Chapter Nine

1400 Words
NAKAPALUMBABA si Crayon habang nakikinig sa klase. Sa totoo lang, wala pa sa leksiyon ang diwa niya. Bukod kasi sa inaantok siya dahil ala-siete pa lang ng umaga no'n ay hindi rin mawala sa isip niya ang nangyari matapos umalis nina Logan at Donna sa rooftop ng gabi ng Kite and Lantern Festival ng Empire U. Nanigas ang buo niyang katawan nang ma-realize niyang hanggang ngayon ay nakayakap pa rin si Riley sa kanya mula sa likuran. Pumihit siya paharap dito saka ito binigyan ng malakas na sampal sa pisngi. "Bastos!" Awtomatikong dumako ang kamay ni Riley sa namumula na nitong pisngi. "You're welcome, Crayon," sarkastikong sabi nito. Hindi niya maiwasang makonsensiya. Aminin man niya o hindi, malaki talaga ang naitulong sa kanya ni Riley ng gabing iyon. Nailigtas nito ang pride niya na unti-unting inaapakan no'n ni Paige, at naikubli pa niya ang sakit na nararamdaman niya mula kay Logan. Pero hindi pa rin siya makapaniwalang hinayaan niya ang sarili niyang mapalapit ng gano'n sa binata. She even let him hug her! Niyukyok niya ang ulo niya sa mesa. "Nakakahiya ka, Crayon," bulong niya sa sarili. Naputol lang ang pagkondena niya sa sarili niya nang marinig niya ang malakas na katok sa pinto ng classroom nila at ang impit na tilian ng mga kaklase niyang babae. Narinig niyang tumikhim ng malakas ang professor nila. "Anong kailangan mo sa klase ko, Mr. Domingo?" Mr. Domingo? Nag-angat siya ng tingin. Napasinghap siya nang makitang nakatayo si Riley sa pinto na may dalang naka-Styrofoam na kape at paperbag. Sa amoy pa lamang niyon ay alam na niyang muffins ang nasa loob ng paperbag. "Pasensiya na Sir," paumanhin ni Riley sa professor niya pero sa kanya ito nakatingin. "Nagpunta lang ho ako rito para dalhan ng almusal si Ms. Crayon Anne Pacia." "Almusal? Sa kalagitnaan ng klase ko?" hindi makapaniwalang tanong ni Mr. Salves. "Sir, look at your students. Mag-a-ala siete pa lang ng umaga ay nandito na sila. Nasa batas ng Empire na kapag tatlong oras ang klase, kailangan niyong bigyan ng thirty-minute break ang mga estudyante," katwiran ni Riley. Mr. Salves huffed. "Okay, class. I'm giving you a thirty-minute break. I'll be back," bilin nito bago lumabas ng silid. Naghiyawan ang mga kaklase niya sa tuwa. Lumapit naman si Riley sa mesa niya, inilapag ang kape at muffins sa harap niya, saka walang habas na umupo sa bakanteng silya sa tapat niya. Kumunot ang noo niya. "Riley! Anong ginagawa mo?" Nagkibit-balikat ito. "Nakita kita pagdating mo ng school kanina. You obviously look sleepy, at mukhang hindi ka pa kumakain kaya dinalhan kita ng almusal." "Hindi mo kailangang gawi –" "Magsisimula na ang klase ko," sansala nito sa sinasabi niya habang nakatingin sa relong-pambisig nito. Pagkatapos ay sa kanya naman ito tumingin. "Ubusin mo ang lahat ng binili ko para sa'yo. Babalik ako mamaya." Tumayo si Riley at masuyong pinisil ang pisngi niya bago ito lumabas ng classroom. Wala na siyang nagawa kundi ang sundan ito ng tingin habang inuulan naman siya ng tanong ng mga kaklase niya kung nililigawan ba siya talaga ni Riley. "Of course not!" singhal niya sa mga kaklase niya na lalo lang siyang tinukso. Pinatunayan ni Riley na talagang may balak itong pasakitin ang ulo niya dahil nang tanghali ng araw din na iyon, habang nag-i-interview siya ng players sa tennis court para sa article niya, ay bigla na lang siyang nakarinig ng tilian ng mga babae sa paligid niya. Kinalabit siya ng isang dalagita sa tabi niya at may kung sinong tinuro sa second floor ng College of Fine Arts building. Nanlaki ang mga mata ni Crayon nang makita si Riley na nakadungaw sa isa sa mga nakabukas na bintana. Nakabukas din ang hilera ng mga bintana sa palapag na iyon at nakadungaw ang mga babaeng nagkakagulo sa pagsilip kay Riley. Sa kanyang pagkagulat ay bigla na lang naglabas ng megaphone si Riley. "Crayon, I like you! Will you go out with me?" malambing na tanong pa ng mokong. Napasinghap siya kasabay ng pag-iinit ng magkabila niyang pisngi, lalo na nang huminto sa paglalakad ang mga tao sa paligid at pinagtinginan siya. Pinag-ekis niya ang mga braso niya. "No!" sigaw niya bago nag-walk out. Hindi pa natapos sa eksenang iyon ang araw niya. Namalayan na lang niyang kasunod niya si Riley saan man siya magpunta, na lalong kumuha sa atensyon ng buong Empire. Pumihit siya paharap kay Riley at ito naman ang pinihit niya patalikod sa kanya, saka ito tinulak ng marahan. "CR na 'to ng mga babae!" "Oh. Hihintayin na lang kita rito sa labas," kaswal na sabi ni Riley. Habang nakatalikod ito ay pasimple siyang sumabay sa isang grupo ng mga kababaihan na kalalabas lang ng CR. Pagkalayong-pagkalayo do'n ay umuwi na siya agad para hindi na siya masundan ni Riley. *** NANG gumuhit ang imahe ng isang umiiyak na batang babae sa isipan ni Riley ay bigla siyang napabalikwas ng bangon. Pinagpapawisan siya no'n at habol ang hininga. Mariin siyang pumikit habang kinakalma ang sarili. No. Not that dream again. Please, leave me alone, little girl. Nang masiguro niyang nabura na niya sa isipan niya ang imaheng iyon ay nagmulat na siya ng mga mata. Nasa clubroom siya ng HELLO Band at napapaligiran ang buong silid ng makukulay na lobo. May pabilog, hugis-puso at pahabang lobo. Hinihipan niya ang mga iyon bago siya nakatulog. Napangiti siya at gumanda agad ang pakiramdam niya nang dumaan sa isip niya si Crayon. Pinakiusapan niya si Antenna na dalhin do'n si Crayon. Balak na niyang pormal na ligawan ang huli. Kumuha siya ng panibagong lobo at sinimulang hipan iyon. No'n dumating ang mga ka-banda niyang sina Shark at Bread at ang kapatid niyang si Connor. Pinagtawanan agad siya ng mga walanghiya. "Who would have thought that the indifferent Riley Mac Domingo who turned down hundred of girls in the past would be this pathetic and helpless against a snub girl by the name of Crayon Anne Pacia? Why her, dude?" natatawang tanong ni Shark. Nagkibit-balikat siya. "I just like her." "Kahit hindi ka niya pinapansin?" natatawang tanong naman ni Connor. Nagkibit-balikat siya. "Oo, kahit hindi niya alam ang buo kong pangalan, gusto ko pa rin siya." Lalong lumakas ang tawanan ng mga ito, maliban kay Bread. Hinayaan na lang niya dahil totoo namang nakakaawa siya. Hindi niya rin talaga maipaliwanag kung bakit gustung-gusto niya si Crayon. Pero sapat na ang mga pinaggagagawa niyang katangahan at pagsisikap na makuha ang atensyon nito para malaman niya sa sarili niyang ito lang ang babaeng magugustuhan niya. "Ri, may balloon inflater tayo sa bodega kaya hindi mo kailangang hipan ang mga 'yan," walang emosyong sabi ni Bread mayamaya. Napaungol siya. "Thank you, dude, for telling me that after I inflated fourty balloons!" Muli, pinagtawanan lang siya ng mga kaibigan niya. Pumasok siya sa maliit na bodega ng clubroom kung saan madalas nilang tinatago ang mga instrumento nila sa pagtugtog. Habang hinahanap niya ang balloon inflater ay narinig na niya ang boses nina Antenna at Crayon. Napabuga siya ng hangin. Sinabi ko naman kay Antenna na six PM niya papuntahin si Crayon at hindi five thirty. Paglabas niya ng bodega ay naabutan niyang nagtatalo sina Antenna at Crayon. Nakatalikod sa kanya ang huli kaya hindi pa siya nito nakikita. "Hindi ako makapaniwalang nakipagsabwatan ka sa Riley na 'yon," galit na sumbat ni Crayon kay Antenna. "Nasa'n na ba 'yong lalaking 'yon nang magkaliwanagan na kami?" "Crayon, calm down," mahinahong wika naman ni Antenna. "Mabuting tao si Riley. Bigyan mo siya ng chance na –" "Na lalong guluhin ang buhay ko?" sansala ni Crayon sa sinasabi ni Antenna. "Antenna, walang ibang ginawa ang Riley na 'yan kundi ang sumunod ng sumunod sa'kin. You think it's cute? Well, ngayon pa lang, sinasabi ko na sa'yong hindi ako natutuwa sa pinaggagagawa niya. Naiirita ako and it's creeping me out! I want him out of my life!" "Hey! I think my brother already got your point so shut the f**k up, lady," iritadong sabi ni Connor kay Crayon. Siniko ni Shark si Connor samantalang tinakpan ni Bread ang bibig ng kapatid niya. Napayuko lang si Antenna. No'n naman mabilis na pumihit paharap sa kanya si Crayon. Halatang nagulat ito nang makita siya pero pagkatapos niyon ay wala na itong ibang naging reaksyon. Ngayon lang niya naranasang masaktan. Hindi pala maganda sa pakiramdam. Isa na lamang tuloy ang nasabi niya ng mga sandaling iyon. "Ouch."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD