"KABATAANG Pinoy, pagbutihan mo. Pag-asa ka ng buong mundo. Kabataang Pinoy, kayang kaya mo. Pinoy ako, Pinoy tayo!"
Kasabay nang nakakaindak na kanta ay ang pagbibigay ni Dolphin ng talumpati sa harap ng dalawampu't siyam na volunteers na sumama sa kanya sa clean-up project sa isang beach sa Batangas. Lahat halos ng naroon ay sing edad niya at nag-aaral din sa East Sun.
"Ang maliit na tulong, kapag pinagsama-sama, malaki ang magagawa," pagpapatuloy ni Dolphin sa talumpati niya. "Maraming salamat sa lahat ng sumama sa clean-up drive natin at umaasa ako na pagkatapos nito, mas marami pa ang magpatuloy sa nasimulan natin. Lalo na ang mga kabataang Pinoy. Hand-by-hand, we'll save Mother Earth!"
Nagpalakpakan ang mga kapwa niya volunteers.
Sa katirikan ng sikat na araw ay nagsimula na silang mamulot ng mga basura sa palibot ng beach. May mga turista na tumulong din sa grupo niya kaya lalo siyang ginanahan sa ginagawa niya. At dahil ginanahan siya, hindi na niya napigilang sumayaw at sumabay sa kanta na pinapatugtog sa radyo bilang libangan habang naglilinis sila.
Dahil sa ginawa niya ay nagtawanan ang mga kasamahan niya, pero sumabay din ang mga ito sa kanya sa pagsayaw at pagkanta. Nabuhayan lalo sila at mas naging masaya ang ginagawa nilang pamumulot ng basura.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal sa ginagawa niya pero nang makaramdam siya ng pagod ay lubog na ang araw. Pinagpahinga na rin niya muna ang mga kasamahan niya at sinabing mag-merienda muna sila. May baon silang mga pagkain na sinimulan nang ibaba ng mga lalaki sa grupo mula sa isa sa mga dala nilang van.
"OMG. Is that Connor from Empire University?"
Nanlaki ang mga tainga niya sa pinag-uusapan ng mga kaeskwela niyang babae. Nang lingunin niya ang direksyong tinititigan ng mga babae, nanlaki ang mga mata niya nang makita si Connor na nakaupo sa malaking katawan ng puno na nakatumba sa buhangin.
Napalunok siya. Kahit may suot na shades, alam niyang sa kanya nakatingin si Connor.
Ako ba ang pinuntahan niya?
***
NAKUMPIRMA ni Dolphin ang hinala niya nang senyasan siya ni Connor na lumapit dito. Sa kabila ng mga agam-agam niya, tumalima pa rin siya.
"A-ano'ng ginagawa mo rito, Connor?" nag-aalangang tanong niya rito.
Tumayo si Connor at inabot sa kanya ang bitbit nitong box. Tatak iyon ng Harury's Sweets kaya alam niyang cake ang laman niyon. "For you."
Napatingin siya sa hawak na niyang kahon, pagkatapos ay kay Connor. "Pumunta ka dito para lang ibigay sa'kin 'to? Saka paano mo nalamang nandito ako?"
"Tinanong ko si Madison, at nasabi nga niyang nandito ka," kaswal na sagot ng binata.
Napakurap siya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. "Pero bakit?"
Bumuntong-hininga ito. "Dolphin, I'm here to apologize."
Natahimik siya. Natatakot siya na baka kapag gumalaw siya, bigla na lang siyang magising at malaman niyang panaginip lang ang paghingi ng tawad ni Connor.
"Hey, why did you freeze?" reklamo ni Connor. Nang walang makuhang reaksyon mula sa kanya ay bumuntong-hininga ito. Tinaas nito sa ulo nito ang shades nito kaya nakita niya ang sinseredad sa mga mata nito. "Dolphin, I'm sorry."
Pangalawang beses nang humingi ng tawad si Connor. Hindi siya nananaginip! "Para saan, Connor? Para sa pagsigaw mo sa'kin? Sa pang-iinsulto? O para sa hindi pakikinig –"
"For everything, okay?" sansala nito sa sinasabi niya. "I'm deeply sorry for everything I've said and done to you that might have hurt you."
Natunaw ang puso niya habang nakatitig sa asul na asul na mga mata ni Connor na tila nangungusap. Paano niya magagawang tanggihan ang paghingi nito ng tawad? His ocean blue eyes were hard to resist.
"Okay, pinapatawad na kita."
Halatang nagulat ito sa sinabi niya. "Gano'n lang kadali?"
"Ayaw mo ba?"
Umiling ito. "Of course I want you to forgive me. Hindi ko lang inasahan na mabilis mo kong mapapatawad pagkatapos ng nagawa ko."
Natawa siya ng mahina. "'Yong pumunta ka pa lang dito na may dalang birthday cake, masayang-masaya na ko! 'Tapos nag-sorry ka pa. Abusado na yata ako kapag pinahirapan pa kita." Tumingala siya sa kalangitan. "Thank you, Papa Jesus! This is the best birthday gift ever!"
"Puro ka talaga kalokohan, Dolphin."
Bumaba ang tingin niya kay Connor. Bahagyang nakataas ang sulok ng mga labi nito na tila ba naaaliw sa kanya. Nilahad niya rito ang kamay niya. "Nasaan ang regalo ko?"
Connor 'tsked' before he pulled out something from his pocket. Pagkatapos ay kinabit nito iyon sa pulsuhan niya. Nang iangat niya ang braso niya palapit sa mukha niya ay nakita niyang bracelet iyon na may pendant na maliit na dolphin.
Sinimangutan niya si Connor. "Connor, simula bata ako, ganito na parati ang regalo mo sa'kin. Twenty na ko kaya sana pinaghandaan mo naman ang ibibigay mo sa'kin."
"Kung ayaw mo, ibalik mo na lang sa'kin."
Itinago niya ang mga kamay niya sa likuran niya nang akmang babawiin ni Connor ang bracelet mula sa kanya. Umatras pa siya para masigurong hindi nito makukuha ang regalo nito. Ngumiti uli siya. "Pero kahit ano pa'ng ibigay mo sa'kin, tatanggapin ko 'yon ng buong-puso. Thank you, baby love."
"Tsk."
Natawa siya. Gustung-gusto niya talagang inaasar si Connor dahil nakukuha niya ang atensiyon nito. "Baby love, dahil hindi na ko teenager, puwede mo na kong i-kiss."
Pumikit siya at hinaba ang nguso niya para lalong asarin si Connor. Inaasahan na niyang i-ka-karate chop siya nito sa ulo, pero hindi iyon ang nangyari.
Sa halip ay naramdaman niya ang maiinit na labi ni Connor sa malamig niyang pisngi.
Napamulat siya at ramdam niya, namimilog ang mga mata niya habang nakatitig siya kay Connor na poker-faced ng mga sandaling iyon. Awtomatikong dumampi ang kamay niya sa kanyang pisngi na hinalikan nito. "Hinalikan mo ba ko, Connor?"
Tumikhim ito. "It's just a birthday kiss."
Kinagat niya ang ibabang labi niya para pigilan ang sarili niya sa pagtili. "Pero hinalikan mo pa rin ako."
Bumuntong-hininga lang si Connor. But his face softened. "Happy birthday, Dolphin."
Dinaan niya sa pagbungisngis ang kilig niya. Bata pa siya ay si Connor na ang gusto niya. Masaya siyang malaman na kahit madalas ay sinusungitan siya nito, ramdam niya na sa sulok ng puso nito, maaaring kahit paano ay may halaga siya rito.
Baka may chance nang maging sila!
***
HINDI mapalagay si Dolphin dahil sinusundan siya ni Connor. Isang bloke lang ang layo ng bahay nila sa bahay ng mga Domingo, kaya hindi na siya nagpahatid dito.
Hindi na siya sumabay sa mga kasamahan niya sa pagbalik sa Maynila dahil sinabay na siya ni Connor sa kotse nito. Pagdating nila sa village nila ay bumaba siya nang nasa bahay na sila ng mga Domingo para hindi na maabala si Connor. Ang sabi niya, maglalakad na lang siya pauwi sa kanila para hindi na ito mapagod. Akala niya ay pumayag ito dahil hindi ito sumagot. Kaya nagulat na lang siya nang makitang sinusundan siya nito.
Pumihit siya paharap kay Connor. "Connor, ano'ng ginagawa mo?"
Namulsa si Connor. Sa ilalim ng lamp post ay kulay abo ang asul na mga mata nito. "Hinahatid ka."
"Hindi naman ako maliligaw."
"I just want to make sure you'll reach home safe."
Hindi na niya makontrol ang pagkiliti ng mga paru-paro sa tiyan niya kaya napahagigik siya. "Connor... pinatawad na kita, 'di ba? Why are you still being extra nice to me?"
"You don't like it?"
Mabilis na umiling siya. "Gusto ko! Nagtataka lang ako kasi mabait ka sa'kin kahit wala naman si Tita Carlota. Madalas kasi, mabait ka lang sa'kin kapag inutos ng mommy mo."
Matagal bago sumagot si Connor. "Hindi naman siguro lihim sa'yo na gusto ni Mommy na magkatuluyan tayo. Parati ka niyang bini-build up sa'kin at dahil ayokong mamanipula ng mommy ko, iniiwasan kita. Ayokong isipin ni Mommy na kaya niya kong pasunurin kaya sa'yo ko ibinuhos ang frustration ko."
"Kaya ba madalas ay sinusungitan mo ko?"
Tumango ito. "If we get close, my mom will think it's because she still has power over me. But don't get me wrong. I love my mom. Pero ayokong tinatrato niya ko na parang bata. Kung makikipaglapit man ako sa'yo, 'yon ay dahil gusto ko at hindi dahil gusto niya."
Biglang bumilis ang t***k ng puso niya. Ayaw niyang umasa, pero maganda ang pakiramdam niya sa patutunguhan ng mga sinasabi ni Connor.
"Pero naisip ko, hindi naman masama kung susubukan kong maging malapit sa'yo, 'di ba? Maybe I was missing something while I was avoiding you," pagpapatuloy ni Connor. "So I decided to stop running away from you. To properly look at you this time."
Lalong bumilis ang t***k ng puso niya. "At ano'ng nakita mo no'ng huminto ka para tingnan ako?"
Bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi nito. His half-smile didn't fail to make her heart skip a beat. "A nice lady. Pinanood kita kanina habang sumasayaw ka para pasiglahin ang clean-up project niyo kanina. You're the life of the party, Dolphin. 'Yong ngiti mo pa lang, sapat na para makapagpasaya ka ng ibang tao. Kasali na ko do'n."
Nag-init ang mga pisngi niya. Hindi siya sanay na pinupuri ni Connor.
"Iyon ang isa sa mga hindi ko nakita dahil sa pagtakbo ko sa'yo," pagpapatuloy ni Connor. "I failed to see that behind the annoying brat who keeps on following me is a young lady with a big, big heart. Maybe having you around will be fun."
"Tama na, Connor," awat niya rito. Hinawakan niya ang dibdib niya. Malakas pa rin ang t***k ng puso niya. "Kapag hindi ka pa tumigil sa mga sinasabi mo, baka maniwala na ko."
Bahagyang kumunot ang noo ni Connor. "Maniwala na ano?"
"Baka maniwala na ko na puwede mo rin akong magustuhan. Na puwede palang maging tayo kahit madalas ay tinatakbuhan mo ko," matapat na sabi niya. Sa sitwasyon na iyon, hindi na niya magawang makaramdam ng hiya.
Inasahan na niyang tatakbuhan siya ni Connor, o kaya ay pagtatawanan. Pero ang sunod na mga salitang sinabi nito, halos pahintuin sa pagtibok ang puso niya.
"Bakit hindi? I never said I hated you anyway."
"You never said you liked me either," halos pabulong na sagot niya.
"Well, I'm telling you now that I like you, Dolphin."
Napalunok siya. Pakiramdam niya pati puso niya ay nalunok niya. "Bilang ano, Connor?"
"Basta hindi bilang kapatid." Ngumiti ito at nilahad ang kamay sa kanya. "If you're okay with someone like me, then let's go out."
Napatitig siya sa kamay ni Connor na nakalahad sa harap niya. Bago pa maproseso ng utak niya ang nangyayari, bago pa magbago ang isip nito, hinawakan na niya ang kamay nito na para bang iyon ang magliligtas sa buhay niya.
Nang hawak na niya ang kamay ni Connor, nang maramdaman na niya ang init ng palad nito sa balat niya, do'n lang siya nagising. At nakakatuwang isipin na iisa na lang ang panaginip at realidad niya ng mga sandaling iyon.
Napatili na siya. "Yes, Connor! I will go out with you! Kahit ako pa ang gumastos sa mga date natin, walang problema 'yon!"
His crooked smile almost melted her knees into jelly. "'Good to hear that. Though I never go Dutch when I'm on a date."
Natawa siya, saka niya niyakap sa baywang si Connor. Tutal naman ay sinusuwerte na siya, sasagarin na niya. "Thank you, Connor. You're the best birthday gift ever!"