FO NA tayo. As in friendship over! Exclamation point times three!
Pumalatak si Kelvin. "Ano siya, grade schooler?" naiinis na bulong niya habang binabasa ang text message ni Gella.
Isang linggo na ang nakararaan mula nang mag-away sila ni Gella. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nito pinapansin. Hindi rin nito sinasagot ang mga tawag niya. Kapag magka-text naman sila gaya ngayon, ginagalit lang siya nito.
Naiinis na inihagis niya sa mesa ang kanyang cell phone, saka ipinaikot-ikot ang swivel chair na kinauupuan niya. "Nababaliw na ba siya? Iniisip ba talaga niyang papayag akong magpakasal ang best friend ko sa best bud ko? Hah! Gusto pa niyang magkaanak kay Nuel. Nababaliw na siya!"
Pumasok sa isip niya ang imahen nina Gella at Nuel na nakaupo sa isang kama. Pumikit ang mga ito at unti-unting naglapit ang mga mukha sa isa't isa hanggang sa—
"There's no f*****g way I'll let that happen!"
Bakit ba ayaw mo, Kelvin? tanong ng isang bahagi ng isip niya.
Bigla siyang kumalma. Oo nga naman, bakit masyado siyang apektado? Dapat nga ay maging masaya siya dahil nahanap na ni Gella ang lalaking gusto nitong pakasalan. Pero tuwing naiisip niyang mauuwi sa best bud niya ang best friend niya, nagiging weird ang pakiramdam ng sikmura niya.
Pag-ikot niya ay dumako ang tingin niya sa picture frame na nasa ibabaw ng mesa. Kuha ang litratong iyon sa videoke bar, magkatabi sila ni Gella at parehong nakangiti.
"Saan ba 'ko nagkulang sa pangaral sa 'yo, ha?" pagkausap niya sa larawan ni Gella. Pinitik pa niya ang noo nito sa litrato. "Sira ka talaga."
Kinuha niya ang picture frame at pinunasan ng daliri niya ang salamin niyon. Natatandaan pa niya kung ano ang nangyari nang araw na iyon sa videoke bar. Kuha iyon noong ika-twenty-fourth birthday niya at iyon ang taon kung kailan siya iniwan ni Chloe.
The first year after Chloe left was hell. Pakiramdam niya noon ay namatay siya. Hindi ito nagpapigil sa kanya at hindi rin siya nito hinayaang sumama rito. Nang umalis ito ay pinutol nito ang lahat ng ugnayan nila. Masyado siyang nasaktan na pakiramdam niya ay hindi na siya makaka-recover. He shut himself off from everyone.
Pero ni minsan ay hindi siya iniwan ni Gella. Araw-araw itong nagpupunta sa kanya kahit itinataboy niya ito. Minsan nga ay napagsabihan niya ito na wala itong pakialam sa buhay niya. Pero nagulat siya sa ginawa nito kinagabihan. Kumanta ito ng "Awit Ng Barkada" sa tapat ng bahay nila. May dala pa itong cake dahil birthday niya noon. Nakatira pa kasi siya noon sa bahay ng mga magulang niya. Siyempre, na-touch siya sa ginawa ni Gella.
Napagtanto niyang maling tao ang itinataboy niya. Muli niyang pinapasok si Gella sa buhay niya. Nang gabing iyon, nagpunta sila sa videoke bar. They sang their hearts out. Hindi niya akalain na magiging buo uli siya kahit iniwan siya ni Chloe. All thanks to Gella.
"Ngayon, paano ko pa magagawang maging makasarili?" sumusukong tanong ni Kelvin. "If you want to take a chance on Nuel, susuportahan kita, Gella. Best friend kita, eh. Hindi naman kita matitiis." Kung gusto ni Gella na maging masaya, dapat lang na ibigay niya rito ang kaligayahang iyon. Kung tutuusin, kulang iyong kabayaran sa lahat ng ginawa nito para sa kanya.
Bumuntong-hininga siya, saka tinawagan si Nuel. Mabuti na lang at papunta ito sa kanya kaya ilang sandali lang ay nasa opisina na niya ito.
"Yo! Na-miss mo rin ba 'ko?" nakangising tanong ni Nuel sa kanya pagpasok nito sa opisina niya.
Nakasimangot na umupo siya sa gilid ng mesa. "May dine-date ka ba ngayon?"
Umupo ito sa sofa malapit sa mesa, saka pumito. "Gusto mong mag-apply?" pabirong tanong nito.
Ipinaikot niya ang kanyang mga mata. "f**k you! Take Gella out on a date, please."
Nakamaang na tiningnan siya ni Nuel. "Kung magsalita ka, parang pinapa-auction mo ang kaibigan mo. Hindi ka naman ganyan, ah."
Bumuga siya ng hangin, saka marahas na isinuklay ang kamay sa kanyang buhok. "'Buti naman alam mo. Pero gusto ko siyang tulungan. Pare, tatanawin kong isang malaking utang-na-loob 'to. Subukan mo lang lumabas kasama niya. But I'm telling you, don't touch her. You know what I mean."
Nagtaas ng mga kamay si Nuel. "Pare, mataas din ang respesto ko kay Gella dahil bukod sa best friend mo siya, alam kong matino siyang babae. Isa pa, hindi mo na 'ko kailangang pakiusapan na i-date siya dahil nagpunta ako sa 'yo ngayon para magpaalam." Bigla itong sumeryoso. "Interesado ako sa kanya at gusto ko siyang maka-date. Alam mong hindi na lang ako basta naghahanap ng makaka-date ngayon. I'm looking for a wife."
Napaderetso ng tayo si Kelvin at saka lumigid pabalik sa upuan niya para itago kay Nuel ang pagsimangot niya. Bakit ba bigla na lang gustong magpakasal ng dalawang kaibigan niya? "Hindi mo kailangang magpaalam sa 'kin, Nuel."
"Talaga? Pero halatang nagseselos ka."
"Gusto ko lang siyang protektahan," aniya. "Halos fourteen years na kaming magkasama. Kahit mas matanda siya sa 'kin, parang anak pa rin ang turing ko sa kanya."
Tumawa si Nuel. "Anak? Dude, your best friend is hot. Paano mo naisip 'yan?"
Inangilan niya ito. "I'm warning you, Nuel."
Tinawanan lang uli siya nito habang umiiling-iling. "So, hindi ka talaga interesado sa kanya? Ni minsan ba, hindi ka na-attract sa kanya?"
Natigilan si Kelvin. Bakit ba kasi nabanggit-banggit pa iyon ni Nuel? Naisip tuloy niyang tama ito. Minsan, naiisip niyang maaaring mahal na niya si Gella. Pero agad niya iyong binubura sa kanyang isip dahil alam niyang hindi siya ang tipo nitong lalaki. Isa pa, wala sa usapan nilang magko-commit sila sa isa't isa. Maaaring gusto nila ang isa't isa pero hindi iyon pag-ibig. Kontento na siya sa pagkakaibigan nila at kung ano si Gella sa buhay niya.
May mga pagkakataon din na naaakit siya kay Gella. Maganda ito pati ang hubog ng katawan nito. Madalas pa silang magkadikit. At ang bango-bango nito. Biglang nag-iiba ang pakiramdam niya kapag masyadong malapit si Gella sa kanya. He felt damn good and damn hot. Lalo na kapag napapadaiti ang makinis nitong balat sa—
"Argh! I can't believe you're fantasizing about your best friend in broad daylight!" bulalas ni Nuel.
"No, I'm not!"