Chapter 30

1770 Words
NATIBAG na ang sama ng loob ni Vincent kay Ikay. Pagkakita pa lang niya ritong umiiyak at binibigkas ang kanyang pangalan ay napuno na ng habag ang puso niya. Nang magsimula itong umiyak habang isa-isa nitong inilalabas ang mga mumunting alaala ng kanilang mga pinagsamahan ay halong lungkot at pagkamangha ang nadama niya. Hindi niya sukat-akalaing itinabi pa pala nito ang mga iyon at mahalaga rin pala ang mga iyon sa dalagita. Nang sa huli ay ilabas nito ang maliit na batong ginamit nito nang ukitin ang pangalan nila at petsa ng kanilang pagkakakilala sa katawan ng puno sa Ilaya na nagmistula nilang tagpuan ay tuluyan nang gumuho ang lahat ng hinanakit niya rito. Subalit hindi ganoon kadaling limutin ang lahat ng mga nangyari. Hinding-hindi niya malilimutan ang mga pagkakataong pinili niya itong puntahan kaysa sundin ang utos ng ate niya. Na kahit magalit ito ay sinikap pa rin niyang makarating sa mga lugar na sinasabi ni Victoria para lang makita ito. “Kapag hindi ka nagbalik ay malilintikan ka sa akin, Vincent!” banta ng Ate Sussie niya noon. Inuutusan siya nitong tumao sa puwesto nito pero hindi niya iyon puwedeng gawin dahil ang sabi ni Victoria ay huwag daw niyang paghintayin si Precious. Magagalit daw itong tiyak kapag hindi siya dumating kaya’t mas pinili na lang niyang harapin ang galit ng kapatid. “Ate, saglit lang ako! Babalik ako agad!” “Bumalik ka sabi rito, Vince!” sigaw ng galit na galit niyang kapatid. Ang galit na iyon ay dala nito hanggang sa kanyang pagbabalik. Kilala naman niya kung paanong magalit ang kapatid, dangan nga lamang at hindi niya maaaring basta na lang pabayaang maghintay si Precious sa wala. Mukha pa namang itong kawawang musmos kapag hindi niya ito agad napupuntahan sa Ilaya noon. Sa isip niya ay makakaya niyang tiisin ano man ang parusang ibibigay ng Ate Sussie niya dahil sa kanyang pagsuway. Ang mahalaga ay makita lang niya ang kaibigan at sa mga huling sandaling ilalagi nito sa Sta. Barbara bago ang napipinto nitong pagluwas ng Maynila ay maisulit nila ang kanilang mga oras. Pero hindi nangyari ang inaasahan niya. Umuwi siyang bigo nang araw na iyon dahil hindi ito nagpakita. Halos tatlong oras niya itong hinintay pero tanging si Victoria ang dumating at sinabing hindi na nga raw ito makakapunta. Nang araw na iyon ay naranasan niya ang isa sa pinakamatitinding parusang ibinigay ng Ate Sussie niya. Nasa pinto pa lang ay hinataw na siya nito ng pamalo nitong may isang dangkal yata ang lapad. Bawat hampas niyon ay lumalatay sa kanyang balat. Bawat palo nito ay dagdag na sakit sa kanyang dibdib. Nang gabi ding iyon ay nagawa niyang umiyak dahil kay Ikay. Hindi iyon ang unang pagkakataong nangyari ang gayon. Nang sumunod na araw ay pinuntahan siya ni Victoria sa bayan. Nagtaka siya na alam nito ang tungkol sa kanyang pagtitinda sa palengke pero ang sabi nito ay nasundan daw siya nito minsang nakita siyang naglalakad sa daan. Magandang balita ang hatid ni Victoria dahil gusto na naman daw siyang makita ni Ikay. Ang sabi nito ay sa simbahan daw sila magkikita sa mismong araw na iyon. Magsuot daw siya ng pulang damit dahil ganoon din ang isusuot ng dalagita kaya’t dinoble niya ang sipag para makabenta nang malaki-laki. Nang hapon ding iyon, mula sa kinita ay kumuha siya ng pera at bumili ng isang simpleng pulang damit. Excited na naman niyang pinuntahan si Ikay sa simbahan para lang sa huli ay umuwi na naman siyang lulugo-lugo. Pagdating sa bahay ay hinarap na naman niya ang galit ng ate niya. Nawala pala sa loob niyang ibinilin nitong bumili siya ng s**o at stick para sa paninda nito. Dala marahil ng sobrang excitement para sa nakatakda nilang pagkikita ni Ikay ay daig pa niya ang nakalutang sa ere. Sa bagay, kung naalala man niya ay hindi na rin naman niya magagawang bilhin ang mga pinabibili ng kapatid dahil nga wala na siyang pera. Ibinili na niya ng damit ang kapirasong kitang pinaghirapan niya sa maghapong iyon. Ang mga ganoong pagkakataon ay lubhang nag-iwan ng sakit sa isip at puso niya. Ang dalawang beses na iyon ay nasundan pa hanggang maging lima. Ganoon karaming beses siyang pinaasa at ginawang tanga ni Ikay, at sa bawat pagkakataong ginagawa nito ang gayon ay hindi matawaran ang sakit at hirap ng loob na dinaranas niya. Hindi rin kasi biro ang mga parusang inaabot niya mula sa kanyang Ate Sussie. Naroong ikulong siya nito sa banyo, ilublob sa isang drum na puno ng tubig o kaya ay paghahampasin ng pamalo nitong singlapad na yata ng kanyang mga hita. Lahat ng alaala ng mga pangyayaring iyon ay isa-isang nagbalik sa isip niya. “Vince…” Sinalubong niya ang mga tingin ni Precious. “Tama ka Ikay, inalis na nga kita sa isip ko…dahil hindi ka karapat-dapat na maging isang kaibigan…” Lumarawan ang hinanakit sa anyo nito kaya’t agad niyang binaklas ang mga kamay nito mula sa pagkakayakap sa kanya. Hindi siya dapat magpadaig sa ginagawa nitong pag-iyak. Hindi na siya nito mapaglalalangan kahit kailan. “Marami pa akong gagawin kaya umalis ka na…” Tinalikuran niya ito. Wala na siyang ano mang narinig buhat sa dalagita dahil hindi na niya ito pinag-aksayahang balikan ng tingin. Kung patuloy itong umiyak o agad nang tumigil sa kahibangan nito ay hindi na niya nalaman pa. Basta ang alam niya, paglingon niya ay nakatalikod na ito at palayo na sa kanya. Nang yumuko siya ay nakita niya sa ibabaw ng kanyang mga paninda ang mga gamit na dala ni Precious. Malungkot niyang tiningnan ang mga iyon bago isa-isang pinulot at inilagay sa isang supot upang itapon. Bumulong siya sa hangin kasabay ng pagbigat ng kanyang kalooban. “Paalam, Special…” “NAPAMUKHAAN mo na pala ang batang iyon, ano pa ang iminumukmok mo diyan?” Si Aiden, habang nakikisimpatya sa inis niya patungkol kay Precious. Gustuhin man niyang ipagtanggol si Precious ay hindi na rin niya ginawa. Saksi ang kapatid sa paghihirap na dinaanan niya nang matuklasang nakaluwas pala ng Maynila si Precious. Kinompirma iyon ng mismong guard ng mansiyon na napagtanungan niya. “Ewan ko ba. Pakiramdam ko kasi ay napakasama kong tao dahil sa ginawa ko sa kanya. Hindi ko makalimutan ang ginawa niyang pag-iyak at pagsusumamo sa akin.” “Itigil mo na iyan. Tama lang ang ginawa mo. Kung nakipagkasundo ka sa batang iyon ay patuloy ka lang niyang paaasahin. Isa pa ay luluwas na rin tayo ng Maynila sa isang linggo. Doon na tayo magpapatuloy ng pag-aaral kaya mas marami ka pang makikilalang kaibigan na hindi kasing-babaw niya.” Napatingin siya sa kapatid. “Luluwas na tayo ng Maynila?” Sumilay ang isang ngiti sa mga labi nito. “Hindi ba at nabanggit ko na iyon sa’yo dati?” “Pero akala ko ay hindi na iyon matutuloy.” “Pansamantalang naantala nang manganak ang kaibigan ni Ate Sussie pero ngayong malaki na raw ang bata ay nagbabalak na ulit magnegosyo. Naengganyo si Ate na sumama kaya malamang, sa pagbubukas ng bagong school year ay nasa siyudad na tayo.” Nahulog siya sa isang malalim na pag-iisip. “Hindi ka ba masaya, Vince?” “Naisip ko lang sina Ate Bia at ang iba pa nating mga kapatid. Matagal na tayong ganito, Aiden. Hanggang kailan kaya magtitikisan ang mga kapatid natin?” Napailing ito. “Umaasa ka pa pala ng milagro, Vince.” “Ano’ng ibig mong sabihin? Magkakapatid tayo. Hindi ba at marapat lang na magkakasundo tayo?” “Ewan ko. Basta ako, gumigising ako sa umaga para magtrabaho at natutulog sa gabi para maghanda sa kinabukasan. Doon na lang umiinog ang buhay ko. Hindi na ako naghahangad pa ng iba dahil mahirap mabigo sa huli.” Nakadagdag sa kalungkutan niya ang tinuran ni Aiden. Kung ito mismo ay pinanghihinaan na ng loob na magkakaayos pa silang magkakapatid, paano pa ba siya? “Mas maganda siguro kung magkaayos muna sina Ate Sussie at Ate Bia. Malay natin, baka gusto rin nilang sumama sa Maynila, hindi ba?” “Next week na tayo luluwas, Vince. Paano pa natin pagkakasunduin ang mga kapatid nating parehong matitigas ang loob?” “Ako ba ang pinag-uusapan ninyo?” Natahimik sila ni Aiden nang pumasok sa kabahayan si Sussie. Dala nito sa magkabilang kamay ang dalawang supot na pinagtig-isahan nilang kunin at inilagay sa mesang hindi kalayuan sa kanila. “Binanggit ko lang kay Vince ang plano nating umalis next week, Ate.” “Bakit narinig ko yata ang pangalan ko at ng Ate Bia ninyo?” Tulad ng dati ay mabalasik na naman ang anyo nito. Ganoon ito sa tuwing mababanggit ang pangalan ng pinakamatanda sa kanilang si Ate Bia. “Ate, baka puwedeng magkasayos na tayong lahat…huwag naman sana tayong lumuwas nang magkagalit pa kayo ni—” “At sino ka para pagsabihan ako ng dapat kong gawin, Vincent? Ganyan ba ang itinuro ko sa’yo?” Gusto sana niyang salungatin ang sinabi nito. Tama itong iyon nga ang itinuro sa kanya—ang maging mababang loob at mapagmahal sa mga kapatid, pero hindi nito, kundi ni Ate Bia. “Kung gusto mong sumama sa amin sa Maynila ay ihanda mo ang sarili mo. Next week na tayo luluwas. Kung ayaw mo naman ay—” “Hindi pa nagtatapos ang school year, Ate. Bakit hindi natin paabutin ng Marso ang pag-alis natin?” “Ano ka ba! Hindi ka na babagsak dahil matatapos na ang school year kaya puwede na iyon.” Binagtas nito ang kahabaan ng sala at at pumasok sa kusina. Nang magbalik ito ay may dala ng isang basong tubig. “Matalino ka kaya tiyak na pagbibigyan ka ng mga teachers mo. Magpaalam ka nang maayos.” “Paano kung hindi ako payagan, Ate?” “Imposible. Kung sakali, wala silang magagawa. Buo na ang plano natin. Sumama ang may gusto at ang may ayaw ay maiwan, ganoon lang kasimple.” Inisang lagok nito ang laman ng baso at saka ito nagbalik ng kusina. Napalingon siya sa pinto nang makarinig nang sunud-sunod na katok. “Sino ‘yan?” tanong niyang ang paningin ay nakatuon sa nakapinid na pinto. Bubuksan na sana niya iyon nang lumabas mula sa kusina si Ate Sussie at sa malakas na tinig ay pinigilan siya. “Pumasok ka sa kuwarto at ako na ang bahala diyan!” anito. “Ate?” “Pumasok ka ‘kako sa kuwarto mo, bilis! Kilos na!” Humakbang itong palapit sa pinto pero siniguro nitong nakapasok na siya ng silid bago nito iyon binuksan. Hindi na niya nakita kung sino man ang bisita nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD