ARMANDO'S POV
"ARMANDO!! Hindi ka pa ba babangon diyan?! Gumising ka na! Tanghali na!" Narinig niyang sigaw ng bungangera niyang asawa.
Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos ganito ang laging nangyayari sa kanila kada umaga. Ke'aga-aga pa nambubulahaw na ito ng tulog.
"Ano ba! Alam kong gising ka na! nagtutulog-tulugan ka lang na animal ka!" Patuloy pa nito habang niyuyugyog siya sa kanyang balikat.
Tinabig niya ang kamay nito at pilit niyang iminumulat ang isang mata para tingnan ang relos na nasa itaas ng ulunan niya. Napamura siya! Alas singko pa lang ng madaling araw. At saka sabado ngayon kaya wala siyang pasok sa kanyang trabaho. Araw ng kanyang pahinga!
Salubong ang kilay na tiningnan niya ang kanyang asawa na nakabusangot sa may paanan niya. Balisa ang mga mata nito. Lalo tuloy itong pumapangit. Tsk! Tsk!
"Day off ko ngayon, Melia! Tagalugin ko para maintindihan mo! Wala akong pasok ngayon!" Angal niya. "Ang hilig-hilig mong mambulahaw. Nakakabuwiset 'yang bunganga mo! Inaantok pa ako, gusto ko pang matulog!" Muli niyang ipinikit ang mga mata at nagtalukbong ng kanyang kumot.
Marahas na tinanggal ni Melia ang kumot na nakatalukbong sa mukha niya. Ngunit hindi niya ito pinansin at nananatili pa rin siyang nakapikit.
Nagulat na lamang siya nang marinig niyang tumili si Melia ng malakas at nagsumiksik ito sa hinihigaan niya. Salubong na kilay na tiningnan niya ito. Nangunot ang noo niya nang makitang nakatakip ang dalawang kamay nito sa magkabilang tenga at mariing nakapikit ang mata.
"Ano bang problema mo at nagtititili ka diyan, huh? At sumiksik ka pa dito sa higaan ko? Nakikita mo namang ang liit-liit ng kama ko! Doon ka na nga humiga sa kama mo, Melia!" Iritado niyang sabi dito ngunit nananatili lang ito sa gano'ng ayos. Magasawa sila pero magkahiwalay sila ng higaan.
Nanginginig pa ito nang hawakan niya.
"Ano bang nangyayari sayo?!"
Nagmulat ito at tumitig sa kanya. "A-armando, h-hindi mo ba n-narinig 'yung narinig k-ko k-kanina?" Nauutal na tanong nito.
Lalong nangunot ang noo niya. Baliw na yata ang bungangera niyang asawa?
"Wala akong naririnig kundi 'yang boses mo na parang serena ng ambulansiya! Ang sakit sa tenga!"
"Uhaaa... Uhaaa... Uhaaaa..."
Muling napasigaw si Melia at nahintakutan, napanganga rin siya sa narinig. Ano 'yun? Sigurado siyang iyak iyon ng isang sanggol. Pero papaano namang magkakaroon ng sanggol gayong wala silang kapitbahay dahil malalayo ang distansiya ng mga bahay sa lugar nila. Nasa tuktok sila ng bundok.
"I-Iyon! Narinig mo na, Armando?? Iyon ang dahilan kung bakit kita ginigising kanina! May tiyanak! Nakakatakot!" anito sabay talukbong ng kumot.
"Baka pusa lang 'yon! Teka nga at lalabas ako!" Tumayo siya upang kumpirmahin kung ano 'yong narinig nila.
Bumangon siya sa higaan. Pagkalapit niya sa pintuan ay kinuha niya ang batuta na nakasabit sa likod. Ito ang pangdepensa niya kapag lumalabas siya ng kanilang bahay. Medyo kinakabahan din siya. Hindi naman siya matatakutin hindi dahil sa lalaki siya kundi ayaw niyang maniwala sa mga elemento. Ngunit ayaw naman niyang isipin na gano'n ang makakasagupa niya.
Medyo madilim pa sa labas nang matanaw niya sa bintana ang paligid. Agad niyang binuksan ang lahat ng ilaw sa kanilang bahay pati na sa labas.
Huminga muna siya ng malalim bago niya dahan-dahang pinihit ang seradura ng kanilang pintuan. Nang tuluyan na itong mabuksan ay luminga-linga siya muna. Nang mapadako ang kanyang paningin sa dulo ng balkonahe ay laking gulat niya sa kanyang nakita. Mabilis niya itong nilapitan. Isang sanggol na nababalot sa lampin ang tumambad sa paningin niya. Nakapatong ito sa maliit na mesang pabilog.
Kinakabahan man ay mas lumapit pa siya upang malaman kung totoo ito. Hinanda na rin naman niya ang pamalo sa likod niya oras na magbago ito ng anyo.
Kumakawag-kawag ang sanggol ngbuksan niya ang telang tumatakip sa katawan nito. Sinubukan niyang sundot-sundutin ang pisngi nito kung totoo ba ito o nagpapanggap lang. Ibinuka niya ang maliit nitong bibig para tingnan kung may pangil ba ito pero wala naman. Tinitigan niya ang mga mapupungay nitong mata at baka maging pula ito ngunit nanatili ito sa gano'ng kulay, naghahalong berde at abo ang kulay ng mga mata nito. Kinapa din niya ang ulo nito at baka may sungay ito doon pero wala naman siyang nakapa.
Marahil nasaktan ito sa ginagawa niya kaya umiyak ito. Nataranta siya! Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Papaano ba ito patatahanin? Hindi niya alam kung papaano magpatahan ng sanggol dahil wala pa siyang karanasan sa pagaalaga ng bata. Hindi kasi sila nabiyayaan ng anak ni Melia dahil baog siya. Kaya marahil heto na ang sagot sa panalangin nila na magkaroon ng anak. Pero sino bang walang puso ang nangiwan dito sa sanggol?
Dahan-dahan niya itong kinuha at kinarga. Medyo mabigat na ito dahil sa tingin niya ay nasa 3 buwang gulang na ito. Tumigil na rin ito sa pagiyak. Ngumingiti na ito. Umindak-indak na rin siya habang karga ito para huwag na 'tong muling umiyak. Doon niya napagmasdan ang mukha nito. Napakagandang bata. Kulay abuhin at berde ang mga mata nito, antangos ng ilong, mapupulang labi at napakaputi. Sigurado siya na mayaman ang mga magulang nito base sa hitsura nito.
Biglang humampas ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa matataas na puno na nakapaligid sa kanilang bahay. Kaya siguro umiiyak ang sanggol dahil sa nilalamig na ito. Kaya naman ay agad na niyang ipinasok sa loob ng bahay ang sanggol at patakbong tinungo ang silid.
Naabutan niya ang kanyang asawa na nakatalukbong pa rin ng kumot.
"Melia! Bumangon ka diyan tingnan mo 'tong dala ko!" Masayang bungad niya dito.
Mabilis naman nitong tinanggal ang kumot sa mukha. Bumangon ito at napanganga nang tumingin sa karga niyang sanggol na ngayo'y nilalaro-laro ang maliliit nitong kamay.
"S-Sanggol?? S-saan mo nakuha yan? B-baka tiyanak yan! Itapon mo yan, Armando!" sigaw nito habang itinutulak ang katawan palayo. Umatras ito hanggang sa may ulunan ng kama.
"Hindi siya tiyanak, Melia! Totoo siya. Tingnan mo at napakaganda niya," yaya niya dito ngunit umiiling ito. Ayaw pa ring maniwala. Tiningnan niya ito ng masama. "Ang hilig-hilig mo kasing manood ng mga horror movies kaya kung anu-anong pumapasok diyan sa utak mo! Pumarito ka at pagmasdan mo 'tong bata!"
Napilitan itong tumayo. Dahan-dahan itong lumapit sa kanila na animo'y nagbibilang ng hakbang. Nang makalapit ay pumunta ito sa likuran niya at bahagyang sinilip ang mukha ng sanggol na medyo natatakpan ng lampin. Hinawi nito ang tela para mapagmasdan nito ng buo ang mukha ng sanggol. Nilingon niya ang asawa na ngayo'y nakatulala habang nakatitig sa baby. Nakangiti naman ang sanggol sa kanila. Para bang pinaparamdam nito sa kanila na kumportable ito.
Subalit naisip niya na maraming proseso sa pagaampon nang bata. Hindi nila alam kung sino ang nagdala ng sanggol sa kanila. Maraming katanungan sa utak niya. Sino ba ang magulang nito? Saan ito nakatira? Marahil mismong magulang nito ang nagdala sa kanila o kaya naman ay maaari din na ninakaw ito para ilayo sa totoong magulang nito. Bigla siyang naawa sa sanggol.
"Aampunin ba natin siya, Armando?" Malumanay na tanong ni Melia. Kalmado na ito. Nakahawak na sa daliri nito ang sanggol. Nakakatuwang pagmasdan. "Dito na lang ba siya sa atin? Itatago ba natin siya? Baka kasi maparatangan tayo na nagnakaw ng bata," malungkot na saad nito.
"Iyon nga rin ang iniisip ko eh. Kaso wala naman tayong kasalanan. Dinala siya dito sa atin. Ayoko naman na dalhin ito sa bahay ampunan. Wala din naman tayong anak kaya siguro hinulog 'to sa atin ng Diyos. Kaya sa atin na 'tong napakagandang bata na ito," nakangiting saad niya habang hindi mapigilang halikan ang noo nito. "Ang sarap pala sa pakiramdam ng may anak," anya pa.
Tumango naman si Melia bilang tugon. Nangingilid ang luha nito na agad ding pinunasan.
"Anong ipapangalan natin sa kanya, Armando?" Biglang tanong nito.
Napaisip siya. Oo nga no, kailangan pala nilang bigyan ito ng pangalan. Doon niya napansin na may nakasabit na kuwintas sa leeg nito nang malihis ang kulay rosas nitong damit. Hinawakan niya ito at doon nabasa niya sa likod ng pendant na puso na may nakasulat na salita.
"Lorileigh."
Napakunot ang noo ng asawa niya sa narinig. "Lorileigh? Bakit gano'n? Tunog mayaman!"
"Eh, 'yon ang nakasulat dito sa kuwintas niya. Dito ka sa harap basahin mo."
Agad naman itong tumungo sa harap para basahin ang nakasulat sa kuwintas ng sanggol.
"Ahh.. Lorileigh. Oo nga, no? Sige kung yan ang pangalan niya."
Tuwang-tuwa namang nakamasid sa kanila ang sanggol. Marahil nagustuhan din nito ang pangalan na ibinigay nila...