ACCEPTANCE

1305 Words
Chapter 4 By PINAGPALA --------------------------------------- “Halika sa labas at mag-usap tayo ha? May mga sasabihin ako sa iyo.” Sumunod ako sa kaniya. “Ano hong pag-uusapan natin Nang?” tanong ko. “Anak..”pagsisimula niya. “May ipagtatapat ako sa’yo.” “Ano ho ‘yon Nang?” “Gusto ko lang malaman mo na hindi mo tunay na ama ang Tatang mo.” “Ano ho?” narinig ko ang sinabi niya ngunit gusto ko lang masigurado. Bumuntong-hininga siya. “Hindi mo tunay na ama ang Tatang mo sabi ko. Nabuntis ako ng amo ko nang nagkatulong ako sa isang mayamang pamilya sa Maynila.” “Pero bakit si Tatang na ho ang kinalakhan kong ama?” “Dahil bago pa man naging kami ng ama mo, boyfriend ko na noon ang tatang mo.” “Hindi ko pa rin ho maintindihan Nang.” Huminga siya ng malalim. Alam kong hirap siyang magpaliwanag.“Anak, hindi ko alam kung paano ko kasi sasabihin e. Hindi ako matalino kagaya mo. Hindi ako nakapag-aral kaya ganito, dahil tatanga-tanga ang nanang mo at puro paglalaba, pamamalantsa at paglilinis lang ang alam kaya hindi ako tinanggap ng mga magulang ng ama mo.” “Kung hindi kayo tanggap ng mga magulang ng ama ko, paano naman yung tatay ko? Hindi rin ba kayo tanggap? Hindi ba kayo minahal?” naalala ko ang mga pelikulang napanood ko, inisip ko na gano’n ang nangyari kay Nanang. Pinagsamantalahan lang ng mayaman niyang amo. “Alam ko, ramdam kong mahal na mahal ako ng Tatay mo pero hindi ko kinakaya ang pagmamalupit ng mga magulang niya sa akin habang wala siya sa tabi ko. Kaya ako tumakas at umuwi dito sa atin barrio.” Tumango ako. Kahit paano ay mali ako sa naisip ko. Kung ganoon ang nangyari, mabuting tao pa rin pala ang ama ko. Ngunit may hindi lang ako naiintindihan. “Kung mahal kayo ng tatay ko, Nang, bakit hindi niya kayo sinundan at ipinaglaban? Bakit hindi natin kasama ngayon at si Tatang ang naging asawa ninyo?” “Bata pa kami pareho noon anak. Wala siyang kakayanan para panindigan ako. Nagpagamit ako sa kaniya dahil sa may hitsura talaga ang ama mo. Nabaliw ako. Lahat ibinigay ko pati ang aking p********e. Ngunit nang malaman ng mga amo ko na buntis ako sa kanilang anak ay biglang naging maayos ang pakikitungo sa akin ng kanyang mga magulang. Nangako sila na aalagan nila ako habang wala siya. BIgla kasi silang nagdesisyon na sa ibang bansa na magpapatuloy ng pag-aaral ang ama mo at sila na ang bahalang mag-alaga sa akin habang pinagbubuntis ako.” “Ano hong nangyari?” “Naniwala ang ama mo sa magandang ipinakita ng kanyang mga magulang sa akin. Sabi niya, babalik daw siya at magpapakasal kami pagbalik niya at makatapos na siya sa kanyang pag-aaral. Kaya lang nang araw na umalis ang ama mo para mag-aral sa ibang bansa ay iyon na rin ang araw na pinalayas ako ng mga matapobreng lolo at lola mo. Sino ba namang amo ang tatanggap sa no read, at no write lang na kasambahay na maging manugang?” Napatitig ako kay nanang. “Hindi tayo hinanap ng tatay ko, Nang?” “Hindi ko alam kung hinanap tayo. Wala na rin kasi akong balita pa. Siguro may pamilya na siya ngayong iba? Siguro hindi ka na rin naalala. Hindi na tayo naalala pa.” Nakaramdam ako ng awa lalo na nang nakita ko ang dalawang butil ng luha na umagos sa kaniyang pisngi. Unang pagkakataon na nakita ko siyang lumuha para sa akin. Tinignan niya ako. Tinitigan ng husto at saka niya ako niyakap ng mahigpit. Unang yakap iyon sa akin ng isang ina. Noon ko naramdaman na may nanang pa pala ako na magmamahal sa akin. Yumuyugyog ang kaniyang balikat tanda ng kanyang matinding emosyon. “Patawarin mo ako anak. Patawarin mo sana ako sa lahat ng pagpapabaya ko. Sana kahit ikaw na lang pala ang ibinalik ko sa tatay mo nang hindi ka nahihirapan ng ganito.” Hindi ko siya sinagot ngunit niyakap ko rin siya ng mahigpit. Pumikit ako. Pinuno ko ang aking puso sa pagbulwak ng pagmamahal ng aking nanang sa akin. Gusto kong manatili sa isip at puso ko ang higpit ng yakap niya sa akin. “Patawad anak kasi sa tuwing nakikita kita ay naalala ko ang ama mo. Hindi niya ako nagawang panindigan. Hindi niya ako pinili. Mas pinili niyang mag-aral sa ibang bansa kaysa tayo. Hindi siya naging totoo sa mga pangako niya sa akin na hindi niya ako iiwan, na hindi niya tayo pababayaan.” “Naintihan kita Nang.” Tinignan niya ako. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. “Alam mo bang sa kanya mo namana ang iyong mukha. Gwapo ang tatay mo kaya naman napakaganda mo ring bata. Kaya lang napabayaan kita. Ang galit ko sa kaniya ay napunta sa iyo dahil nga magkamukhang-magkamukha kayo. Parang bumabalik kasi ang ginawa niyang pagtalikod at pagpapalayas sa akin ng kaniyang mga magulang na ni hindi man lang ako pinahalagahan ng ama mo. Dahil ba mahirap lang ako? Dahil mangmang? Walang pinag-aralan at katulong lang?” Hinawakan ko ang magaspang na palad ni nanang. Iyon ay tanda ng kagaspangan ng tadhana sa kanya. “Binalikan ko ang tatang mo,” pagpapatuloy niya. “Inako niya ang responsibilidad na dapat ay sa ama mo kasi iniwan nga tayo kung kailan buntis pa ako sa’yo. Ngunit habang tumatagal ang pangako niya sa akin noon na ituturing kang parang tunay niyang anak ay naglaho. Habang tumatagal, lalo siyang nag-iiba sa’ yo, sa akin, sa ating dalawa. Kung sana alam kong hindi bukal sa loob niyang tanggapin ang nangyari sa akin, sa pagiging disgrasiyada ko, malayong nagpakasal sana ako sa kaniya.” Pinunasan ni Nang ang luha niya. Niyakap niya ako. pinaupo niya ako sa kanyang kandungan habang sinusuklay-suklay ng kanyang mga kamay ang mahaba kong buhok. “Kahit sana anong kahihiyan pa ang sabihin ng tao sa akin ay binuhay na lang kitang mag-isa. Hindi ko alam kung makitid lang ang tatang mo o sadyang dinamdam niya ang nangyari sa amin kaya hanggang ngayon ay malandi ang tingin sa akin.” Pinunasan niya ang luha niya. Muli niya ako tinignan. “Anak, ano bang ginawa sa’yo ng Tatang mo?” “Hindi ho kasi ako nakabili ng alak niya dahil nawala ang pera na pambili.” “Oh tapos?” “Pag-uwi ko ho, pinalo-palo niya ako. Sinakal at sinipa sa mukha. Mabuti na lang ho’t nakatakbo po ako.” “Sobra na talaga siya. Kanina nang hindi kita naabutan dito sa bahay alam kong kinagalitan na naman niya. Natakot lang ako at sobrang nag-alala nang nakita ko ang dugo sa suwelo natin. Pinag-awayan ka namin. Pinagsasampal niya ako dahil daw sa pagiging disgrasiyada ko at pagdala sa buhay niya ng malas. Anak, ipinagtanong kita sa mga kapitbahay ngunit hindi raw nila alam kung nasaan ka. Hindi ka rin daw naman nila nakita. Kinabahan ako. Sinubukang hanapin ka sa paligid ng bahay ngunit hindi kita nahanap. Pero alam mo ba ang ikinaganda ng nangyaring ito?” Tumingin lang ako kay Nanang na yumakap sa akin. “Sa ilang oras na nawala ka ay parang himatayin ako sa kaiisip kung nasaan ka. Bigla kong naramdaman ang kahalagahan mo sa akin. Anak, patawarin mo ako kung madami akong naging pagkukulang sa iyo. Kung naiparamdam ko sa’yo na hindi ka mahalaga. Kung hindi kita mahawakap at maalagaan. Nang di kita makita rito sa paligid at alam kong binugbog ka ng tatang mo ay nagsimulang naramdaman ko na…” Hinintay ko ang susunod niyang sasabihin. Gustong-gusto kong margining iyon ngunit tumigil siya. Tumingin ako sa kaniya. “Anong naramdaman niyo, nang?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD