KABANATA 18

4071 Words
KABANATA 18 “Okay na ba lahat? Pwede na tayong umalis?” tanong ni Mommy na nakasakay sa harap ng van, katabi si Inah. Si Dad naman ang driver namin. “Ready na, Tita! Wooo! Beach! Beach!” sigaw nina Phil. Masyadong excited! Nasa first row na upuan sila. “Yehey! Happy Birthday to me!” sigaw naman ni Inah. Ang pinaka-excited ata sa lahat. “Okay ka lang ba d’yan?” tanong naman ni Jeff kay Kristine. Sa second row sila nakaupo, katabi kami ni Jade. Ang pwesto namin, si Kristine, si Jeff, ako at si Jade. “Okay lang ako,” matipid na sagot ni Kristine. Mukhang nahihiya pa siya sa ‘min. Nagkaayos na nga pala sina Jade at Krsitine. Nagkausap na sila pero medyo may ilangan pa rin. ‘Di naman kasi agad-agad maibabalik ‘yung dating samahan nila. Medyo madilim pa nang bumiyahe kami, pero mayamaya, pasikat na rin ‘yung araw. Mga inaantok pa kami. Si Inah nga lang ata at sina Phil at Mico ang mukhang mga ‘di inaantok. Si Inah daldal nang daldal. Sinasabi kay Mommy at Daddy ‘yung mga gagawin niya mamaya pagdating sa beach, sina Phil gano’n din. Tanong nang tanong kung may motor boat daw ba, banana ride, pwede raw ba mag-scuba o snorkling. Oo naman ako nang oo, kasi meron naman doon. Si Jade, inaantok na rin kasi bumabagsak na ‘yung ulo niya. Pagbaling nga ng ulo niya sa kanan, tumama ‘yung gilid ng noo niya sa bintana. “Aww…” napahawak agad siya sa noo niya at hinimas ‘yung parteng tumama. “Ayos ka lang?” natawa siya sa tanong ko, malamang kasi ‘di ang sagot. Nauntog siya eh. “Masakit,” hinihimas pa rin niya ‘yung noo niya. “Dito ka,” iniunat ko ‘yung braso ko. Ipinatong ko ‘yung ulo niya sa balikat ko, at hinawakan ko siya sa braso. “Tulog ka na.” Tumingala siya para tingnan ako at bumulong. “Thanks,” tapos binaba na niya ulit ‘yung ulo niya para matulog. Naisip ko tuloy kung si Jasmine kaya ang kasama ko, ganito rin kaya kami? Dahil tahimik lang ako habang nasa byahe ‘di ko napansin na nakatulog na rin pala ako at nagising na lang ako sa liwanag na tumatama sa mukha ko tapos bigla ring nawawala. Nang idilat ko ‘yung mga mata ko, si Mico pala kinukuhanan kami ng picture ni Jade. “Mico loko ka. Tigilan mo nga ‘yan!” tinatakpan ko ‘yung mukha ko kasi tuloy pa rin siya sa pagkuha ng pictures namin. “Sumusunod lang sa utos,” nakangiting sagot niya sa ‘kin. “Jared, huwag mong takpan ‘yung mukha mo!” sigaw ni Mommy na nasa harapan ng van. Sabi na, si Mommy ang nag-utos kay Mico. “Humanda ka sa ‘kin mamaya Mico,” banta ko. “Hala! Bakit? Inutusan lang naman ako ng Mommy mo! Tita oh...” makasumbong naman si Mico. Si Mommy naman sinuway ako, dahil ang cute, cute raw namin ni Jade habang natutulog kaya pagbigyan ko na raw siya. Kinikilig pa nga si Mommy habang sinasabi ‘yun. “Kuya cute! Sweet, sweet kay Ate Jade,” sabi naman ni Inah. Ang Dad, natatawa lang. Biglang kumilos si Jade. Nag-alala tuloy ako na baka magising siya. “Magigising si Jade sa inyo,” saway ko sa kanila. Pero ‘di naman siya nagising, umayos lang ng pwesto tapos yumakap pa sa ‘kin. “Eeee! Daddy! Tingnan mo sila,” sabi ni Mommy na panay ang kalabit sa balikat ni Dad. “Mommy, nagmamaneho ako, gusto mong mabangga tayo? Picture na lang nang picture,” sagot naman ng Dad. “Mico, picture pa,” utos ni Mommy kay Mico. Sumunod naman si Mico. “Mommy...” kung ‘di lang nakasandal si Jade sa ‘kin hinablot ko na ‘yung camera kay Mico. Sila lang ang magulo sa van kasi ‘yung iba tulog. ‘Di ko na lang sila pinansin. Magsawa sila kaka-picture sa ‘min ni Jade. At tama nga ako nagsawa rin sila, at nakatulog na ulit ako. Ginising na lang kami nina Mommy nang nasa beach house na kami. “Jared, gising na. We’re here na.” Nang magising ako, ginising ko na rin si Jade. Dahan-dahan naman siya dumilat. “Nandito na tayo,” sabi ko sa kanya. “Naku, matagal ba ‘kong nakatulog? Hindi ka ba nangalay sa ‘kin?” tanong niya sa ‘kin sabay hawak sa balikat ko. Baka raw nangalay ‘yung balikat ko sa tagal ng pagkakatulog niya. “Ayos lang, nakatulog nga rin ako.” Bumaba na ‘ko ng sasakyan at tumulong sa pagbababa ng mga gamit namin. Gano’n din si Jade. Tapos pumasok na kami sa bahay na bitbit ‘yung mga gamit namin. Sumalubong agad sa ‘min si Manang, ang caretaker nitong beach house. “Magandang umaga po mga sir, ma’am,” bati nila sa ‘min. Tinulungan niya kami na ipasok lahat ng mga dala naming gamit. Inutusan naman ako ni Mommy na samahan na sa taas ang mga kaibigan ko at ituro sa kanila kung saan ‘yung mga magiging kwarto nila. Ang magkasama sa kwarto, sina Phil at Mico, kami ni Jeff at sina Kristine at Jade. Tinanong ko nga si Jade kung ayos lang sa kanya na kasama niya si Kristine. Ayos lang naman daw sa kanya. Alangan naman daw kami o si Jeff ang kasama niya. Ayos na sila ni Kristine, pero sigurado raw siya na magkakailangan pa silang dalawa. Habang nasa kwarto naman kami ni Jeff at inaayos ‘yung mga gamit namin, tinanong ako ni Jeff tungkol kay Jade, dahil pati pala siya napapansin ‘yung pagbabago sa pakikitungo ko kay Jade. ‘Di ko sinabi sa kanya ‘yung dahilan. Tulad ng sinabi ko kay Jade, sinabi ko sa kanya na marami lang akong iniisip kaya ako gano’n. “Basta bro, kung may problema ka, nandito lang ako ah,” tumango lang ako kay Jeff at nagpasalamat. Nang matapos kaming mag-ayos ng gamit, pinababa na kami ni Mommy para kumain. Lahat sila nakaupo na paikot sa lamesa, ako na lang ang hindi pa nakaupo at ang tanging bakanteng upuan ay nasa tabi ni Jade. “Jared, upo ka na. Dito ka sa tabi ni Jade,” sabi ni Mommy sa ‘kin, kaya naglakad na ‘ko palapit sa lamesa at naupo sa tabi ni Jade. Kasabay din naming kumain si Manang pati na rin ‘yung kambal na apo niya. “Lola, gusto ko po nun! Gusto ko po ng prayd (fried) chicken!” sabi ni Kiko, ang isa sa kambal. Tinuturo pa niya ‘yung manok, at ang gusto niya ay ‘yung hita ng manok. “Ako lola ‘yun po gusto ko,” sabi ni Aya, kakambal ni Kiko. Pakpak naman ng manok ang gusto niya. “Ang cute naman nila. Ilang taon na po sila?” tanong ni Jade. “Payb (five) years old na po sila,” sagot ni Manang. “Pareho po?” tanong ulit ni Jade. “Oo, kambal kasi sila,” nang sabihin ni Manang ‘yun, biglang nalungkot si Jade. “Uhm, okay po,” ‘yun lang ang naisagot ni Jade at matipid niyang nginitian si Manang. Abala sa kwentuhan at pagkain ang lahat. Ako lang siguro ang nakapansin sa reaksyon ni Jade. “Ayos ka lang?” tanong ko sa kanya. “Okay lang. Kain na lang tayo,” sabi niya na may pilit na ngiti. Alam ko kung sino ang naalala niya nang marinig niya ‘yung salitang kambal, kasi siya rin ang naalala ko. Si Jasmine. Pagkatapos naming kumain, si Inah nakipaglaro sa kambal na sina Kiko at Aya. Sina Jade at Kristine naman kasama si Mommy. Mag-uumpisa na raw silang magluto para sa handa ni Inah mamaya. Si Daddy naman umalis para bumili ng cake ni Inah. Wala na kasing time si Mommy mag-bake sa dami ng plano nilang lutuin. Sina Phil at Mico nauna na mag-swimming. Tapos si Jeff pala kasama rin nina Mommy, syempre laging nakabuntot kay Kristine. Wala akong magawa. Ayoko pang mag-swimming, ‘di rin ako inaantok kaya lumabas na lang ako para maglakad-lakad at magpahangin. Naupo ako sa ibabaw ng isang malaking bato. Mula sa pwesto ko, kita ko sina Phil at Mico na sinusubukang lunurin ang isa’t isa. Lakas ng trip nilang dalawa, pero buti pa sila masaya at walang iniisip na problema. ‘Di tulad ko. Ano nga ba kasi itong nararamdaman ko? Sino ba talagang gusto ko? Si Jade ba o si Jasmine? Pero paano ko pa malalaman, kung wala na ‘yung isa? Hay, ang hirap naman. ‘Di lang sa puso masakit pati sa ulo. Ayoko na magpaka-emo mag-isa kaya naisip ko na lang na bumalik sa loob ng beach house. Pupunta na lang ako sa kwarto at maghahanap ng kahit na anong pwedeng gawin. Wala ako sa sariling naglalakad papasok nang may makabungguan ako. Si Jade pala. Sa lakas ng pagkakabunggo ko sa kanya, na-out of balance siya at muntik matumba kaya hinawakan ko agad siya pero pati ako natumba. Ang bilis ng pangyayari, nakita ko na lang ‘yung sarili ko, nasa ibabaw na ‘ko ni Jade at ‘yung mukha niya ang lapit-lapit sa mukha ko. Si Jade nakatitig lang sa ‘kin, kita sa mukha niya ‘yung pagkagulat, nanlaki kasi ‘yung mga mata niya. Ako rin naman nagulat kaya napabangon agad ako sa pagkakadagan ko sa kanya at umupo sa sofa kung saan kami bumagsak na dalawa. “S-sorry... Nasaktan ka ba?” tanong ko sa kanya habang ‘di ako makatingin. Umayos na rin siya ng pwesto at umupo. “O-okay lang ako,” buti na lang sa sofa kami bumagsak at hindi sa sahig. Nasa kalagitnaan kami ng napaka-awkward na sitwasyon nang parang may mga flash na naman akong nakita. Pagtingin ko kung saan galing, “Mommy!” Tumawa lang si Mommy at tumakbo paalis, pabalik ng kusina. Sana ‘di niya nakunan ng picture ‘yung pwesto namin ni Jade kanina. Nakaalis na si Mommy, pero naiwan kami ni Jade na nakaupo sa sofa at nagkakailangan pa rin. “S-sorry ulit… Hindi kita nakita… Papanik dapat ako eh. Sige, maiwan na kita d’yan,” paalam ko sa kanya. “Sige, hanapin ko naman sina Inah,” nahihiyang sagot niya. Tumango naman ako, tumayo saka naglakad paalis at gano’n din siya. Habang naglalakad ako, napahawak ako sa dibdib ko. Bigla kasing bumilis ‘yung t***k. “Siguro nabigla lang ako nang magkabunguan kami ni Jade kanina. Oo, baka gano’n nga o baka naman… Ah, ewan!” bulong ko sa sarili ko. Naglakad na ‘ko papanik ng hagdan. Pumasok na lang ako sa kwarto, at saka humiga sa kama. Pinikit ko ‘yung mga mata ko para matulog, pero pagkapikit na pagkapikit ko pa lang, mukha ni Jade ang biglang pumasok sa isip ko. Napadilat tuloy ako. Jared… Jared… Ano ba? Ideretso mo nga ‘yang utak mo! Hanggang kailan ka ba malilito? Jasmine pa rin ba o Jade na? Bumangon ako mula sa pagkakahiga ko. Naisip kong puntahan si Jade, pero nang bubuksan ko na ‘yung pinto bigla kong naisip kung ano namang sasabihin ko kay Jade. Kaya ‘di ko na lang tinuloy at bumalik na lang ako sa pagkakahiga sa kama. Pero sa tuwing ipipikit ko pa rin ‘yung mga mata ko, ‘yung nangyari pa rin kanina ang nakikita ko. ‘Yung mukha ni Jade. ‘Yung mga mata niyang nakatitig sa ‘kin. ‘Yung cute niyang ilong. ‘Yung pisngi niya na pink at ‘yung labi niya. ‘Yung labi niya na parang... parang ang sarap halikan. “Teka, ano ba ‘tong iniisip ko? Kung nakikita lang ni Jade ‘yung laman ng utak ko, baka nasampal na ‘ko. Tsk, tsk! ‘Wag kang manyak Jared. ‘Di ka pa nga sigurado sa nararamdaman mo, halik agad? Argh! Para na ‘kong siraulo na kinakausap ‘yung sarili ko.” Nasa ganung ayos ako nang may kumatok sa pinto. “Jared...” Si Jade. Tsk! Ano’ng gagawin ko? Magtulug-tulugan kaya ako? Oo tulog ako. Kumatok uli siya. “Jared...” Pero kakapanik ko pa lang. Imposibleng tulog agad ako. Nasa banyo ako. Oo, tama! Nasa banyo ako. At parang nakaramdam nga ako ng pag-ihi. Pababa na sana ‘ko ng kama nang sumabit ‘yung kumot sa paa ko. Sakit ng pagkabagsak ko sa sahig. “Awww... Nangyari na ‘to dati ah,” sa tuwing natataranta ako kay Jade, ganito ang nangyayari sa ‘kin. “Jared, okay ka lang? Jared? Papasok na ‘ko ah.” Kahit ang sakit pa ng paa ko, napatayo agad ako sabay upo sa kama. Unti-unting bumukas ‘yung pinto at sumilip si Jade. Nginitian ko naman siya, kahit pilit, kasi ang sakit pa rin ng paa at tuhod ko. “Jared, okay ka lang? May narinig kasi akong kalabog.” “Ah, oo... ayos lang ako. May... may nahulog lang,” palusot ko, kahit sa totoo lang gustong-gusto ko nang himasin ‘yung masakit sa ‘kin. “Gano’n ba...” “Bakit ka nga pala nandito? May kailangan ka ba?” “Pinapatawag ka kasi ni Tita, sabi niya umpisahan n’yo na raw mag-ihaw.” “Sige, pakisabi kay Mommy bababa na ‘ko. Thanks, Jade!” “Okay,” tapos umalis na si Jade, at saka ko lang nagawang himasin ‘yung paa at tuhod ko. Tumayo pa ako at sinubukang ilakad. Ayos naman. Buti hindi gano’n kasama ‘yung bagsak ko. Tumalon-talon pa ‘ko para siguradong ayos lang ‘yung paa ko. Nang ayos na, bumaba na ‘ko para gawin ‘yung inuutos ni Mommy. Paglabas ko, si Jeff kasama ‘yung mga bata. Mukha tuloy siyang yaya nina Inah. Sina Mico naman inumpisahan na pala ang pag-iihaw. “Ako na d’yan,” sabi ko kina Mico. “Sure ka, pare?” tanong nila sa ‘kin. “Oo, ako na mag-iihaw nang makapag-swimming na kayo ulit. Halata naman sa inyo na mas gusto n’yong maglunuran doon kesa mag-ihaw,” naabutan ko kasi silang nagtuturuan pa kung sino’ng mag-iihaw. “Yes! Sure ka talaga Jared ah? Baka mamaya hindi mo kami pakainin,” naninigurado pang tanong ni Mico. Basta pagkain talaga. “Oo nga! Sige na, doon na kayo,” sabay turo sa dagat at wala nang pinalampas ‘yung dalawa. Takbo agad para mag-swimming ulit. Nang tapos nang lutuin ang lahat ng pagkain at si Dad nakabalik na galing sa pagbili ng cake ni Inah, hinanda na namin sa labas, sa may mga picnic tables malapit sa tabing dagat ‘yung pagkain. “Happy Birthday to you. Happy Birthday to you. Happy birthday, happy birthday, happy birthday Inah!” kinantahan naming lahat si Inah. Habang si Dad ang kumukuha ng video. “Make a wish! Make a wish!” tuwang-tuwang sabi ni Mommy. Ako naman binuhat ko si Inah, para ilapit sa cake at mahipan niya ‘yung candles, kasi nasa pinaka-gitna ng table ‘yung cake at ‘di abot ni Inah. Pumikit pa ‘yung kapatid ko, at ang tagal mag-wish. Pagkadilat niya, sabay blow sa candles. “Ano’ng wish ng baby ko?” tanong ni Mommy. “Secret po Mommy!” sagot ni Inah. Tawanan tuloy kami. “Halika na kayo, kain na tayo,” sabi ni Dad. Kaya kanya-kanya nang kuha ng pagkain. Si Mico at Phil, walang pakialam sa paligid, sige lang ang kain. Samantalang si Jeff si Kristine ang inaasikaso at si Mommy inaasikaso si Inah. Si Manang nasa pagitan na naman ng kambal niyang apo at nangungulit pa si Kiko na gusto rin daw niya mag-blow ng candle na nasa cake. Si Jade, tahimik lang na parang ang lalim ng iniisip. “Jade,” wala siyang kibo, parang ‘di ako narinig kaya tinawag ko siya ulit. “Jade.” “Ah, huh?” “Ang tahimik mo. Ayos ka lang?” “Oo, okay lang ako. Ang sarap ng food ‘no?” sagot niya sa ‘kin sabay subo, kaya kumain na lang din ako. Pagkatapos naming kumain, balik sa pag-swimming sina Mico. Habang ‘yung iba naghanda na rin para mag-swimming. Kami ni Jade nakatayo lang malapit sa tabing-dagat, may dalawang dipa rin siguro ang layo namin sa isa’t isa. Pareho kaming nakatingin sa dagat. “Jade, tara swimming na tayo!” yaya ni Mommy. “Sige po Tita, kayo na lang po muna.” “Ayaw mong mag-swimming? Sayang naman ‘yung swimsuit mo. Dali na para makita ni Jared,” tumawa nang mahina si Mommy, at kahit pabulong ‘yung huling sinabi niya, dinig ko pa rin. “Tita…” sagot ni Jade at napatingin sa ‘kin. Ako naman umiwas na lang ng tingin, kunwari wala akong narinig na sinabi ni Mommy. “Dali na, dali na... Swimming na,” pinipilit pa rin ni Mommy si Jade, pero tumanggi pa rin siya. “Mommyyyy! Let’s swim na!” sigaw ni Inah, habang patakbo palapit kina Mommy at nang makalapit na siya, humawak sa kamay ni Mommy at hinahatak na para makapag-swimming na sila. “Mommyyy… Let’s go na… I’m excited to swim na!” “Teka lang baby…” “Sige na po Tita, mukhang excited na po talaga si Inah mag-swimming,” kaya wala nang nagawa si Mommy kundi samahan na si Inah mag-swimming. Binilin na lang niya sa ‘kin na samahan ko si Jade. Naglakad ako papunta sa isang maliit na kubo malapit sa tabing-dagat para maupo. Sumunod naman si Jade sa ‘kin at naupo sa tabi ko. Ilang minuto rin kaming tahimik. Parang nagkakailangan kaming dalawa. Siguro dahil sa nangyari kanina, kaya ako na lang ang naunang magsalita. Tinanong ko siya kung bakit ayaw niya mag-swimming, ang sagot niya takot raw siya. “Takot? Takot ka sa tubig?” “Hindi kasi ako masyadong marunong lumangoy. Ikaw, baka gusto mo na ring mag-swimming? Okay lang naman ako rito.” “Hindi, sasamahan na kita dito at sigurado akong papagalitan ako ni Mommy ‘pag iniwan kita rito,” nangiti lang si Jade. “Turuan na lang kaya kitang lumangoy?” alok ko sa kanya. “Ha? Ayoko!” mabilis na sagot niya. “Grabe ka namang makaayaw, ‘di naman kita lulunurin,” biro ko sa kanya. “Sira! ‘Tsaka mahirap akong turuan, mahihirapan ka sa ‘kin.” “Magaling akong magturo. Si Jeff nga naturuan kong mag-basketball. Ikaw, tuturuan ko naman na lumangoy. Tara na!” hinawakan ko siya sa kamay niya at tumayo ako para hatakin siya papunta sa dagat. “Jared, ayoko.” “Tara na,” pilit ko pa rin siyang hinahatak, pero ayaw niyang tumayo. “Jared, ayoko nga.” “Pa’no ka matututong lumangoy kung ‘di ka mag-aaral lumangoy. Promise, ‘di kita bibitawan.” “Ayoko talaga,” matigas na sagot niya. “Kahit isang try lang?” “Ayoko, please Jared.” Mukhang takot nga talaga si Jade, kaya ‘di ko na siya pinilit. Pinanuod na lang namin lahat ng nagswi-swimming at nagkwentuhan na lang kami. “Sorry Jared ah...” sabi ni Jade sa ‘kin habang magkatabi pa rin kami sa kubo. Nakapatong ‘yung dalawang kamay niya sa magkabila niyang tuhod at nakatingin lang sa mga paa niya. “Para saan?” parang wala naman akong ginawa na dapat niya ihingi ng sorry. Inalis niya ‘yung tingin sa mga paa niya at tumingin sa ‘kin. “Kasi nandito ka. Imbis na nage-enjoy ka doon, nandito ka at sinasamahan ako.” “Sinong nagsabi na ‘di ako nag-eenjoy?”  “Wala lang. Nasa beach kasi tayo. Ang ginagawa sa beach, nagswi-swimming at hindi puro kwentuhan. Hindi ‘yung nandito ka at binabantayan ang isang tulad ko na takot lumangoy.” “Wala rin naman akong balak mag-swimming.” “Hmp! Sinungaling,” natawa ako sa pagkakasabi niya ng sinungaling, para kasi siyang nagtatampo at iniisip na napipilitan lang ako. “Totoo, nag-eenjoy talaga ako rito kasama ka. Ang tagal din natin ‘di nagkwentuhan nang ganito ‘di ba?” tumango naman siya. “Kaya ‘wag ka na mag-sorry d’yan.” Ngumiti naman siya. “Thanks.” Nang matapos na silang mag-swimming, nagsipaglinis na sila at nag-ayos. Nakahanda na rin ‘yung hapunan, kasi inasikaso na namin habang katulong namin si Manang. Pagkatapos kumain nagyaya manuod ng movie si Dad. Dahil sila ang pumili, action movie ‘yung pinanuod, kaya sina Inah, Kiko, at Aya ‘di interesado. Syempre ‘pag bata, ang gusto cartoons. Kaya sinamahan na lang sila ni Jade. Sabi ni Jade tuturuan daw niya sina Inah gumawag ng origami. Paminsan-minsan tinitingnan ko sila, at mukhang nag-eenjoy naman sila sa ginagawa nila. Lumapit pa nga si Inah sa ‘kin para ipakita ‘yung tinuro sa kanya ni Jade. Tinuruan kasi siya gumawa ng heart. “Kuya, heart raw ni Ate Jade,” pang-aasar ni Inah sa ‘kin. Kapatid ko talaga ang daming alam. “Inah, pasalamat ka birthday mo ngayon,” sabay kiliti ko sa kanya sa may tagiliran.  Malakas ang kiliti niya kaya tawa siya nang tawa hanggang sa magtatakbo na palayo sa ‘kin dahil ‘di na niya kaya. Tuloy lang kami sa panunuod, at sila Jade naman sa pag-oorigami. “Paperboat lang ‘yan... It won’t float!” narinig kong sabi ni Inah. “Hindi! Pwede ‘to. Lulutang ‘to sa tubig,” sagot naman ni Kiko. Mukhang nagtatalo sila kung lulutang ba sa tubig ‘yung bangkang papel o hindi. Nakakatawa ‘yung pinagtatalunan nila. ‘Di ko na lang pinansin at tuloy na lang ako sa panunuod. Mayamaya napansin ko si Jade paikot-ikot, tapos lumabas ng bahay. Parang ang tagal niya bumalik kaya lumabas na rin ako. Nasa labas na ‘ko nang makita ko si Aya tumatakbo at umiiyak. “Kuya Jared!” “Aya, bakit ka umiiyak?” “Si Ate Jade po Kuya,” iyak siya nang iyak tapos tumuturo sa dagat. Parang kinabahan ako bigla. Pagtingin ko kung saan tumuturo si Aya, nakita ko si Inah nasa tabing dagat at kung tama ‘yung kutob ko, si Jade at Kiko ‘yung nasa tubig. Alam kong nasa malalim na parte na sila ng dagat. Napamura tuloy ako nang ‘di sinasadya, naalala kong ‘di marunong lumangoy si Jade. “Tawagin mo sila sa loob, sabihin mo ‘yung nangyayari dito. Bilisan mo!” huling sinabi ko kay Aya, at saka ako nagtatakbo para puntahan sina Jade. Ang bilis ng takbo ko. Habang palapit ako, dinig ko na ‘yung sigaw ni Inah na may kasamang iyak. “Ate Jade! Kiko! Ate Jade!” sigaw nang sigaw si Inah, habang umiiyak. Nakikita ko rin si Jade, hirap na hirap siya na iangat sa tubig si Kiko. Inaangat niya si Kiko pero siya naman ‘yung lumulubog at naiinom na niya ‘yung tubig. Kahit ‘di siya marunong lumangoy, napilitan siya para iligtas si Kiko. Kitang-kita ko na nahihirapan na siya. Kaya lalo ko pa binilisan ‘yung takbo ko. “Jade!” sigaw ko. “Kuya help them! Save them!” sigaw ni Inah. Lumusong ako sa tubig pero dahil sa alon ng dagat, lalong lumalayo sina Jade sa ‘kin. Kaya ginamit ko talaga lahat ng lakas ko para marating ko agad sila. Halos ‘di ko na makita si Jade, pero si Kiko nakikita ko pa. Alam kong hawak pa rin siya ni Jade at pilit inaangat. “Mama!” sigaw ni Kiko, tinatawag ang Mama niya. Siguradong takot na takot siya. Nang makarating ako kina Jade binuhat ko agad si Kiko, hinawakan ko naman sa braso si Jade para iangat siya sa tubig.   Nang makita ko ‘yung mukha niya, nakapikit na siya. ‘Di siya umiimik, at ‘di siya gumagalaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD