Chapter Two | Si Sam

1244 Words
Chapter Two | Si Sam NAGISING mula sa mahimbing na pagkakatulog ang walang saplot na si Zavira. Inihakbang niya ang paa pababa at hindi na nag-abalang idilat pa ang mga mata. Nagugutom siya at kailangan niyang lamanan ang tiyan. Alam na ng paa niya kung saan liliko at kung saang kanto hihinto. Nang marating ang kusina ay walang salita siyang umupo at unti-unting iminulat ang mata. Malaki ang espasyo ng bahay nila at sa hindi malamang dahilan, hindi niya maipaliwanag kung bakit walang mga kagamitan na ipinupundar ang mga magulang, bukod sa sopa at mesa. Walang tao ang kabahayan. Siguro ay nasa kaniya-kaniyang kuwarto ang mga ito. Mabuti na lamang dahil nakalimutan niyang magsaplot. Gayunpaman, ipinagpatuloy pa rin niya ang pakay, hindi inalintana ang kahubdan ng katawan. Kumuha siya ng cereal at gatas. Iyon ang kinain niya nang walang kagana-gana. Wala siyang ibang mapagpipilian dahil ito lamang ang laman ng refrigerator nila. Pakiramdam niya ay walang oras para sa kaniya ang mga magulang. Palaging nakatuon ang atensyon ng mga ito sa kapatid niyang lalaki. Matapos niyang kumain at banlawan ang pinagkainan ay dumiretso siya sa kuwarto. Sa loob ng kuwarto ay may banyo. Pinagmasdan niya ang sarili sa malaking salamin doon at nayamot lamang sa sariling repleksyon. Ordinaryong mukha ang nakikita niya sa salamin. Hindi niya maisip kung sa paanong paraan niya gagawin upang magustuhan ni Sam. Si Sam ay isang babaeng hinahangaan ng lahat. Maganda, matalino, mabait. Nasa kaniya na ang lahat. Isa lamang siyang dumi o kaya'y saling-pusa para sa mga kaklase, kahit pa sabihing pumapangalawa siya sa dalaga pagdating sa katalinuhan. Subalit, hindi kailanman ito naging dahilan upang magustuhan niya ang babae... ang nakapukaw ng kaniyang interes dito ay dahil sa kakaibang halimuyak na naaamoy niya madalas dito. Hindi iyon dahil sa pabango nito, dahil alam niyang hindi ito gumagamit niyon. Marahil dagdag sa bango na dito ang mga ginagamit nito sa pagligo. Ngunit hindi... Kakaiba ang kaniyang naaamoy at habang iniisip iyon ay nabubuhay ang kakaiba niyang pagnanasa sa dalaga. Naikuyom niya ang kamao at lumanghap ng hangin, habang iniisip na pinapasadahan ng dila ang buong katawan ng dalaga. Dinadama ang makinis nitong balat at nilalanghap ang mabango nitong buhok. Paano kaya kung bigla niyang kagatin ang balat nito? Tinambol ang kaniyang dibdib at muling nabuhay ang kakaibang init ng katawan. Bumalik na lamang siya sa kaniyang kama at pumikit. Gusto niyang magising bukas ng maaga upang kaagad na masilayan ang dalaga. SA BUS. May manaka-nakang bugso pa ng ulan at maya't mayang kidlat. Lahat ng makikita sa daan ay mga taong nakakapote at nakapayong. Malayo pa lamang ay mararamdaman kaagad ang traffic sa kabilang kalye, kung saan daan pauwi sa direksyon na pinanggalingan ni Zavira. Papasok siya ngayon kahit anong mangyari. Nakalapat ang kaliwang pisngi niya sa bintanang salamin, pinapakiramdaman ang lamig at pinapakinggan ang pagbuhos ng ulan. Huminga siya ng malalim... This feels like home. Matapos ang ilang minuto ay sa mismong tarangkahan ng academy huminto ang bus. Tumambad ang tila kastilyong paaralan ng St. Dominique Catholic Academy, kung saan lahat ng nag-aaral ay babae. Unang mapapansin sa malawak na hallway ay ang nagkukumpulang estudyante sa bawat malalaking poste ng eskwelahan. Mayroon silang kaniya-kaniyang pinagkukuwentuhan dahil sa mga tawa na umi-echo sa paligid. Ang uniporme ng eskwelahan ay kulay lupa na palda na saktong lumampas lamang sa tuhod, puting short-sleeved polo sa loob na hapit sa katawan at kulay lupa na ribbon sa collar, panghuli ay ang ipinagmamalaking brown coat ng eskwelahan... Dito nakatahi ang logo, pangalan ng estudyante at ang katungkulan nito sa paaralan. Tuloy-tuloy hanggang sa silid-aralan si Zavira. Nang mamataan ang pakay ng mata ay lihim siyang napangiti. Marahan niyang ibinaba ang mamahaling bag atsaka kinuha ang libro roon bago tuluyang umupo. Gusto niyang pagmasdan ang bawat kilos ng dalaga, subalit noong huling ginawa niya iyon ay tinapunan siya nito ng nahihintakutang titig. Paminsan-minsan na lamang at kapag hindi ito nakatingin sa gawi niya. Wala siyang kaibigan. Hindi dahil sa ayaw niya kundi dahil natatakot ang mga ito na lumapit sa kaniya. Minsa'y nauulinigan niyang pinag-uusapan siya ng mga ito. Sinasabi nila na masyado siyang seryoso sa buhay at madalas ay nakatulala lang kapag tinatanong, kaya hindi na sila nag-abalang kausapin siya, maliban na lamang kung kailangan at tungkol sa klase. Makalipas ang ilang minuto, pumasok ang babaeng guro at ibinagsak nang malakas ang makapal na librong dala nito. "Stand up and lead your morning prayer. Any volunteer?" Agad na bungad nito. Strikta ang guro na ito at relihiyosa. Isa sa mga bagay na ayaw niyang ginagawa ay ang pumunta sa harapan upang manalangin. Para kay Zavira, isang malaking kalokohan ang gawaing ito. Tumayo si Sam, nakangiti itong tumungo sa harapan at masayang inutusan ang mga kaklase na yumuko. "Let us pray..." Nagtuloy-tuloy ang panalangin, ngunit naging pagkakataon ito para kay Zavira upang pasadahan ng tingin ang dalaga. Napakaganda nito. Para sa kaniya'y perpekto ito sa lahat ng kababaihan sa paaralang ito. Mamula-mula ang pisngi nito at maayos ang ginawang pagkakadisenyo sa buhok. Naiinggit siya sa mga magulang nito o sa kung sino man ang nag-aayos dito, nagagawa ng mga itong mahawakan ang balat ng dalaga at malanghap ang kakaibang halimuyak nito. Pumikit siya at sumamyo ng hangin, inisip na malapit lamang ang dalaga at ibinubulong nito sa tainga niya ang sinasambit nito ngayon. Sa kalagitnaan ng imahinasyon ay mayroong ideyang pumasok sa kaniya isipan. Pilya siyang napangiti. Mamayang tanghalian ay sisiguraduhin niyang magkakalapit sila ng dalaga. "... Amen!" Sabay-sabay na nagsiupo ang bawat isa. Nagsimula ang nakakaantok na diskusyon ng guro. Araling panlipunan ang itinuturo nito at wala itong ibang ginawa kundi ang magkuwento ng paulit-ulit na aralin. Pinag-aralan na iyon noong elementarya at hanggang ngayo'y ganoon pa rin. Pakiramdam ni Zavira minsan, walang saysay ang pagpasok sa eskwelahan. Maliban na lamang noong nakilala na niya ang dalaga. Biglang nagkaroon ng saysay ang bawat pagpasok niya't nagkainspirasyon pa siya na lalong pagbutihin ang pag-aaral, maliban na lamang sa dahilang hinahayaan niyang manguna sa klase ang dalaga. LUMIPAS nang napakabagal ang oras. Nanunuyo na ang kaniyang lalamunan kaiisip sa inaabangan niyang eksena sa canteen. Nang tuluyan ngang umapak ang kaniyang paa sa pinto ng naturang gusali, nagbunyi ang kaniyang puso dahil sa kakaibang pagkasabik. Nasa unahan niya ang grupo nina Sam. Tahimik at normal lamang siyang nakipila, sinigurado niyang hindi siya makikitaan ng kahit anong emosyon. May isang beses na napalingon sa kaniya ang dalaga habang maganda ang pagkakangiti. Inilihis din kaagad nito ang paningin, tila ba baliwala siya sa atensyon nito. 'Simula mamaya ay magkakaroon ka na ng pakialam sa akin,' sa isip-isip niya. Matapos ng mga ito kumuha ng makakain at pupunta na sa madalas nitong puwestuhan ay napangiti siya. Hindi makapaghintay ang kaniyang sistema na mangyari ang dapat na maganap, dahil hindi matigil ang pagtambol ng kaniyang puso. Dala-dala ang tray na may pagkain ay nagkunwari siyang naghahanap ng mauupuan. Hindi nakatingin sa daanan at nasulyapan na papalabas na pigura ng dalaga. Kalkulado na niya ang sitwasyon. Madalas na lalabas pang muli ang dalaga upang kumuha ng iinuming tubig at table napkin. Umarte siyang natisod sa paa nito at tinotoo ang pagkabagsak. Hindi biro ang pagsakit ng kaniyang ribs at siko, isama pa ang malagkit na pagkaing tumapon sa kaniyang uniporme at ang tinidor sa tumusok sa kaniyang palad. Nagkagulo ang lugar. May ibang pinagtawanan ang kaniyang katangahan, subalit iba ang naging reaksyon ni Sam. Mabait ang dalaga, alam niya iyon, kaya alam din niyang tutulong ito anuman ang mangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD