_THE FIRST COMMAND

1871 Words
JHONALENNE'S POV: Senior High School na ako nang unang tuluyang ipinakilala sa akin ng mga Papa ko ang isang bagay na hindi ko kailanman inakala na mahahawakan ko. Isang baril. Hindi ito sa loob ng bahay at hindi rin sa training ground na kinasanayan ko mula pagkabata. Maaga kaming umalis mula Baguio City noon. Habang papalayo kami sa lungsod, unti-unting napapalitan ang mga bahay at establisimyento ng makakapal na puno, matatarik na mga bundok, at malamig na hanging humahampas sa sasakyan. Tahimik ang lugar na pinuntahan namin sa Benguet. Sadyang malayo iyon sa kabahayan at ginawa bilang isang pribadong firing range para sa training. Pagkababa ko pa lamang ng sasakyan ay napansin ko kaagad ang katahimikan. Walang ingay ng mga sasakyan, walang mga tao at tanging malamig na hangin at mga huni ng ibon na nagmumula sa mga kabundukan ang iyong maririnig. “Dito tayo ngayon,” sabi ni Papa Logan. Napatingin ako sa kanya. “Para saan po ito Papa?” Hindi siya sumagot, sa halip ay kinuha niya ang isang protective gear at iniabot sa akin. “Isuot mo muna ito.” Saad niya at sinunod ko naman siya. Hindi ko maalis ang tingin ko sa firing range sa aking harapan, may mga target sa malayo at sa unang pagkakataon ay naramdaman kong iba na ang training na ito. Lumapit si Papa Logan dala ang isang handgun, hindi niya agad iyon iniabot sa akin sa halip ay tumingin muna siya sa akin nang diretso. “Jhonalenne.” “Papa?” “Ang baril ay hindi laruan.” saad niya. Tumango ako. “Hindi rin ito bagay na ginagamit para patunayan na matapang ka.” Tumango-tango ako. “Kapag humawak ka nito, kailangan mong maintindihan na may kaakibat itong malaking responsibilidad.” Tumango ulit ako. Saka niya ipinaalala sa akin ang mga pangunahing safety rules bago niya ako hayaang lumapit sa firing line. Sinabi niyang kailangan kong manatiling kalmado, laging maging aware sa direksyon ng baril, at sundin lamang ang utos ng taong nangangasiwa sa training. “Hindi ka gagalaw nang walang utos,” mahigpit niyang sabi. “Opo.” “Hindi mo ito gagamitin dahil lamang sa galit.” “Opo.” “At hindi mo kailanman hahayaang manaig ang emosyon mo.” Tumango na naman ako. “Understand?” “Yes, Papa.” Saka lamang niya ipinakita kung paano ko hahawakan ang training firearm nang maayos at kontrolado. Inayos niya ang aking mga kamay at posture, tinitiyak na stable ang aking katawan at hindi ako nakaposisyon nang alanganin. “Relax your shoulders, anak.” Sinunod ko siya. “Look straight ahead.” At tumingin naman ako ng diretso sa target ko. “Breathe, Jhonalenne.” Kabado man ngunit pinilit kong pakalmahin ang aking sarili. Huminga ako nang malalim sabay utos ko sa aking sarili.. "Kaya mo ito Jhonalenne." Sa likod ko, naririnig ko ang boses ni Papa Logan na kalmado ngunit seryoso. “Hindi mo kailangang madaliin anak.” Tahimik lang akong tumango habang diretso ang tingin ko sa target. “Control yourself first before you even think about controlling anything else.” Hindi ko kaagad naintindihan ang ibig niyang sabihin, pero tumatak iyon sa isipan ko. Control yourself first. Iyon pala ang tunay na unang lesson. Hindi ang baril, hindi ang target, kundi ang sarili ko. Then Papa Logan raised one hand at iyon na ang hudyat. Huminga ako ng malalim. "Focus.. Now!" BANG! Kaagad na umalingawngaw ang tunog sa kabundukan. Sa unang putok ay napapitlag ako, napapikit ako at kaagad akong pinatigil ni Papa Logan. “Stop! Eyes open.” Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, at doon ko nakita ang target ko, sapul sa ulo. Kahit papaano ay napangiti ako. “Again!” utos ni Papa Logan. Huminga na naman ako ng malalim. BANG! Sa bawat training session, unti-unti kong nakontrol ang kaba. Hindi naging madali at may mga pagkakataong nanginginig ang mga kamay ko. May mga pagkakataong gusto kong umatras, hindi naman ako pinilit ni Papa Logan na lampasan kung ano ang kaya ko. Paulit-ulit niyang ipinapaalala na ang pagiging mahusay ay hindi nangangahulugang hindi ka natatakot. Ang mahalaga ay marunong kang manatiling kalmado at responsable kahit may takot ka. -------- Lumipas ang mga buwan. At ang dating bagay na kinatatakutan kong hawakan ay naging bahagi ng buhay ko. Ngunit hindi kailanman naging laro sa akin ang armas, dahil sa bawat training, naaalala ko ang isang bagay na palagi nilang sinasabi. Ang isang maling desisyon ay maaaring magbago ng buhay ng isang tao. --- Lumipas pa ang panahon. Hanggang sa dumating ang araw ng aking graduation. Nakatayo ako sa stage, suot ang graduation gown ko, suot ko ang mga medalyang hindi mabilang na nakasabit sa leeg ko na naging bunga ng kahusayan ko habang hawak ko ang certificate na pinaghirapan ko sa loob ng maraming taon. With High Honors. Nang tawagin ang pangalan ko, nakita ko silang lima at salitan silang umakyat ng stage upang sabitan ako ng medalya. "Hindi mo kami binigo anak." Wika pa ni Papa Bobby sa akin. Nandoon sina Papa Leo, Papa John, Papa Bobby, Papa Sherwin, at Papa Logan at si Lola Aurelia na masayang- masaya na nakatabi sa akin habang kami'y nagpapakuha ng mga larawan. Napangiti ako, at sa loob-loob ko, sinabi ko: “Lola, malapit na akong maging doktor.” Sa unang pagkakataon, naramdaman kong may bagay akong pinaghirapan na tunay na akin lamang. Iyon ay ang pag-aaral. At matagal ko nang alam kung ano ang gusto kong maging sa hinaharap. Maging isang Doktor. Mula pa noong nasa elementarya ako ay pangarap ko nang mag-aral ng medisina. Gusto kong makatulong sa mga taong may sakit at mailigtas ng buhay sa tulong ng panggagamot. Siguro dahil sa lahat ng bagay na nawala sa akin, gusto kong maging taong kayang magligtas ng iba. Hindi ko alam kung bakit, pero iyon ang pangarap ko. At akala ko noon ay iyon na ang susunod kong tatahakin. ----- Hanggang sa ilang linggo matapos ang graduation ko, tinawag nila ako sa sala. Kasama sina Papa John, Papa Bobby, Papa Sherwin, Papa Logan at si Lola Aurelia na nakaupo sa sofa. “Sit down.” Umupo ako at napatingin ako sa mga folder sa harapan namin. “What's that Papa?” “Your university enrollment.” sagot ni Papa Sherwin. Biglang lumiwanag ang mukha ko. “Talaga po?” excited na excited pa ako at kaagad kong kinuha ang folder. “Nakahanap na po kayo ng university para sa akin?” Masayang-masaya na bigkas ko at hindi na talaga ako makapaghintay na makita ang pangalan ko. Isa itong kilalang unibersidad sa siyudad. Napangiti ako. “Wow…” nagniningning ang mga mata ko sa excitement pero habang binabasa ko ang susunod na pahina, unti-unting nawala ang mga ngiti ko. Huminto ang mga mata ko sa pangalan ng course. Hindi Medicine. Hindi Medical Technology. Hindi kahit anong may kinalaman sa pangarap ko. Bachelor's degree related to law enforcement and policing. Napatingin ako kay Papa Leo. “Papa…” Dismayado kong wika, nungit tahimik sila. “Bakit po hindi Medicine?” tanong ko. Walang sumagot ni isa sa kanila. “Hindi po ito ang gusto ko.” Ngunit tahimik pa rin. “Gusto kong maging doctor, Papa.” “Jhonalenne—” mahinang sambit ni Papa John. “Hindi po ito ang gusto ko Papa John.” Mas lumakas na ang boses ko dahil talagang dismayado ako. “Buong buhay akong nagsasanay. Sinunod ko lahat ng gusto ninyo.” Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang lima. “Hindi ako nagreklamo.” Nangingilid na ang mga luha ko. “Hindi ako lumabas ng bahay.” Napatingin ako kay Papa Logan na noon ay seryoso lamang na nakatingin sa akin. “Hindi ako nagreklamo kahit ilang taon akong halos training ground at school lang ang mundo ko.” Napatingin naman ako kay Papa Bobby. “Hindi ako nagreklamo kahit pinigilan ninyo akong maging katulad ng isang normal na estudyante.” At sa huli, tumingin ako kay Papa Leo. “Pero bakit pati ito?” Garalgal na Ang bosses ko. “Bakit pati ang pangarap ko kailangan ninyo ring piliin para sa akin?” Tahimik ang buong sala. Huminga ako nang malalim pero lalo lamang bumigat ang dibdib ko. “Papa… please.” Isang salita lang iyon at iyon ang unang pagkakataong humingi ako sa kanila nang ganoon. “Hayaan ninyo naman akong piliin ang gusto ko.” Nanatili silang tahimik. Tumingin ako kay Lola Aurelia at umaasa akong mababago niya ang desisyon ng lima kong Papa. Dahil sa lahat ng pagkakataon na umiiyak ako, siya ang yumayakap sa akin, siya ang nagpapaalala sa akin na hindi ako nag-iisa. “Lola…” Namumuo na ang luha sa mga mata ko. “Sabihin mo sa kanila, please.” Hindi rin nagsalita si Lola, pero ramdam kong nakikisimpatya din siya sa nararamdaman ko. “Please, Lola.” Hinawakan kong muli ang kamay niya, nakikiusap habang pinipigilan ang mga luhang kanina pa gustong kumawala. “Sabihin mo sa kanila na gusto kong maging doktor.” Nanginginig ang mga daliri niya mula sa pagkakahawak ko at nakita ko ang sakit sa mga mata niya. “Jhonalenne…” Mahina ang boses niya. “Hindi ko rin kayang baguhin ang desisyon ng mga Papa mo.” At doon ay tuluyan akong bumagsak. Parang may humampas sa dibdib ko. Napailing ako. “Pero Lola…” “I'm sorry, apo.” Doon na tuluyang bumagsak ang luha ko. Doon napagtanto kong kahit si Lola Aurelia ay wala ring magawa para sa akin. Ang taong pinaniniwalaan kong kakampi ko sa lahat ng bagay ay wala ring kapangyarihang ipaglaban ang pangarap ko. Tumingin ako sa limang Papa ko. Sila. Sila ang nagdesisyon. Sila ang pumili ng magiging buhay ko at wala akong magawa doon. Kaya kinuha ko ang folder, tumayo ako at hindi na ako nakipagtalo. Hindi dahil pumapayag na ako, kundi dahil alam kong wala na akong laban. Pagkaalis ko ng sala ay hindi ko na napigilang umiyak. Pagkapasok ko sa kwarto, isinara ko ang pinto at doon ako tuluyang napaupo sa sahig. Hawak ko pa rin ang enrollment papers, tinititigan ko ang pangalan ng course. Paulit-ulit iyon. Hanggang sa lumabo na iyon dahil sa mga luha ko. “Gusto ko lang naman maging doktor…” Mahina kong bulong. “Bakit hindi ninyo ako hayaang piliin ang sarili kong pangarap?” Humagulgol ako. Sa gabing iyon, wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak. Dahil sa unang pagkakataon ay hindi ko na alam kung saan patungo ang buhay ko. ----- Pinunasan ko ang mga luha ko. At habang nakatitig ako sa enrollment papers, may isang tanong na paulit-ulit na umalingawngaw sa isip ko. Bakit kailangan nilang kontrolin pati ang magiging buhay ko? Hindi ko alam noon na ang desisyong iyon ng limang Papa ko ang magiging unang hakbang patungo sa buhay na matagal na nilang inihahanda para sa akin. Isang buhay na maglalapit sa akin sa isang pamilya na buong buhay nilang itinuro na kamuhian ko. Ang mga Valderama, na siyang dahilan kung bakit nawala ang Mama Daniella ko. Siguro, panahon na din upang malaman ko ang buong katotohanan sa likod ng pagkamatay ng aking Ina. At siguro panahon na din upang hanapin ko ang tunay kong Ama. ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD