“WHAT DO YOU have for me?” kaagad na tanong ni Andrew kay Iñaki, ang pediatrician na naging malapit na kaibigan na rin niya. Inere-refer nito sa kanya ang mga pasyente nitong possible surgical cases. Pinagmasdan niya ang bagong-panganak na sanggol habang nagsusuot ng gloves.
“Distended abdomen and vomitting,” sagot ni Iñaki habang hindi inaalis ang atensiyon sa bagong-panganak na tinitingnan. “Kalahating oras pa lang mula nang ipanganak siya.”
“Volvulus?” Binigyan na si Andrew ng daan para sumunod siya sa pag-eksamin sa bata.
“Iyon ang hinala ko.”
“Yes, most likely a volvulus,” sagot niya matapos kapain ang sikmura. Tinawag niya ang kanyang residente na si Aaron na nasa malapit lang. He was in charge of teaching the interns in their rotation at his department. Mabilis nitong ipinaliwanag sa mga intern kung ano ang volvulus at ang magiging plan of treatment nila habang ina-administer niya ang sedative. Ibinubulong niya sa sanggol na magiging maayos din ang lahat at hindi na nito kailangang mag-alala pagkatapos.
“You tell the parents,” sabi ni Andrew kay Iñaki. “Explain the condition and the surgery the baby needs. Mamaya ko na sila kakausapin bago ang operasyon.” Binalingan niya si Aaron na mahusay ang ginawang pagpapaliwanag sa mga intern. “Secure consent with Doctor Salvador. Kung may hindi maintindihan ang mga magulang tungkol sa surgery, tumulong ka sa pagpapaliwanag. Hold their hands and ease their fears if you have to. Then do the work up as soon as possible. I want him prep pagbalik ko mamaya. You’re assisting me later. Choose one intern who can scrub in. Don’t let your interns screw anything up or I will bury you alive. You get me?”
Mukhang nasanay na sa kanya ang residente dahil hindi na niya ito masindak. “Yes, Sir.”
Mamaya na sasabihin ni Andrew na siya ang magiging assist at hahayaan niya si Aaron ang maging lead surgeon. Sa ibang pagkakataon ay hindi niya hahayaan ang residente na gawin ang lahat ng iyon. Pagdating sa mga mumunting nilalang ay wala siyang gaanong pinagkakatiwalaan. Pero alam din niya na kailangan na niyang alisin ang training wheels ng kanyang mga residente. Kailangan na niyang bitiwan ang kamay ng mga ito. Hindi naman sa marami siyang residente na pinagkakatiwalaan. Dalawa lang ang lubos siyang kampante na magiging maayos ang operasyon kahit na wala siya. Isa si Aaron sa dalawang iyon. He had the most promise in pediatric surgery. Mas mahusay pa kaysa sa ilang fifth year residents.
Nagpunta si Andrew sa bahagi ng pediatric floor kung saan naglalagi ang mga pasyente na nangangailangan ng long-term care. Kailangan niyang tingnan ang isa niyang pasyente na may cancer. Pagpasok niya sa kuwarto ay nakita niyang naroon na si Dr. Juan Cristobal Boyce, ang surgeon-oncologist. Mukhang nagkakatuwaan ang mga ito habang inieksamin ni JC ang bata. Ang mga magulang ng bata ay nasa isang sulok at sinisikap na ngumiti kahit na alam niyang nahihirapan ang mga ito sa kasalukuyan.
Nang makita siya ng batang babae ay mas nagliwanag ang buong mukha nito. “Hi, Doctor Andrew!” masigla nitong bati sa kanya. Masigla man ang boses ay munti pa rin iyon at medyo iba sa tipikal na sigla ng isang tipikal na malusog na bata.
“Hello, Pinky,” ganting bati ni Andrew sa bata. Pinky was almost ten years old but she looked like a six-year-old. Cancer stunted her growth. She was thin and pale. It never failed to break his heart to see sick children like her. Hindi iyon nakakasanayan kahit na ganoon ang sinasabi ng ibang mga doktor. Iba pagdating sa mga mumunting nilalang. Natutunan lang niyang mas maging mahusay sa pagtatago ng totoong nararamdaman. “How are you feeling today?”
Bahagyang nabura ang ngiti sa mga labi nito. “Bad.”
Awtomatiko ang pag-ahon ng pag-aalala sa kanyang dibdib. Kaagad siyang tumingin kay Boyce. Mukhang hindi naman nababahala ang doktor at bahagya niya iyong ikinainis. Ibinuka niya ang bibig at magtatanong sana pero naunahan na siya ng bata.
“There’s a mean boy in the playroom,” pagsusumbong ni Pinky sa kanya. “He threw his ball at me then he made fun of my head.”
Nakahinga nang maluwang si Andrew nang ma-realize kung ano ang nangyayari. Hindi na bago sa kanya ang sumbong na ganoon. Ang mga bata ay mananatiling mga bata kahit na saang environment, kahit pa sa ospital. Mayroon at mayroong mga pasaway. Napatingin siya sa ulo nitong nasusuutan man ng bonnet ay alam pa rin niyang nangangalbo.
“Who is it?”
“I don’t know his name but he’s really mean. Will you talk to him?”
Hindi malaman ni Andrew kung paano niya kakausapin ang bata na hindi niya alam kung ano ang pangalan pero may pakiramdam siyang malalaman din niya iyon kapag nagkataong pasyente rin niya ang bata. Pinanatili niya ang ngiti sa mga labi habang nauupo sa gilid ng kama ni Pinky. “If something like that happens to you again, I want you to walk away.”
Sumimangot si Pinky pero walang sinabing anuman at patuloy na nakinig sa kanya.
“Bullies only have power over you if you let them get to you. Kapag hindi mo siya pinansin, mare-realize niyang hindi pala masaya ang ganoon. Hindi epektibong sa pagkuha ng attention mo. Kasi minsan, gusto lang nilang magpapansin. Maybe he likes you and hindi niya alam kung paano ka mapapatingin sa kanya kaya binato ka niya ng ball.”
“Really?” Mukhang ayaw pang maniwala sa kanya ng bata.
“Trust me, I know.” Hindi mapigilan ni Andrew ang panunumbalik ng isang alaala. Ang alaala na unang beses niyang nakita si Raven. He was so mesmerized with her beauty that he found it hard to breath properly. Desidido siya na hindi magiging maganda ang araw na iyon noon. Unang araw niya sa isang bagong eskuwelahan. Anim na buwan na mula nang pumanaw ang kanyang ina at nagpasya ang kanyang ama na puwede na nitong diktahan ang lahat ng aspeto ng kanyang buhay. Gusto nitong magkasama sila ni Garrett sa iisang eskuwelahan at hindi pa maganda ang relasyon nilang magkapatid noon.
Andrew saw Raven walking towards him and he felt like everything seemed changing. Kaagad na may nabuhay sa kanyang kalooban at hindi niya sigurado kung paano iyon pakikitunguhan. Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam siya ng ganoon sa isang babae. Habang nagugulo ang buong sistema niya ay hindi naman siya nakikita ng dalaga. Masyado iyong unfair kaya sinadya niyang patirin si Raven. She saw him at last. At sa mga sumunod na araw ay sinadya niya ang pang-iinis sa dalaga para mapansin at makita siya nito.
“Really,” sabi ni Andrew kay Pinky. “The next time it happens, walk away or you can tell him you can be friends. Tell him you can play with each other without hurting one another. Okay?”
Tumango si Pinky. “Okay.”
Nang masiguro na maayos na ang bata ay binalingan ni Andrew ang mga magulang. Sa tagal niya sa propesyon na iyon ay kabisado na niya ang mga magulang o guardian na totoong nagmamalasakit sa mga bata. Madali na para sa kanya na maramdaman ang takot at pangamba ng marami. Kailangan niyang makabisa ang bawat saloobin ng bawat magulang para malaman niya kung paano kakausapin at pakikitunguhan ang mga ito. Ang mga magulang na kaharap ay halos hindi masukat ang nararamdamang takot at pangamba.
Takot at pangamba na bahagyang nabawasan nang lumapit sila ni Boyce.
“Thank you,” sabi ng ina na naluluha.
“I think I also know those things you just said,” sabi ng ama kay Andrew. “Walk away. Be kinder than the bullies. Pero kanina ay gusto ko ring batuhin ang bata. I guess sa paningin ko ay hindi na lang basta tipikal na bata si Pinky.”
“In a way, she’s not really your tipikal kid in the playground. She’s the kid with a cancer,” sabi ni Andrew. Pormal ang kanyang boses pero naaawa siyang talaga kay Pinky. “But kids will always be kids.”
Sumang-ayon si Boyce. Pagkatapos ay ipinaliwanag nito sa mga magulang ang progress ng treatment ni Pinky. Inisa-isa nito ang mga magiging epekto ng gamot. Taimtim na nakinig ang mga magulang. Alam na ni Andrew ang karamihan sa mga iyon dahil kabisado niya ang treatment plan ni Boyce pero mataman din siyang nakinig. Nang wala nang tanong sa kanya ang mga magulang ay nagpaalam na sila at pumunta na sa pintuan.
Natigilan si Andrew nang makitang nakaabang si John Paul sa labas ng kuwarto. Tumingin siya sa relong-pambisig na suot. Napangiti siya.
“Glad, aren’t we?” nakangiting tanong ni John Paul.
Hindi sigurado ni Andrew kung gusto niya ang pinaghalong inis at amusement sa mga mata ni John Paul. Hindi niya gustong ma-amuse ang lalaki, gusto lang niyang mainis ito sa hindi niya pagsipot sa kanilang meeting.
Hindi pinansin ni Andrew si John Paul at ibinigay kay Boyce ang kanyang atensiyon. “Pinky’s cocktail of meds aren’t working as aggressive as we hoped. Find something else. Come up with another treatment plan.”
“Give the meds and Pinky more time. Iba-iba ang reaction ng bawat tao. Let’s hope for the best.”
“We’re doctors. We don’t hope for the best. We come up with plans with the best outcomes for the patient. You can’t screw this up, Boyce. I’ll end you.”
Natawa si John Paul na hindi pa rin nawawala sa paligid. “Wala pa ring gaanong pagbabago.”
Hindi uli pinansin ni Andrew si John Paul at pinanatili ang atensiyon kay Boyce na napabuntong-hininga. “I’m Juan Cristobal Boyce, Andrew. I’m a world-renowned surgeon-oncologist. World. Renowned. I don’t easily screw things up.”
“Whatever.” Andrew waved his hand dismissively. Kahit na ganoon, alam ni Andrew ang husay ni JC Boyce sa pagiging surgeon-oncologist. Hindi niya kahit kailan sasabihin pero sobra siyang nagpapasalamat na napagpasyahan nitong sa DRMMH na magtrabaho. Pinagtutulungan nila ang pagbuo ng isang programa na ang layon ay magbigay ng libreng medical services sa mga batang may cancer pero hindi ma-afford ang pagpapagamot.
Boyce scoffed. Parang hindi makapaniwala sa kanyang inaasal. “Minsan iniisip ko kung bakit itinuturing kitang kaibigan.” Hindi na hinintay ni Boyce ang magiging sagot niya dahil iniwan na siya nito.
Nagsimula na ring maglakad palayo si Andrew. Naramdaman niya ang pagsunod sa kanya ni John Paul. “We have to prep for your trial, Doctor Mendoza,” sabi nito.
“You have to prep for the trial. Trabaho mo na ipanalo ang kaso. Hindi mo `ko kailangang i-prep.”
“You have to answer the questions properly. Kailangan mong rendahan ang temper mo kung gusto mong panigan ka ng batas.”
“I can’t believe I’m hearing this.” Alam ni Andrew na nasa tama siya kaya kailangan siyang panigan ng batas. Hindi niya hahayaan na basta na lang mapalampas ang ginawang pang-aabuso sa isang bata. “You will win this case, John Paul. Not for me. Not for the hospital. For the kid who silently suffered and blamed himself for receiving such harsh treatment.”
“You have to work with me.”
“Whatever!” naiinis niyang sabi. Nagpasalamat siya nang salubungin siya ni Amy, ang isa pang pinagkakatiwalaan niyang residente. Dala nito ang magkakapatong na chart at tablet sa ibabaw niyon. She was managing his post-op patients. Kailangan siguro niyang pirmahan ang ilang discharge papers. Nakahanap sila ng nurses’ station at doon naglagi.
Habang nagbabasa at pumipirma ay ina-update siya ni Amy sa iba pa niyang mga pasyente. So far ay maayos naman ang lahat at walang komplikasyon. Nasilip ni Andrew ang sandwich sa bulsa ng white coat nito. Walang pasintabi na kinuha niya iyon, binuksan at kinagatan.
“That’s my snack, pero okay lang,” sabi ni Amy sa masiglang boses. Inilabas nito ang isang munting karton ng yogurt drink, nilagyan ng straw at inilapit sa kanya. “Coach Fernan sent two tickets.” Inilabas nito ang dalawang ticket na nakasuksok sa breast pocket ng white coat.
Nang tumingin si Andrew sa kanyang residente ay nakita niyang ang ganda ng ngiti nito. Ang tinutukoy nitong Fernan ay isang coach ng isang professional basketball team. Naging pasyente niya ang unang apo ni Fernan at mula noon ay regular na siya nitong pinapadalhan ng game tickets.
“I like basketball. Hand it over.” Inilahad niya ang kamay.
“Tsinek ko po ang sched n’yo. Baka nasa Dagupan pa rin kayo that day.”
Halos nakalimutan na ni Andrew ang bagay na iyon. “Fine. Whatever. You and Aaron can have the tickets.” The two deserved the treat anyway. Ang dalawa ang pinakamasigasig at pinakamahusay na mga residente sa opinion niya. They had so much potential.
“Yes! Thank you, Sir.” Inayos nito ang mga chart, nagpaalam at mabilis siyang iniwan.
“Hindi ka naman pala masama sa lahat,” komento ni John Paul na hindi pa rin umaalis.
Tiningnan ni Andrew nang masama ang lalaki. Bago pa man niya maitaboy ang abogado ay isang first year resident ang lumapit. Malinaw na makikita sa buong katawan nito ang pagkasindak sa kanya. Parang lalo itong natakot nang ibaling niya ang masamang tingin dito. Nanginginig na inabot nito sa kanya ang ilang scans. Hinablot iyon at itinaboy sa pamamagitan ng kanyang kamay. “Go learn something somewhere else,” sabi niya habang itinutuon ang paningin sa hawak.
Nagkukumahog na umalis ang residente. Narinig ni Andrew ang pagbuntong-hininga ni John Paul. Imbes na pansinin ito ay nagpunta siya sa pinakamalapit na viewing room at isa-isang isinabit ang mga films na hawak.
Mataman niyang pinag-aralan ang mga iyon kahit na nararamdaman pa rin niyang nasa paligid si John Paul. Inaalis niya ang films at ibinabalik sa envelopes niyon nang maramdaman niyang may pumasok sa loob ng viewing room.
“Sa wakas ay nakita rin kita.”
Sandaling naipikit ni Andrew ang mga mata nang makilala ang boses. Mas binilisan niya ang ginagawa. Gusto niyang makaiwas kaagad. Parang bigla siyang napagod.
“Andrew, if you would just spare me some—”
“Not now, Lorenz,” sabi ni Andrew bago pa man nito matapos ang sinasabi. “Someone’s pissing me off already and I can’t deal with you.”
Imbes na sumagot ay may inabot itong card sa kanya. Isa iyong imbitasyon. Sinadya yatang huwag ilagay sa envelope para makita kaagad niya ang picture ng isang bata. Gustong mainis ni Andrew pero pinigilan niya ang sarili dahil sa bata na minsan ay naging pasyente niya. The child was innocent in everything that happened.
“It’s Isabella’s birthday this weekend. Gusto ko sanang maka-attend ka. You’re the reason she’s having another birthday.”
Marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Andrew. Hinablot niya ang imbitasyon at ibinulsa. “I’ll see what I can do. Pero kung hindi ako makarating, I’ll send a gift for her.”
Nakakaintinding tumango si Lorenz. “That’s okay, I guess. Salamat.” Sandali munang nag-alangan ang lalaki bago muling nagsalita. “Have you heard from Tawny?”
“You don’t get to ask me that question, Lorenz,” naiinis na sagot ni Andrew. “You’ve lost your right to ask anything about Tawny.”
Nakakaintinding tumango uli si Lorenz. “Just tell— okay, I’m shutting up now.”
Naiinis na humakbang na si Andrew palabas pero bigla siyang napatigil. Hinarap niya si Lorenz. “You broke her, Lorenz. Sana, hindi mo makalimutan ang bagay na iyan. Habang masaya ka kasama ang bagong pamilya mo, ang babaeng mahal mo, ay may isang tao na nagdurusa dahil sa `yo. Huwag na huwag mong kalilimutan ang bagay na iyan. Magagalit ako sa `yo hanggang sa hindi siya nagiging masaya uli. And I’m trying to do everything I can to make her happy again.” Hindi na niya hinintay ang sasabihin pa ni Lorenz, itinuloy na niya ang pag-alis.
Kaagad na nakasunod sa kanya si John Paul. “Tawny?”
“None of your damned business.”
“All right.”
“Why are you still following me?”
Napabuntong-hininga si John Paul. “We have to prep, Andrew. You’re a good doctor pero you lack people skills. You’re still horrible at that.”
“Fine! Whatever! Titigilan mo na ba ako pagkatapos?” Dapat siguro ay tanggapin na niya ang katotohanang magiging parte ng kanyang propesyunal na buhay si John Paul. Hindi niya iyon gusto pero ano ang magagawa niya sa ngayon? Hindi niya puwedeng iwasan nang matagal ang lalaki. Dapat lang siguro niyang sanayin ang kanyang sarili. Dapat niyang rendahan ang inis na nararamdaman dahil wala na iyong basehan. Kasalanan ba ni John Paul na ito ang mas minahal, ang napili?
Hindi pa rin napigilan ni Andrew ang pag-apaw ng inis sa kanyang dibdib. Na-realize niyang hindi pa rin pala niya matanggap kahit na napakaraming taon na ang lumipas.
“Kailangan mo ba talagang bumalik sa buhay ko?” pabulong na tanong ni Andrew, halos wala sa loob.