MATINDING sakit ang bumalot sa puso ni Tyra habang nakatingin sa puntod ni Diamond. "Masaya ka na ba, Diamond? Masaya ka na bang nasaktan mo na naman ako sa pamamagitan ng pananakit mo sa taong mahal ko?" mapait na tanong niya rito. "Bakit kailangan kong pagdusahan ang ginawa mo sa sarili mo? You killed yourself, Diamond! At alam nating lahat na kung anuman ang naranasan mo noon ay ikaw lang din ang may gawa sa sarili mo!" galit na sumbat niya rito.
Ang totoo, dahil sa pagmamahal niya sa pinsan niya, inako niya ang lahat ng kasalanan...
Nakaramdam siya ng matakot nang makita si Diamond na nagha-hum habang kinakalbo ang isang kawawang dalagita na patuloy lang sa pag-iyak. "Diamond, anong ginagawa mo?"
Nakangiting nilingon siya ni Diamond. "Tyra, look! Ito 'yong babaeng nagpasaring sa'yo. Tinuruan ko lang siya ng leksyon na gumalang sa head mistress ng Beta Sigma."
Napasinghap siya nang makilala ang kawawang babae. "Diamond, si Jillian 'yan! Ang nakababatang kapatid ni Jack na frat leader ng Delta Omega!" Iyon ang kalabang frat ng Alpha Kappa ni Tyrone.
Ang totoo niyan, si Diamond ang pinakabayolente sa Beta Sigma. Alam niyang hindi na normal na gustung-gusto nitong nananakit ng ibang tao, pero hinahayaan niya ito dahil umaasa siyang magbabago ito dahil sa pagmamahal niya rito. Pero mukhang mali siya sa ginawa niyag pag-tolerate dito.
"Diamond, tama na 'yan," awat niya rito.
"Okay," masiglang sagot nito. Pagkatapos ay sinakal nito si Jillian. "Ikaw. Kapag nagsumbong ka sa kapatid mo na ako ang gumawa nito sa'yo, babalikan kita, pati ang lahat ng mga kaibigan mo."
"Diamond!"
Binitawan ni Diamond si Jillian bago ito nakangiting humarap sa kanya. "Hihintayin kita sa labas, Tyra."
Pag-alis ni Diamond ay nilapitan niya si Jillian. Bakas ang matinding takot sa mukha nito. Namumula ang pisngi nito na halatang pinagsasasampal ni Diamond, at halos nakalbo na rin ang buhok nito sa ulo.
"Ako si Tyra Penelope Lopez, ang head mistress ng Beta Sigma."
Nag-angat ng tingin si Jillian sa kanya. "A-alam ko."
"Kaya kung sakaling dumating ang panahon na hindi mo na kayang itago sa kuya mo ang ginawa ng grupo ko sa'yo, ang pangalan ko lang ang banggitin mo."
Tinalikuran na niya ito. Sa labas ng lumang bodega na iyon ay nakita niya si Diamond na nagha-hum pa rin habang pinupunasan ng panyo ang talim ng gunting nito. No'n niya napatunayang may mali nga rito.
"Diamond."
Nag-angat ng tingin si Diamond sa kanya. Nakangiti ito. 'Tyra, nagustuhan mo ba ang ginawa kong paghihiganti para sa'yo?"
"Kailangan mong magpa-check up sa psychiatris ng pamilya natin."
Bumakas ang matinding gulat sa mukha nito. "Psychiatris? Tyra, iniisip mo bang baliw din ako gaya ng mama namin ni Dylan?"
"Iyon ang pinapakita mo sa'kin, Diamond."
Gumuhit ang matinding paghihinanakit sa mga mata nito. "Hindi ko akalaing tulad ka lang pala ng mga taong nang-api sa'min noon, Tyra! Akala ko, iba ka sa kanila! Ayun pala, baliw din ang tingin mo sa'kin!"
Kinunsulta niya noon ang psychiatris nila noon. Ang sabi nito ay na-trigger marahil ang pagkabaliw ni Diamond dahil sa kalupitan na naranasan nito noong bata pa ito, kaya naman nang makaramdam ito ng kaligtasan sa kanya ay ginusto nitong makapaghiganti sa iba.
Isang malaking pagkakamali nga marahil ang talikuran niya ito imbis na tulungan. Akala niya, kung malalaman nitong kaya niya itong tiisin ay matatakot na itong gumawa ng masama. But instead, she killed herself.
Nang umalis kasi siya sa unibersidad nila ay binalikan si Diamond ng mga taong sinaktan nito noon. Gumawa siya ng deal. Kung sasama ito sa bago niyang unibersidad at kalilimutan na ang pananakit sa ibang tao, poprotektahan niya ito. Pero nagmatigas si Diamond. Hanggang nga sa magpakamatay na ito.
Napaluhod siya habang umiiyak. "I'll stop loving Colin. Kaya nakikiusap ako sa'yo, 'wag mo na uli siyang sasaktan. Please."
Niyakap siya ni Dylan. "Tama na, Tyra. Mas makakabuti kung lalayo ka na lang kay Colin para pareho kayong hindi masaktan. Sumama ka sa'kin."
Nilingon niya ito. "Sumama sa'yo?"
"Come with me in the States, Tyra."
***
NAGULAT si Tyra nang pagpasok niya sa private room ni Tyrone ay sinalubong siya ng isang bola ng baseball. Mabuti na lang at naiwasan niya iyon. Tinapunan niya ng masamang tingin ang nagbato niyon sa kanya. "Smoke."
Sumaludo si Smoke sa kanya. Naka-de-kwatro ito sa maliit na couch. "Yo, Tyra."
Si Smoke ang kanang-kamay ni Tyrone noon sa Alpha Kappa. Ito ang pinakamapanganib ng miyembro ng frat. Ngayon ay isa na itong sikat at professional na baseball player.
"Ngayon lang uli kita nakitang bumisita kay Tyrone," sabi niya bago umupo sa stool sa tabi ng kama ng natutulog na si Tyrone.
"I was in New York. But the tournament is over now so I came. Kapag nakita ka ni Tita, tiyak na paaalisin ka lang niya," anito na ang tinutukoy ay ang ina ni Tyrone.
"Hindi ako magtatagal. Magpapaalam lang naman ako kay Tyrone." Tinapunan niya ng malamig na tingin si Smoke. "Kung puwede, tumahimik ka lang d'yan."
Ngumisi ito, saka z-i-n-ipper ang bibig.
Hinawakan niya ang kamay ni Tyrone. Mainit iyon, patunay na kahit wala itong malay ay buhay pa ito. "Tyrone. I'll be leaving for the States with Dylan. But even though I'm away, I'll always be praying for your safety and recovery. So please..." Hinalikan niya ang likod ng kamay nito. "Wake up soon, Tyrone."
Nagdesisyon siyang umalis ng bansa kasama si Dylan. May pakiramdam siyang hindi siya titigilan ni Colin kung nakikita pa rin siya nito, kaya siya na ang lalayo. Kung totoo man o hindi ang sumpa ni Diamond, kailangan pa rin niyang siguraduhing ligtas si Colin.
Pumikit siya at taimtim na nagdasal. Habang hawak ang kamay ni Tyrone ay naramdaman niya ang mahinang pagpisil nito sa kamay niya. Iminulat niya ang mga mata niya, tila wala namang nagbago kay Tyrone kaya naisip niyang siya lang siguro ang nag-isip na gumalaw ito sa pagnanais niyang magising na ito.
Tumayo na siya. "Aalis na ko, Smoke. Ikaw na ang bahala kay Tyrone."
"Hindi mo na kailangang sabihin 'yan. I'll protect my master at all cost."
BUMUNTONG-hininga si Colin paglabas niya ng kuwarto kung saan tinanggal ng doktor ang stitches niya sa noo. Kinapa niya ang sugat sa noo niya. Hindi na 'yon masakit, pero 'yong sakit na dulot ni Tyra sa puso niya, hindi pa rin nawawala.
Ayaw niyang paniwalaan na hindi siya mahal ni Tyra. Pero sa pagtataboy nito sa kanya, nahihirapan na siyang magtiwala sa pagmamahal nito sa kanya. But that didn't mean that he would give up easily. Kung kinakailangan niyang magpaalipin dito, gagawin niya.
Habang naglalakad siya sa pasilyo ng ospital ay may narinig siyang malakas na sigaw. Nilingon niya ang pinanggalingan ng ingay. Isang lalaki ang pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng isang lalaki at isang ginang.
"Bitawan niyo ko! I need to see her!"
"Anak, kagigising mo lang! Hindi ka pa puwedeng kumilos ng kumilos!" nag-aalalang sigaw naman ng ginang.
"Mom, you don't understand! I need to see Tyra! She's in danger!"
Natigilan siya nang marinig ang pangalan ni Tyra. Iba ang kutob niya kaya nilapitan na niya ang lalaki. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino iyon. "Tyrone?"
Mas pumayat lang ng kaunti si Tyrone, at nakakapanibagong makita itong nakakapit sa ibang tao para makatayo dahil sa tigasin nitong imahe noon.
Tumigil sa pagwawala si Tyrone at kunot-noong nag-angat ng tingin sa kanya. "Sino ka?"
"Ah, hindi mo na ko nakikilala pero ako si Colin. Colin Lincoln Arellano."
"'Yong matabang binatilyo noon?" hindi makapaniwalang tanong naman ng isang lalaki na may hawak kay Tyrone. Kung tama ang pagkakaalala niya, si Smoke iyon na pinakamalupit sa Alpha Kappa noon.
Ngumiwi siya. "Ako nga ang matabang binatilyo na 'yon."
"Colin..." Biglang kumapit sa mga balikat niya si Tyrone. "Colin. You're close with Tyra, right? Tell me, alam mo ba kung nasaan siya?"
Lalo siyang napasimangot. "Tinaboy na ko ni Tyra."
Gumuhit ang frustration sa mukha nito. "Kung gano'n, hindi mo alam kung nasaan siya?"
"Hindi ko siya malapitan. Parating nakaharang 'yong pinsan niya."
"Pinsan?" Kumunot ang noo nito. "Si Dylan?"
Nagtaka siya dahil sa takot na dumaan sa mga mata ni Tyrone. Binunggo na ng kakaibang kaba ang dibdib niya. "Oo, si Dylan. Ano bang nangyayari, Tyrone?"
"f**k! Dalhin mo ko kung nasaan si Tyra! Nasa panganib siya!"
Parang nabingi siya sa narinig. "Ha?"
"Dylan is a criminal!"
***
TAPOS nang i-double check ni Tyra ang maleta niya nang mag-ring ang cell phone niya. Pangalan ni Colin ang nakita niya sa caller ID kaya pinatay niya ang cell phone niya.
Hila-hila na niya ang maleta niya palabas ng kuwarto niya nang tumunog naman ang telepono niya. Alam niyang si Colin iyon. Sinagot na rin niya para sa huling pagkakataon ay marinig niya ang boses nito.
"Coli –"
"Tyra, si Tyrone 'to!"
Napakurap siya. "Tyrone? Gising ka na!"
"Mamaya na tayo magkuwentuhan, Tyra. Kasama mo ba si Dylan?"
Nagtaka siya sa tanong nito, pero sumagot pa rin siya. "Oo. Nasa sala siya. Bakit?"
"You have to get away from him, Tyra! He's a criminal!"
"What?!"
"Listen to me carefully, Tyra. No;ng gabing nagkita tayo bago ako naaksidente, sinabi ko sa'yong may importante akong sasabihin sa'yo pero hindi 'yon natuloy dahil sinugod tayo ng Delta Omega ni Jack, para ipaghiganti ang ginawa ng Beta Sigma sa kapatid niyang si Jillian. Hindi nagkataon na nakita ka nila. Pinapunta sila ni Dylan do'n para magkaroon ng kaguluhan, at para kung sakaling may masamang mangyari sa'kin, iisipin ng lahat na dahil 'yon sa frat war. Pero hindi miyembro ng Delta Omega ang sumagasa sa'kin. Nakita ko kung sino ang nasa loob ng sasakyan – si Dylan!"
Napasinghap siya. "Totoo ba 'yan, Tyrone?"
"Sa tingin mo ba, magagawa kong magsinungaling sa'yo, ha, Tyra?"
Walang rason si Tyrone para magsinungaling sa kanya, lalo na't iyon ang naging sanhi ng pagkaka-coma nito. "Pero bakit naman niya 'yon gagawin sa'yo, Tyrone?"
"Dahil ako lang ang nag-iisang tao na nakakaalam ng ginawa niya kay Diamond."
"A-anong ginawa niya kay Diamond?"
"Hindi nagpakamatay si Diamond. Tinulak siya ni Dylan kaya siya nahulog mula sa rooftop!"
Nanlamig siya. Napaupo siya sa kama sa labis na panghihina dahil sa nalaman niya. "Dylan killed his own sister?"
"Oo, Tyra. Mahirap paniwalaan, pero totoong tinulak niya si Diamond. Aksidente lang ang pagkakatuklas ko sa ginawa ni Dylan. Narinig ko ang usapan no'n ng Beta Sigma nang nalaman ng mga ito ang tungkol sa pagpapakamatay ni Diamond. Ayon sa narinig ko, nag-plano pala si Diamond na saktan ka, katulong ng ibang miyembro ng Beta Sigma na na-brainwash nito. Dahil do'n, napaisip ako. Kung may masamang balak si Diamond laban sa'yo, bakit siya magpapakamatay? Hindi ko sinabi 'yon sa'yo dahil ayokong mag-alala ka, at dahil gusto kong makahanap ng ebidensiya bago ko sabihin sa'yo ang hinala ko. Lingid sa kaalaman mo, nagsagawa ako ng imbestigasyon. Nagtungo ako sa unibersidad mo. Nagtanong-tanong ako sa mga ka-eskwela mo kung nakita nila si Diamond ng araw na pumislit si Diamond sa unibersidad mo. Pero lahat sila, sinasabing nag-iisa lang si Diamond. Hanggang sa may ilang estudyante na iba ang sinabi kaysa sa mga nauna kong nakausap.
Ang sabi ng nakakarami, nakita nila si Diamond na umakyat sa rooftop. They described her, at tugma rin ang sinabi nila na naka-leather pants ito at puting T-shirt kung saan nakatatak ang simbolo ng Beta Sigma. Iyon ang suot ni Diamond nang magpakamatay ito. Pero may ilang estudyante na nagsasabing nakita nila si Diamond, pero ayon sa kanila, kulay dilaw ang suot nito. Nagtaka na ko no'n. Iisang tao lang ang tinutukoy ng mga ka-eskwela mong Diamond, pero magkaiba ang pag-describe ng mga ito sa suot ni Diamond. Imposibleng magkaroon ng dalawang Diamond, at imposible namang magpalit-palit pa siya ng damit ng araw na 'yon. Hanggang maisip ko ang nag-iisang tao na may parehong mukha ni Diamond. Ang kakambal niya – si Dylan."
Pasimpleng humawak siya sa dibdib niya. Pakiramdam niya, hindi na siya makahinga dahil sa mga naririnig niya. "Sinasabi mo bang nagpunta rin si Dylan sa unibersidad ko, bilang si Diamond?"
"Patpatin din si Dylan noon. Magsuot lang siya ng wig at magmake-up na gaya ng kay Diamond, magkamukhang-magkamukha na sila. Lalo na't hindi naman sila kilala ng mga kaeskwela mo, hindi malalaman ng mga ito ang pagkakaiba.
Ni-record ko ang mga sinabi ng mga estudyante noon bilang ebidensiya. Pero bago ko sabihin sa'yo 'yon, kinompronta ko si Dylan no'n. He broke down and confessed to me. Sinundan nga niya si Diamond no'n at tinulak ang kakambal niya. Hindi niya sinabi sa'kin ang dahilan.
Pero nakiusap siya sa'king huwag muna siya isusuplong sa mga pulis dahil gusto niyang siya ang personal na magsabi sa'yo ng nagawa niya. Dahil pinsan mo siya, naniwala akong tutupad siya sa sinabi niya. Pinagbigyan ko siya. But he betrayed me. Nang gabing nagkita tayo, dapat ay magpapakita din do'n si Dylan para ipagtapat sa'yo ang ginawa niya. Pero imbis na 'yon ang gawin niya, sinagasaan niya ko. Maybe he wanted to kill me para manahimik ako."
Tumulo na ang mga luha niya. "Hindi ako makapaniwalang magagawa niya 'yon."
"Tyra, alam nating may lahing baliw ang kambal. Hindi ko alam kung anong nag-trigger kay Dylan para lumabas ang kabaliwan niya, but he's out of his mind! He has a very dangerous criminal mind! You have to escape from him! Papunta na kami ni Colin sa bahay mo."
Lumukso ang puso niya sa narinig. "Si Colin? Kasama mo si Colin?"
"Yes, and he's driving the car. Please, ingatan mo ang sarili mo hangga't wala pa kami d'yan."
Bago pa siya makasagot ay bumukas na ang pinto ng kuwarto niya. Niluwa niyon si Dylan na tila may tinatago sa likuran nito. Nakangiti ito, pero pagkatapos ng mga nalaman niya, kinilaubutan na siya.
Pinunasan niya ang mga luha niya. "I'm gonna miss you, Lou. I'll call you as frequently as possible," aniya upang hindi mahalata ni Dylan na alam na niya ang lahat.
Pumasok na si Dylan sa kuwarto niya. "Hmmm... who are you talking to, Tyra?"
Tinago niya sa likuran niya ang mga nanginginig niyang kamay. Pilit siyang ngumiti. "S-si Lou 'yon. Kaibigan ko."
"You're lying." Ikiniling nito ang ulo nito sa kaliwa, pagkatapos ay nilabas nito ang kanina pa nito tinatago sa likuran nito – ang wireless phone niya sa sala! "I heard everything, Tyra."