CHAPTER 3 - Krus na daan

1038 Words
HANGGANG sa paghahanda ng almusal kinabukasan ay walang kaimik-imik si Josefina. Nananatili ang kilabot na kanyang nararamdaman. Dahil sa matinding takot ay napanaginipan pa niya nang gabing iyon ang lalaking nakita sa tapat ng kanilang bahay. Napahinto siya sa ginagawa nang muling maalala ang laman ng naging panaginip. [Napakadilim sa lugar na kinaroon niya. Kahit saan niya ilibot ang paningin ay wala siyang maaninag na kahit ano. Ang tanging maliwanag lamang ay ang kinatatayuan niya. Liwanag na nagmumula sa nag-iisang posteng nakatayo sa pinaka sulok ng krus na daan. Wala siyang anumang nararamdamang takot, pangamba o, kahit na ano nang mga oras na yon. Nakita niyang may paparating na dalawang liwanag na nagmumula sa headlight. Hula niya ay mula ito sa isang malaking sasakyan. Tama ang kanyang akala. Isang malaking bus nga ang dumating at huminto pa sa tapat niya. Binalewala niya lang ito. Pakiramdam niya ay hindi ang sasakyang nakahinto ang hinihintay niya. Hindi pumasok sa isip niya ang sumakay dito ni tignan kung saang lugar ang destinasyon o pinanggalingan nito. Parang wala lang sa kanya. Nakita pa niyang may isang lakaking bumaba mula sa sasakyan at pagkatapos ay tumayo sa tabi niya na parang may hinihintay na gaya niya. Nang tignan niya ang katabi ay ngumiti ito at bahagyang yumukod na parang nagbibigay galang sa kanya. Gumanti naman siya ng matipid na ngiti at pagkatapos ay muling itinuon ang paningin sa kawalan. "Ganyan ba kalaki ang pagmamahal mo sa iyong asawa kaya nais mo siyang gumaling?" Tanong ng lalaki na parang nabasa ang laman ng kanyang isip. "Oo, mahal na mahal ko siya. Kahit ang buhay ko ay nakahanda kong ibigay para sa kanya." Sagot naman niya sa estranghero na parang wala lang din. Nagulat siya sa nagawang iyon. Napabilis ang paglinga niya sa katabi. Hindi niya ito kilala. Wala siyang natatandaang may nabanggit siya tungkol sa bagay na 'yon, lalo na dito. Wala siyang sinasabi kaya nakapagtatakang alam nito ang problema niya. Nagtataka siyang nagtanong, "Paano mong nalaman ang..." Natawa ang lalaki sa pagkagulat na rumehistro sa kanyang mukha. "Hindi ba't iyan ang palaging laman ng iyong mga panalangin?" Tila napalis ang pagtataka niya sa tanong nito, at sa halip, malungkot siyang sumagot, "Oo, gusto ko siyang gumaling. Gusto ko uli siyang makitang masigla at punumpuno ng buhay. Wala na ang sakit na nagpapahirap sa kanya." Ang pananamlay ay nasa kanyang himig. "May alam akong paraan para matupad ang iyong hiling. Tinitiyak ko ang kanyang paggaling." Agad siyang napaharap sa nagsalita. Napukaw na nito nang tuluyan ang kanyang atensyon. Pakiramdam niya ay may hatid itong pag-asa. Pag-asang gumaling ang kanyang asawa. "Sabihin mo, sa paanong paraan? Paano mangyayari ang ganun? Ano ang kailangan kong gawin upang gumaling siya?" buong pananabik niyang tanong. Napangiti ang lalaki nang makita ang pagnanais niyang malaman ang paraan na sinabi nito. Pakikinggan niyang mabuti at tatandaan ang lahat ng sasabihin nito. Humanda siya, titig na titig sa mukha ng lalaki nang ibuka nito ang bibig upang magsalita. "Kailangan mong magbaon ng isang sanggol sa pinaka sentro ng daang krus na kinatatayuan mo. At pagsapit ng ikatlong pagbilog ng buwan