Samo’t sari ang emosyon, hindi malaman kung ano ang dapat na isipin ko. Mag-aalas dose na ng gabi pero mulat na mulat pa rin ang mga mata ko’t patuloy na napapaisip—ang dalawang bagay na sinabi niya na hindi mawala sa isipan ko.
Nang umaga na iyon, ang buong akala ko ay iniwan niya ako. Kung hindi ako umalis, siguro ay nakilala ko siya nang maaga at hindi na umabot sa ganito. Ngunit kahit gano’n, wala rin akong mukhang maihaharap sa kaniya.
At ang biglang pag-aaya niya. Nakahinga ako nang maluwag nang sabihin ng mga magulang niya na hindi sapilitan pero paano kung may mabuo—paano kung malaman ng mga magulang namin ang nangyari.
Si Daddy, siguradong gagawin niya ang lahat para magkatuluyan kami at magawa ang plano niyang mapalawak ang koneksyon ng pamilya namin.
Tinakip ko ang unan sa mukha at malakas na umirit. Iniisip niya siguro na kaladkarin akong babae. Kahit ayaw niya ay pinagpilitan ko pa rin ang sarili nang gabing iyon.
Sa hindi mabilang na beses, muli akong nagpagulong-gulong sa higaan hanggang sa hindi ko namalayang malapit na palang sumikat ang haring araw.
Nang maaninag na ang buong kapaligiran, unti-unti ang pagbigat ng mga mata ko at tuluyan nang nilamon ng antok.
PARANG binibiyak ang ulo ko nang magising sa ingay ng doorbell. Sinilip ko ang oras, mag-aalas tres na ng hapon at wala pa rin akong kain. Ayaw ko pang bumangon pero ang ulo ko na mismo ang pumipigil sa akin na bumalik sa pagtulog.
Hindi na kinaya ang sunod-sunod na ingay sa pinto, papikit-pikit akong tumayo at hindi nag-abala na tingnan ang sariling repleksyon. Naghihikab kong pinuntahan ang atat na atat na nagdo-doorbell sa labas.
“Mali kayo ng pinto, wala akong in-order—”
“Leya, kakagising mo lang?” Nabitin ang malaking paghikab ko nang pamilyar na baritonong boses ang nagsalita sa harap.
“A-Anong ginagawa mo rito?” Inilibot ko ang tingin sa paligid. Nakahinga ako nang maluwag nang wala siyang ibang kasama na magpunta.
“May lakad tayo, ‘di ba?” paalala niya. “Don’t tell me nakalimutan mo.”
Kumunot ang noo ko, ibubuka sana ang bibig para kumontra nang maalala ang sinabi ni Daddy bago kami maghiwalay kagabi.
Tumaas ang tingin ko kay Keith. Hindi katulad kagabi, nakasuot lang ito ng jeans na pinaresan ng puting t-shirt at rubber shoes.
“Sinong nagsabi na kasama ka?”
“Ang daddy mo.” Humakbang ito palapit, marahan na tinulak ang pinto at dire-diretso na pumasok sa loob.
“Hey! Hindi ka dapat pumapasok nang basta-basta sa bahay ng babae,” suway ko saka sinundan siya sa loob.
“Baby, nakita ko na ang lahat sa iyo, hindi mo na kailangang itago.” Naupo siya sa sofa. Ngayon ko lang napansin ang dala niya. “And besides, normal na pumasok ako sa condo mo dahil fiancé mo ako.”
Hindi ako nakaimik, masama ang tingin sa kaniya. “Walang pumayag na pakasalan ka,” ani ko bago lumapit sa kinauupuan niya. “At kung gusto mong maging maayos ang lahat, respetuhin mo ang comfort zone—lalo na ang privacy ko.”
Ang condo na ‘to ang nag-iisang comfort zone ko, kung saan ako malayang umiyak at maging mahina.
Sunod-sunod akong bumuga ng marahas na hininga. Inilibot ko ang tingin sa buong sala nang huminto ang atensyon ko sa harap ng salamin.
Literal na bumuka ang bibig ko, napahawak sa sabog-sabog na buhok at panis na laway sa gilid ng labi. Bumaba ang tingin sa pantulog na damit, mabilis kong niyakap ang sarili nang mapagtanto na wala akong suot na bra.
“Leya—”
“Huwag kang titingin!” sigaw ko sa kaniya. “Huwag kang lalapit. Diyan ka lang.”
Inaasahan ko na ‘di siya susunod. Nagtataka siyang nakatingin sa akin at bumaba muli ang tingin sa dibdib ko. “Nakita ko na rin ‘yan.”
Walang lumabas na kahit ano sa bibig ko. Nagmamadali akong pumasok sa kwarto yakap ang sarili.
Muli kong tinitigan ang sarili sa salamin. Para akong binombahan sa gulo ng buhok ko! May panis na laway pa!
Nahilamos ko ang palad. Ang lakas pa ng loob ko na lumapit sa kaniya’t makipagtalo sa ganitong itsura.
Inilagay ko ang kamay sa bibig, ilang beses na bumuga at inamoy ang hininga. “Wala namang amoy.”
LUMABAS ako ng kwarto na nakaayos na. Lumapit ako kay Keith na nakatayo sa gilid at tinitingnan ang mga litratong nakadisenyo sa bahay.
“Ano ang tinitingnan mo riyan?”
“Is that your mom?” Itinuro nito ang isang babae sa picture frame. “Magkamukha kayong dalawa.”
“Hmm.” Tumango ako, hindi pa rin makatingin nang diretso. “Siya nga.”
“Where is she now?” Sapat na ang mahabang katahimikan para malaman niya ang sagot. “Sorry.”
“Para saan?”
“For invading your privacy. Hindi ko naisip ‘yon kanina nang pumasok ako nang walang paalam.”
Tinitigan ko siya sa mata. Mukhang sincere siya sa binitawang salita. Tumango ako, hindi na nagsalita pa. Buti at hindi na inungkat pa ang itsura ko kanina—sana ay wala siyang naamoy na hindi kanais-nais.
Gamit ang kotse ni Keith, tinuro ko ang daan papunta sa bahay nina Daddy. Parehas kaming walang imik, muling pumasok sa isipan ko ang inalok niya kagabi. Kaswal na kaswal lang ang pagkakasabi niya, walang kurap at tila natural lang ang bagay na iyon sa kaniya.
“Ilang babae na kaya ang naikama nito?” bulong ko, lumihis ang tingin sa labas at sunod-sunod na bumuntonghininga. “Wala naman siguro siyang sakit na nakakahawa.”
“Hindi ko binibilang, but don’t worry, I always wear protection.” Bumaling ang tingin ko sa kaniya dahil sa kaniyang sinabi. “Wala akong sakit na maipapasa sa iyo.”
“H-Huh?”
“You’re asking me, right?” Bumaling sa akin ang seryosong tingin niya. “Ikaw ang nag-iisang babae na hindi ko ginamitan ng proteksyon kaya kung magkasakit ako, ikaw ang sisisihin ko.”
“Ako pa? Virgin ako, ‘no—” Natigil ako sa pagsasalita nang ma-realize kung ano ang lumabas sa bibig ko. Iyan ka na naman, Kattleya, ipapahiya mo ulit ang sarili mo sa harap ng lalaking ito.
“Not anymore.” Maghinang tawa ang kumawala sa labi niya.
Hindi ako nakakibo, walang lumabas sa labi at hindi rin alam ang isasagot. Oo nga pala, wala na ang pinakaiingatan ko. Binigay ko na sa lalaking kasama ko ngayon.
“Ano ang masasabi mo sa ganitong set-up?” pag-iiba ko ng usapan. “I mean—pumayag ka talaga sa parents mo na magpakasal sa hindi mo kilala.”
“Hindi ako pumayag, tiningnan ko lang kung maganda,” mabilis niyang sagot, muling tinuon ang atensyon sa kalsada bago pinagpatuloy ang sasabihin.
“Maganda ba?”
“Sobrang ganda,” may ngiti sa labi na sagot niya.
Napaiwas ako ng tingin, pigil ang pamumula ng pisngi. Normal na para sa akin ang purihin ng tao sa paligid pero ewan ba, pagdating sa kaniya, nagiging mababaw ako sa bagay-bagay. “Matagal na.”
Nang makarating sa bahay, sinalubong kami nina Tita Therene at Daddy na malaki ang mga ngiti. Inilibot ko ang tingin. Hindi ko nakita si Katherene sa paligid. Mabuti na rin ‘yon kaysa makita ko nang paulit-ulit ang mata niyang tumitirik—kaunting hangin na lang ay magiging natural na.
“I’m glad na sumama ka, hijo. Maupo ka, maupo ka,” buong pusong pagtanggap nila kay Keith. “Mahiyain ang anak kong si Kattleya. Hindi namin inaasahan na talagang makakarating ka ngayong araw.”
“Pasensya na po—”
“Hindi, hindi, hijo. Wala ka dapat ikahingi ng pasensya. Magiging pamilya na rin tayo sa mga susunod na buwan kaya’t bukas na bukas ang bahay namin para sa inyo,” putol ni Tita Therene na hindi na rin magkandaugaga.
“Manang, maghanda ka ng meryenda para sa bisita,” utos ni Daddy sa kasambahay bago muling tinuon ang atensyon sa binata. “Dito na rin kayo maghapunan, hijo.”
“Sure, Tito, no problem.” Umangat ang tingin ni Keith sa akin bago ngumiti.
Tumango ako sa kaniya. Binaling ang tingin kay Daddy na kitang-kita ang ligaya sa mukha. “Daddy, ano po ang pag-uusapan natin?” tanong ko.
Natahimik ang ama, hindi mawala ang ngiti sa labi niya. “Tara sa office.”
“Iwan na muna kita,” paalam ko kay Keith.
Tumango lang siya saka ngumiti. Hindi naman ito iniwan ni Tita nang mag-isa sa sala at patuloy na kinakausap. Naunang pumasok si Daddy sa opisina niya‘t naupo sa gitna.
“Ano po ang kailangan nating pag-usapan?”
“Kattleya, kailangan mong pakasalan si Keith. Kailangang maging kaisang pamilya natin ang Veloria.”
“Dad, hindi ko po siya gusto,” pagtatanggol ko sa sarili ko.
“Be practical, Kattleya. Hindi na uso sa panahon ngayon ang pagmamahal. Kailangan mong isipin kung saan ka magkakaroon ng magandang kinabukasan. At kung mapabilang ka sa pamilya nila, hindi lang ikaw—kundi ang buong pamilya natin ang makikinabang.”
“Ayaw ko, Dad.” Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggi ako sa lahat ng pinag-uutos n’ya. “Hindi ko siya gusto, hindi ako magiging masaya sa kaniya.”
“Kattleya, kailan ka pa natuto sa pagsuway? Hindi lang para sa amin ang ginagawa namin na ‘to kundi para sa iyo na rin. Wala ka nang ibang hahanapin. Mabait, matalino, at galing sa magandang pamilya si Keith, magandang lalaki rin siya. Ano pa ang hinahanap mo?” Sandali itong tumigil sa pagsasalita bago pinagpatuloy. “Dahil hindi mo mahal? Kalokohan.”
Walang lumabas sa labi ko, nanatiling nakayuko, walang magawa sa bawat pinag-uutos nila na kahit kapalit nito ang kalayaan ko.
“Dad, please,” pagmamakaawa ko. “Hindi ko siya kayang pakasalan. Kung gusto n’yong maging isa sa pamilyang Veloria, si Katherene—” pagbanggit ko sa legal na anak niya. “Siguradong hindi siya tatanggi sa inyo.”
“No, not Katherene,” mabilis na pagtutol nito, nasa tono nito ang tila pagsasabi ng ‘huwag mong galawin ang paborito kong anak.’
Parang kinurot ang dibdib ko sa tono nito. Mas pipiliin niya na ako ang itali, putulin ang kaligayahan at kalayaan ko, huwag lang magalaw ang legal na anak. Kagat ang ibabang labi, pigil ang pagtulo ng luha ko.
“Gawin mo ang lahat para makuha ang loob niya, anak.” Lumapit sa akin si daddy at marahan akong niyakap.
“... Make him fall in love with you.”