KABANATA 20
“Sino kayang lalabas?” bulong ko sa sarili ko. Pero pagkakita ko pa lang sa kanya, nawala agad lahat ng kaba at pag-aalala ko.
“Jade!” Tinawag ko siya at mukhang nagulat pa siya nang makita niya ‘ko. Tumakbo siya agad para buksan ‘yung gate nila.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Baka makita ka ni Mama! Jared, umuwi ka na. Please, umalis lang sila, baka makauwi rin agad!” sabi niya sa ‘kin habang pinagtutulakan niya ‘ko paalis.
“Teka lang, Jade, pumunta ako rito kasi nag-aalala ako sa ‘yo. Gusto kitang makita, gusto ko malaman kung ayos ka.”
“Okay naman ako eh. Okay lang ako,” sagot niya sa ‘kin nang nakayuko.
“Okay ka ba sa lagay na ‘yan? Eh mugtong-mugto ‘yung mga mata mo,” halata ngang kagagaling lang niya sa pag-iyak. Inangat niya ‘yung ulo niya at nakita ko na nangingilid na ‘yung luha niya, kaya niyakap ko na siya at yumakap din siya sa ‘kin.
“Natakot ako Jared. Akala ko ilalayo nila ‘ko. Ikaw na lang ‘yung kaibigan ko eh. Ikaw na lang ‘yung kakampi ko,” sabi niya habang umiiyak. Hinimas ko na lang siya sa likod.
“Shh... Nandito na ‘ko. Sabi ko ‘di ba, ‘di ako aalis sa tabi mo kahit ipagtabuyan pa ‘ko. Ano na bang plano nila ngayon?” kailangan ko malaman kung ano’ng plano ng mga magulang niya para alam ko naman ‘yung gagawin ko.
Umalis muna siya sa pagkakayakap sa ‘kin at pinunasan niya ‘yung mga luha niya sa mukha. “Halika muna sa loob, baka may makakita sa ‘tin dito,” sabi niya sa ‘kin.
“Sige, pero ipaparada ko muna sa malayo ‘tong kotse ko, baka biglang silang dumating.”
“Hindi naman tayo magtatagal.”
“Pero mas mabuting sigurado ‘di ba? In case lang na dumating.”
“Okay.”
Sumakay na ‘ko ng kotse at ipinarada sa may kanto ‘yung sasakyan habang si Jade hinihintay ako sa may gate. Patingin-tingin siya sa paligid, halatang kabado siya. Nang maiparada ko na ‘yung kotse, naglakad na ‘ko pabalik sa kanya at sabay na kaming pumasok sa bahay nila.
Pagpasok ko ng bahay, magkahalong kaba na baka abutan ako ng mga magulang niya rito, pero masaya kasi kasama ko si Jade.
“Gusto mo ba ng juice? Ikukuha kita. Sandali lang naman kasi meron nang nakahanda sa ref.”
“Hindi na, sandali lang ako rito at ‘yung sandaling ‘yun gusto lang kita makita, makausap, makasama.”
Ngumiti lang siya, “Sige,” tapos sabay kaming naupo.
“‘Yung tanong ko kanina, ano’ng plano ng mga magulang mo ngayon?”
“Noong una ang gusto ni Mama ipadala ako sa Tita ko sa probinsya, at doon ko na raw ituloy ‘yung pag-aaral ko. Pero ang sabi ng Papa, last year ko na sa high school at mahihirapan daw ako kung ililipat pa ‘ko ng school, kaya imbes na i-transfer ako ng school, ikukuha nila ‘ko ng yaya. Kaya nga sila umalis ngayon para sunduin ‘yung magiging yaya ko.”
“Yaya? Ang laki mo na para mag-yaya. Ano ka one year old?” medyo biniro ko siya, napangiti naman siya.
“‘Yun na nga, pero gusto kasi ni Mama may bantay ako para bahay-school lang daw ako. Tsaka para…”
“Para siguradong ‘di ako makakalapit sa ‘yo?” ako na nagtuloy ng sasabihin niya.
“Oo, gano’n na nga. Pasensya ka na Jared ah. Nahihiya ako sa ‘yo pati sa pamilya mo. Pati ang Daddy nahihiya sa ginawa ni Mommy, kaso wala naman siyang magawa kasi mahal na mahal niya ang Mommy ko at kung may nakakaalam kasi ng hirap at sakit na pinagdaanan ni Mommy nang mawala si Ate Jasmine, ang Daddy ko ‘yon. Kaya imbes na kontrahin niya si Mommy, tahimik na lang siya. Buti na nga lang ‘yung pagpapadala sa ‘kin sa probinsya at pag-transfer ng school kinontra niya.”
“Ayos lang ‘yon, huwag kang mag-alala naiintindihan naman namin ‘yung naging reaksyon ng Mommy mo at masaya ako na ‘di ka na nila ilalayo sa ‘kin. ‘Yon nga lang, may bantay ka. Pero makikita pa rin naman kita sa school, at makakausap sa loob ng classroom kaya ayos na rin.”
“Oo nga, okay na ‘yon sa ‘kin.”
Tinanong ko rin siya kung sira ba ‘yung cellphone niya, kasi ilang beses ko siyang sinubukang tawagan pero laging naka-off, tapos ‘di rin siya nag-o-online. ‘Yon pala, kinuha ng Mommy niya ‘yung cellphone niya, pati raw computer pinagbawalan siyang gumamit at ‘di niya alam kung hanggang kailan siya pagbabawalan.
Nag-uusap pa kami nang mapatingin si Jade sa may bintana. “Parang may sasakyan,” tumayo siya at sumilip sa may bintana, kaya tumayo rin ako para tingnan. “Sina Mommy! Ang bilis naman nila!” natatarantang sabi ni Jade. “Jared, magtago ka!”
“Saan? Saan ako magtatago?” pati ako nataranta na rin.
“Sa likod ng bahay,” sabi niya habang tinutulak ako sa likod. “Ay hindi huwag diyan! Sa taas na lang,” hinila naman niya ‘ko papanik ng hagdan. “Sa kwarto ko! Doon ka muna sa kwarto ko,” sabi niya habang mabilis kaming papanik. Binuksan niya ‘yung pintuan ng kwarto niya at pumasok kaming pareho saka niya ni-lock ‘yung pinto.
“Saan kita itatago rito? Sa banyo? Sa ilalim ng kama? Saan?” natataranta pa rin siya kaya paikot-ikot siya sa kwarto.
“Jade, pati ako natataranta sa ‘yo.”
“Shhh… Huwag kang maingay. Baka marinig ka nila ‘tsaka nag-iisip ako kaya huwag kang magulo,” palakad-lakad pa rin siya sa kwarto niya at nag-iisip nang biglang may kumatok sa pinto na ikinagulat namin pareho.
“Jade anak, nandito na kami. Kasama na namin ‘yung magiging yaya mo,” Mommy pala ni Jade. “Jade, gising ka ba?” Nakita kong gumagalaw ‘yung doorknob, tiningnan siguro ng Mommy niya kung naka-lock. Sa taranta inutusan ako ni Jade na magtago sa cabinet.
“Ha?” Magkakasya ba ko doon? Tinulak na ‘ko ni Jade palapit sa cabinet at saka niya binuksan ‘yung pintuan ng cabinet.
“Pasok,” sumunod na lang ako sa kanya. Pumasok ako sa loob at pilit akong sumiksik sa pagitan ng mga nakasabit niyang mga damit.
“D’yan ka lang. Huwag kang gagawa ng kahit na anong ingay ah. Babalikan kita pag umalis na si Mommy, okay?” tumango na lang ako. Wala na ‘kong choice. Wala nang ibang lugar na pwede kong pagtaguan. Mas mabuti na ‘to kesa naman malaman ng Mommy niya na nandito ako sa kwarto ni Jade. Baka ituloy pa niya ‘yung pagpapadala kay Jade sa probinsya.
Sinarado na niya ‘yung pintuan ng cabinet. Narinig ko na lang ‘yung paglakad ni Jade at pagbukas niya ng pinto ng kwarto niya.
“Mommy.”
“Bakit ang tagal mong buksan ‘yung pinto?” tanong ng Mommy niya. Nagpalusot na lang si Jade at sinabing natutulog siya. Sinabihan rin siya ng Mommy niya na bumaba para makilala niya ‘yung magiging yaya niya.
Mukhang magtatagal ako rito sa loob ng cabinet. Ilang oras kaya ako rito? Sana bumalik agad si Jade. Nangawit ako sa pagtayo at nasisikipan ako sa mga nakasabit na damit kaya naupo na ‘ko sa loob, pero mukhang may naupuan ata akong parang box.
“Tsk! Nakasira pa ata ako ng gamit,” napailing na lang ako. Ang dilim naman kasi, kaya ‘di ko makita ‘yung mga gamit. Buti na lang dala ko ‘yung phone ko. Binuksan ko para maging ilaw ko sa loob at nang makita ko kung ano ba ‘yung naupuan ko.
Isang mainipis na box. Medyo nayupi siya, pero maaayos pa naman. Kinuha ko ‘yung takip ng box para ayusin, nang mapansin ko ‘yung laman nito.
“Ito ‘yung jacket na binigay ko kay Jasmine,” tiningnan ko ‘yung ibabaw ng takip ng box at may nakasulat ngang Jasmine. Itinago pala niya ‘yung jacket ko.
Kinuha ko ‘yung jacket mula sa box at may nakita pa ‘kong ibang laman nito. May ilang libro at isang salamin sa mata na kulay black ‘yung frame, ito ‘yung salamin na suot ni Jasmine sa picture na kasama niya si Jade. ‘Yung picture na nakalagay sa ibabaw ng drawer nila. Buti na lang ‘di nasira.
Dito siguro tinago lahat ni Jade ‘yung mga importanteng bagay na pagmamay-ari ng kapatid niya. At kasama ‘yung jacket ko? Ibig ba sabihin, importante rin ‘yon para sa kapatid niya? Ibig sabihin naging importanteng parte rin ako ng buhay ni Jasmine?
Huli man at ngayon ko lang nalaman at kahit ‘di ko alam kung gaano kahalaga ang naging papel nitong jacket para sa kanya, masaya pa rin ako kasi itinago niya pala.
Ibinalik ko na ‘yung mga gamit at inilagay ko na ulit ‘yung takip ng box. “Tulad ng pagtatago ni Jade ng mga gamit mo rito Jasmine, itatago ko rin sa puso ko ‘yung alaala mo sa ‘kin at pangako ko sa ‘yo aalagaan kong mabuti si Jade. ‘Di ko siya iiwan at hinding-hindi ko siya sasaktan.” Dahil sa iniisip ko, ‘di ko namalayan na may pumasok na pala sa kwarto. Nagulat na lang ako nang biglang bumukas ‘yung pintuan ng cabinet, napasandal tuloy ako.
Si Jade lang pala. Muntik pa mahulog ‘yung puso ko sa nerbyos.
“Jade! Ang bata ko pa pero magkakasakit ako sa puso sa ‘yo.”
“Shhh… Huwag ka maingay. Pasensya na. Halika na, labas na,” natatawa niyang sabi. Tinanong ko kung nasaan na ‘yung Mommy niya. Sabi niya nasa baba raw at kausap ‘yung yaya niya.
“Pwede na ‘ko lumabas?” tanong ko sa kanya habang palabas ako ng cabinet.
“Pwede ka nang lumabas d’yan sa cabinet. Pero hanggang dito ka lang sa kwarto ko.”
“Ha? Paano ako uuwi?”
“Sorry, pero baka mamaya ka na makauwi, kapag natulog na sina Mommy. Dito ka na lang muna. Ipinagdala na kita ng pagkain, baka kasi nagugutom ka na,” naglakad siya papunta sa study table kung saan niya ipinatong ‘yung mga pagkain na dinala niya para sa ‘kin. “Pero mga chips at cookies lang ‘to ah at saka Chocolait. Pasensya na talaga,” at saka niya inabot sa ‘kin ‘yung mga pagkain. Kinuha rin niya ‘yung remote control ng TV at binuksan ‘yon. Para siguro ‘di kami masyadong madinig sa baba.
“Paborito mo talaga ang Chocolait ah?”
“Obvious ba?” natawa siya. “Kain ka na kung nagugutom ka na,” umupo siya sa kama niya tapos tinabihan ko naman siya.
“‘Di pa naman ako nagugutom. Mamaya ko na ‘to kakainin,” sabi ko sa kanya, kaya ipinatong ko muna sa tabi ‘yung pagkain. “Magkwentuhan na lang muna tayo,” dagdag ko pa.
“Sige, ano’ng gusto mong pag-usapan natin?”
“May itatanong na lang ako sa ‘yo.”
“Ano naman ‘yon?”
“Gaano ako kaimportante sa ‘yo?”
“Kailangan ko pa bang sagutin ‘yan? Hindi mo pa ba alam kung gaano?”
“Gusto kong marinig mula sa ‘yo kung gaano ba ‘ko kaimportante.”
“Huwag na. Alam mo naman na eh,” parang nahihiya niyang sagot. Pero makulit ako.
“‘Di ko pa alam. Kaya sagutin mo na. Gaano ako kaimportante sa ‘yo? Sige na, sagutin mo na. Sige na...” pangungulit ko pa.
“Hay, Jared… Sige na, sasagutin na. Sobrang importante, kasi sa ngayon pakiramdam ko ikaw lang ‘yung kakampi ko, ikaw lang ‘yung kaibigan ko, kaya sobrang importante mo sa ‘kin. At iiyak ba naman ako nang sobra-sobra kung hindi ka importante sa ‘kin?” sinagot din niya kaso hiyang-hiya at ‘di makatingin sa ‘kin. Namumula pa ‘yung mukha niya.
“‘Yun lang? Kakampi at kaibigan lang? Hanggang doon lang?” kinuha ko ‘yung mga kamay niya at hinawakan. “Kung ako kasi ang tatanungin mo. Sobrang importante mo sa ‘kin, kasi...” saglit akong napatigil. “Kasi mahal kita Jade at gusto kitang maging girlfriend ko,” napa-angat siya ng ulo at napatingin sa ‘kin dahil sa sinabi ko. Binanggit niya ‘yung pangalan ko saka yumuko ulit. “Bakit? ‘Di mo ba ‘ko gusto, Jade? ‘Di mo ba ‘ko mahal?”
Tiningnan niya ‘ko, “Jared, ang bilis kasi. Kaka-break lang namin ni Steve. Baka kung ano’ng sabihin ng mga tao.”
“Bakit? Mahal mo pa ba siya?” pagkatapos ng mga ginawa ng lalaking ‘yon, ‘wag niya sabihing mahal pa rin niya ‘yon.
“Hindi ko nga alam kung minahal ko talaga siya,” bulong niya, pero narinig ko pa rin kaya tinanong ko siya kung ano’ng ibig niyang sabihin.
“Uhm, wala. Ibig kong sabihin, hindi na. Hindi ko na mahal si Steve.”
“Eh ako?”
“Jared...”
“Naiintindihan ko, ‘di ka pa ready. ‘Di naman ako nagmamadaling malaman ang sagot mo. Ang importante alam mong mahal kita at alam kong importante rin ako sa ‘yo. Basta mahal kita Jade at nandito lang ako palagi para sa ‘yo. Liligawan kita at kung kailangan kong ipaalam sa buong shool gagawin ko, para wala silang isiping masama tungkol sa ‘yo.”
“Hindi mo pwedeng gawin ‘yun Jared, kasi may bantay ako hanggang school ‘di ba? Eh ‘di nakarating kay Mommy ‘yon.”
“Oo nga pala. Basta, liligawan kita, kahit palihim liligawan kita. Payag ka ba?”
“Uhmm... Pag-isipan ko ah,” may ngiti sa labi niya at sa mga mata niya, namumula rin ‘yung pisngi niya kaya sa tingin ko inaasar niya lang ako.
“Kahit ‘di ka naman pumayag, manliligaw pa rin ako,” kung inaasar niya ‘ko, syempre ‘di naman ako papatalo.
“Grabe sa confidence, Jared, nag-uumapaw,” natatawa siya. “Kahit ligawan mo ‘ko, ‘di mo naman alam kung sasagutin kita.”
“Alam ko naman kung ano’ng isasagot mo. Isa lang naman ‘yon, kundi oo,” sabi ko nang nakangisi sa kanya. Hinampas tuloy niya ‘ko sa braso.
“Yabang mo talaga!”
“I love you.”
“Ewan ko sa ‘yo.”
“I love you Jade.”
“Kumain ka na lang, kulit mo.”
“I love you so much.”
“Jared,” tiningnan niya ‘ko nang seryoso ‘yung mukha. Ngumuso naman ako na parang nanghihingi ng halik. Gusto ko lang naman siyang asarin para patawanin. Successful naman kasi natawa nga siya. ‘Yun nga lang nakipaghalikan ako sa palad niya tapos tawa siya nang tawa, pero biglang hinto rin nang may kumatok sa pintuan.
Nagulat kami pareho sa katok, bigla tuloy akong napababa ng kama at dumapa sa may sahig. ‘Di ko kasi alam kung saan ako magtatago.
“Jade, ano’ng ginagawa mo d’yan? Labas ka na at kakain na.”
“O-opo Mommy. Sige po susunod na po ako,” sigaw ni Jade tapos tumayo siya at napatingin sa ‘kin na nakadapa pa rin sa sahig. “Ano’ng ginagawa mo d’yan?” bulong niya na medyo natatawa.
“Nagtatago. Ano pa kaya?” sagot ko na pabulong din. Pinagtawanan niya ‘ko lalo, kasi naka-lock naman daw ‘yung pinto. Eh malay ko ba? Mabuti nang sigurado, pero sa totoo lang napahiya ako. ‘Di naman niya kasi agad sinabi. Nag-sorry na lang siya at saka pinagpagan at inayos ‘yung damit ko.
“Ano’ng ngini-ngiti mo d’yan, Jared?” napansin niya kasi na nakatingin ako sa kanya at nakangiti habang inaayos niya ‘yung damit ko. Ang sweet niya kasi, nakakakilig. Nakakatawa pero kinikilig din kaming mga lalaki.
“Wala lang,” sagot ko nang nakangiti pa rin.
“Sige, maiwan na kita rito. Bibilisan ko na lang ‘yung pagkain. Promise, babalik ako agad,” nagpaalam na siya at lumabas ng kwarto niya. Ako naman kinain ko na ‘yung mga pagkain na dinala ni Jade para sa ‘kin. Wala naman sigurong papasok sa kwarto niya kasi kumakain silang lahat.
Wala pa atang ten minute, nakabalik na siya agad. Ang bilis kumain ni Jade. Biniro ko nga siya kung nalasahan ba niya ‘yung kinain niya at baka nga ‘di pa siya natinga. Medyo nainis tuloy siya. Ako na nga lang daw ang iniisip niya, nang-aasar pa ‘ko. Syempre sinuyo ko naman at nag-sorry ako. Matampuhin talaga si Jade, pero isa ‘yon sa nagustuhan ko sa kanya.
“Teka, ‘yung pinto ba nai-lock mo?” tanong ko sa kanya. Bigla ko kasing naalala.
“Oo, kaya huwag ka na basta-bastang dadapa d’yan sa sahig,” tapos pinagtawanan ako. Gumaganti ata sa pang-aasar ko.
“Pinagtatawanan mo ko ah…”
“Nakakatawa ka naman kasi talaga,” tapos tumawa na naman pero mahina lang. Medyo pigil, kasi baka marinig kami. Kahit nga pag-uusap namin pabulong.
“Gano’n?”
“Oo, gano’n…”
“Alam mo bang ayaw kong pinagtatawanan ako, kasi…”
“Kasi ano?”
“Kasi pag pinagtatawanan ako nangingiliti ako.”
“Ay, Jared. Huwag ah. Baka marinig tayo ni Mommy.”
“Hindi... Hindi tayo maririnig,” kiniliti ko siya sa tagiliran.
“Jared!” sigaw niya pero pigil na pigil ‘yung boses. Kiniliti ko siya ulit sa tagiliran niya. “Jared, ano ba? Tigilan mo ‘yan.”
“Pagtatawanan mo pa ‘ko?” tanong ko nang nakangisi ako sa kanya.
Medyo natatawa siya. “Hindi na, hindi na ‘ko tatawa.”
“Tumatawa ka pa eh.”
“Hindi na...” tinakpan niya ‘yung bibig niya para pigilan ‘yung tawa niya.
Naisip ko namang halikan ‘yung kamay niya nang bigla niya ‘yon tanggalin sa pagkakatakip sa bibig niya. Buti na lang napigilan ko pa ‘yung sarili ko kundi nahalikan ko siya nang ‘di sinasadya. Mukhang nagulat siya kasi ‘di siya naka-react agad. Nagulat din naman ako. Wala tuloy nakapagsalita samin. Buti na lang nag-ring ‘yung cellphone ko, pambasag ng katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Nakita ko sa screen ng cellphone ko na si Mommy ‘yung tumatawag. Nag-aalala siguro kasi gabi na ‘di pa ‘ko umuuwi. Nakalimutan ko nga pala siya i-text.
“Sino ‘yung tumatawag? Bakit hindi mo sinagot?” tanong ni Jade.
“Si Mommy, ite-text ko na lang siya. ‘Pag sinagot ko ‘yung tawag, baka makahalata siya kung kakausapin ko siya nang pabulong.”
“Sa bagay.”
Pagkatapos, wala na namang nagsalita sa ‘min. Balik na naman kami sa pagka-ilang sa isa’t isa.
“A-ang init. Hindi ko pa pala nabuksan ‘yung aircon. Teka lang ah,” sabay tayo niya para kunin ‘yung remote at binuksan niya ‘yung aircon. Ako naman tinanggal ko muna ‘yung sapatos ko, para makaupo ako nang mabuti sa kama niya. Siya naman umupo rin sa kama pero malayo sa ‘kin.
“Jade.”
“Uhmm?”
“Yung ginawa ko kanina…”
“Hindi, okay lang ‘yon. Nagulat ako pero okay lang ‘yon. Hindi naman natuloy eh,” tapos napatingin siya sa kamay niya.
“Hindi, sorry sa ginawa ko,” nirerespeto ko kasi siya at ayokong isipin niyang tine-take advantage ko siya.
“Okay na, huwag mo na lang uulitin,” tumango naman ako at nangakong ‘di ko na uulitin. Nagkwentuhan na lang kami at mayamaya napansin ko na parang napapapikit na siya.
“Inaantok ka ba?” tumingin siya sa ‘kin at nagsabing ‘di naman daw siya inaantok. Kahit halata naman sa mata niyang namumungay na. Umusog ako para mapalapit sa kanya, tulad noong nasa van kami papunta sa beach house, inakbayan ko siya at nilagay ko ‘yung ulo niya sa balikat ko.
“Kung inaantok ka, ayos lang sa ‘kin kung matutulog ka sa balikat ko.”
Tahimik lang kami sa gano’ng ayos at nang tingnan ko ulit si Jade, nakapikit na siya. Tulog na.
“Sabi niya ‘di raw siya inaantok,” nangiti na lang ako. Dahan-dahan ko siyang hiniga sa kama at pinagmasdan ko lang siya matulog. Humiga ako nang patagilid sa tabi niya, para kita ko pa rin ‘yung mukha niya at hinawakan ko ‘yung kamay niya. Nasa gano’ng ayos lang kami hanggang sa makatulog na rin ako.