CHAPTER 7

2087 Words
NANGING NA SI CADENCE sa sobrang ginaw. Basang-basa sya at puro putik ang damit na suot. Pakiramdam nya ay nagmamanhid na ang kanyang katawan. Ang labi nya ay nangangatog na rin. Madilim na rin sa paligid at wala na sya makita. Mahina na ang patak ng ulan at pinagpapasalamat nya iyon dahil nagsisimula na bumigat ang kanyang pakiramdam. Masakit na rin ang kanyang ulo at mga mata. Iyak na lang kasi sya nang iyak dahil sa takot na baka abutin pa ng dilim lalo na at lumalalim pa ang gabi. Nauubusan sya ng pag-asa. Kahit kasi anong isip nya, palaging pumapasok sa isip nya na baka walang maghanap sa kanya. Maliban na lang kung sasabihin ng mga pinsan nya kung nasaan sya. Ngayon sya nagsisisi dahil sa ginawang hindi pagsama sa mga ito. Kung sumama sana sya, edi sana ay wala sya sa ganitong sitwasyon ngayon. Pero sa kabila ng isip nya, alam nya pa rin na mali iyon. Ayaw nya i-tolerate ang anumang gawain ng mga pinsan nito na hindi maganda. Huminga sya nang malalim. Muli nyang sinubukan na igalaw ang kanang paa ngunit agad nyang nadama ang sakit doon. Muli syang naiyak. Nagsisimula na syang matakot dahil na rin sa madilim ang paligid. "Cadence! Cadence!" Nanlaki ang mga mata ni Cadence nang makarinig ng boses. Hindi sya maaaring magkamali. Kahit mahina iyon, alam nyang may tao! May tumatawag sa pangalan nya at may magliligtas na sa kanya. "N-nandito a-ako!" sigaw nya pero wala na rin syang boses dahil sa sobrang lamig ng katawan. Pinakalma nya ang sarili. "Cadence! Nasaan ka!?" tanong muli ng boses lalaki. "Nandito ako! T-tulungan ninyo ako! Tulong!" Binigay nya ang buong lakas ng tinig upang masigurong maririnig sya ng kung sino man. Ilang sandali pa, namataan nya ang liwanag ng flashlight na naglulumikot. Lalong nabuhay ang pag-asa sa kanyang dibdib. "Cadence?" "T-tulong! Tulungan ninyo ako!" sigaw nya. Nang makita sya ng lalaking may hawak ng flashlight, nagsimulang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata. Lumapit ito sa pwesto nya. "Cadence! Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito sa kanya. Umiling lang sya saka umiyak nang umiyak. "Y-yung paa ko, m-masakit," aniya sa kabila ng pag-iyak. Tinutukan nito ng flashlight ang paa nya na puro putik. Mahinang napamura ang lalaki nang makitang namamaga ang kanang paa nya. Kahit sya ay nagulat sa itsura nito. Kaagad na hinubad nito ang jacket na suot saka sinuot sa kanya. Pagkaraan ay kaagad sya nitong kinarga. Kumapit sya sa leeg nito. Napapikit sya nang maramdamang ligtas na sya sa mga kamay nito. Hindi nya alam kung gaano katagal ang nilakad ng lalaking ito habang karga sya. Isa lang ang masasabi nya, nagpapasalamat sya rito. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya kung hindi pa ito dumating. Nakapikit lang sya habang nasa daan sila. "Kumapit ka lang sa'kin, Cadence. Malapit na tayo." Tumango sya at nanatiling nakapikit. Pakiramdam nya ay naubos ang lahat ng lakas nya. Gustong-gusto na nya umuwi at magpahinga. Masama na ang kanyang pakiramdam. Ilang sandali pa, napadilat si Cadence. Namataan nya ang mansyon na bukas lahat ng mga ilaw. Pumasok ang lalaking may karga sa kanya sa sala. Maingat sya nitong ibinaba sa sofa. "Candence!" tawag ng daddy nya. Tinulak nito ang wheelchair kung saan nakaupo ang mommy nya na umiiyak. "Anak, Cadence... Anong nangyari sa iyo?" tanong ng mommy nya nang makalapit sa kanya. Muling bumuhos ang luha nya. Ngayon, parang gusto nya magsumbong na parang bata sa mga magulang nya dahil sa nangyari. "Mommy, masakit yung paa ko," aniya kasabay ng pag-iyak. Hinawakan ng mommy nya ang kanyang pisngi. "Ipapatingin natin sa doktor ang paa mo. Ano pa ang masakit?" Sasagot sana sya pero narinig nya ang boses ng kanyang daddy. "Aga, saan mo nakita ang anak ko?" Hindi maiwasan ni Cadence ang panlakihan ng mga mata lalo na nang tapunan nang tingin ang lalaking nakatayo sa gilid nya. Si Aga nga. Nakasuot ito ng maong na pantalon at puting t-shirt. Puro putik at basa ang damit nito pati na rin ang sapatos. Nakatingin lang ito sa kanya. Seryoso ito at kitang-kita