"ADALIA!"
Malayo pa lang ay dinig na ni Ada ang malakas na boses ng kaniyang tiya Linda. Binilisan niya ang paglalakad sa abot ng kaniyang makakaya.
"Tiya Linda," tugon niya sa limampu't apat na taong gulang na ginang na tumanda nang dalaga. Masungit ito. Iyon marahil ang dahilan kaya hindi ito nakapag-asawa. Mas matapang pa ang mukha nito sa lalaki.
"Bilis-bilisan mo at tanghali na," wika ni Linda.
Napabuntong hininga si Ada. Kasisikat pa nga lang ng araw.
"Dapat ay sinusulit mo na ang pagtulong sa akin. Kapag nanganak ka ay siguradong magiging isa ka nang palamunin. Dadagdag pa iyang magiging anak mo. Dios mio!" bulalas nito. "Kung hindi ka sana kumiringking. Kung nakinig ka sana sa akin—"
"Tiya, nandito na po ako," mahinahong putol ni Ada sa maagang paglilitanya ng kaniyang tiyahin. "Kahit manganak na ako, tutulong pa rin ako sa inyo. Hindi kami magiging pabigat ng anak ko. Magdodoble kayod pa nga ho ako." Inisip niya kung sasabihin niya na ba sa tiyahin ang kaniyang plano. Ngunit sa maagang init ng ulo nito, natitiyak niyang hindi pa ito ang tamang oras. "Kapag nanganak ako, magpapahinga lang ho ako ng isang linggo, tapos tutulong na ulit ako rito sa karinderya. Huwag ho kayong mag-alala, Tiya," aniya pa.
"Aba, dapat lang! Palaki nang palaki ang gastusin dito sa bahay. Alalahanin mong may malaki pa tayong utang."
Ang utang na tinutukoy ni Linda ay ang utang niya na aabot sa isang daang libo. Noong nakaraang taon ay nalugi ang karinderya. Kamuntikan na nga itong magsara. Ngunit nakahiram siya ng malaking halaga upang maibangon at mapalaki ang karinderya. Subalit kahit lumaki na nang bahagya ang karinderya ay hindi pa rin siya makaipon ng pambayad dahil sa kaliwa't kanang mga bayarin. Wala pa nga sa sangkapat ang nababayaran niya sa pinagkakautangan.
Pati si Ada ay kinakabahan sa tuwing magpupunta sa kanila ang maniningil. Bawat punta ng maniningil ay mas lalo itong nagiging agresibo. Mayamang negosyante raw ang may-ari ng lending business na pinagkakautangan ng kaniyang tiyahin. Hindi niya ito kilala. Ang pagkakautang ng kaniyang tiya Linda ang isa sa pinakamalaking hadlang sa mga plano niya. Hangga't hindi pa iyon bayad ay baka wala ring mangyari sa buhay niya.
Abala siya sa paghuhugas ng mga kubyertos kinagabihan. Halos hindi na niya makita ang lababo dahil sa laki ng kaniyang tiyan, at nangangalay rin kaagad ang kaniyang mga paa sa matagal na pagtayo. Ngunit kailangan niya pa ring kumilos dahil tatalakan siya ng kaniyang tiyahin at susumbatan. Mas gusto niya pang mapagod kaysa marinig ang mga paulit-ulit nitong sinasabi.
Nagsalubong ang kaniyang mga kilay nang may pumaradang magarang itim na kotse sa harapan ng kanilang karinderya. Lumabas doon ang isang matangkad na lalaki na may matipunong pangangatawan. Sa tingin niya ay nasa sengkwenta na mahigit ang edad nito kagaya ng kaniyang tiyahin.
Huminto muna siya sa ginagawa at lumabas upang tanungin ang lalaking iyon kung ano ang sadya nito.
"Magandang gabi ho, Sir," aniya. Pinagkiskis niya ang kaniyang mga palad. Intimidating ang lalaki. "Sino ho ba ang sadya nila? Pumara ho kayo sa harap ng aming karinderya kaya naisip ko ho na baka si Tiya Linda ang hinahanap ninyo."
"Siya nga," tugon ng lalaki. Malaki at malalim ang boses nito.
Na-imagine ni Ada ang boses nito kapag nagalit. Siguradong tutuwid ang baluktot.
"Ah, nasa loob ho si Tiya. Tatawagin ko siya para sa inyo," tugon niya. Tumalikod siya, at nang akmang babalik siya sa loob ng bahay ay nagkataon na lumabas naman si Linda.
Nakakunot ang noo nito. Marahil katulad niya ay nagtataka ito sa hindi inaasahang panauhin.
"Pumasok ka na, Ada," wika sa kaniya ng tiyahin. "Ako na ang bahala rito."
Tumango si Ada at sinunod ito. Nagtaka tuloy siya kung ano ang pag-uusapan ng dalawa. Ganyunman ay nagtuloy-tuloy siya sa pagpasok sa bahay.
"Sino po sila?" wika ni Linda sa estrangherong panauhin.
Ngumiti ang lalaki. "Napagod na ang tagasingil ko sa pagbabalik-balik dito. Naisip ko na kapag ako ang nagpunta rito ay baka magbago ang ihip ng hangin, at bayaran mo na ako."
Nanlaki ang mga mata ni Linda. Natakpan nito ang bibig. "Sa inyo ho ba ako may utang?" aniya.
Tumango ang lalaki. "Hindi pa nga pala ako pormal na nagpapakilala." Inilahad nito ang kamay kay Linda. "Ako si Leandro Clemente."
"Clemente?" Halos mabulol si Linda sa pagbigkas ng apelyido ng lalaki. Tinanggap niya ang kamay ng lalaki. "Kayo ang may-ari ng Clemente Shipping?"
Ngumiti ang lalaki. Nakuha ni Linda na ang ibig sabihin no'n ay oo.
"Kayo rin ang may-ari ng malaking restaurant at ng supermarket dito sa ating bayan. Tama ho ba?"
Muling ngumiti ang lalaki.
Napa-sign of the cross si Linda. Malaking tao ang kaniyang pinagkakautangan. Sampung beses na mas malaki kaysa kaniyang inaakala. Tila umalsa ang puso niya patungo sa kaniyang lalamunan.
"Negosyante ako, Linda," wika ni Leandro. "Kahit gaano pa kaliit ang perang hiniram sa akin, kailangan kong makuha iyon pabalik ano man ang mangyari."
"Magbabayad naman ho ako, Mr. Clemente," tugon ni Linda.
"Matagal nang overdue ang utang ninyo. Matagal ko na rin kayong pinagbibigyan."
"Bigyan pa ho ninyo ako ng kaunting panahon. Ibabalik ko ang pera ninyo."
Mataman siyang pinagmasdan ng lalaki.
"May isang paraan para mabayaran mo ako nang hindi ka naglalabas ng pera, Linda," wika ni Leandro pagkaraan.
Nagsalubong ang mga kilay ni Linda. "Paano ho?" aniya.
"Ang sanggol na isisilang ng pamangkin mo," tugon ni Leandro.
Napaawang ang mga labi ni Linda.
"Wala kaming anak ng aking asawa. Siguro oras na para magkaroon kami ng dagdag na miyembro ng aming pamilya," patuloy na wika ni Leandro. "Ano ang magiging kinabukasan ng magiging anak ng pamangkin mo sa klase ng inyong pamumuhay? I don't mean to insult you. Nagsasabi lang ako ng totoo. Kapag kami ang naging magulang ng sanggol, sigurado na ang maganda nitong bukas. At higit sa lahat, wala na kayong alalahaning utang. Bibigyan pa kita ng karagdagang halaga para mas mapalaki pa ang inyong negosyo."
Hindi makapaniwala si Linda sa naririnig. Labis na nakakatukso ang offer ni Leandro.
"Ano ang masasabi ninyo?" usisa sa kaniya nito.
Napalingon si Linda sa kaniyang bahay kung nakikita at naririnig ba sila ng pamangkin, ngunit hindi niya ito nakita. Marahil ay nagpapahinga na ito sa kwarto nito.
Muli siyang humarap kay Leandro at napalunok. "Payag ako," aniya. "Ako na Ang bahala kay Ada."
Lumapad ang ngiti si Leandro. "
Napangiti si Linda at saka nagbuntong hininga. "Madali ka pa lang kausap. Hindi ka magsisisi sa desisyon mo."
Nagkamay sila bilang silyo sa kanilang kasunduan.
Ang hindi nila alam ay narinig ni Ada ang lahat ng iyon. Sapo ang dibdib na inalihan ng matinding takot ay dahan dahang naglakad si Ada palayo mula sa kaniyang pinagtataguan. Pumasok siya sa bahay mula sa likod at nagtungo sa kaniyang kwarto.