BARANGAY ASWANG

1503 Words
ANG BAYLANA WRITING CONTEST 4TH PLACE TITLE: BARANGAY ASWANG AUTHOR: Isinulat ni Tintin Cares Sa isang liblib na lugar sa Capiz ay may isang barangay na pugad raw ng mga aswang. Ang sino mang papasok sa kanilang barangay ay hindi na kailanman nakakalabas. Ngunit ito ba ay may katotohanan? Or isa lamang haka-haka? Totoo nga ba ang mga aswang? O isa lamang itong gawa-gawa ng ating malilikot na imahinasyon? Sa kagustuhang malaman ang katotohanan ng bali-balitang ito, ay dumayo sa Capiz ang isang grupo ng mga blogger at magkakaibigan na sina Jheng, Hana, Ryle, Pito, at Ador. Nakilala sila dahil sa kanilang kakaibang content sa kani-kanilang mga channel. Dumadayo sila sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas para ipakita kung totoo ba o haka-haka lamang ang mga katatakutan na nagba-viral online. At ang pinakamainit ngayon ay ang binansagan nilang ‘Barangay Aswang’ dahil di umano ang mga nakatira dito ay hindi kailanman lumalabas sa kanilang lugar, at kung sino man ang mangahas pumasok ay tuluyan ng naglalaho. Pagkarating nila sa Capiz ay kaagad na nagtanong-tanong sila kung saan matatagpuan ang barangay aswang na kanilang pakay. Walang gustong magsalita at iniiwasan sila ng mga tao. May isang batang babae ang lumapit sa kanila at itinuro ang isang daan papunta sa bundok. May mga matatandang sumubok na pigilan sila pero hindi sila nagpatinag at nagpatuloy pa rin sa pagpasok sa kagubatan. Hindi maipaliwanag na lamig ang sumalubong sa kanila at ang kakaibang amoy na galing sa mga nabubulok na hayop sa paligid. Masukal ang gubat na kanilang tinatahak at animo’y may mga matang nakamasid sa kanila. Huminto sa paglalakad si Jheng at nagbalak ng umatras dahil kakaiba ang kutob niya sa lugar. Kay lakas ng kaba sa kanyang dibdib at pinagpapawisan siya kaagad kahit hindi pa sila masyadong nakakalayo. Pero imbes na sang-ayunan siya ng iba ay pinagtawanan lamang siya at sinabi pang naduduwag siya. Dahil walang sumama sa kanya pauwi ay napilitan siyang ipagpatuloy ang nasimulan na at sumama sa grupo. Malayo na ang kanilang nilalakad pero hindi parin sila nakakarating sa nasabing barangay, ni wala silang makitang tao sa daan. Nagsimulang mag live si Jheng para ipakita sa kanilang viewers ang kapaligiran bago marating ang barangay. Marami kaagad ang kanyang naging viewers kaya labis ang kanyang galak. Napatigil siya ng biglang nawalan ng signal ang gamit na cellphone, ganoon din sa iba at pagtingin niya sa orasan ay mag-a-alas-singko na iyon ng hapon. Padilim ng padilim na rin ang paligid ngunit hindi parin nila nararating ang nasabing barangay. Nagsimulang mag panic ang magkakaibigan lalo na at may narinig silang mga kaluskos sa paligid. Mabibilis na tila pinapalibutan sila. Kapit-kapit silang nakatayo sa gitna at iniilawan ang paligid gamit ang kanilang mga flashlights. Mas lalo silang nanginig ng biglang may umungol na aso na akala mo lobong nagtatawag ng mga kasama. Hanggang sa palakas ng palakas ang ungol at padami ng padami ang kumakaluskos sa paligid. Napasigaw si Hana ng biglang bumulaga sa harapan niya ang isang bulto ng isang babaeng maiitim ang mga labi at may mahahabang kuko. Dahil sa gulat ay biglang nagtakbuhan silang lahat, hindi na nila inisip kung saan sila papatungo basta ang makalayo lang sa lugar na iyon. Magkakasama sina Jheng, Hana, at Pito habang nahiwalay sa kanila sina Ador at Ryle. Panay ang sigaw nila ng saklolo pero walang ninuman ang nakakarinig sa kanila. Ilang minuto na silang nagtatakbo kaya hindi na nila nakayanan ang matinding pagod kaya napilitan silang tumigil sandali, ngunit laking gulat nila ng mapagtantong bumalik lamang sila sa lugar kung saan sila nanggaling. Humihingal din na dumating sina Ador at Ryle na kanina lang dumaan sa kabilang dereksiyon. Napasigaw sila sa takot at taimtim na nanalangin. Nanginginig na dahan-dahang binuksan ni Ador ang zipper ng kanyang dalang bag at nag saboy ng asin sa paligid. Pero siya lang ang may dalang mga pangontra. Iniwan ng iba ang mga dalang pangontra dahil nakakabigat lang daw iyon sa kanilang bitbit. Umpisa pa lang ay hindi na sila naniniwala na may katotohanan ang tungkol sa barangay aswang. Lahat kasi ng nauna nilang napuntahan ay pawang gawa-gawa lamang. Hindi sapat ang dala ni Ador na asin para mapaalis ang mga aswang sa paligid. Mas lalong dumarami pa ang nagsidatingin sa kanilang kinaroroonan. Ang iba ay naghugis anyong pusa para makasampa sa mga sanga ng puno habang ang iba naman ay nag anyong asong hayuk na hayuk sa kanilang laman. Ang mga aswang ay may mga katangian na gayahin ang hugis o anyo ng isang hayop. Kadalasan na kanilang anyo ay, aso, baboy, ibon, o di kaya’y pusa kaya marami silang nabibiktima. Saktong pagpatak ng alas-sais ay nagsimula na silang sumugod. Tanging mga pulang mata lang ang nakikita nila sa paligid at sa tuwing iniilawan nila ay palapit ng palapit ang mga kulay itim at hugis asong mga aswang. Maaaninag din ang mga bunganga nitong tumutulo ang laway. Napasigaw si Hana ng biglang may humatak sa kanya palayo sa mga kaibigan at ang hindi maipintang sakit sa kanyang kanang binti. Sinakmal siya ng isang aso at halos mawalan siya ng ulirat ng mas lalo pa nitong ibaon ang ngipin at ang tuluyang pagkatuklap ng kanyang balat at laman. Hanggang sa pinagkagulohan na ang kanyang katawan. Tuluyan na siyang nawalan ng buhay ng dukotin ang kanyang puso gamit ang mahahaba nitong mga kuko. Walang awang binuksan ang kanyang tiyan at kinuha ang kanyang lamang loob. Hindi sumuko si Ryle at nilabanan niya ang takot. Panay ang wasiwas niya sa dalang flashlight habang tumatakbo muli palayo. Tinahak niya ang kabilang daan pero napatigil siya ng may nag aabang na sa kanyang mga taong aswang. Nakita niya ang batang nagturo sa kanila sa kagubatan at doon niya napagtanto na ang barangay aswang na kanilang hinahanap ay ang lugar kung saan sila unang nagtanong. Itinuro sila ng bata sa kagubatan para doon iligaw at para mas madali silang mapatay. Ang masangsang na amoy pala ay hindi mula sa mga hayop kundi sa mga taong naging biktima nila. Unti-unti siyang umatras at mula sa liwanag ng kanyang flashlight ay kitang-kita niya kung paano nagmistulang taong aso ang mga ito na ngayon ay unti-unti ng gumagapang palapit sa kanya. Napatigil siya sa pag atras ng bumangga ang katawan niya sa matigas na bagay at sa kanyang pag lingon ay sinalubong siya ng matatalim nitong mga kuko na sumaksak sa kanyang tiyan, at kasama ang kaniyang mga bituka sa paghugot ng kamao nito. Pinagsaluhan ang kanyang katawan ng mga batang aswang at ang batang babaeng nagturo sa kanila ang kumain ng kanyang puso. Hindi na nagawa pang umalis nina Jheng at Pito dahil tuluyan na silang inatake ng mga nag anyong pusa mula sa itaas. Pagkapit palang ng mga kamay nito sa kanilang leeg at kaagad ng nagtalsikan ang kanilang dugo. Muling nag anyong tao ang mga aswang at binuhat ang kanilang katawan pabalik sa baryo. Pikit matang iwinasiwas ni Ador ang dalang krusipiho. Ginawa rin niyang kwentas ang bawang, at patuloy na nag saboy ng asin sa paligid habang malakas na binibigkas ang ‘AMA NAMIN’. Inilabas din niya ang holy water at ibinuhos iyon sa kanyang ulo. Mabuti na lang at naging maingat siya at dinala ang mga pangontra base sa pagsaliksik nila kung paano malalabanan ang mga aswang. Nakaramdam siya nang pag-asa ng makakita ng ilaw na nagmumula sa baryo ng kanilang pinagtanungan. Ibig sabihin malapit na siyang makalabas sa gubat na iyon. Lakad takbo ang ginawa niya pabalik sa baryo. Sisigaw na sana siya ng saklolo ng biglang matigilan dahil nakaratay sa malaking mesa ang katawan nina Jheng at Pito. Napatakip siya sa bibig ng simulan nang tadtarin ng pinaka-pinuno nila. Para lang itong nagkakatay ng baboy at inihahagis ang mga parte ng kanilang katawan sa nakaabang na kasamahan sa paligid. Maingat na humakbang paatras si Ador pero sadyang malakas ang pang-amoy ng mga aswang kaya lahat napalingon sa kanya. Nararamdaman na rin ang ilang kasamahan nitong pababa na mula sa kagubatan. Mabilis na tumakbo siya kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan. Nagtagumpay naman siyang makapasok sa loob pero may naririnig siyang humihinge ng saklolo palapit sa kanya. Mukhang dayo din itong katulad niya bago siya nagtiwala ay inihagis niya muna dito ang bawang. Sinalo naman kaagad ng babae at ng hindi ito naapektuhan ay pinasakay na niya ito sa loob ng sasakyan. Nakikita na niya ang mga taga baryo pero bago pa man mapaandar ni Ador ang sasakyan ay pinagsasaksak na siya ng babae habang malakas na tumatawa. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit na tila nababaliw na. Lumabas ito ng sasakyan habang kinaladkad ang katawan ni Ador. Kaagad siyang binigyang daan ng mga kasamahan. Gumuhit ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi at dinilaan ang mga daliring nababalot ng dugo. Hindi siya natatablan ng ano mang pangontra dahil hindi pa niya tinatanggap ang itim na bato para siya maging ganap na aswang, pero kahit ganun pa man, gustong gusto na niyang pumatay. Siya rin mismo ang nagbigay impormasyon para ang mga biktima na mismo ang kusang lalapit sa kanila. WAKAS
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD