"I'M GOING. Goodnight, guys."
Natigilan si Strike, gano'n din ang iba pa niyang mga kaibigan nang magpaalam si Cleo.
"Cleo, you're already going home? Kadarating lang natin, ha?" nagtatakang tanong naman ni Ur dito.
Bumuntong-hininga si Cleo. "I'm sorry, Ur. Kraige is..." Umiiling-iling ito. "I have to go."
Nang umalis si Cleo ay sinundan ito ni Ur, bilang ang huli ang pinakamalapit dito. Naiwan naman sina Strike, Josei, Colin at Coleen na nagkatinginan na lang.
"What happened?" nagtatakang tanong ni Strike sa mga kaibigan niya.
Bumuga ng hangin si Coleen na nakakandong kay Colin ng mga sandaling 'yon. "I think nagkaka-problema sina Cleo at Kraige ngayon."
Kumunot ang noo niya. "Really?"
Tumango si Josei na kasalukuyang naglalagay ng alak sa baso nito. "It's very unfortunate na ngayon pa sila nagkakaproblema kung kailan malapit na ang kasal nila."
"I think you should talk to Kraige," suhesiyon ni Colin na abala na sa paghalik sa leeg ni Coleen. "Sa'yo lang naman nakikinig ang isang 'yon."
Pinatong niya ang baso ng alak sa mesa sa pagtayo niya. "Right. I'll talk to Kraige."
"Wait. Before that..." May hinagis si Colin sa kanya. Nasalo naman niya iyon. "Matutuwa ka sa mapapanood mo d'yan."
Tiningnan niya ang hawak niyang USB. Kumunot ang noo niya. "Sira ulo ka, Colin. Sinabi nang hindi ako nanonood ng porn... well, 'pag galing sa'yo, ayoko."
Natawa lang ito. "Just watch it, okay?"
Umiling-iling lang siya. Binulsa niya lang ang USB sa bulsa ng jacket niya saka siya umakyat sa kuwarto ni Kraige sa ikalawang palapag. Kailangan niya itong pagalitan dahil ni hindi man lang nito hinatid si Cleo.
"Kraige, what's wrong with you?" agad na bungad niya kay Kraige.
Pinihit ni Kraige ang swivel chair nito paharap sa kanya. "Strike."
"Hindi mo man lang ba tatanungin kung nakauwi na si Cleo?"
Nagkibit-balikat ito. "Nakita kong umalis na siya sakay ng kotse niya."
Ikinuyom niya ang mga kamay niya para kalmahin ang sarili niya. Hindi siya natutuwang umaasta ito ngayon na para bang wala itong pakialam kay Cleo. "Anong problema mo, Kraige? Bakit hindi mo sundan si Cleo para aluin siya?"
Bumunga ng hangin si Kraige. "I don't know what's happening to me lately, Strike. My mind has been occupied by... her."
Nanlamig ang buong katawan niya. Masama ang kutob niya sa sinabi nito. "'Her'?"
Tumango si Kraige. "Cee-Cee."
Dumiin ang pagkakakuyom niya sa mga kamay niya. "Anong ibig mong sabihin?"
Tumayo si Kraige at tumalikod sa kanya para kutintingin ang mga action figure sa ibabaw ng cabinet nito. "Hindi ko rin alam kung bakit bigla ko na lang naisip si Cee-Cee nitong nakaraan. Kung mabuti na ba ang pakiramdam niya ngayon. I know Cee-Cee is kinda aloof and some people may not understand her, but she's just a lonely girl."
Kumunot ang noo niya. "Lonely?"
"Yes, she's lonely. When she was twelve, her parents separated. Naiwan siya sa mama niya. Pero nang mag-eighteen siya, iniwan din siya ng mama niya para magpakasal sa ibang lalaki. She grew up with her grandparents on the mother side. Dahil siguro sa masasakit na nangyaring iyon kaya siya naging mailap sa mga tao. Takot siyang mapalapit sa iba dahil natatakot siyang maiwan at masaktan uli.
Nang naging kami na ni Cee-Cee, hindi man niya diretsang sinabi, pero alam kong hindi rin naging maganda ang kabataan niya. She was isolated by her classmates because she was quiet and she has cold eyes. But she's not cold. That's just her defense mechanism. Pero alam mo, kapag napalapit ka na sa kanya, malalaman mong mabuti siyang tao. She's very sweet, she's nice and she's thoughtful.
Kahit madalas ay parang wala siya sa sarili niya, hindi naman siya nakakalimot sa mga importanteng bagay. Like birthdays, monthsaries, and we even celebrated the anniversary of the first day we met. Gano'n siya kabait na girlfriend."
Habang nakikinig kay Kraige ay iba't ibang emosyon ang nararamdaman ni Strike. Selos, dahil naranasan ni Kraige ang pagmamahal ni Cee-Cee na gusto niyang maramdaman. Tuwa, dahil nagtapos na ang relasyon ng dalawa. Guilt, for feeling relieved that the two were separated now. At ang pinakamatindi – galit. Dahil may kalakip na pagmamahal ang boses ni Kraige.
"Kraige... you still love Cee-Cee," galit na kongklusyon niya.
Pumihit paharap si Kraige sa kanya. Ang mga mata nito ay puno ng pagkalito. "I probably do. And it's confusing me now. Alam kong si Cleo ang mahal ko simula pagkabata, pero simula nang mawala si Cee-Cee sa buhay ko, hindi ko na siya maalis sa isip ko. I miss Cee-Cee."
Galit na hinablot niya ang kuwelyo ni Kraige. "f**k you! Hindi mo puwedeng gawin 'to kay Cleo! Para saan pa ang ipinaglaban niyo kung sa huli ay babalik ka rin pala kay Cee-Cee?"
You can't come back to Cee-Cee. Not when I'm just starting to get close to her.
Galit siya kay Kraige dahil iniisip nito ang ibang babae gayong malapit na itong ikasal kay Cleo. Pero mas nangingibabaw ang takot niya na bumalik ito kay Cee-Cee dahil natitiyak niyang tatanggapin uli ito ng dalaga sa buhay nito. Hindi niya kakayanin kapag nangyari 'yon. This was probably his karma for hurting a person for the sake of his friends.
Tinabig ni Kraige ang mga kamay niyang mahigpit ang pagkakahawak sa kuwelyo nito. "I know I'm acting like a jerk right now." Namaywang ito habang nakasilip sa labas ng bintana. Tila malayo na naman ang iniisip nito. "Nagkakaganito lang marahil ako dahil ngayon ang araw na 'yon."
Kumunot ang noo niya. "Anong araw?"
"Today is Cee-Cee's birthday."
"What?"
"Yes. It's her twenty sixth birthda – hey, where are you going, Strike?"
Hindi na niya sinagot si Kraige. Halos lundagin na rin niya ang hagdan sa sobrang pagmamadali. How could he not know Cee-Cee's birthday?
"Strike, mabuti naman at bumaba ka na," wika ni Colin habang sinasalubong siya. "Pinag-uusapan lang namin ng barkada na sa beach resort mo na lang ganapin ang birthday bash ko next week."
"Ang plastic mo, Colin. Ginagamit mo naman madalas ang beach resort ko ng walang permiso, 'tapos magpapaalam ka ngayon," aniya, saka nilagpasan si Colin.
"How cold!" reklamo ni Colin sa eksaheradong boses.
Umiling-iling lang siya. "Goodbye, people."
"Saan ka pupunta?" tanong ni Colin.
Ngumisi siya. "Sa isang surprise birthday party."