Alexandria
Nakasara na ang halos lahat ng ilaw sa buong kabahayan. Nanggaling na naman s'ya sa isang disco bar kasama ang best friend n'ya na si Mikaela. Dahan-dahan na naglalakad si Alex, papunta sa kanyang silid. Halos tumingkayad s'ya upang huwag lamang makalikha ng ingay. Hawak n'ya ang kanyang 1 inches sandals. Daig pa n'ya ang magnanakaw sa sobrang ingat na hindi makabulahaw sa mga taong nanakawan. Tulad ng dati n'yang nakagawian ay walang kamalay-malay ang ama n'ya sa pinaggagawa n'ya. Dahil ang pagkakaalam nito ay isa s'yang ulirang anak. Dati naman talaga ay ulirang anak s'ya. Noon iyon kaya nga lamang ay nawalan s'ya ng gana dahil sa hindi nito pag-appreciate sa mga ginagawa n'ya. Malapit na s'yang makarating sa kwarto n'ya nang maulinigan n'ya ang boses ng kanyang ama na may kausap ito sa telepono habang nasa terrace ito na nasa ikalawang palapag ng kanilang mansyon. Malapit ang kwarto nito sa terrace nila. "Bakit kaya sa ganitong oras ng gabi ay may kausap pa ito?" wika n'ya sa isip. Imbis na tuluyan na pumasok sa kwarto ay dumeretso s'ya sa terrace. Dahil sa `di n'ya malaman na dahilan ay kusang tinalunton ng kanyang paa ang daan papunta roon.
Nang nasa bungad na s'ya ay huminto s'ya at inilapit pa lalo ang tenga malapit sa may hamba ng sliding door upang mas ganap n'yang marinig ang usapan ng kanyang ama at ng sinuman na ponsyo pilato na kausap nito. Naka-loud speaker ang cellphone ng kanyang ama kaya naman siguradong maririnig n'ya ang usapan ng mga ito.
Naisip n'ya na kung kanina ay magnanakaw s'ya, ngayon naman ay tsismosa dahil doon ay lihim s'yang nangingiti. Inilagay n'ya ang isang palad sa bibig bilang pantakip dahil baka hindi n'ya mapigilan ang sarili at magkatunog ang pagtawa n'ya.
"Kailan ba ang uwi mo rito, Rodrigo?" wika ng kanyang ama sa kausap.
"Kung ganoon, ang sampid na naman pala ng pamilya ang kausap nito. At uuwi ito?! Bakit?!" lihim s'yang nagngitngit.
"Ngayon darating na linggo na po siguro, Papa. May mga inaasikaso pa po kasi ako," sagot ni Rodrigo.
"Kung ganoon ay maigi. Nakahanda na rin kasi ang lahat para sa kasal ninyo," pagkuwan ay wika ng kanyang ama.
Nangunot ang noo n'ya, "Ikakasal na ang sampid? Kanino?!"
"Alam na po ba ni Alex, Papa?"
"Hindi pa pero sasabihin ko na bukas sa kanya…" sagot ng ama n'ya at nagsimula na maglakad-lakad sa kabuuan ng terrace.
"Papayag po kaya s'ya?" muling tanong ng sampid.
"Wala na s'yang magagawa. Kailangan na, Iho."
"Bakit kailangan pa na pumayag ako? Pakialam ko ba kung kanino ka man ikasal. Mabuti nga iyon na ikasal ka na! Siguro naman mawawala ka na sa buhay namin! " Ipinasya na n'yang umalis na at magtungo sa kwarto n'ya.
Pagkapasok n'ya ay dumeretso na s'ya sa side table ng kama n'ya at binuksan na lamang ang lamp shade upang walang makahalata na gising pa s'ya. Pagkatapos ay nagtungo s'ya sa vanity table n'ya at kumuha ng cotton balls at pinatakan n'ya ng ilang drops ng make up remover na gamit n'ya.
Pagkuwan ay sinimulan na n'yang ipahid sa kanyang mukha upang maalis ang kanyang make up. Nang maalis na n'ya ito ay nagtungo na s'ya sa cabinet n'ya kung saan nakasalansan ang kanyang mga mga damit. Napili n'ya ang blouse na may terno na pajama. Hinubad na n'ya ang suot n'yang above the knee na cocktail black dress at isinuot na ang kanyang napiling pantulog. Pagkatapos ay ibinagsak na n'ya ang katawan sa malambot na kama. Nag-enjoy na naman s'ya sa disco. Napapangiti pa rin s'ya at tila nangangarap nang gising.
Hindi n'ya akalain na makikilala n'ya si Raily Sison. Siya ang sikat at trending ngayon sa isang application sa internet. Sumikat ito dahil sa taglay nitong galing sa pagsasayaw. Bukod doon ay gwapo rin ito kaya naman mabilis na dumami ang subscribers nito at follower sa social media. Isa na rin ito sa kumikita gamit ang social media. Hindi n'ya talaga in-expect na totoong gwapo ito sa personal. Nang una kasi ay hindi s'ya masyadong humahanga rito dahil iniisip n'ya na baka katulad lamang din ito ng iba. Gwapo sa picture at video, sa personal hindi.
Nadala na kasi s'ya. Nagkaroon s'ya minsan ng manliligaw. Nakilala n'ya ito sa isang application sa social media. Napakagwapo nito sa picture. Kaya naman hinangaan n'ya ito at ito rin ay humanga sa kanya. Naging chatmate sila at kalaunan ay naging magkaibigan. Hanggang sa nagsimula na s'yang ligawan nito sa online kaya naman sinagot n'ya ito sa online na rin. Pero nang magpasya na silang mag-eyeball sa isang mall ay nagulat talaga s'ya sa mukha nito.
Malayong-malayo ang mukha nito sa picture. Hiyang-hiya s'ya kay Mika dahil isinama n'ya ito sa eye ball nila para maging chaperon n'ya at sana ay para ipagmalaki sa kaibigan ang napakagwapo n'yang boyfriend. Iyon naman pala ay mapapahiya s'ya. Expectation versus reality ang nangyari sa kanya. Umuwi sila ni Mika na lulugo-lugo. At mukhang nalugi sa pinasukan na negosyo. Nag-effort pa man din s'ya na magpaganda dahil nagpa-salon at spa pa s'ya. Tapos ay bumili pa s'ya ng bagong branded dress at sandals na isinuot niya nang araw na iyon.
At iyon nga ang dahilan kaya naman hindi n'ya masyadong ibinuhos ang paghanga kay Raily Sison kaya nasorpresa nga s'ya na sobrang gwapo rin pala nito sa personal. Nagtungo talaga sila sa club na iyon dahil alam nilang darating ito roon sa hiling ni Mika. Crush kasi ito ni Mika. Kaya naman kahit may kamahalan ang entrance fee nang araw na iyon ay pumasok pa rin sila. Hindi naman talaga s'ya interesado rito kaya naman hindi n'ya ito masyadong pinag-ukulan ng pansin. Hindi rin s'ya nagsuot ng bongga. Sunod sa agos lamang s'ya kanina kay Mika. Nakakatuwa dahil nang lapitan ni Mika ito at nagpa-picture kasama si Raily at s'ya ang naging photographer ng dalawa. Hindi n'ya expect na napansin s'ya nito. Ito mismo ang nagpakilala sa kanya at kinuha pa ang cellphone number n'ya, kaya naman kilig na kilig s'ya.
Napapalibutan din naman ng maraming magagandang babae ang disco na iyon. Halos babae nga ang laman ng disco nang araw na iyon. Pero s'ya ang nilapitan kaya naman sobrang saya n'ya.
Nang makaupo sila ni Mika sa isang stool sa counter bar habang kapwa sila sumisimsim ng vodka sa kani-kanilang shot glass ay siniko s'ya ni Alex.
"Best, ano? Naniniwala ka na ba n'yan sa akin na gwapo talaga si Raily?" nangigiti ito habang nakaharap sa kanya at iniikot-ikot pa nito ang stool na upuan. Para talaga silang bata nitong si Mika. Marami silang similarities sa ugali. Iyon siguro ang dahilan kaya naman naging best friend sila. Turingan na rin nila sa isa't isa ay magkapatid.
Nagkakilala sila sa dorm at room mate sila. At pareho rin sila ng pinasukan na university. Hindi sila pareho ng kurso na kinuha. BS in Agribusiness Management ang sa kanya samantalang ito naman ay sa Business Management Department. From Laguna ang pamilya nito samantalang s'ya naman ay sa Bulacan. Pero naging partners sila sa lahat ng bagay. Palagi silang naghihintayan sa isa't isa. Sabay silang umuuwi at pumapasok sa university na pinapasukan nila. At magkatulong din sila sa paggawa ng mga thesis ng isa't isa.
"Oo na, gwapo na si Raily… Malay ko ba naman kasi kung talagang gwapo s'ya hindi ba?" mataman n'yang tinitingnan si Mika habang nagsasalita.
"Alam mo naman na siguro ang dahilan kaya talagang hindi ako nag-expect."
"Oo, tama nga naman." Hinawakan ni Mika ang mga kamay n'ya habang hindi nito maitago ang excitement at sinabing, "Nakaka-excite! Crush ka n'ya! Ikaw lang ang pinansin ni Raily! Darating ang araw n'yan kasama ka na sa video na ia-upload n'ya sa social media! Sisikat ka na rin! Well, proud best friend here." Itinuro nito ang sarili.
"Sobra naman yata iyon, Best… Nakipagkilala lang naman s'ya sa akin at wala naman s'yang sinabi na kahit ano."
"Ito naman oh! Alex matatanda na tayo!" Nasa millennial period na nga tayo ng taon. Hindi na tayo ang mga sinaunang tao na Maria Clara. Advance na mag-isip ang mga kasabayan natin. Hindi na rin uso ang ligaw-ligaw," mahaba nitong paliwanag kapagkuwan ay nagpatuloy.
"Doon pa lamang sa paglapit n'ya sa'yo, halata na s'ya na type ka n'ya! Hello!" malakas ang pagsasalita nito dahil baka hindi sila magkarinigan na magkaibigan dahil napakalakas ng sound ng disco.
"Hay," napabuntong hininga s'ya habang ang mga mata ay nasa kisame na tila ba may mga nakikita s'ya roon na nakakatuwa dahil hindi mapuknat ang ngiti n'ya kahit madilim sa kwarto at tanging lamp shade lamang n'ya ang nagbibigay liwanag sa napakadilim n'yang kwarto. Nakatulog s'ya na masaya. Ang hindi n'ya inaasahan ay kinabukasan pala ay magiging bangungot ang gising n'ya.
Nasa hapag kainan sila at kasalukuyan na nag-aalmusal nang magsalita ang kanyang Papa.
"Alex, pagkatapos kumain, may pag-uusapan tayo sa library. Sumunod ka sa akin."
"Opo, Papa," sagot n'ya na nakangiti. Magaan kasi ang pakiramdam n'ya nang magising. Dala pa rin n'ya ang saya dahil sa nagdaan na gabi na makilala si Raily.
Natapos na silang kumain at sumunod na s'ya sa kanyang Papa sa library.
Kumatok muna s'ya sa pinto ng tatlong beses bago pinihit ang seradura at pumasok. Nabungaran n'ya ang kanyang Papa na may sinusuri na papeles. Tumayo lamang s'ya sa gilid. Hihintayin n'ya pa kasi ang susunod na instruction ng kanyang Papa sa kanya. Ganoon s'ya lagi sa kanyang Papa, kunwari ay ulirang anak s'ya rito.
Nang matapos nito na suriin ang papeles ay tumingin ito sa kanya at sinabing, maupo. Sumunod s'ya rito at tahimik na naupo sa upuan sa harap ng mesa nito.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Alex. Sa linggo ay darating si Rodrigo," simula ng kanyang Papa. Tumaas lamang ang kilay n'ya sa sinabi ng kanyang Papa. Hindi naman lingid dito na naiinis s'ya kay Rodrigo. "So what?" wika n'ya sa isip.
"Lunes ay ikakasal kayo." Napatayo s'ya sa upuan sa narinig.
"Tama ba ang narinig n'ya?" wika n'ya sa isip.
"Papa, pakiulit po iyon sinabi n'yo, hindi ko po kasi masyadong naiintindihan."
"Tama ang narinig mo, Alexandria, sa darating na lunes na ang kasal n'yo. Nakahanda na ang lahat at ayoko na mapapahiya ako," mariin at walang gatol na wika nito. Hindi n'ya alam kung may banta sa himig na iyon ng kanyang Papa.
"Teka, Papa, sandali, baka naman nabibigla kayo sa sinasabi n'yo..." Biglang nanghina ang mga paa n'ya kaya napabalik s'ya sa pagkakaupo. Ang saya pa n'ya mula kagabi tapos iyon na ba ang huli?
"Ito ba ang kapalit ng saya na iyon?" muli ay wika n'ya sa sarili.
"Hindi, Alex, matagal ko na itong napag-isipan. Mas mapapabuti ang buhay mo kung si Rodrigo ang makakatuwang mo. Magtiwala ka sa akin."
"Papa, wala pa po sa isipan ko ang magpakasal!" nagmamaktol na wika n'ya rito. Kulang na lang ay magpapadyak s'ya sa harapan nito. Hindi n'ya ito direktang masalungat sa gusto nito dahil ayaw n'yang masira ang magandang record n'ya rito kahit paano.
"Isulat mo sa papel na iyan ang gusto mo'ng maging maid of honor at abay sa iyong kasal." Inilapag ng Papa n'ya sa mesa ang isang big notebook. "Kung wala naman ay ako na ang bahala."
"Mabuti pa ang maid of honor at abay pwede ko'ng piliin… Ang groom, hindi!" pipi n'yang wika. Nanlulumong isinulat na lamang n'ya na maid of honor si Mikaela, ang best friend n'ya. Makikita sa mukha ng Papa n'ya ang determinasyon sa gusto nito. Sa huli ay gusto pa rin n'ya na maging masunurin na anak dito. Ibinalik n'ya sa kanyang Papa ang big notebook nang maisulat na n'ya ang pangalan na hinihingi nito.
"Wala ka na ba'ng idadagdag?" wika nito habang binabasa ang isinulat n'ya.
"Wala na po, Papa," malungkot n'yang wika rito.
"Kung ganoon ay maari ka ng bumalik sa iyong kwarto." Tumalikod ito sa kanya.
"Sige po, Papa." Malungkot s'yang lumabas ng library.
Pagpasok sa kwarto ay hindi s'ya mapakali. Tinawagan n'ya si Mika.
"Yes hello, Best," wika ni Mika, na sa tantya n'ya ay kagigising lamang nito at baka nagising lamang ito sa tawag n'ya.
"Best…" hindi n'ya alam kung paano n'ya sisimulan ang sasabihin dito.
"Ano nga?" Dinig n'ya na naghikab pa ito.
"Ikakasal na'ko sa lunes."
"Ano?!"biglang nawala ang antok nito sa narinig mula sa kanya.
"Ikakasal na'ko," ulit n'ya sa mahinang boses.
"Teka hindi kita maintidihan. Ano'ng kasal? Is this kind of a joke? Well, sige Best, I'm starting to laugh," wika pa nito at kasalukuyan na itong tumatawa sa kabilang linya.
"Sana nga joke, Best," maluha-luha na s'ya. "But I'm not… Arrange marriage ito, Best. At alam mo ba kung kanino? Kay Rodrigo! Sa sampid na iyon! Of all people!" Hindi lingid kay Mika ang disgusto n'ya kay Rodrigo. Tuluyan na s'yang humagulgol. Paano ba naman sa pinakaayaw pa n'yang tao s'ya ikakasal? Sino ba'ng matutuwa roon? Sabi nila kapag kinasal ka masaya. Bakit s'ya hindi? Pakiramdam n'ya ay bibitayin na s'ya.
Nakaramdam ng awa ang kaibigan na si Mika sa kanya. Mabilis itong nakapag-isip ng paraan. "Huwag mo'ng siputin, Best. Wala na s'yang magagawa noon."
"Sana ganoon lamang kadali. Inunahan na'ko ng Papa. Hindi ko s'ya kayang ipahiya, Best."
"Teka nasaan ka ba n'yan?" nag-aalalang wika nito.
"Sa bahay," tamad n'yang sagot.
"Sige, magkita tayo sa same place, maliligo lang ako."
"Okay sige, Best," sagot n'ya at tinapos na nila ang usapan.
Nagkita sila sa paborito nilang coffee shop sa Manila. Kasalukuyan na silang nakaupo sa isang table at hinihintay na lamang nila ang order.
"Ano'ng gagawin ko, Best?" malungkot n'yang tanong kay Mika.
"Iyon nga sana, huwag mo siputin ang kasal n'yo," malungkot din nitong sagot.
"Hindi ko kayang ipahiya ang Papa. Ayaw ko s'yang i-disappoint."
"In that case, tuloy ang kasal mo."
"Wala ka ba'ng ibang naiisip na paraan? Drained na ang utak ko, Best. Hindi ko na alam gagawin ko," saad nito na mababakas ang stress sa magandang mukha.
"Eh ayaw mo naman umurong, ano pa ba naman ang gagawin natin? Alam mo, i-enjoy mo na lang ang kasal mo. Once in a lifetime lang ang kasal hindi ba?" wika na lamang ni Mika kahit naaawa s'ya sa kaibigan.
"Paano ko ie-enjoy kung sa kutong-lupa na iyon ako makakasal?! Pagkatapos ng kasal ano? Syempre buntisan time na!" naghihisterikal na wika n'ya. "Can you imagine? Magkakaron ako ng anak sa kutong-lupa na iyon? Ano na lang ang magiging itsura ng magiging anak ko? Kung sa kanya kukuha ng mukha?!"
"Lait pa more, Best," wika ni Mika. Hindi lingid sa kanya ang itsura ni Rodrigo. Kwento kasi ni Alex sa kanya ay chaka raw ito pero hindi pa n'ya nakita kahit sa picture man lang.
"Kung alam mo lamang kung ano itsura mayroon ang sampid na iyon, Best. You'll understand," dagdag pa nito.
"Oo na! Sabi mo eh, kumain ka muna." Dumating na ang order nila.