NAKAYUKO lang si Luka sa mug niya na may imprint ni Pikachu habang nagsasalita ang kanyang ina. Kasalukuyan silang nasa kusina ng bahay niya at pinag-uusapan ang pakialamerong lamok na nasa sala.
“Nag-offer ang Tita Marga mo na tulungan ka dahil talagang nag-aalala na 'ko sa 'yo, hija. I mean, I want you to marry a real man, not some two-D guy. Kaya naisipan namin na magpatulong sa pamangkin niyang si Khaki.”
Nag-angat siya ng tingin. “Mommy, ano naman ang maitutulong ng Khaki na iyon sa'kin?”
Kumislap ang mga mata nito. “Tutulungan ka niyang maibalik ang puso mo sa totoong mundo.”
Gusto niyang ngumiwi sa sinabi nito. “Mommy, kung magsalita naman kayo, parang maluwag na ang turnilyo sa ulo ko.”
Halatang na-guilty ito. Ginagap nito ang kanyang kamay na nakahawak sa katawan ng mug. “I’m sorry, anak. I didn’t mean it that way. Ang gusto ko lang naman ay bumalik ka sa dati. Hindi iyong nagkukulong ka lang dito sa bahay mo kasama ang mga Kenkoy na pinapanood mo.”
“‘Anime’ po 'yon, hindi ‘Kenkoy.’”
Ikinumpas nito ang kamay. “Whatever.” Pinakatitigan siya nito, saka umiling-iling. “Ibang-iba ka na talaga sa Luka na kilala namin ng daddy mo.”
Bumuntong-hininga siya. “Mommy, okay naman ako. Konektado naman sa trabaho ko ang mga hilig ko.”
“Hindi iyon ang ibig kong sabihin.”
“Mommy, hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay ko.”
Ito naman ang bumuntong-hininga. “You need someone who will take care of you, baby. Huwag mong hayaang makulong ka nang tuluyan sa two-D world. Face reality, anak.”
Ilang beses na ba niyang narinig ang mga salitang iyon sa bibig nito sa nakalipas na tatlong taon? Hindi na niya mabilang. Sana naman ay magsawa na ito sa kakasabi niyon.
“I’m fine, Mommy,” sabi na lang niya.
“Anak naman, pagbigyan mo na sana ako. Hayaan mong maging magkaibigan kayo ni Khaki. Baka sakaling bumalik ka sa dati.”
Hindi na ako makakabalik sa dati, Mommy, dahil wala na akong babalikan.
“Pangako, anak. Ito na ang huli. Pakisamahan mo si Khaki sa loob ng isang linggo. Kung hindi pa rin niya mapagbabago ang paraan mo ng pamumuhay, hinding-hindi na kita pipiliting makipag-date sa kahit sinong lalaki.”
Tiningnan niya ito nang mataman. “Talaga, Mommy?”
Ngumiti ito at itinaas pa ang kanang kamay. “Promise.”
Nag-isip siya. Isang linggo lang ang kailangan niyang tiisin sa pakikisama sa pakialamerong lamok na si Khaki. Ang kapalit naman niyon ay habang-buhay na kalayaan. It was a fair deal.
Tumango siya. “Sige, 'My. Pumapayag na 'ko.”