"KUNG alam ko lang na magwawala ka, hindi ko na sana isinumbong sa 'yo ang sinabi ni Gian sa 'kin," naiiling na sabi ni Gella.
"Sasama ang loob ko kung hindi mo sinabi sa 'kin 'yon."
Tiningnan ni Gella si Kelvin. Nakayuko ito habang namimili ng kanta sa song book na hawak nito. Naroon sila sa Mikus, ang videoke bar na paborito nilang tambayan mula noong nasa high school sila. May-kalumaan na ang lugar pero masaya siya dahil hanggang ngayon ay bukas pa rin iyon. Pagkatapos ng kanya-kanyang palpak na date, doon sila nagtungo para magpalipas ng sama ng loob. Bumili rin sila ng canned beers bago sila nagpunta roon. Ganoon naman sila tuwing palpak ang date o karelasyon nila, nagbi-videoke habang nag-iinuman.
Pumalatak si Kelvin. "Nagkamali ako. Dapat pala no'ng una pa lang, binalaan na kita tungkol sa Gian na 'yon. Ah, hindi. Dapat pala, hindi na 'ko pumayag na lumabas ka kasama ng ugok na 'yon. Nasaktan ka tuloy dahil sa kapabayaan ko. I'm sorry, Gellabs."
"Wala ka namang kasalanan. Ako naman 'tong nagpumilit na ipakilala mo 'ko sa kanya. Naisip ko kasing perfect husband material siya."
"Husband talaga? Hindi ba puwedeng boyfriend muna?"
Natawa si Gella. "Alam mo namang matagal ko nang pangarap ang magkaro'n ng masayang pamilya."
Mula nang masira ang pamilya niya noong labingwalong taong gulang siya, pinangarap na niyang magkaroon ng masayang pamilya. Naghiwalay ang mga magulang niya dahil sa pambababae ng kanyang ama. Ang kanyang ina naman ay nagtungo sa Australia para magtrabaho bilang nurse. Nang ma-annul ang kasal ng mga magulang niya, nagpakasal ang kanyang ina sa iba. May sarili na itong pamilya ngayon. Ang mga tita niya sa mother side ang kumupkop sa kanya noong nag-aaral pa siya. Nang magkatrabaho at makapag-ipon siya ay bumukod na siya.
Ngayon ay may sarili na siyang bahay. Simple lang iyon pero masaya siya roon. Masaya siya kahit ang mga tita at mga pinsan na lang niya ang itinuturing niyang pamilya. Pero ngayon ay inaasam na niyang magkaroon ng sariling pamilya. Gusto na niyang magkaanak. Sa edad niya, siguradong mahihirapan na siyang magbuntis. Gusto niyang magkaroon ng perfect husband na magbibigay sa kanya ng pamilyang matagal na niyang pinapangarap. Nangako siya sa sarili na hinding-hindi niya gagayahin ang ginawa ng mga magulang niya sa pamilya nila. Iyon ang dahilan kung bakit ang pangarap niyang lalaki ay responsable.
Naputol ang pagbabalik-tanaw niya nang pisilin ni Kelvin ang baba niya at ipihit ang mukha niya paharap dito.
Mababakas ang pag-aalala sa maaamong mata ni Kelvin. "Iniisip mo na naman ang pangarap mong pamilya, 'no?" malambing na tanong nito. Ito ang pinakamalapit niyang kaibigan kaya alam nito ang lahat ng tungkol sa pangarap niya.
Bumuntong-hininga si Gella. Tinapik niya ang kamay nito sa baba niya. Binuksan niya ang beer at tinungga iyon. "Treinta na 'ko, Kelvin. Gusto ko nang maikasal at magkaanak."
Tinapik siya nito sa likod. "Gawin nating goal ang maikasal ka ngayong taon. Mahahanap din natin ang tamang lalaki para sa 'yo."
Tinitigan niya ito at noon lang niya napansin ang pamumula ng kaliwang pisngi nito. Marahan niya iyong hinaplos. "Ano'ng nangyari diyan?" Hindi ito kumibo. "Hey, sinampal ka ba ni Catherine? Ano ba talaga ang nangyari, Kelvin Chen?"
Bumuga ito ng hangin. "Nagsalita siya ng hindi maganda tungkol sa 'yo. Siyempre, ipinagtanggol kita."
Siyempre, na-touch siya pero hindi niya iyon ipinahalata. Inabutan na lang niya ito ng alak. "Kelvin, 'wag mo nang gagawin 'yon sa susunod. Baka naman nagseselos lang si Catherine sa pagkakaibigan natin kaya niya nasabi ang mga bagay na 'yon."
"Kung hindi nila matatanggap ang pagkakaibigan natin, hindi ko rin sila matatanggap sa buhay ko."
"Kelvin."
Nakakunot-noong tiningnan siya nito. "Hindi ba puwedeng maging requirement 'yon sa babaeng mamahalin ko?"
Just like how Chloe genuinely accepted our friendship before?
Hindi na isinatinig ni Gella ang tanong na iyon dahil tiyak na malulungkot lang si Kelvin. Si Chloe ang first love ni Kelvin. Naging kasintahan nito si Chloe noong nasa huling taon ang dalawa sa kolehiyo at nagtagal nang tatlong taon ang relasyon ng mga ito. Pero mas pinili ni Chloe ang pangarap nitong maging modelo kaya umalis ito ng Pilipinas at nagtungo sa Paris.
Si Chloe na yata ang pinakamabait na babaeng nakilala niya. Ni minsan ay hindi siya pinagselosan nito. Sa totoo lang, hinahangaan niya ang babae. She was smart and exceptionally beautiful both inside and out.
That was five years ago. Pero mukhang hindi pa rin nakaka-move on si Kelvin. Mukhang hinahanap pa rin nito sa mga babaeng nakaka-date nito ang mga katangian ni Chloe.
Pabirong siniko ni Kelvin ang tagiliran niya. "Gellabs, wala na 'kong girlfriend ngayon kaya tayo uli, ha? A-attend tayo sa client's party namin at sasama ka sa 'kin as my date."
Itinirik niya ang kanyang mga mata. "Parati naman, eh." Iniabot niya kay Kelvin ang mikropono nang magsimula nang tumugtog ang paborito nilang kanta—ang "Two Is Better Than One" ni Taylor Swift at Boys Like Girls. "Let's just sing our favorite song."
Ngumiti si Kelvin. Sa wakas ay umaliwalas na ang mukha nito. Itinuon nito ang mga mata sa telebisyon at nagsimula nang kumanta. "I remember what you wore on our first day. You came into my life and I thought, 'Hey you know this could be something.' 'Cause everything you do and words you say, you know that it all takes my breath away. And now I'm left with nothing."
Pagkaabot ni Kelvin ng mikropono sa kanya ay siya naman ang kumanta. "So maybe it's true, that I can't live without you. And maybe two is better than one..."
Habang kumakanta sila ay nagkatinginan sila ni Kelvin, kapagkuwan ay nagkatawanan. Labing-apat na taon na silang nagbi-videoke pero hanggang ngayon, ang pangit pa rin nilang kumanta.
Ay, si Kelvin lang pala.
But she knew that singing with her best friend was the best remedy.
***
NAPAILING si Gella nang makita ang magulong ayos ng condominium unit ni Kelvin pagpasok niya roon. May duplicate key siya ng condominium unit ni Kelvin kaya malaya siyang nakakapasok doon. Nagkalat sa sala ang mga bote ng alak, mga baso, at malalaking kahon ng pizza.Tumawag si Kelvin sa kanya kagabi at sinabing binisita ito ng college friends nito roon. Binilinan siya nito na pumunta roon kinaumagahan dahil siguradong magkaka-hangover daw ito. Ganoon ito ka-advance mag-isip at mag-utos.
At dakilang "girlfriend" na naman ang papel ko sa kanya ngayon.
Kaunti lang sa college friends ni Kelvin ang kilala niya dahil magkaiba sila ng unibersidad na pinasukan. Furniture Design ang kinuha niyang kurso sa isang art school kung saan siya nakakuha ng scholarship. Isa na siyang furniture designer sa kompanya nina Kelvin na isang malaking furniture company.
Pagkatapos niyang maglinis sa sala ay dinala niya sa kusina ang groceries na pinamili niya bago siya pumunta roon. At nagluto na siya ng lugaw.
Kapag mag-isa at natatahimik siya ay naiisip niya kung ano talaga sila ni Kelvin. Hindi niya maikakailang madalas ay naiisip niyang mahal na niya si Kelvin. Bakit hindi? Napakaguwapo nito at mabait ito sa kanya. Higit sa lahat, halos kalahati ng buhay nila ay magkasama sila. Pero pilit niyang itinatanggi sa sarili ang pagkahulog ng loob niya kay Kelvin. Hindi iyon maaari dahil hindi ito ang pangarap niyang makasama sa pagbuo ng isang masayang pamilya. Isa pa, wala sa usapan nila ang magka-in love-an sa isa't isa. Mapapahiya lang siya kapag nalaman nitong may gusto siya rito gayong isang malaking-panakip-butas lang naman ang tingin nito sa kanya.
Panakip-butas na puwede nitong ipakilala sa iba bilang girlfriend para tantanan na ito ng mga ex-girlfriend nito. Panakip-butas na puwede nitong iharap sa mga magulang nito dahil gusto siya ng mommy at daddy nito. Panakip-butas na puwede nitong makasama kapag malungkot o nababagot ito.
Kapag nalaman ni Kelvin na in love dito ang panakip-butas nito, saan na lang pupulutin ang mahabang panahong pagkakaibigan nila?
Kinutusan ni Gella ang sarili. Hindi niya dapat isipin iyon dahil hindi iyon malalaman ni Kelvin.
Pagkatapos niyang magluto ay inayos na niya ang hapag-kainan. Kumuha siya ng aspirin at isang basong tubig na inilagay niya sa tray. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa kuwarto ni Kelvin. Hindi iyon naka-lock kaya dere-deretso siyang pumasok doon.
"Kelvin, handa na ang—" Natigilan at napakurap-kurap siya nang isang estranghero ang nasalubong ng kanyang tingin.
Napakaguwapo ng estranghero. Magulo ang light brown nitong buhok na umaabot hanggang balikat. Ang magagandang asul na mga mata nito ay parang nakangiti.Bumaba ang tingin niya sa katawan nito. Nag-init ang magkabila niyang pisngi nang makitang nakahubad ito!
ODK! O, Diyos ko!
Mayroon itong malalapad na dibdib at balikat, matitipunong bisig, pipis na tiyan... at natutulog sa tabi nito ang nakahubad na si Kelvin! Hindi siya sigurado kung hanggang saan ang pagiging hubad ni Kelvin dahil sa comforter na nakabalot sa ibabang bahagi ng katawan nito.
"Good morning, beautiful," malambing na bati ng lalaki sa kanya.
Napaawang ang bibig niya nang tumayo ang guwapong estranghero. Naka-boxers lang ang demonyito! Na guwapo at sexy! Hindi niya alam kung paano tatakpan ang mga mata niyang nagkakasala dahil may hawak siyang tray. Hindi rin niya magawang pumikit. Sayang ang view.
Tumawa ang lalaki at binato ng unan si Kelvin. "Kelvin, wake up. An angel has been sent from above."
Umungol si Kelvin, kapagkuwan ay bumangon ito. Nalaglag ang comforter na nakabalot sa katawan nito kaya tumambad sa kanya na naka-boxers lang din ito. Gaya ng estranghero, nakakapanlaway rin ang katawan ng kaibigan niya. Sexy pa ring tingnan si Kelvin kahit pupungas-pungas at magulo ang buhok. "Nuel?" inaantok pang sabi ni Kelvin. "'Di ba sinabihan na kitang umuwi kagabi? Bakit nandito ka pa?'
"Lasing na lasing ka, Kelvin. Kaya ba kitang iwan nang gano'n-gano'n lang?" nakangiting sabi ni Nuel.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Gella kina Kelvin at Nuel. They were two hot men who spent the night together in one bed. Kung ano-anong makamundong eksena ang naglaro sa isip niya hanggang sa nabitiwan niya ang tray.
"Gellabs!" Parang nawala ang antok ni Kelvin at nanlalaki ang mga matang napatingin sa kanya.
"I-I..." Tumikhim siya. "I didn't know you were gay, Kelvin."
"I'm not gay!"