"Denny!" Napalingon ako sa kaibigan na kararating lang sa napag usapan naming kitaan. It's been five years. Finally, ngayon lang uli kami nagkita dahil minsan lang naman kami nakakapag video call.
"Grabe! Sa probinsya ka ba talaga tumira o sa ibang bansa? Nakakaganda yung hangin dun ah." Mahigpit na yakap ang sinalubong niya sakin.
Natawa ako sa sinabi niya. Alagang alaga kasi ako ni Tita sa bicol. Nagtataka nga siya bakit ko pa kailangan bumalik.
"Sigurado ako kapag nakita ka ni Nick..." Nagkatitigan kami doon. Sa totoo lang, gusto kong makibalita sa kaniya kung kumusta na siya.
"Anyway, tara na kumain na muna tayo!"
Nagtatawanan kami habang tinatapos ang pagkain. Marami na agad siyang nai-kuwento sa akin, isa na don ay sila na daw ni Mark at handa na itong isiwalat sa media. Masaya ako dahil kahit parehas kami ng naging sitwasyon ay mas masuwerte siya kaysa sa akin.
"Uh... Bianca-"
Bago ko pa masundan ang sinabi ay bumuntong hininga na siya at parang alam na alam na kung ano ang sasabihin ko.
"Alam ko na yan. Maayos ka na ba? Limang taon na nakalipas, naka move on ka na ba Denny?"
Napainom ako doon ng milkshake. Hindi ko alam kung oo ba o hindi, "Gusto ko lang naman malaman kung kumusta na siya."
"He's engage."
Hindi pa. Iyon ang sagot. Hindi pa ako nakaka move on dahil naramdaman kong may kirot pa rin noong narinig ko na ang sinabi ni Bianca.
"Well, good for him!" Pinilit kong ngumiti nang sincere habang tinitingnan ako ng best friend ko na para bang nakakaawa ko kung malalaman niya na nasasaktan pa rin ako.
Siguro tama si tita. T-Torture-in ko lang ang sarili ko sa pag uwi ko dito sa Manila. Nagisip na lang ako ng ibang topic para hindi ko na muna isipin iyon lalo na't kaharap ko si Bianca.
"Punta na lang ako sa bahay mo sa sat! Pahinga ka na muna ah."
Nagyakapan pa muna kami bago magpaalam sa isa't isa. Nang makaalis si Bianca ay parang naestatwa ako ng makita si Nick. Malalim ang titig niya sa'kin at kahit mata lang ang nakikita sa kaniya ay alam kong siya yon. Pakiramdam ko'y marami na ang nag bago sa kaniya.
Handa na akong umatras nang nakita ko siyang papalapit sa akin. Muntik na akong mapasigaw nang hinila niya ako palabas. Mukhang nagtatago siya sa fans niya at media kaya tagong tago siya. Imbis na magsalita ay tinikom ko na lang ang bibig ko at yumuko para hindi namin makuha ang atensyon ng mga tao.
Napansin ko ang singsing sa kamay niya, naalala ko ang binigay niya sakin na promise ring noon. Naka tago pa rin yon pero ngayon, engagement ring na ang suot niya at iba na ang babaeng isasama niya sa altar para magbigayan ng mga pangako pang habang buhay.
Nang bitawan niya ako ay isang buntong hininga agad ang ginawa niya.
"Bakit bumalik ka pa?"
"H-Ha?"
Pakiramdam ko'y sinasaksak ako sa dibdib sa tanong niya. Simpleng tanong lang naman iyon pero ang lakas ng epekto sa akin at pakiramdam ko'y ayaw niya na akong makita pa.
"Diba't tinalikuran mo na kaming lahat? Bakit ngayon ka pa bumalik?"
Hindi ko rin alam, bakit pa nga ba?
"N-Nag bakasyon lang. Huwag ka mag alala hindi naman kita guguluhin. Ito na yung huling beses mo akong makikita." Mapait na ngiti ang pinakita ko sa kaniya. Nangangatog ang mga tuhod ko. Alam ko naman wala na akong babalikan, hindi naman ako umasa.
Iniwas ko ang tingin ko sa kaniya. May iilang tumitingin kaya tumikhim ako. Kung kanina'y marami akong gustong malaman, ngayon ayoko na lang makialam sa kung ano man ang nangyayari sa buhay niya ngayon. Halata naman na hindi siya natutuwa na nandito ako ngayon.
Nagsimula na akong maglakad, "Denny." Napapikit ako sa pagtawag niya sa'kin pero hindi ko siya nilingon, huminto lang ako para mapakinggan kung ano ang sasabihin niya.
"Welcome back."
Mabilis akong lumayo doon at pumara ng taxi. Siguro'y babalik na lang ako sa probinsya matapos ang dalawang linggo. Sasamahan ko lang si Bianca habang kinakaharap ng nobyo niya ang media. Tama nga si Tita mas maayos kung hindi na lang ako bumalik pa.