Agnes’ POV
HINDI ko alam pero naging magaan agad ang loob ko kay Monique. Hindi dahil lang sa tinulungan niya ako pero gusto ko ang personality niya. Masiyahin at parang napaka positibo niya sa buhay. Nang tulungan niya akong dalhin ang mga pinamili ko sa food court sa second floor ng mall ay nilibre ko siya ng mango shake. Token of appreciation na rin iyon sa pagtulong niya sa akin.
Ang plano ko na tawagan si Lulu para may makausap ako ay hindi ko na nagawa dahil si Monique na ang naging kausap ko. Nalaman ko na ulilang lubos na siya at nangungupahan siya sa isang maliit na apartment malapit lang sa mall. Wala siyang asawa o nobyo. Sagabal lang daw iyon sa buhay. Mas bata siya sa akin ng isang taon at may isa siyang kapatid na sampung taon lang. Nasa pangangalaga ito ng kaniyang tiyahin na walang asawa. Nagtatrabaho siya bilang singer sa isang hotel. Kaya lang hindi naman daw gabi-gabi siyang kumakanta doon kaya hindi ganoon kalaki ang kaniyang kinikita. Sapat lang daw ang suweldo niya para sa buwan-buwan niyang bayarin at sa kapatid niya. Kaya naman humahanga ako kay Monique dahil nagagawa pa rin niyang lumaban sa buhay kahit na mag-isa lang niya iyong ginagawa.
Noong una ay mga ganoon bagay lamang ang aming pinag-uusapan. Nang tumagal at naging kampante na kami sa isa’t isa ay mas lumalim pa ang aming pag-uusap ni Monique. Napunta na iyon sa akin at sa kasalukuyang problema namin ni Tristan.
“'Di ba, dapat mas mahalin ka nga ngayon ng asawa mo dahil sa kondisyon mo?” ani Monique matapos kong ikwento sa kaniya ang pinagdadaanan naming mag-asawa. Pero hindi ko sinabi sa kaniya ang aking nakaraan. Magaan man ang pakiramdam ko sa kaniya, hindi naman ibig sabihin iyon ay sasabihin ko na sa kaniya ang lahat. Kailangan ko pa rin na magtira.
“Mag-isang anak lang kasi si Tristan at gusto niya na magkaroon kami ng malaking pamilya kaya naiintindihan ko kung bakit parang nanlamig siya sa akin ngayon.” Malungkot kong sabi. “Siguro naman ngayon lang siya ganoon.”
“Hay naku! Ganiyan naman ang mga lalaki. Kapag hindi nakuha ang gusto sa iyo, biglang magbabago! Kilala ko na ang mga iyan!”
“Kung makapagsalita ka, parang ang daming lalaking dumaan sa buhay mo, a.”
Sumipsip muna sa mango shake si Monique bago sumagot. Pangalawang baso na namin iyon. “Hindi naman. Hmm… Apat lang naman ang naging boyfriend ko ever since. Ikaw ba, Agnes? Ilan ang naging jowa mo bago mo nakilala si Tristan?”
Sandali akong natigilan sa tanong niyang iyon. Paano ko ba sasagutin ang tanong ni Monique? “W-wala. First boyfriend ko si Tristan.” Pagsisinungaling ko. Kung alam lang niya, marami nang lalaki ang dumaan sa akin bago ang aking asawa.
“Wow! Bongga naman! Edi, virgin ka pala nang makuha ka ni Tristan? Ang swerte naman niya sa iyo. Ang linis mo nang makuha ka niya!” Wala itong pakialam sa mga sinasabi nito kahit na may ibang nakakarinig.
Isang nangingiming ngiti na lang ang isinagot ko kay Monique. Napatingin ako sa aking cellphone para tingnan kung anong oras na. “Seven na pala. Napasarap ang kwentuhan natin. Kailangan ko nang umuwi, Monique,” sabi ko.
“Ay ganoon ba? Sige. Hatid na kita sa may sakayan. Saan ka ba sasakay?”
“Sa jeep. Sa likod lang iyon ng mall.”
“Okay. Ako na ang magdadala nitong isa mong kahon,” aniya. Pagtayo ko ay bigla niyang kinuha ang cellphone sa aking kamay. Nagtaka ako dahil para may tina-type siya. Ibinalik din naman niya agad iyon sa akin. “Si-nave ko ang number ko. Text ka lang or tawag kapag kailangan mo ng kausap.”
Nakatulala lang ako sa kaniya at hindi ko alam ang magiging reaksyon ko.
Biglang tumawa si Monique at tinapik ako sa braso. “Hoy! Baka iniisip mo na tibo ako, ha. Hindi. Mas babae pa ako sa iyo!” Patuloy ito sa pagtawa. “Ang gaan kasi ng pakiramdam ko sa iyo, to be honest. Tapos parang nakita ko pa sa iyo 'yong sister na matagal ko nang gustong magkaroon. Kaya lang wala na naman ang parents ko kaya imposibleng magkaroon pa ako ng kapatid na babae.” Paliwanag ni Monique.
Naramdaman ko naman na sincere siya sa sinabi niya.
Nginitian ko siya. “Ganoon din naman ako, Monique. Ang gaan na agad ng pakiramdam ko sa iyo. Thank you kasi may nakausap ako tungkol sa problema ko.”
“Wala 'yon, 'no. Basta, from now on ay mag-bes na tayong dalawa, ha?”
“Oo naman. Bes!” Masayang sagot ko.
-----ooo-----
ANG akala ko ay hanggang sa sakayan lang ng jeep ako ihahatid ni Monique pero sumama na rin siya sa akin hanggang sa bahay. Wala naman daw siyang trabaho ngayon kaya pwede siyang pumunta kahit saan. Isa pa, nabitin din kami sa kwentuhan naming dalawa kaya sa bahay na lang namin itutuloy.
Pagdating namin sa bahay ay patay pa rin ang mga ilaw sa loob. Ibig sabihin ay hindi pa rin umuuwi hanggang ngayon si Tristan. Mukhang talagang nag-aalis lang siya ng lungkot at sama ng loob. Pagbibigyan ko na siya.
Nagluto ng ginataang kalabasa at sitaw si Monique para sa aming hapunan. Masarap siyang magluto kaya naman naisip ko na kapag may oras siya sa ibang araw ay magpapaturo akong magluto ng mga alam niyang putahe na hindi ko alam.
Matapos naming kumain ng hapunan ay nagkwentuhan naman kami sa salas. Marami pa siyang ikwenento sa akin. Iyong mga experience niya sa pagkanta. May ilan daw mga lalaki na kahit may asawa na ay nanliligaw pa rin sa kaniya. Gusto siyang gawing kabit. Iyong iba daw ay bibigyan pa daw siya ng bahay at sasakyan. Papatigilin na raw siya sa trabaho at susustentuhan na lang siya.
“Bakit hindi mo tinanggap para buhay reyna ka na?” birong tanong ko habang tumatawa.
“Ang tatanda na kasi nila! Hindi ako pumapatol sa DOM! Yuck!” maarteng turan ni Monique na may kasama pang pagtirik ng mata.
“Edi, kapag bata ang lalaki, papayag kang maging kabit?”
Hindi agad nakasagot si Monique. Tila nag-iisip ito. “Hmm… I don’t know! Kung gwapo siya, why not?” Tumawa pa ito ng malakas. “Joke lang! Baka isipin mo, ang harot-harot ko. Ayokong maging homewrecker!”
Natigil ang pagkukwentuhan namin ni Monique nang dumating si Tristan. Mapungay ang mata niya at amoy alak siya nang salubungin ko sa may pinto.
“Sino 'yan?” Sa pagsasalita nito ay halatang lasing ito.
“Tristan, siya si Monique. Bago kong kaibigan.” Hinawakan ko siya sa braso dahil parang tutumba na siya.
Tumayo si Monique mula sa pagkakaupo. “Hi! Good evening!” kaway nito kay Tristan.
“Kaya mo bang maglakad? Tulungan na kita sa pagpunta sa--”
“Kaya ko.” Malamig niyang sabi. Inalis niya ang kamay ko na nakakapit sa kaniya.
Nasaktan ako sa ginawa niyang iyon. Talagang masama ang loob niya sa akin dahil hindi ko siya mabibigyan ng anak.
Wala na akong nagawa kundi ang sundan na lang siya ng tingin hanggang sa pumasok siya sa kwarto namin. Napatulala na lang ako. Nilapitan ako ni Monique at tinapik-tapik niya ako sa likod.
“Totoo nga ang sinabi mo, bes. Feel na feel ko ang coldness ng hubby mo…” aniya.
Pilit akong ngumiti. “Naiintindihan ko naman kung bakit siya ganoon sa akin. Binigo ko siya.”
“Hay… Ang sad naman. Pero in all fairness, ang gwapo ng asawa mo! Bagay kayo. Isang gwapo at isang maganda!”
“Binola mo pa ako!”
“Hoy, hindi ako nambobola, ha. Totoo naman. O, siya. Ako ay aalis na. Late na pala sobra.” Kinuha na niya ang basket na binili niya kanina sa supermarket. Muli siyang nagpaalam sa akin at umalis na siya.
Isinara ko na ang main door at ni-lock iyon. Mabagal akong naglakad papasok sa kwarto namin ni Tristan. Naabutan ko siyang wala sa ayos na nakahiga sa aming kama. Hindi man lang niya nagawang magpalit. Marahil ay lasing na lasing siya kaya ganoon.
Napabuntunghininga ako bago ko siya nilapitan. Umupo ako sa gilid ng kama at hinubad ang sapatos at medyas niya. Maayos ko iyong inilagay sa lagayan niya ng sapatos habang ang medyas naman ay sa laundry basket. Binalikan ko siya upang hubarin naman ang kaniyang damit. Kailangan ko siyang palitan ng presko at kumportableng damit. Naging matagumpay naman ako sa pag-alis ng mga damit niya. Ang brief lang niya ang itinira ko.
Kumuha ako ng malinis na basang bimpo at maingat kong pinunasan ang katawan ni Tristan. Napatitig ako sa mukha niya habang siya ay natutulog. Hindi ko napigilan ang aking luha dahil sa bigo akong bigyan ng anak ang aking asawa. Isa pa naman iyon sa obligasyon ko bilang maybahay niya pero hindi ko magagawa kahit anong pilit ko.
Inumpisahan ko na siyang punasan sa pisngi. Gumalaw siya. Ipinaling niya sa kabila ang mukha niya at bigla siyang nagsalita habang natutulog. “Gusto ko ng anak…” ungol niya. Nananaginip yata siya.
Mas lalong lumakas ang balong ng aking luha dahil doon. Parang may libo-libong kutsilyong tumarak sa aking dibdib. Pakiramdam ko tuloy ay napaka walang kwenta kong asawa!
-----ooo-----
KINABUKASAN ay muli kaming nagkita ni Monique sa mall. Naglakad-lakad lang kami. Mamayang gabi pa naman ang pasok niya sa kaniyang trabaho kaya naman may oras pa daw kami para makapag-chikahan. Naging topic namin ang pakikitungo ni Tristan sa akin.
“Naiintindihan ko naman kung bakit ganoon ang hubby mo sa iyo, Agnes. Pero hindi ba OA na siya? Hindi mo naman gusto na hindi kaya ng matris mo na magdala ng baby, 'di ba?” ani Monique habang naglalakad kami at kumakain ng ice cream.
Napailing ako. “Sa totoo lang, ngayon ko mas kailangan si Tristan pero hindi naman ako makapag-demand na kailangan ko siya. Nasa iisang bahay lang kami pero parang ang layo-layo niya. Hindi ko siya maramdaman. Hindi man lang kami nag-usap kanina sa almusal. Ayoko naman na maunang kumausap sa kaniya dahil masasaktan lang ako kapag hindi naman niya ako kinausap.”
“Bakit hindi ninyo I-try iyong kumuha ng healthy egg cell sa ibang babae at sperm cell kay Tristan. Tapos bubuuhin sa test tube ba 'yon? Tapos ilalagay diyan sa matris mo. Ano bang tawag doon? Nakalimutan ko na!”
“E, hindi naman pwede iyon. Alam mo naman na hindi na kaya ng uterus ko na magdala ng baby.” Huminga ako nang malalim. “Sana talaga magkaroon ng himala at mabigyan ko siya na anak…”
Nagulat ako nang bigla na lang tumili si Monique. “Ay, alam ko na ang solusyon sa problema ninyong mag-asawa! Gusto ninyong magkaroon ng anak, right?”
Mabilis akong tumango. “Oo, Monique! G-gusto namin! Anong solusyon ang naisip mo? Sabihin mo sa akin!” Kinakabahan at excited na tanong ko sa kaniya.
TO BE CONTINUED…