ay kailangang makuha mo ang mga buto nito at magawang pulbos. Pagkatapos ay ipainom mo iyon sa iyong asawang may sakit. Sinisiguro ko sa iyo, maglalahong parang bula ang karamdamang nagpapahirap sa kanya. Manunumbalik ang kanyang sigla at lakas." Tila binuhusan ng malamig na tubig ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Para na rin nitong sinabing pumatay siya upang gumaling ang kanyang asawa. Isang bagay na hindi niya magagawa. "Hindi ko kayang gawin ang sinasabi mo!" Sigaw niya habang umiiling. Tinalikuran niya ang kausap. Nakasapo pa ang kanyang isang kamay sa noong ginitlian ng pawis. Panay pa rin ang kanyang pag-iling. Nang muli niyang lingunin ang lalaki upang tanungin ay wala na ito sa kinatatayuan, ganun din sa paligid. Napapikit siya ng mariin. Upang manghilakbot lamang nang muling idilat ang paningin. Wala na siya sa madilim na lugar ng kalsada! Pamilyar na pamilyar sa kanya ang lugar na kinaroroonan. Nakatayo na siya sa loob ng kanilang bahay! Ilang hakbang mula sa kinatatayuan niya'y naroon ang pintuan palabas, sa likuran niya ang papuntang kusina, sa kanan niya ang papuntang sala at sa kaliwa naman ay papunta sa malawak nilang hardin. Ang kinatatayuan niya ay SENTRO ng KRUS NA DAAN!] Naipilig niya ang ulo nang magbalik sa wisyo. "Panaginip lang, masamang panaginip lang ang nangyari sa akin!" Palakas-loob niya sa sarili. Pagkatapos inumin ang tubig sa basong kanina pa hawak ay bahagya nang lumuwag ang kanyang dibdib. Pilit niya iyong iwinaglit sa isip. Matapos maihanda ang almusal ay pinuntahan na niya ang asawa upang ayaing kumain. Hinubad niya ang suot na apron at inayos ang sarili. Nakabalatay sa mukha niya ang isang ngiting nais niyang palaging makita ng asawang may sakit. Ayaw niyang mag-isip ito at mag-alala kung makikita siyang walang sigla. Ayaw na niyang dagdagan pa ang paghihirap ng asawa. Nang buksan niya ang pinto ng kanilang silid ay parang piniga ang kanyang puso. Nakita niyang namimilipit na naman sa tindi nang nararamdamang pananakit ng tiyan ang asawa niya. Maputlang-maputla ang mukha nito at butil-butil ang pawis sa noo. "Oh, Diyos ko, Ismael!" Nagmamadali niya itong sinaklolohan. Tila balaraw na sumusugat sa kanyang puso ang pagmamakaawa nito. "Hindi ko na kaya, Josefina. Hirap na hirap na ko. Ayoko na!" Umiiyak nitong daing. "Sandali lang ako, hihingi lang ako ng tulong sa mga kapitbahay. Sandali lang ako, babalik agad ako. Sandali lang ako, Ismael. Sandali lang ako." Natataranta siya. Hindi mapagpasyahan kung lalabas na ba at iiwanan ang asawang tumatawag sa kanya o, mananatili sa tabi nito at hahagurin ang bahagi ng tiyan na sumasakit. Panay ang patak ng kanyang luha. Ang pahihirap nito'y higit na nagpapahirap sa kanya. Impit nitong sigaw ang naging daan upang ipasya niyang lumabas at humingi ng saklolo. Kailangang madala agad ito sa hospital. May mga nagmagandang loob naman sa kanya. Tumulong ang mga itong mailabas ng bahay ang asawa niya; kahit pa nga halos masuka ang mga ito sa magkakahalong amoy ng gamot at amoy ng dumi ng tao na sumisingaw sa loob ng kanilang silid. Ang hindi magandang amoy na nakasanayan na niya sa bawat araw na kasama ang asawang may Colorectal cancer o Colon cancer.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD