How It Began

1811 Words
NALAGLAG ang mga panga ni Gella nang makita kung sino ang Poncio Pilato na iyon na walang habas na binabasa ang love letter niya para sa kaklase at long-time crush niyang si Glenn. Sa pagkakatanda niya, pumuslit siya kanina sa locker room ng basketball club kung saan miyembro si Glenn. Pagkatapos ay isinuksok niya ang love letter na iyon sa backpack ng lalaki. Si Glenn dapat ang makakatagpo niya sa likuran ng gym dahil iyon ang lugar na inilagay niya sa sulat. Kaya paanong ibang lalaki ang nasa tagpuan nila at napunta pa rito ang sulat niya? Sino ang epal na 'to? Pinagmasdan niya ito. The boy was tall and handsome, and he had fair skin. Nag-complement sa balat nito ang itim na itim nitong buhok. Maganda rin ang bulto ng katawan nito. Dumako naman ang tingin niya sa mukha nito. Makapal pero maganda ang korte ng mga kilay, singkit ang mga mata, matangos ang ilong, at mapupula ang labi nito. Pero mukha itong nayayamot habang binabasa ang sulat niya. Ang lakas ng loob ng batang 'to! Oo, mas matanda siya rito. Asul ang ID holder ng mga senior high school student na gaya niya, samantalang dilaw ang suot ng mokong. Ibig sabihin, sophomore lang ang tsinito na ito! "Hey, kid! Paano napunta sa 'yo ang love letter na 'yan?" Tinangka niyang agawin ang sulat mula rito pero maliksi itong kumilos. Itinaas pa nito ang sulat at dahil mas matangkad ito sa kanya, hindi niya iyon naabot. "Sa 'yo ba ang sulat na 'to?" nakataas ang isang kilay na tanong nito. "Oo, sa 'kin nga!" "Oh." Tumango-tango ito habang pinapasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay dumako ang tingin nito sa kanyang mukha. "So, you're Gella Centeno." May kung ano sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya ang ikinailang niya. Lagi siyang confident sa kanyang sarili. Pero sa harap nito, pakiramdam niya ay kailangang maganda siya. Ipinilig niya ang kanyang ulo upang mapalis iyon sa kanyang isip. "Paano napunta sa 'yo ang sulat na 'yan?" "Nakita ko 'tong pakalat-kalat sa locker room ng basketball club kanina. Pinulot ko." "Member ka rin ng team?" "Yep, pero bago lang ako." "Bakit mo pinulot ang sulat na 'yan?" "Wala naman kasing nakalagay kung para kanino ang sulat na 'to. At dahil ako ang pinakaguwapo sa team, in-assume ko na para sa 'kin ang sulat na 'to," confident na sabi nito, walang kakurap-kurap na para bang natural lang dito na sabihin iyon. "Give that letter back to me, you arrogant freak!" nanggigigil na sigaw ni Gella at dinamba ito. Marahil ay hindi nito inaasahan ang ginawa niya kaya nawalan ito ng balanse. Natumba ito at napahiga sa damuhan. Umupo siya sa tiyan nito habang pilit na inaagaw ang sulat na ayaw nitong bitiwan. "Ibalik mo sa 'kin 'yan!" "Hey, sss girl! Get off me!" "Ano'ng ginagawa n'yo riyan?" Natigilan siya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Nalingunan niya si Glenn na may hawak na pink na sobre. May kasama itong maganda at maliit na babae. Parehong nakasimangot ang mga ito. "Glenn!" "Claire!" Halos sabay na bulalas nila ng binatilyong tsinito. Humikbi nang malakas ang magandang babae, saka tumakbo palayo. Si Glenn naman ay iiling-iling na binitiwan ang hawak na sobre, saka umalis. Dali-dali siyang tumayo upang habulin si Glenn pero nanghina na siya. Ano ang dapat niyang ipaliwanag dito gayong wala naman silang relasyon? "Argh! Nagkapalit kami ni Glenn ng nakuhang love letter!" reklamo ng tsinitong binatilyo habang binabasa ang sulat na binitiwan ni Glenn kanina. "He got Claire's love letter for me and I got yours, and that's probably why they came over to check if we were here. And they caught us in a very compromising position!" "Gusto ko nang mamatay sa kahihiyan," nanghihinang sabi ni Gella. "Sa tingin ko, nagselos sila." Napalingon siya sa binatilyo. "Selos? Sa tingin mo, nagselos sila? Kung nagseselos sila, ibig sabihin, gusto rin nila tayo?" Bahagyang nanlaki ang mga mata nito. "Tama ka. Kung nagseselos sila, posible ngang gusto rin nila tayo. Bakit hindi natin sila pagselosin pa para mapaamin natin sila?" Napangisi siya. Gumaan agad ang loob niya rito. Inilahad niya ang kamay rito. "Ako nga pala si Gella Centeno, senior." Nakangiting tinanggap nito ang pakikipagkamay niya. "Kelvin Chen, sophomore." They shook hands. And that was how their friendship started. *** NAGULAT si Gella nang may kung anong tumama sa pisngi niya. Nang bumaling siya sa kanan, nakita niyang akmang babatuhin uli siya ni Kelvin ng popcorn. Inunahan na niya ito. Dumukot siya ng popcorn at ibinato iyon dito. Kasalukuyan silang nanonood ng isang boring na Broadway show. Kung hindi sila magbabatuhan ng popcorn ni Kelvin, siguradong makakatulog silang pareho—dahil gaya niya,wala itong hilig manood ng ganoong palabas. Hindi niya alam kung bakit iyon ang napiling panoorin nina Claire at Glenn gayong marami namang magandang pelikula na ipinapalabas ngayon. But she liked Glenn, and Kelvin liked Claire, so they still went out with them. Nagpapanggap silang sweet ni Kelvin sa isa't isa para pagselosin ang mga ito, gaya ng plano. "This is boring," bulong ni Kelvin sa kanya. Tinutop ni Gella ang kanyang bibig nang maghikab siya. "I know, right?" Bahagya pa itong dumikit sa kanya. "They're singing along kahit hindi naman kailangan. And look at the lead actor. He's supposed to be a handsome young man na pinag-aagawan ng dalawang babae. If you were one of those girls, pag-aaksayahan mo ba ng oras ang ganyang pagmumukha?" Napabungisngis siya. Kahit arogante si Kelvin, bagay naman iyon dito dahil guwapo ito. Isa pa, nakakatuwa ang boses nito—malambing na hindi niya maintindihan, pero natatawa siya. "Ewan ko nga ba sa mga babaeng 'yan. Kung kasingguwapo mo sana 'yong mga artista, hindi ako aantukin." Tumawa si Kelvin at siniko siya. "Tumigil ka nga. 'Wag mo na 'kong bolahin. Matagal ko nang alam na guwapo ako. Oh, Gella. Look at that woman, she looks like Miss Tapia." Nagpatuloy sila sa panlalait sa mga Broadway actor para maibsan ang pagkabagot nila. Namalayan na lang niyang tawa siya nang tawa. Ilang beses silang sinaway ng mga kasama nilang nanonood pero lalo lang silang napapabungisngis. Hanggang sa parehong tumikhim sina Claire at Glenn. "Actually, the lead actor who also happens to be a handsome young man is my kuya," naiinis na sabi ni Claire. "And the woman who looks like Miss Tapia is my mother," sabi naman ni Glenn sa malamig na boses. "Oh," sabay na bulalas nila ni Kelvin, at kapwa sila natahimik. Patay na! *** "KAMI na ni Claire." Nabitiwan ni Gella ang hawak na baso ng juice nang marinig ang sinabi ni Glenn habang hawak ang kamay ni Claire. At sa sulok ng kanyang mata ay nakita niyang parang nanigas sa kinauupuan si Kelvin. "We want to thank you dahil kung hindi n'yo kami madalas niyayayang lumabas ni Glenn, hindi namin matutuklasan na marami pala kaming pagkakatulad," kinikilig na dagdag ni Claire. "Pero... paano naman kami ni Gella?" hindi makapaniwalang tanong ni Kelvin. Nagkibit-balikat si Glenn. "Well, you're obviously into each other. Naisip namin na baka kayo talaga ang mas bagay sa isa't isa." Tumawa si Claire. "Good luck to both of you." Naiinis na tumili si Gella nang maalala ang tagpong iyon na nangyari kaninang lunch break sa eskuwelahan. Sa sobrang sama ng loob, hindi na siya pumasok sa nalalabi niyang klase at dumeretso na lang sa maliit na mall na malapit sa eskuwelahan. May videoke club kasi roon na may limang magkakahilerang kuwarto. Para maibsan ang pagkainis, ilalabas na lang niya sa pagkanta ang sama ng loob. Naghulog si Gella ng buong limang piso sa machine, saka nanggigigil na pinindot ang numero ng kakantahin niya. Napatigil siya sa akmang pagkanta nang makarinig ng malakas na boses. Mukhang itinodo ng customer sa kabilang booth ang videoke nito. Hindi naman soundproof ang bawat booth kaya nagkakarinigan sila. "'Can't believe that I'm the fool again! I thought this love would never end! How was I to know?! You never told me!" Napakurap siya habang tinititigan ang lalaking nasa kalagitnaan ng pag-e-emote habang kumakanta nang wala sa tono. Glass panel ang itaas na bahagi ng pader na naghihiwalay sa mga booth kaya nakikita niya ito. "Kelvin?" Lumapit siya sa bintana at kinatok iyon para kunin ang atensiyon ni Kelvin. Nang hindi ito tuminag ay sumigaw siya gamit ang microphone. "Kelvin Chen!" Pumiksi si Kelvin nang marinig ang pangalan nito. Nakakunot-noong lumingon ito sa direksiyon niya. Bahagyang nanlaki ang singkit nitong mga mata nang makita siya. Binitawan nito ang microphone at lumabas ng booth nito at sa booth naman niya pumasok. "Nagbi-videoke ka rin pala rito," hindi makapaniwalang bungad ni Kelvin sa kanya. "Oo. Ito ang madalas kong hide-out kapag masama ang loob ko. Ikaw rin?" Tumango ito. "Oo. Hindi ako makapaniwalang pumalpak ang plano natin. Imbes na magselos sila, sila pa ang nagkatuluyan." Nakasimangot na humalukipkip si Gella. "Kasalanan mo 'to. Kung hindi mo nilait-lait ang mga performer sa Broadway show na 'yon, hindi sana tayo na-bad shot sa kanila." "Well, excuse me for trying to keep you company so you wouldn't fall asleep," sarkastikong sabi nito. Mayamaya ay bumuga ito ng hangin. "'Can't help it. Mas kumportable akong kausap ka." Nagulat siya sa sinseridad na nadama niya sa boses nito. Aaminin niyang natuwa siya sa mga sinabi nito. Nawala tuloy ang sama ng loob niya. "Mas kumportable rin akong kasama ka." Nagkatinginan sila. Hindi niya alam kung sino ang unang ngumiti pero mayamaya ay tumatawa na sila. Parang pareho silang nabunutan ng tinik. Pareho silang brokenhearted, pero dahil magkasama sila, parang nabawasan ang sakit na nadarama nila. Tumikhim si Kelvin. "Well, kung ganyan naman ang lagay, bakit hindi na lang maging tayo?" "Ano?!" Nagkibit-balikat ito. "I like you, and you like me. Tayo na lang habang wala pa 'kong girlfriend." Tumaas ang isang kilay niya. "Excuse me. Hindi kita gano'n kagusto, 'no? At mas bata ka sa 'kin." Tumawa ito. "Alam ko. Hindi rin naman ako sigurado sa 'yo kaya hindi tayo magko-commit sa isa't isa. Hahanapin pa rin naman natin ang mga pangarap nating partner. Pero habang wala pa sila, tayo muna." So, magiging panakip-butas mo 'ko? Nakakatawa pero hindi siya na-offend. Nagustuhan pa nga niya ang ideyang iyon. Napabungisngis si Gella. "Okay. Tutulungan din kitang mahanap ang Miss Right mo pero habang wala pa siya, ako muna. Pero dapat may ground rules tayo. Hindi mo 'ko puwedeng halikan dahil ang gusto ko, si Mr. Right ang first kiss ko." "Don't worry, hindi kita hahalikan kung ayaw mo. Hanggang date, hug, at holding hands lang tayo." Nakangiting inabot ni Kelvin ang microphone na hawak niya. "Kumanta na nga lang tayo." That became the start of their quest to find the right person. Sadly, they always ended up sad and hurt. Then they would find themselves singing in that old videoke club together. And that was how their friendship lasted for fourteen long years.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD