"GANO'N ba talaga ang mga bata kahit si Manang Julie palang ang nanny nila?" Pagtatanong niya kina Railey.
Kasalukuyang nasa loob siya ng maidquarters. Alas otso palang ng gabi pero maaga nang nagpapahinga ang mga tao sa mansion. Mahimbing na rin natutulog ang mga bata.
Buong araw ay ginawa niya lang ay ma-stressed na hinarap ang kalokohan ng kambal at ang pagiging mataray ng panganay. Pahirapan din ang mga ito sa pagkain. Lalo na't nagmatigas si Alisha na mas piniling kumain sa loob ng silid nito. Hindi siya nagwagi, gayung wala ang ama nito. Samantalang ang kambal naman ay halos mag-away sa hapag-kainan. Dahil nagka-asaran at nagka-pikunan na kulang nalang magbatuhan ng mga plato at baso. Buong araw din ay walang presensya ni Gerode ang mararamdaman sa loob ng mansion. Sa pagkaalam niya ay madalas itong wala sa hapunan ng mga bata dahil 'laging naka-overtime sa pagtatrabaho. Kaya nagagawa tuloy ng magkakapatid na ipakita sa kaniya ang mga nakakasakit-ulong mga ugali ng mga ito. Kahit ilang siya pagdating kay Gerode, kung ganito man lang rin ang kahinatnan kung wala ito, mas nanaisin niya na lamang tiisin ang nararamdamang pagka-ilang kung ang kapalit naman ay ang maayos at matiwasay na trabaho.
Nakita niyang nagpalit muna ng tingin sina Railey, Lea at Chelsea. Mas bata si Chelsea kumpara sa kasamahan nitong mga kasambahay. Bente-dos ang edad nito habang si Railey ay kabe-bente-sinco lang. Tama rin ang naging hinala niya na nasa 30s pa si Lea, dahil trenta-otso palang ito at kasabayan ni Manang Julie na manilbihan sa mga De Guzman.
"Maayos naman yung pakikitungo nila kay Manang Julie, dahil na rin nasanay silang palagi itong kasama sa loob ng pitong taon. Noong una ay naging mailap din si Young lady Alisha, ngunit lumambot lang ito pagkatapos nang mas nakilala niya ng mabuti si Manang Jul." Si Railey ang sumagot. "Huwag kang mag-alala, kapag matagal kana rin dito, siguradong lalambot rin ang mga bata sa'yo. Sa ngayon ay tiisin at pag-igihan mo munang makuha ang mga loob nila kahit tila kailangan mo pang pumasok sa butas ng karayom." Dagdag pa nito.
Tumango siya.
"Worth it din naman kapag matagumpayan mo ang trabaho mo dahil hinding-hindi ka talaga lugi sa pasahod ni Sir Gerode. Bonus pa yung makikita mo ang makisig na katawan at pogi niyang pagmumukha kahit mukha siyang seryoso at strikto. Pero malambot iyon pagdating sa mga bata at sa tauhan niya. Basta't maging mabait kalang at magaling sa trabaho. Sayang ngalang masyadong mamahalin ang ngiti ni Sir dahil na rin broken hearted parin sa asawa." Pagsasalita ni Chelsea.
Agad na nakuha nito ang buong atensyon niya.
"Ano nga pala ang ikinamatay ng asawa niya?" usisa niya.
"Sa pagkakaalam ko ay hindi nito kinaya ang panganganak sa kambal." Diretsong sagot naman nito.
"Chelsea. Ano ba iyan? Hindi ba't mahigpit na binilin sa'tin na iwasan ang pag-uusap tungkol diyan? Gusto mo bang mawalan ng trabaho?" Pagsusuway ni Lea rito.
Tila agaran naman nitong napagtanto ang maling nagawa. "Sorry po." Madiin na nitong itinikom ang bibig.
Kahit hindi niya pa alam ang rason kung bakit pinagbabawal itong pag-usapan, alam niya at naiintindihan niya agad. Masyado ngang sensitibong usapin para sa pamilyang De Guzman, lalong-lalo na para sa kambal.
Isang bahing ang kumawala sa kaniya.
"Naku, baka nalamigan kana, Aya. Magpahinga kana at baka mas lumala pa iyan." May pag-alalang baling ng atensyon ni Lea sa kaniya.
Hindi naman siya nagmatigas at saka nagpaalam nang pupunta na sa silid niya para makapagpahinga.
Pagkarating niya sa sariling silid ay pagod siyang humilata sa kama. Doon niya palang naramdaman ang bigat ng katawan. Mukhang magkakasakit pa yata siya.
Sinubukan niyang matulog, ngunit gising na gising pa rin ang utak niya.
Maingat siyang bumangon at sumandal sa head board ng kama. Napagpasyahan niyang magbasa muna sa dinalang libro habang hindi pa dinadalaw ng antok. Kinuha niya ang may kakapalan na libro na nakalapag sa bedside table. Bagong bili niya ito mula sa isang bookstore at tungkol ito sa kung paano mag-alaga ng mga bata.
***
HATING GABI nang magising siya dahil sa sobrang lamig. Bahagya pa siyang nanginginig. Mainit na rin ang binubugang hangin ng ilong at bibig niya, maging ang singaw ng mata niya.
Naramdaman niya ang panunuyot ng lalamunan. Kahit sobrang bigat ng katawan at sama ng pakiramdam ay mas pinili niya pa ring bumangon upang magtungo sa kusina at uminom ng tubig.
Nakapatay na ang mga ilaw at madilim ang loob ng mansion ang bumungad sa kaniya nang binuksan niya ang pinto.
Nakakabingi ang katahimikan. Kahit natatakot man na baka may biglang magparamdam na multo ay tinungo niya pa rin ang kusina, at maingat siyang naglalakad habang nakahawak sa may dingding.
Pagkarating niya sa kusina ay napansin niya ang naka-sinding ilaw. Halos mabuwal pa siya sa kinatatayuan nang mariin niyang naipikit ang mga mata dahil sa silaw.
Huminga siya ng malalim. Muli lamang niyang inihakbang ang mga paa nang tuluyan siyang makapag-adjust.
Mabilis niyang nilapitan ang kinaroroonan ng refrigerator. Kumuha siya muna ng isang mababasagin baso na nasa loob ng cupboard saka maingat nang binuksan ang ref. Halos manginig pa siya nang bumungad sa kanya ang malamig na temperatura nito.
Maingat niyang kinuha ang isang mababasagin na pitcher at nagsalin ng maiinom.
Agaran niyang ininom at inaubos ang laman ng baso. Bahagya pa siyang napa-igik nang maramdaman ang pagtigas ng utak niya dahil sa lamig. Nakaramdam din siya nang kaginhawaan sa may lalamunan. Nang mahimasmasan ay muli siyang nagsalin ng panibago. Ibinalik niya muna ang pitcher sa loob ng ref at pagkatapos ininom na ang isinalin na tubig. Papikit-pikit at nanghihina pa siyang napasandal sa may kitchen counter. Ramdam ang pamimigat ng ulo.
Napabuntong-hininga siya. Ayaw na ayaw niya pa naman na magkasakit.
Tinapos niya na ang pag-inom at saka hinugasan ang ginamit na baso bago siya bumalik sa silid niya.
Nang madaanan niya ang switch para sa ilaw ng kitchen ay pinindot niya ang off. Maingat siyang naglalakad habang kumakapa pa rin sa may dingding. Malalaki ang hakbang niya dahil sumisigaw na talaga ang katawan niya na ilapat muli sa malambot na kama ito. Pakiramdam niya rin ay tila mawawalan siya ng malay kung mananatili pa rin siyang nakatayo.
Nang tuluyan niyang narating ang sariling silid ay ini-lock niya ang pinto at pagkatapos ay mabilis na nilapitan ang kinaroroonan ng kama at pabagsak na humiga.
Maayos niyang itinakip ang kumot sa buong katawan niya at hinayaan ang sarili na muling makatulog.
—
Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Bumungad agad sa kaniya ang p*******t ng ulo at maging buong katawan niya. Barado na rin ang ilong niya dahil sinisipon siya. Ramdam niya rin ang masakit na lalamunan kapag lumulunok siya.
Mahina siyang napaungol sa sakit. Ayaw niyang bumangon at gusto niyang matulog nalang buong araw. Ngunit kahit mabigat ang katawan at tila binibiyak ang ulo sa sakit ay mas pinili niyang bumangon dahil kailangan niyang gisingin ang mga bata lalo na't maaga ang mga pasok ng mga ito. Pangalawang araw niya palang din sa trabaho kaya dapat pagsilbihan niya ito ng walang palya kung gusto niyang makuha agad ang mga loob nito.
Mabilisang pag-ligo lang ang ginawa niya, saka lumabas na ng kwarto. Malaki rin ang naitulong ang pagligo niya dahil kahit papa'no ay gumaan ang pakiramdam niya.
Tahimik pa ang loob ng mansion dahil maga-alas sais palang ng umaga.
Nagtungo muna siya sa kusina para uminom ng maligamgam na tubig.
Agaran na bumungad sa kanya sina Lea na nagluluto para sa magiging agahan ng mga De Guzman. Kasama nito si Chelsea na katabi ni Railey na naka-upo sa harap ng kitchen counter at sumisimsim sa tinimplang kape.
"Good morning," mahina sa boses niyang bati sa kanila.
Napatigil naman ang mga ito sa ginagawa at saka nilingon siya.
"Good morning, Ianah. Kumusta ang tulog mo?" Nakangiting tanong sa kanya ni Lea.
"Good morning, Aya. Halika at mag-kape muna," pag-aya sa kanya ni Railey.
"Good morning, ate Aya." Inaantok na bati sa kaniya ni Chelsea.
Ngumiti naman siya at tipid na tumanggi sa alok ni Railey.
"Ayos lang naman ang tulog ko." Sagot niya kay Lea nang mapalapit siya sa gawi nito nang tinungo niya ang kitchen sink.
Nagsalin lamang siya ng tubig sa may sink dahil malinis din naman ang tubig dito.
Halos mabulunan siya sa iniinom ng tubig nang mapa-ubo siya.
"Ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Lea sa kanya, saka inabutan siya ng paper towel.
Tumango naman siya habang tinanggap ito at pinunasan ang bibig.
"Namumutla ka yata, Ate Aya." Puna ni Chelsea nang makita ang complexion niya.
"Ayos lang ako. Nga pala, alis muna ako para gisinging ang mga bata at makapaghanda na," paalam niya sa kanila.
"Sigurado ka bang ayos ka lang? Baka nalamigan ka kahapon at hindi mo lang sinasabi sa'min. Grabe rin talaga ang trip kahapon ni Young Master. Buti nalang talaga ay mabilis na nasagip ka ni Thomas." Sabi ni Railey sa kanya. Bahagya pa itong napa-iling-iling.
Napangiwi naman si Lea.
"Magpahinga ka nalang kaya muna, Ianah? Ang putla mo talaga." Pagsuhestisyon pa nito.
"Ayos lang talaga ako. Kaya ko pa naman." Pilit siyang ngumiti at tuluyan ng umalis sa kitchen.
Ngunit nang nasa ilang baitang pa lamang siya ng hagdan, bigla niyang naramdaman ang panlalamig sa batok. Ramdam din niya ang panghihina ng kanyang mga tuhod, at bahagyang dumilim ang paningin.
Mahigpit siyang napakapit sa barandilya ng hagdan nang halos mabuwal siya sa kinatatayuan.
Iniling niya ang ulo, upang maibsan ang hilong nararamdaman niya.
"What's wrong?" Isang pamilyara na mababang tinig ng lalaki ang narinig niya.
Tumingala siya at nakita ang bagong ligo at bihis na bihis na si Gerode.
"G-good morning po, Sir Gerode." Magalang niyang bati rito.
Hindi naman ito bumati sa kaniya ng pabalik, bagama't seryoso lang itong nakatingin sa kaniya.
"You look pale? Are you not feeling well?" pagtatanong nito sa kaniya.
'Gano'n na ba talaga ako sobrang kaputla?' Napa-isip siya.
Umiling siya.
"Hindi po. Ayos lang po ako." Pagsisinungaling niya.
Baka magsisi pa ito na tinanggap siya bilang nanny ng mga bata kung malaman nitong nagkasakit siya sa pangalawang araw palang na pagta-trabaho. Baka may masabi pa ito sa sarili na mahinang nanny ang nakuha nito para sa mga anak.
Mukhang hindi rin nito alam ang insidenting nangyari kahapon. Mabuti nalang talaga dahil baka magiging dahilan pa na mas lalong lalayo at hindi siya pagbubuksan ng loob ng mga bata kapag na-sermunan ang mga ito dahil sa ginawa.
Bumuntong-hininga ito. Puno pa rin ng pagdududa siyang tinignan.
Muli sana siyang hahakbang sa isang baitang nang maramdaman niya ang matinding pag-ikot ng kanyang paningin. Naramdaman din niyang nawalan ng lakas ang buo niyang katawan. At bago pa siya tuluyang bumagsak, naramdaman niya ang matikas na braso na pumulupot sa kanyang baywang upang siya’y saluhin.
"s**t! Are you okay? What's wrong?" puno ng pag-aalalang tanong sa kanya ni Gerode, ang huli niyang narinig bago siya tuluyang mawalan ng malay.