TANGING SI AGA ang palaging kasama ni Cadence habang sya ay nagpapagaling ng paa. Sina Alionat at Azariah kasi ay naging abala dahil malapit na ang libing ng kanilang Abuela at ito ang humaharap sa mga nakikiramay.
Gustong-gusto na nya pumunta sa burol pero ayaw sya payagan ni Aga. Masama raw iyon dahil may sakit sya. Kaya naman ganoon na lang ang lungkot na nararamdaman nya.
"Hindi ba talaga ako pwedeng sumilip man lang? Sandali lang naman tayo," aniya nang ibaba ang librong binabasa.
Halos patapos na sya sa pagbabasa ng aklat na iyon ngunit wala naman syang maintindihan. Okupado kasi ang kanyang isip. Isang dahilan doon ay ang presensya ni Aga dahil hindi ito umaalis sa kanyang paningin. Lalabas lang ito kapag kukuha ng pagkain nya, maliligo ito o kapag sya naman ang magbabanyo. Pero sa anomang oras, nasa loob ito ng silid at nakaupo sa sofa. Nakaharap ito sa laptop at may binabasa roon.
"Hindi nga p'wede. Bahagya pang maga iyang paa mo," anito na hindi man lang sya tinatapunan ng tingin.
Tahimik na binalik ni Cadence ang atensyon sa aklat. Sinubukan nyang magbasa ngunit may isang bagay na gumugulo sa kanyang isip.
Bahagya nyang binaba ang aklat, sapat lang upang masilip nya ang binata na seryosong nakatingin sa laptop.
'Bakit sa laptop sya nakaharap ngayon? Maalam sya sa gadget kahit gardener lang sya?'
Umiling sya upang alisin ang ganoong isipin.
'Well, lahat naman ng tao ngayon, p'wede na mag-gadget. Ano namang nakakapagtaka roon, Cadence?' tanong nya sa sarili bago binalik ang mga mata sa aklat.
Ngunit ang mga mata nya ay naglumikot pa rin. Bumalik iyon kay Aga na wala yatang ibang balak gawin kung hindi ang tumitig sa laptop. Naningkit ang kanyang mga mata.
Tahimik nya itong pinagmasdan. Ang balat nito ay bagaman at hindi kaputian, makinis iyon kahit na medyo balbon. Bakat na bakat din sa mga likod ng palad nito ang mgaugat hanggang sa mga braso.
Noon lang din nya napansin ang mga sinusuot nitong mga damit. Bagaman at simpleng maong pants at plain shirts, alam nyang maganda ang tela ng mga iyon. Tumaas ang tingin nya sa bandang dibdib nito.
Bakat doon ang malaking dibdib ng binata na kahit hindi nya hawakan, alam nyang solido at matigas iyon. Sa porma ng katawan ni Aga, alam nyang alaga nito ang katawan sa paggygym.
Tumaas ang mga mata nya at halos mapamura sya nang magsalubong ang mga paningin nila.
Kaagad nyang itinuon ang mga mata sa aklat at gamit ang bagay na iyon, doon nya tinago ang hiya at ang pamumula ng mukha. Lihim syang nanalangin na sana lamunin na sya ng lupa ngayon.
Narinig nyang tumikhim ang binata. Sa gilid ng mga mata nya ay kitang-kita nya kung paano nito sinara ang laptop saka tumayo. Mas nilapit nya ang aklat sa kanyang mukha. Mahigpit ang hawak nya roon.
Narinig nya ang mabagal na yabag nito palapit sa kanya. Kinagat nya ang ibabang labi dahil sa kaba.
Huminto ang yabag. Dahan-dahan nyang ibinaba ang aklat at tiningnan si Aga.
Rinig na rinig ni Cadence ang malakas na kabog ng dibdib nya lalo na nang dumukwang si Aga. Napapikit sya.
'Oh my God! Hahalikan ba nya ako? Hindi ako ready!' aniya sa sarili.
Nanatili syang nakapikit, hinihintay ang mga susunod na kilos ng binata. Maya-maya lang, naramdaman nya ang malambot na unan na dumampi sa kanyang gilid. Minulat nya ang kanyang mga mata.
Nandoon pa rin si Aga ngunit inaayos nito ang unan sa tabi nya. Kumunot ang noo nya.
"A-anong ginagawa m-mo?" tanong ni Cadence.
"Ang likot mo. Nahulog mo tuloy itong unan mo," sagot nito.
Heto na naman ang puso nya. Parang may kung anong sasabog lalo na at napakalapit na naman ni Aga sa kanya. Ang amoy ng pabango nito, tila nakasayan na nya at parang paborito na rin nya. Hindi kasi iyon masakit sa ilong. Bagaman at matapang, ito yung amoy na sakto lang sa isang lalaki. Masarap amuyin.
Napapikit sya.
'Cadence, ano bang iniisip mo?' saway nya sa sarili.
"Ayos ka lang?"
Napatingala sya rito. "O-oo. Ah, dapat hindi mo na dinampot. Unan lang n-naman iyan!" Tumawa pa sya. Gusto nya batukan ang sarili dahil nauutal pa sya. Baka mamaya, kung ano ang isipin ni Aga.
"Ayos lang naman." Sumulyap ito sa relo. "Magtatanghalian na pala. Gutom ka na ba? Ikukuha lang kita ng pagkain."
"Sige," aniya. "Ay sya nga pala!" habol nya rito.
"Hmm?"
"A-ano kasi... P'wede bang... P'wede bang samahan mo akong kumain?" tanong nya rito.
Kumunot ang noo nito. "Sinasamahan naman kita palagi kapag kumakain ka, di ba?"
Umiling sya. "Mali pala. P'wede bang... S-sabayan mo ako?" Hindi nya alam kung saan galing ang lakas ng loob nya nang itanong nya iyon. "Nalulungkot kasi ako kapag ako lang ang kumakain tapos ikaw..."
"Kumakain naman ako kapag tapos ka na."
Bumagsak ang kanyang balikat. Mukhang kakain na naman sya mag-isa at dito pa sa kama. Bumakas ang lungkot sa mukha nya.
"Gano'n ba? S-sige," aniya saka ngumuso. Ibinalik nya ang atensyon sa aklat pero ang gilid ng mga mata ay nakatuon sa bawat kilos ng binata.
Lumabas na si Aga at pagkasarang-pagkasara ng pinto, kaagad na naihampas ni Cadence ang kamay sa unan na dinampot nito kanina.
"Kainis! Ano bang sinasabi ko sa kanya? Kung ano-ano na nga naiisip ko, pati ba naman nasasabi ng bibig ko? Nakakainis!" Mahina nyang tinampal-tampal ang labi. "Cadence!" aniya sa sarili saka tinakpak ng unan ang mukha. Doon nya nilabas lahat ng inis na nararamdaman.
HINDI NAMAN NAGTAGAL ay bumalik din sa kwarto si Aga. Hindi nya iyon pinansin. Nakatagilid sya ng pwesto at nakatalikod dito. Hindi nya nakikita kung ano man ang ginagawa ng binata at tinuon ang atensyon sa aklat.
Narinig nyang humakbang si Aga palapit sa pinto at nagsalita, "thank you."
Lumingon sya roon. Nakita nya na may hawak na tray si Aga. Kaagad syang lumingon sa maliit na lamesita at napangiti agad nang makitang may isa pang tray doon na may lamang pagkain.
"Wow! Sasabayan mo ako?" tanong nya rito. Hindi sya makapaniwala.
Tumango si Aga bago lumapit sa lamesita at inayos roon ang mga pagkain. Bakas naman sa mukha ni Cadence ang pananabik.
Sa wakas, may makakasabay na syang kumain at si Aga pa. Labis-labis ang tuwang nararamdaman nya ngayon dahil lang sa simpleng bagay na gaya nito.
Maingat syang inalalayan ni Aga na makatayo sa kama. Hindi na sya nagpabuhat pa rito dahil alam naman nya na mabigat sya. Ayaw rin nyang makaabala pa.
Nang makapwesto sa sofa. Nilagay ni Aga ang tray sa kanyang harapan. "Komportable ka ba sa pwesto mo?"
Tumango sya. "Oo. Salamat. Kain na tayo!" aniya.
Magana silang kumain. Sinigang na baboy, kanin, salad at saging. Iyan ang nasa tray nilang dalawa saka tag-dalawang baso na may laman na tubig at orange juice.
Habang kumakain, pasimple nyang pinagmasdan ang binata. Tahimik itong kumakain sofa na pang-solohan. Tuon na tuon ang atensyon doon.
"Ahm, Aga matanong ko lang, bakit ka pala pumayag na bantayan ako?" tanong nya. Isa kasi iyon sa mga pinagtataka nya.
Ang alam nya, sa halaman dapat naka-focus ang binata dahil iyon naman talaga ang trabaho ng isang hardinero pero sa sitwasyon ni Aga, para na nya itong yaya.
Uminom muna ito ng tubig bago sya tingnan. "Ayaw mo ba na ako ang magbantay sa iyo?"
"H-hindi naman sa ganoon! Ikaw naman. Nagtatanong lang ako. Kasi, di ba... Sa halamanan ka lang naman dapat. Naaabala pa tuloy kita."
Tiningnan sya nito nang seryoso. Maya-maya lang yumuko ito. "Busy kasi sila. Saka ayos lang naman na bantayan kita."
"T-talaga?" may isang parte ng puso nya ang sumaya dahil doon.
Tumango ito. "Oo. Iniisip ko na lang na para kang bulaklak o halaman."
Natawa sya. "Ako? Grabe ha!?" aniya saka uminom ng tubig. "Pero kung para akong bulaklak para sa iyo, anong bulaklak naman ako?" tanong nya rito.
Sandali itong natahimik at tila nag-isip. "Hindi ko alam."
Sumimangot sya. "Ano!?"
Nagkibit lang ito ng balikat at muling pinagpatuloy ang pagkain.
Nakanguso si Cadence saka inirapan ang binata bago kumain ulit. May kung ano sa puso nya ang gusto magtampo. Pakiramdam nya ay napaasa sya nito.
'Hindi man lang sabihin. Ang dami-daming bulaklak sa hardin, e!' aniya sa sarili habang ngumunguya.
Tapos na silang kumain at kasalukuyang nililigpit ni Aga ang pinagkainan nila nang biglang tumunog ang cellphone nito. Nasa lamesita iyon kaya nabasa ni Cadence kung sino ang caller.
'Arisia Calling...'
Dinampot agad iyon ni Aga. "Excuse me," anito saka lumabas ng silid nya.
Naiwan si Cadence na puno ng pagtataka kung sino ang tumawag sa binata. Nasa pinto ang paningin nya.
Hindi agad nakabalik si Aga. Mabuti at kaya na nya maihakbang ang paa. Nakabalik sya sa kama at naupo muna upang magpahinga. Ala-una pa lang ng tanghali. Ngayon nya namimiss ang cellphone nya. Hindi nya alam kung kailan sya makakabili ulit ng bago.
Narinig nyang may kumatok sa pinto. Nakangiti sya sa pag-aakalang si Aga iyon ngunit nagkamali sya. Isa sa mga kasambahay nila ang pumasok doon at tahimik na niligpit ang pinagkainan nila.
"Excuse me. Nasaan si Aga?" tanong nya sa maid.
"Nasa baba po. May kausap po sa cellphone. May kailangan po ba kayo?"
Umiling sya. "W-wala naman. Salamat," aniya. Dinampot nya ang aklat at muling tinuloy ang pagbabasa. At kahit anong subok nyang pag-intindi, hindi nya talaga maintindihan ang nakasulat doon. Tanging na kay Aga lang ang isip nya at hindi na sya natutuwa doon.
NAGISING SI CADENCE ganap na alas singko na ng hapon. Kumakalam ang kanyang sikmura kaya bumangon sya. Hindi na sya nagulat nang makitang may tray ng pagkain sa lamesita. May takip iyon pero tanaw nya ang nasa loob.
Napangiti sya sa ideyang si Aga ang nagprepara noon para sa kanya.
'Ang sweet naman.'
Maingat syang tumayo at pumunta muna sya sa banyo. Nang matapos sya roon, lumabas sya ay naupo sa sofa. Chocolate strawberry ang flavor ng cake. Sobrang saya ang naramdaman nya at para syang bata dahil paborito nya iyon.
May kumatok sa pinto. Kaagad na sumilip si Aliona saka tinaas ang dalang milktea na naka-plastic.
"Milktea for you!" anito at sinara ang pinto. "Sakto pala ang dating ko. Mukhang kakain ka palang, ah!"
Tumango sya. "Kagigising ko lang kasi. Anong flavor nyan?"
"Hmm... strawberry oreo." Inabot nito iyon sa kanya.
"Oh my God! Paborito ko rin iyan!" aniya saka malapad na nakangiti.
"I know! Tita Cathy told us so nung nag-order kami, alam na namin kung ano yung para sa iyo."
Ngumiti sya. "Pati tong cake, it's my favorite?"
Ngumiti si Aliona. "Si Azariah ang nagdala nyan kanina kaso nga tulog ka pa."
Bahagyang nawala ang ngiti sa labi ni Cadence. "S-si Azariah?"
Tumango ang kanyang pinsan. "Yes. Bakit?"
Umiling sya. "W-wala naman. Nasaan nga pala ang mommy ko?"
"Nasa baba. Magpapahinga lang daw sya sandali tapos aakyat daw sya rito. Hinihintay lang nya si Aga. Umalis kasi mula kaninang lunch."
Hindi sya nakakibo.
'So, kanina pa wala si Aga at hindi ito ang nagdala ng cake para sa akin? Saan kaya iyon nagpunta iyon?' aniya.
Tila nawalan sya ng gana kumain pero dahil nandito si Aliona, napilitan syang kumain sa harap nito. Binabantayan kasi sya nito at gustong ubusin nya iyon lahat.
"Hindi ka pa ba pwedeng pumunta sa lamay? Bukas na ang huling gabi ni Abuela," anito. Lumungkot ang mukha nito.
"Bukas na raw?"
"Oo. Dumating na kasi yung mga kamag-anak natin from Mindanao. Iyon lang ang hinihintay nila daddy, e!"
Hindi sya kumibo. Nalulungkot na naman sya dahil sa abuela nya. Pakiramdam nya ay naguguilty sya dahil wala sya roon sa lamay sa bawat araw na dumaraan.
"Pipilitin ko si mommy mamaya na payagan ako sumilip."
Umaliwalas nag mukha Aliona. "Talaga? Sige. Sana payagan ka para naman makilala mo pa yung ibang relatives natin."
Ngumiti sya saka pinagpatuloy ang pagkain.
'Sana payagan ako ni Aga kasi kaya ko naman na maglakad.'
Dahil sa naisip, si Aga na naman ang naaalala nya ngayon.
'Nasaan kaya iyon? Bakit hindi man lang nagpaalam na aalis? Saka, sino ba yung Arisia na iyon? Girlfriend nya?'