nya kung paanong dumilim ang mukha nito. Nagkatinginan silang dalawa pero nag-iwas ito ng tingin. "Sa daang pa-San Simon." "Yung short cut?" "Oho. Doon sa may malaking bato na boundary na ng San Simon." Lumingon ang daddy nya sa kanya. "Anak, paano ka nakarating doon?" "Ang sabi mo ay susunod ka sa Butterfly Haven pero b-bakit ka napunta roon?" Hindi sya nakasagot. Hinanap ng mga mata nya ang mga pinsan. Wala ang mga ito. "Mas mabuti siguro na sina Azariah ang magsabi sa inyo ng bagay na iyan mamaya, Sir Franco. Sa ngayon, mas mabuti na maipatingin muna si Cadence," seryosong sabi nito. Naramdaman ni Cadence ang mahigpit na paghawak ng mommy nya sa kanyang mga kamay. "Anak, kaya mo ba maglakad?" Umiling sya. Hindi naman kasi nya talaga kaya. Sobrang sakit ng paa nya pati ang balakang na tumama kanina sa batuhan. "Ihahatid ko po sya sa silid nya sa taas," ani Aga. Wala na syang nagawa nang buhatin sya nitong muli at umakyat sila sa hagdan. Doon nya lihim na pinagmasdan ang binata. Napakaperpekto ng hugis ng mukha nito. Ang jawline nito ang pinakagusto nyang parte ng mukha ng binata. Ang labi nito, napakanipis lang. Napalunok sya nang makitang gumalaw ang Adam's apple nito. Napayuko sya sa labis na hiya. Lihim na pinagalitan ang sarili. Nang makapasok sila sa kwarto nya, maingat syang ibinaba nito sa kama. Inayos pa nito ang pwesto nya at siniguradong komportable sya. "Pasunod na ang mga mommy mo rito. Sabihin mo mamaya sa doktor kung ano ang masakit sa iyo. Lahat. Naiintindihan mo ako?" anito. Kung kanina, seryoso ang mukha nito, ngayon ay iba na. Kalmado na ang itsura nito at mapungay na ang mga mata. "Naiintindihan mo ba ako, Cadence?" Noon sya sunod-sunod na tumango. "O-oo," aniya. Tumango rin ito. Kitang-kita nya na huminga ito nang malalim tingnan muli ang itsura nya bago tumalikod. Nag-ilang hakbang ito bago humarap sa kanya na animo binabantayan sya. Ilang sandali pa, katahimikan lang ang nangibabaw sa loob ng silid. Tiningnan nya ito. Nakatayo ito sa harap nya pero may distansya. Nakayuko ito at tila may iniisip. Hindi na sya nakatiis at tinawag ito, "A-aga?" Tumingin ito sa kanya. Yumuko sya. "S-salamat," aniya rito. Nang walang makuhang sagot mula rito, tiningnan nya ito ulit at nahihiya syang nginitian ito. Bumuntong-hininga ito bago tumango. "Sige." "Ah, ito palang jacket mo, ipapasoli ko na lang k-kapag malinis na," aniya. Ngayon nya kasi naalala na nakasuot pa nga pala iyon sa kanya. Tumango ito. "Sige." Napayuko sya. Wala na syang masabi. Sa totoo lang, nahihiya sya. Parang wala syang mukha na maiharap dito. Nakagat nya ang ibabang labi. Alam nyang nainsulto nya ito noong nakaraan pero heto ito at niligtas pa sya. Parehas silang napalingon sa pinto nang bumukas iyon at niluwa ang kanyang mga magulang. Kasunod na rin ng mga ito sina Azariah at Aliona. Kasama rin ang Tita Merceditas at Tito Eliseo nya. Bakas sa mga mukha ng mga pinsan nya ang pagka-guilty lalo na si Azariah. Kapwa maga ang mata ng mga ito at halatang galing sa iyak. "Papunta na ang doktor, anak. Ang mabuti pa, linisin mo muna ang katawan mo sa banyo." "Pero, mommy—" "We will help you, Cadence," ani Azariah. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. Humarap ito sa mommy nya. "Tita Cathy, kami na po bahala ni Aliona sa kanya." Nagkatinginan sila ng mommy nya. Nang tumango ito, pumayag na rin sya. Maingat syang inalalayan ng mga ito. Bago sila makapasok sa banyo, narinig nyang nagpaalam si Aga sa mga ito. "Babalik na lang po ako. Maliligo lang din ako." "Sige, hijo. Salamat." Nang makapasok sa loob ng banyo. Hindi pa man sya nasisimulang linisan ng dalawa ay kaagad na syang niyakap ng mga ito. Nagugulat sya sa mga inaakto nito. "Cadence, we're very sorry sa nangyari. Hindi namin alam na magkakaganito. Sorry talaga," ani Azariah na umiiyak. Kahit si Aliona, panay ang sorry. Hindi sya nakakibo. Pinakiramdam nya ang sarili kung ano ba ang dapat nyang maramdaman para sa mga ito. Maya-maya lang, ngumiti sya sa mga ito. "Aksidente ang nangyari. Walang may gusto na magkaganito ako." Tumawa pa sya nang mahina. "Actually kasalanan ko pa nga." Yumakap si Cadence sa kanya. "Sorry talaga. Hindi mo kasalanan. Naging matigas ang ulo ko saka naging pasaway. Makasarili. Hindi man lang naisip na baka ikapahamak natin iyon. Nadamay ka pa." "Kaya nga. Kami rin ni kuya. Hindi kami nag-isip. Sorry, Cadence." Tumango sya saka ngumiti sa mga ito. "Tama na nga sa kaka-sorry. Tulungan na lang ninyo ako rito. Ang lagkit ko saka ang kirot kasi talaga ng paa ko." Nagtawanan silang magpipinsan bago sinimulan syang linisan ng dalawa. Kahit paano, gumaan ang kanyang pakiramdam nang malinisan at mabihisan. Ngayon, mas nakikita na rin nya kung gaano kamaga ang kanyang paa. Maingat syang inihiga ng dalawa sa kama habang ang mommy nya at nakamata lang. Kausap nito ang mga magulang ni Azariah at Aliona. Nandito na rin ang doktor na titingin sa kanyang paa. Mabigat ang kanyang pakiramdam dahil siguro sa naulanan sya kanina. Saktong tinatanong na sya ng doktor nang pumasok sa kwarto si Aga. Iba na ang damit nito. Lumapit ito sa daddy nya at may binulong. Tumango ito saka may sinabi sa asawa. Lumabas ang daddy nya at akmang lalabas din si Aga pero nilingon sya. Nagkatinginan sila. "Cadence, naririnig mo ba ako?" tanong ng doktor sa kanya. "P-po? Yes po," sagot nya sabay tingin sa doktor. Nang lumingon sya sa pinto, wala na roon si Aga at nakalabas na. Nakaramdam sya ng lungkot pero hindi na lang nya iyon inintindi. Tinuon na lang muna nya ang atensyon sa doktor na syang tumitingin sa kanya. PAKIRAMDAM NI CADENCE ay inaapoy sya sa sobrang taas ng kanyang lagnat. Pinilit nyang idilat ang mga mata. Wala syang makitang kasama roon sa kanyang kwarto. Masakit ang ulo nya lalo na ang paa. "Mommy..." aniya na paos ang boses. Kumati ang kanyang lalamunan kaya napaubo sya. Pinilit nyang bumangon ngunit nanghihina talaga sya. Sakto namang bumukas ang pintuan at pumasok si Aga. "Cadence, may masakit ba? May kailangan ka ba?" "T-tubig," aniya habang nakapikit. Kaagad na kumilos si Aga. Maingat sya nitong inalalayan na makaupo upang mapainom sya ng tubig. Muli syang umubo kasunod ang pakirot ng kanyang paa. Masakit kasi iyon kapag nagagalaw. "May gusto ka bang kainin? Nagugutom ka ba?" tanong nito. Umiling sya. "Masakit yung paa ko," aniya rito. Tumayo si Aga at nilapitan ang paa nya. Nakapikit si Cadence kaya wala syang ideya sa kung anong gagawin ng binata. Basta naramdaman na lang nya ang maingat na paghawak nito sa paa nya at lagyan ng unan iyon para maging komportable sya. Pinilit nyang idilat ang mga mata. Hindi nya sigurado pero may pag-aalala syang nababasa sa mukha nito habang nakatingin sa kanyang paa. Pumikit syang muli. Kahit na nakakaramdam sya ng kapanatagan ngayon na nandito ang binata, hindi nya maiwasan na makaramdam ng pagtataka kung bakit ito nandito at inaalagaan sya. Hindi nya namalayan, nakatulog na sya. Ilang beses syang nagising at nakatulog. Pakiramdam nya ay napakahaba ng gabing iyon ngayong may sakit sya. At sa bawat pagdilat nya, palaging si Aga ang kasama nya. Ito ang nagbabantay at nag-aalaga sa kanya. Gusto nya hanapin ang mommy nya pero alam nyang baka nagpapahinga ito. Nang magising syang muli, namataan nya si Aga na natutulog sa sofa na nandoon. Payapa ang itsura nito kahit na hirap na hirap sa pagkakahiga. Mataas kasi si Aga at alam nyang maiksi ang sofa na iyon upang higaan nito. Wala sa sariling napangiti sya. Ngayon nya napatunayan na mabait ito sa kabila ng estado nito sa buhay. Nakaramdam sya ng hiya. Gusto nya sampalin ang sarili dahil ngayon nya napagtanto na ang sama nya sa bagay na ininsulto nya ito noon. At kahit ilang pasensya pa ang hingin nya rito, mukhang hindi na maaalis dito na ang bagay na minaliit nya ito dahil isa lamang itong hardinero. Kulang din ang salitang salamat upang bawiin ang kabutihan nito sa kanya. Napangiti sya. Naisip nya na hindi pa naman huli ang lahat para maging kaibigan ito. Gaya ng tyansa na binigay nya sa mga pinsan. Susubukan nyang kaibigan ang mga ito dahil wala mababait naman sila sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD