Napahalakhak ako nang maalala ko ang nakita ko kay 'Tay Densio. Tumikwas ang kilay nitong sabog-sabog nang mapatingin sa'kin, Mission accomplished! Sinuyod pa naming dalawa ang gubat kagabi para masiguro naming wala ng aswang na natira. Ganito pala ang pakiramdam na maging isang makapangyarihan na aswang. Kakaiba ang hatid ng batong itim sa katawan ko. Ni hindi rin ako nakaramdam ng pagod maliban na lang sa gutom na nararamdaman ko hanggang ngayon. Napangisi na naman ako nang maalala ko ang nangyari kagabi.
Isang malakas na tili mula kay 'Tay Densio ang narinig ko kaya lumabas agad ang pangil ko sa pag-aakalang may naka-engkwentro ito. Nilipad ko ang kinaroroonan ng matanda para masigurong ayos lang ito. Isang aswang na nangingisay ang nasa harap nito at pinagpapalo ito ng matanda. Nalagutan na ito ng hininga ilang sandali pa.
"Iyan ang bagay sa inyo, mga aswang kayo. Napaghiganti ko na ang asawa ko." Pinagsasampal pa ito ng matanda kahit hindi na ito gumagalaw. Nilagay agad ni 'Tay Densio ang ilang hibla ng buhok nito sa tainga nito nang magkalat ito sa mukha ng lalaki. "Pinagod niyo 'ko," anas ng matanda.
Isang malakas na halakhak ang pumaimbabaw nang umalpas ito sa lalamunan ko. Ganito pala kalinaw sa paningin ko ang kulay pink na nail polish ng matanda sa kuko nito kaya napahalakhak ako nang walang tigil. Umayos ito ng pagkakaupo at inirapan ako.
Mabuti na lang walang masyadong pasahero dahil nagmukhang baboy na naghihingalo ang kinalabasan ng pagtawa ko. Hindi ko mapigil ang sarili ko dahil may sekreto akong nalaman sa pagkatao ng lalaking kasama ko. Nakangisi kong nilabas ang nail polish na kulay pink; nakatago ito sa baul ni 'Tay Densio nang makuha ko. Inis itong inagaw sa'kin ng matanda.
"Ngayong namatay na ang mga aswang dito," anas nito bigla sa'kin. "Mapapanatag na'ko pero hindi pa nauubos ang lahi nila, Roxy," malungkot na saad nito, "Masaya ako sa ginawa mong pagtulong. Salamat sa'yo."
Napangiti na lang ako sabay hilig ng ulo ko sa balikat nito. Tatatlo lamang kaming sakay ng bus pero ang isang pasahero, mukhang natutulog ito at walang pakialam sa dulo.
"Pero maiba t-tayo, 'Tay Densio, ikaw ho ba'y babae?" Kahit nakapikit ako, napangiti na lang ako.
"Oo," walang gatol na sagot nito kasabay ng pagbuntong-hininga nito. "T-tanggap ako ng asawa ko kahit ano pa'ko."
Matapos kong marinig iyon, wala na itong sinabi. Ang tiyan ko, hindi na matigil sa pag-iingay at nakaramdam din ako ng pangangasim ng sikmura ko kasabay ng pag-iinit nito. Hindi ko na ito pinansin. Nakapagpalubag-loob ang tagumpay na tinatamasa ko matapos kitlin ang buhay ng mga kalahi ko. Ilan pa ba ang natitira? Napangisi ako dahil matutunton ko pa rin ang mga ito sa pamamagitan ng pang-amoy kapag nagkatawang aswang ako gamit ang kapangyarihan sa ilalim ng batong itim kahit pa malayo ang mga ito. Wala akong ititira sa angkan ko! Miss na miss ko na si Mihael. Dalawang araw pa lang akong nandito pero animo napakatagal na buwan na ang lumipas nang hindi ko makita ang mukha niya. Pag-asa ang dala ko sa pagbabalik ko ng Maynila. Sana'y mapagtagumpayan ni 'Tay Densio ang pagpapagaling sa mahal ko.
"R-Roxy, mag-ingat ka lamang sa paggamit ng bato," bulong bigla ng matanda kasabay ng pag-ayos nito ng upo. "Halos ikalagay sa peligro ng isang aswang ang paggamit niyan kapalit ng malakas na k-kapangyarihan."
Naririnig ko siya pero pinili kong manahimik na lang...
"M-may mga pagbabagong mangyayari sa katawan mo t-tuwing nagbabagong anyo ka. Baka... b-baka tuluyan ka nang lamunin ng dilim kung patuloy na nandiyan sa katawan mo ang batong itim."
Umangat bigla ang ulo ko nang tingnan ko siya. "Tay Densio, ang pula ng bibig mo." Pag-iiba ko ng usapan. Kaya kong kontrolin ang sarili ko at papatunayan ko iyon sa matanda.
"Oo," malungkot na saad nito. "Ginamit ko ang lipstick ng asawa ko. Ngayong wala na siya, maglaladlad na'ko."
Napaupo ako nang tuwid nang marinig ko ito. Akala ko nang una, hustler si 'Tay Densio dahil matapang at suplado ito pero hindi pala. Napakalinis pa ng pagkakalgay nito ng lipstick sa bibig nito. Muli ko lang hinilig ang ulo ko sa balikat nito sabay pikit pero hindi mawala-wala ang ngisi ko. Ilang oras pa ang ibabiyahe namin papuntang airport. Nakatawag na'ko kay Sister at tuwang-tuwa ang mga ito sa pagbabalik ko. Wala akong binanggit sa pakikipaglaban namin sa mga aswang dahil walang nakakaalam sa kumbento na isa akong aswang maliban kay Mihael at kay 'Tay Densio na kasama ko ngayon.
"Roxy, ang bilin ko lang, kontrolin mo ang sarili mo. Hindi rin ako sigurado kung... kung totoo ang tsismis nang kabataan ko na ang sinumang magmay-ari ng bato, ay walang ligtas na maging isang demonyo. Sasakupin ng kadiliman ang buong pagkatao mo."
Napangisi lang ako dahil alam kong kaya kong kontrolin ang sarili ko. "Tay Densio naman, t-trust me."
"Maliban na lang kung dudurugin mo ang bato nang pinong-pino para hindi na magamit pa ng kung sino. May mga libro ako na sinulat ni Malahk Sutrah ukol sa mga aswang. Isa siyang historian, na nag-aaral ng mga kababalaghan; na totoong naganap sa kasaysayan ng mundo."
Malahk Sutrah? Parang pamilyar iyon, ah. Ginising na lamang ako ni Tay Densio nang makarating na sa airport. Kumakalam pa rin ang sikmura ko kaya hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa tiyan ko. Nakakain naman ako ng agahan at may kasama pang biscuit na meryenda pero nakaramdam pa rin ako ng gutom. Umiinit ang loob ng tiyan ko at bakit nakaramdam ako ng panghihina bigla? Nasa akin ang batong itim; dapat mas lumakas pa nga ako. Halos isang oras din ang tinagal ng flight namin hanggang makarating kami ng airport. Nakaramdam ako ng pagkauhaw kaya naghanap ako ng stall sa labas ng airport.
"Roxy, may s-susundo ba sa'tin?" takang tanong ng matanda.
Tumango lang ako habang walang kapagurang sinisipsip ang isang juice na nabili ko. May meal din na included sa ticket namin kaya busog pa si 'Tay Densio nang alukin ko. Kinakabagan pa nga raw ito sa sobrang kabusugan nito. Nanunuyo ang lalamunan ko kaya muli akong bumili ng ibang flavor naman. Mangoe juice naman ulit ang binili ko.
"Roxy!"
Kalabit ni 'Tay Densio ang nagpalingon sa'kin nang makita nito ang isang lalaki. Napangiti ako nang makita ko ang janitor ng kumbento namin. Muling bumalik ang paningin ko sa babaeng nag-aabot ng sukli ko nang mahilo ako bigla. Napahawak ako sa stall nang muntikan na'kong matumba.
"Sumunod kayo sa'kin, Roxy," singit ng janitor namin. "Ako na ang sumundo sa inyo dahil busy ang lahat sa kumbento. May ilan na namang namatay sa loob ng kumbento."
Napamulagat ako nang marinig ito. Agad kong naisip si Mihael. Napahawak ako agad kay 'Tay Densio nang hilahin ko siya papunta sa parking area ng airport. Isang maliit na bag lamang ang bitbit ng matanda at ganun din ako. Parang sinisilaban ang puwet ko sa pagkakaupo at kanda-haba ang leeg ko sa pagtingin sa dinadaanan namin habang lulan kami ng taxi. Halos isang oras at kalahati ang biyahe bago makarating sa kumbento.
"Nandito na tayo," saad ni Kuyang Janitor nang iabot nito ang bayad sa taxi driver.
Napatalon ako mula sa kinauupuan ko nang makita ko ang kumbento. Mabilis akong lumabas nang walang paalam. Napatakbo na'ko papasok nang mamataan ko ang isang madre na nagbukas ng malaking gate. Napayakap agad ako sa kanya.
"Sister, si Mihael p-po?" nahintakutan kong tanong sa kanya. Hindi pa ito nakakasagot pero napatakbo na'ko sa loob.
"Roxy?!"
Si Father ang nakasalubong kong tumawag sa'kin pero dumeretso ako sa isang kwarto kung nasa'n si Mihael. Napasigaw na lang ako ng "sorry" kay Father dahil tuloy-tuloy lang ako. Dalawang madre ang nadatnan kong nagpapakain kay Mihael. Nagtama ang tingin namin ng mahal ko kaya napatayo ito mula sa pagkakaupo nito sa kama.
"R-Roxy," masayang bungad ni Mihael, "Nakabalik ka na."
Malinis si Mihael nang tingnan ko pati ang suot nitong damit. Dagli akong napatingin sa dalawang madre na may hawak na tray ang isa at isang inumin naman ang hawak ng isa.
"M-mga Sisters, may nangyari po ba rito? M-May namatay ba r-raw?" hindi humihingang tanong ko bago napabaling kay Mihael. Diyos ko! Huwag naman sanang magkatotoo ang iniisip ko. "Sino ang n-namatay?"
"Iha, halika," nagpatiunang umupo sa isang kahoy na upuan ang isang madre kaharap lamang sa kulungan ni Mihael. "May isang dalagitang humingi ng tulong sa'min habang wala ka kaya kinupkop namin pero h-hindi namin inakala na isa pala siyang halimaw."
Natigilan ako. Nagpapanggap na rin nang ganito ang mga aswang? Mga hayop sila! Ilan pa bang buhay ang mawawala dahil sa pagiging hayok ng mga ito sa dugo at laman ng tao?
"Mabuti at nandito na rin si Densio," singit ng isang madreng umupo rin katabi ko. "H-hindi namin kayang alamin kung sino ang halimaw at ang totoong tao, R-Roxy. Namatay ang dalagitang halimaw nang barilin ng mga pulis nang madatnan siya sa ibang anyo niya. Labis ang pasasalamat namin dahil 24 hours ang pagbabantay ng mga kapulisan sa iba't-ibang lugar pero—"
Natigilan ako sa pagbitin ni Sister ng sinasabi nito. Napatingin ako kay Mihael na kumakain at nakikinig lamang habang nakaupo na sa kama nito. Gusto ko siyang yakapin; gusto ko siyang halikan dahil miss na miss ko na siya sobra. Napangiti ako nang magtama ang mata namin pero ni hindi man lang ako nito nginitian.
"Sister, ano ang ulam ni Mihael?" anas ko sa madre. 'Wag naman sanang tao.
"Isda at gulay, iha. Bawal ang karne muna sa utos na rin ni Father. Pero—Roxy," may pag-aalalang tawag ng babae sa'kin. "May tatlo pang kabataan tayong kasama na nanggaling sa labas."
Napatingin ako sa nagsalita. Tatlong kabataan?
"Nasa isang silid din sila kagaya ng kay Mihael. Mabuti at nakabalik na kayo ni Densio dahil hindi namin alam kung safe ang lahat dito lalo na't may mga tao tayong kasama na galing sa labas. Isang dalaga pa at dalawang bata ang magkakasunod na humingi ng tulong sa labas ng kumbento kaya kinupkop din namin sila pero—"
Sumulpot sa harap namin si Father at si 'Tay Densio kasama ng isa pang madre. Nakatingin na si 'Tay Densio kay Mihael at ako naman kay Father. Sino kaya ang tinutukoy ni Sister?
"Father, puwede ko bang makita 'yong tatlong kinupkop niyo?" Napatayo ako nang lapitan ko si Father. "N-ngayon na po, Father." Habang hindi pa huli ang lahat.
Saglit kaming nagpaalam nang pumunta kami sa kabilang kwarto. Gawa rin ito sa rehas na bakal kagaya ng kay Mihael pero ang nadatnan ko, dalawang bata na lalaki. Nakaupo ang mga ito sa semento at nang makita ako, napangiti ang mga ito. Nanlaki ang mata ko nang lumabas naman ang isang dalaga na kasing-edaran ko lamang.
"Mulan," anas ko nang magtama ang paningin namin.
Nagkukumahog ang babaeng lumapit sa rehas na bakal at kumapit ito nang mahigpit doon. Lumawak ang ngiti nito nang makilala ako nito. Napailing ako nang sunod-sunod. Hindi ako makapaniwala! Papaano?
"R-Roxy, pinsan! S-salamat at d-dumating ka. Father, pinsan ko si Roxy. Siya ang... ang magpapatunay na kilala niya ako." Napatingin ang babae sa'kin kasabay ng pagtalim ng tingin nito. "K-kinulong nila ako, pinsan, kasama ang mga pamangkin mo. Sabihin mo sa kanilang pakawalan kami."
Napalunok ako. Papa'no nakarating si Mulan dito? Binundol ng sobrang kaba ang dibdib ko nang mapatingin ako kay Father. Tahimik lamang ang pari nang masdan ko. Wari'y hinihintay din ni Father ang sasabihin ko pero litong-lito ako.
"S-sabihin mo, R-Roxy, sa kanila na magkamag-anak tayo!" hiyaw ni Mulan. "B-binalak kaming patayin ng mga pulis sa pag-aakalang mga halimaw kami. Pinalibutan kami ng maraming pulis kaya hindi kami makatakas. A-ayoko pang m-mamatay kaya nandito kami. Kaya kami pumayag na pumasok sa kulungan na'to p-para hindi nila kami saktan." Sinundan ito ng pag-iyak ng babae nang manlaki ang mata nito sa sobrang galit. "Sabihin mo sa kanilang pakawalan kami, Roxy, dahil mga normal kami na tao kagaya mooo!"
Napasandig ako sa pader nang mapaurong ako. Punong-puno ng galit ang mga mata ni Mulan pati na ang dalawa kong pamangkin. Mga aswang sila! Pumapatay sila ng tao. Hindi ito maaari! Naiiyak akong napatingin kay Father.
"F-Father," kasabay ng pagsambit ko nito ang paghila sa kanya palayo sa kinaroroonan ng kamag-anakan ko. "G-gusto k-kitang makausap nang personal, please. H-huwag na huwag mo silang p-pakawalan."
Nagtutungayaw na si Mulan at napapikit ako nang mariin nang magmura pa ito nang matatas. Hinila ko si Father palayo sa kanila.
"Roooxy, bumalik ka ritoo!" hiyaw ni Mulan. "Sabihin mo sa kanila na tao kami; hindi kami hayop na ikukulong lang nang ganitooo."
Nang tuluyang maisara ang pinaka-main door ng animo kulungan na iyon, hindi ko mapigilang hindi lumuha. Hiwalay ito kung nasaan si Mihael at nasa kabilang panig ito ng building. Inakbayan ako ni Father palayo sa pinto matapos itong lagyan ng malaking padlock ng pari. Nasa pasilyo lamang kami at nagpapakiramdaman.
"Magsalita ka, Roxy, totoo ba ang lahat ng sinabi niya?" kapagkuwa'y tanong ng lalaki. "Kung hindi ko napigilan ang mga pulis, malamang tadtad na rin sila ng bala. Nagpapanggap na tao ang mga halimaw para makapambiktima."
Natigilan ako nang maisip ko si Mulan. Hindi nito alam kung sa'n ako nakatira kaya labis ang pagtataka ko nang matunton ako ng mga ito.
"Magkasunod lang silang dumating ng dalagitang halimaw, iha. Under observation sila kahit pa hindi napapatunayang halimaw ang mga iyon," hirap na saad ni Father. "Utos ng gobyerno ang lahat ng ito; ang i-isolate sila kapag hindi natin kilala dahil marami na ring halimaw ang nakikisalamuha sa mga tao."
Giniya ako ni Father palayo sa pinto. "F-Father, kahit kilala ko sila, 'wag niyong tangkain na pakawalan sila."
May pagdududang tumingin si Father, "Makikinig ako, iha. Doon muna tayo sa tanggapan ko. Napakahirap nang magtiwala sa hindi natin kilala dahil nagpapanggap na tao ang mga halimaw na sumasalakay mapaaraw man o gabi."