"Ano kamo? Si Cassey, tinangkang bosohan si Jacob?" Napangiwi si Fin sa narinig. Ke bata-bata pa kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ng cheer leader na 'yon. "Oo, at 'eto pa ang nakakatawa, si Balang ang nasilipan niya. Hahahahaha!" Malakas na halakhak ni Belle. Naluluha na 'to sa katatawa. "Sinong Cassey? Sinong Jacob? Saka 'yong Balang ba iyong kaklase nating malaki?" Inimuwestra pa ni Rain ang kamay sa dalawang gilid ng katawan ng nakabuka sa salitang malaki. Nakisabay na ito sa lunch nila. Kumumpas pa ang kamay ni Belle sa ere, tumuturo sa kung saang direksyon, "Oo, siya nga. 'Yong Cassey ang bully dito na patay na patay kay Jacob, at iyong Jacob naman eh VP ng Student Council. Ang classmate nating gwapo na nasa harap nakaupo. Anak ng principal natin at manliligaw ni Fin. 'Yon."

