't tell my parents how I really felt, that they didn't know why I was crying. Dahil ang buong akala nila ay hindi ko pa rin matanggap na aalis na si Ate Nikki sa poder namin. Hindi ang pagbuo ni Ate Nikki ng sarili nitong pamilya ang dahilan kung bakit ako umiiyak, ang dahilan kung bakit tila binabaon sa hukay ang puso ko.
Pinahupa ko muna ang emosyon ko bago lumabas ng silid. Napuno naman ng pag-aalala ang mukha ni Karina ng makita ako. Ito lang ang sinabihan ko ng sikreto ko kaya alam nito ang pinagdadaanan ko ngayon.
We reached the church in just a few minutes. Pagbaba ko ng sasakyan ay nakita ko ang pamilya Benedicto sa harap ng simbahan. Para silang pamilya ng mga modelo. Walang tulak kabigin sa itsura nila.
My eyes simply searched for him. My heart beat faster when I saw him next to Tito Gregg. Heto na naman, para na namang may naghahabulan na libo-libong kabayo sa dibdib ko sa sobrang lakas ng t***k nito.
Bago pa niya ako tapunan ng tingin, nag-iwas na ako at tinuon ang atensyon kay Tita Alexandria na agad akong sinalubong ng yakap.
"Good morning po," magalang kong bati.
"Same here, hija." Hinawakan niya ang kamay ko at bahagyang lumayo sa akin. "You know what, ang ganda mo sa suot mo. And look at you, mas bagay pala sa 'yo ang walang salamin. You look more beautiful, Nikay." Puno ng paghanga na pinasadahan ako ng tingin ni Tita Alexandria.
Nakakataba ng puso makatanggap ng papuri galing sa pamilya niya pero sa mga oras na ito ay hindi ko maramdaman ang saya. Nagluluksa ang puso ko ngayon.
"Mom was right, Nikay. You look beautiful today," nakangiting segunda ni Ate Alessia. Mas maganda pa rin ito kaysa sa akin.
"I can't wait to hear your voice, Nikay. Lagi kasi ipinagmamalaki ni Kuya Thaddeus na ang ganda raw ng boses mo kaya excited na akong marinig," singit ni Kuya Asher.
Biglang napagawi ang tingin ko sa kanya na kanina pa tahimik sa tabi ng daddy nito. Alanganin akong ngumiti pero naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko. Nakakatuwa na binibida pala niya ako sa pamilya niya samantalang kapag magkasama kaming dalawa ay wala siyang ginawa kundi kontrahin at punain ako.
Sumang-ayon naman si Kuya Alexis sa kambal nito. Excited din daw itong marinig ang boses ko.
Nagpaalam na ako sa kanila na papasok na sa loob. Kailangan ko ihanda ang sarili ko. Kailangan ko pa pakalmahin ang puso ko dahil nagwawala pa rin ito hanggang ngayon.
"You're beautiful, Nikay." Napahinto ako ng marinig ko ang sinabi niya ng dumaan ako sa tabi niya. Kagat ang ibabang labi ay patay-malisyang nagpatuloy ako sa paglalakad na para bang wala akong narinig. Kahit puriin niya ako, nasasaktan pa rin ang puso ko at hindi mababago ng sinabi niya na ikakasal na siya sa kapatid ko.
Nakakatawa dahil habang naglalakad ako sa aisle ng simbahan, pakiramdam ko ay ako ang ikakasal. Pero hindi pala dahil sinampal ako ng katotohanan na naglalakad lang ako rito para pumunta sa pwesto kung saan ako kakanta.
Oo, ako ang singer nila sa kasal. O, hindi ba, double kill? Buhay pa ako pero parang unti-unti naman akong pinapatay sa sakit na nararanasan ko ngayon. Ayoko mandamay pero nang magsabog ng kabiguan si Lord, sa akin n'ya pinasalo lahat.
"Hindi ba ako nakakaawa tingnan," mahinang sabi ko ng makarating sa pwesto ko. Paano nga pala nila ako kakaawaan eh, wala namang ibang nakakaalam ng pagdurusa ko ngayon kundi ako lang at si Karina?
Magsisimula na ang kasal. Dumating na ang bride. Nakapwesto na ang lahat. Heto ako, handa na rin umawit at masaktan. Ngayon ako nagsisi na ako pa ang pumili ng awitin na para sa kanila. Para lang akong kumuha ng batong pinukpok sa ulo ko. Pakiramdam ko ay para talaga sa akin ang laman ng kanta.
'A thousand years' ang awitin na napili ko at bawat laman nito ay tila punyal na unti-unting bumabaon sa puso ko. Parang gusto ko na maglaho sa kinatatayuan ko. Pero kasal ito ng Ate Nikki ko at hindi ako pwede magpadala sa emosyon ko.
Pilit ko nilalabanan ang kirot sa puso ko habang nakatingin sa lalaking ilang minuto na lang ay makikipagpalitan na ng 'I do' sa kapatid ko. Hindi pa nagsisimula ang kasal pero unti-unti ng dinudurog ang puso ko.
I bit my lower lip. Pumailanlang na ang musika. Kakayanin ko kayang hindi mabasag ang boses ko? Lumunok ako. Muli na namang nagbara ang lalamunan ko. Hindi dapat ako paapekto sa sitwasyon. Pipikit na lang ako para walang makakita kung gaano ako nasasaktan sa mga oras na ito. Kung gaano nagluluksa ang puso ko sa sobrang pagkabigo.
Tumikhim ako at nilinis ang lalamunan ko. Bago ko ipikit ang mata ko para namnamin kung gaano kasakit ang kanta na aawitin ko ay tinapunan ko siya ng tingin. Bumilis na naman ang t***k ng puso ko ng magtagpo ang aming paningin. Kung bakit ba kasi nakaharap pa ako sa kanya? Pwede bang sa likod na lang ako ng altar pumuwesto? Sobra naman yata ang parusa sa akin ngayon.
But I was stunned for a second when I saw something in his eyes. Sandali lang iyon at biglang naglaho na parang bula. At sa pagkakataong ito ay hindi ako nag-iwas ng tingin katulad ng nakasanayan ko sa tuwing magtatagpo ang aming mga mata.
Pilit akong ngumiti kahit parang nagkapira-piraso na ang puso ko habang titig na titig sa kanya. Tulad ng dati, blangko ang mukha niya at mahirap basahin.
Para lang maibsan ang sakit sa puso ko, katulad ng nakasanayan ko sa tuwing nakikita ko siyang nakasimangot ay nilabas ko ang dila ko at parang bata na dinilaan siya saka ginusot ang mukha ko. Hindi ako nabigo dahil hindi nakaligtas sa mata ko ang pigil niyang pag-ngiti.
Wala na akong magagawa at wala rin akong dapat gawin. Kailangan ko ng tanggapin na hindi siya ang para sa akin. Naniniwala na ako sa sinasabi ng iba na may pinagtagpo pero hindi tinadhana at kabilang kaming dalawa roon.